Biyernes, Disyembre 17, 2021

Covid Journey 2021

August 26

Nasaan na naman kaya ang hindot kong kapatid (older) na gala at manginginom?

Kinagabihan ng Sabado, August 21, pag-uwi niya galing galaan nilagnat ang gago. Kinabukasan may nagyaya sa kaniya mag-inom. Hindi daw siya iinom pero tatambay lang. Gago ka ba? Mr. Friendship ka teh? Stress Drilon. Hindi makatanggi sa inuman kahit ilang beses nang napagsabihan. Gawain ba iyon ng matinong tao sa panahon ngayon? 

Gabi ng Martes, August 24, inapoy ako ng lagnat. Paulit-ulit na nagigising sa ulo na parang binibiyak sa sakit. Gumanda naman ang pakiramdam ko kinabukasan pero ang tatay ko naman ang nilalagnat at inuubo hanggang sa ngayon. Bakunado siya ng Jansen. Habang ako ay mabigat pa rin ang pakiramdam, nanunuyo ang lalamunan na may namumuong sigalot.

Hindi ko deserve ito. Sa loob ng walong buwan, dalawang beses lang akong lumabas. Pero kahit hindi ako maglalabas, kung iresponsable at pabaya ang kasama sa bahay, wala rin. Baka gusto niyo ng kapatid, sa inyo na ito. Issues: walang ambag, perwisyo pa. Himala na lang yata talaga ni Mira at Joy ang makakapagpabago sa taong ito. Baka pati ang huwad na si Deborah patulan ko na para lang tumino ang hayop na ito. #HuwagKangMangamba

Dalawang gabi na akong hindi nakakatulog nang maayos o hindi ko alam kung nakakatulog ba talaga ako. Kapag talaga ako nategi ng virgin, jusko! Hindi mananahimik ang kaluluwa ko. Charot.


September 2

Paulit-ulit na lagnat tuwing gabi. Pananakit ng ulo. Pagsusuka. Pagtatae. Sampung beses na pagtatae sa isang gabi. Lahat nalampasan ko. Pero hanggang ngayon, inuubo pa rin ako, walang ganang kumain at dehydrated. 

Sobrang sakit ng puso ko kapag humihinga ako ng malalim. Parang namamaga. Parang may butas ang puso sa sobrang sakit. Ilang gabi rin akong hindi makatulog. Kapag tumatayo ako ng sandali, para akong aatakihin. Para akong mahihimatay dahil sa sobrang sakit ng dibdib ko. Pagud na pagod na akong huminga. Pagud na akong umubo. Sobrang sakit.

Oo. Lumabas na ang resulta kanina. Nagpositibo ako sa Covid-19 at bukas ako nakatakdang ipadala sa isolation facility. August 26 nang nagpaschedule ako ng swab test sa center pero August 31 na ako naswab test at ngayong September 2 lumabas ang resulta. Pinilit ko pa ang sarili na maglaba dahil malibag lahat ng mga kasuotan ko. Tapos wala pa palang sabon. Punyeta. Kada sampay ko ng isang damit, inaatake na agad ang puso ko. Ang hirap. Kapag umuubo nang may plema, sobrang sakit din sa puso na kailangan kong humiga agad para maghabol ng hininga. Kada isang galaw, ang hirap. 

Iwasan niyo munang makisalamuha sa pamilyang ito. Nakaschedule silang iswab sa susunod na linggo ayon sa center.

Ps.

Nagsteam ako. Uminom ng salabat at vitamin C. Nagmumog nang may asin.


September 3

Sinundo ako ng ambulansya ng center para dalahin sa isolation facility. Binigyan agad ako ng oxygen. Sinukat ang blood pressure at oxygen level kung saan lumabas na nasa 75 lang ang oxygen level ko. Ang normal na oxygen level ay nasa 90 pataas. Sinabi ng nurse na kailangan ko nang dalahin sa ospital. Sila ang tumawag at naghanap ng mga ospital hanggang sa nadala ako sa ospital sa Trece Martires Cavite kung saan mayroon akong kamag-anak na nurse. 



September 5

Kada pasok ng nars, alam ko na ang ibig sabihin. May magsusukat ng vital signs, may magpapainom ng gamot at isang laging may dala-dalang mga panurok. Hindi ko na mabilang kung ilang karayom ang natanggap ko. May turok para sa gamot pero mas madalas ay sa pagkuha ng dugo. May sakto sa sakit pero may ibang malalim ang sakit. Napansin ko rin na may dugo ang plema ko noong isang gabi. Kaya siguro maraming test na kailangan pang gawin dahil nakatanggap din ako ilang injection para sa dugo na ang sakit tumurok. 

Tatlong beses akong nag-ECG. 

Nag-xray din. 

Pumirma muna ng consent form para sa Remdesivir na nakadextrose. Tapos noong naubos, may iba namang antibiotic pa na ipinalit. 

Sa ngayon, masakit pa rin ang dibdib ko sa bawat malalim na paghinga, kapag inuubo at kapag biglang kumikilos. Sa bote na nga lang ako umiihi para maiwasan lang na manakit ang dibdib.




September 7

Sa ngayon, nakakabit pa sa akin ang oxygen pero pwede na sigurong ipaubos na lang. Subukan ko na wala nang oxygen. May nakakabit pa rin na dextrose kapag maglalagay ng Remdesivir at antibiotic. Araw-araw pa rin akong tinuturukan para sa gamot at pagkuha ng dugo.

Lumuluwag na ang paghinga ko. Hindi na ako hinahapo. Nakakatayo na papunta at pabalik ng cr nang walang hingal. Kapag humihinga ng malalim, medyo maluwag na rin. 

Wala na akong plema. Inuubo pa rin pero laway na lang yata ang nailalabas ko. Hindi na nasakit ang dibdib ko kapag biglang napapaubo. Pero dahan-dahan pa rin ako sa paghinga. 

May gana na akong kumain. Dito lang ako sa ospital nagkagana. Sa bahay, isang linggong halos di ako nakakakain kaya sobrang namayat. Ngayon, ganado na ako. Hirap pa ring matulog pero nakakaidlip naman.



September 9

Isang kama. Dalawang kwento ng pakikipaglaban sa buhay. 

Sa apat na sulok ng kwarto, may tatlong higaan. Ako ang pinakahuling dumating. Sa tapat ko ay si Tatang na nakalaya na noong isang araw. Kitang-kita ko ang tuwa at pananabik nitong makauwi gayundin ang mabait nitong apong matiyagang nangalaga at nagbantay sa kabila ng banta ng posibleng pagkahawa. Malakas na si Tatang. Nakakatayo. Kaya naman kinailangan na nitong lumaya para makauwi. 

Sa anim na gabi ko sa hospital na hindi dinadalaw nang antok, itong gabi ang pinakamahirap. May pumalit sa pwesto ni Tatang kinagabihan kasama ang anak nitong mag-aalaga. Nang nakita ko ito, hiniling ko na nawa'y madugtungan ang buhay niya. Maganda at batak ang pangangatawan at alam kong lalaban siya. Dinig ko sa magdamag ang naging hirap ng pagdedesisyon ng anak para sa magulang. Nandoon na ang kagustuhang sumuko pero naging tama ang pagbabakasakali na sumubok pa, na baka kaya pa, na baka lalaban pa. Pero kahit anong laban natin, kung babawiin na talaga sa atin ang buhay na ipinahiram, wala na tayong magagawa pa.

Tahimik lang akong nakahiga. Pinipilit pa ring magpadalaw sa antok habang naririnig ko ang pangungulila ng anak sa kayayao lamang nito na magulang. Mula sa pamamaalam hanggang sa tuluyan nang ilipat si Tatang. 

Ngayong araw na rin makakalaya ang pasyente sa kaliwang bahagi ko na tumagal din ng halos dalawang linggo.

Habang ako naman ay patuloy pa ring nakakatangggap ng turok para sa gamot at pagtest ng dugo katulad na lamang ngayong umaga. Nasanay na ako sa almusal at hapunan na karayom. Hinahanap-hanap ko na nga.

(Kasama ko ang dalawa kong kapatid na babae. Nandoon lang sila sa labas para sa pagbili ng mga pangangailangan sa halos pitong araw. Doon na rin sila natutulog sa waiting area.)


September 10

Noong nagtatrabaho pa ako, palagi akong nagpapasama kay tropa sa UST para makapagpatest ng dugo para sa liver problem ko gamit ang health card ng kumpanya kung saan malaki ang natipid ko. Nasa mahigit isang libo at lima rin ang bawat test kung walang gamit na card. Iyan ang dahilan kung bakit hindi niyo ako mayayaya sa inuman dahil pinoproktekhan ko ang atay ko mula pa noong 2016.

Nagpapasama ako dahil sobra na akong natakot sa bawat pagturok ng karayom na halos namumutla, nanginginig at nanlalamig ako. Kaya kapag tinatanong ni tropa kung kailan ulit ako magpapatest, umiiwas ako sa usapan. Lalo na kapag natyeyempo pang APE. May turok ka na sa APE, may iba pa akong sideline na turok.

Ngayon, kung bibilangin ko ang lahat ng karayom na pumasok sa katawan ko at papasok pa, hindi ko na mabilang. Hindi ko na rin maalala ang sakit. Kung gaano kababaw o kalalim o kung paano nito ginalugad o tumambay sa ugat ko. Iyong iidlip ako tapos may nars na pala sa tabi ko para kumuha ulit ng dugo. Idlip ulit tapos may nars ulit para naman sa pagturok ng gamot ngayon lang alas kwatro ng madaling araw na siya namang ikinagulat ko dahil bukod sa buong araw ay madalas ay hatinggabi na ulit ang huling magiging turok ko. 

Nawa'y maipasa ko na ang lahat ng mga test na kinakailangan ni Dok. Kaunting kembot na lang ito.


September 12

Pagpasok pa lang ng pandemya, isinisigaw na natin na unahin ng gobyernong ito ang health care system ng bansa dahil sobrang nakakabahala at nakakatakot kung babagsak ito. Pero hanggang sa ngayon, nanatiling inutil ang gobyerno. Paulit-ulit na lang tayong makakaramdam ng panghihinayang sa mga budget na inilaan sa mga proyektong hindi naman dapat unahin sa panahon ng pandemya. Kung inilaan ang mga budget na ito para sa pagbili ng mga gamot, mass testing, mas maraming bakuna at pagbibigay ng kumpleto at nararapat na benepisyo para sa mga health care workers, mas mainam. Mas kapakipakinabang.

Kung mapapakinggan lang nila ang iba't-ibang kwento ng pakikipaglaban ng mga pasyente sa ospital, baka matauhan sila at magawa namang maisapuso ng mga nasa katungkulan ang pagbibigay ng importansya sa pagbili ng mas maraming gamot. Itong mga gamot na ito ang nagbibigay ng kumpyansa sa mga pasyente na mamaya o bukas ay magiging maayos din ang aming pakiramdam, ang paghinga at ang pangangatawan. 

Bukod dito, may problema pa rin sa mass testing. Lahat ba ay nabibigyan na ng pagkakataon na makapagpatest o pili pa rin dahil ang mga may sintomas pa rin ang hinahayaang sumailalim sa test? May swab test kaya ulit kapag natapos na ang panibagong quarantine period sa isolation facility matapos maiuwi ang pasyente mula sa ospital o uuwi na lang sa bahay dahil wala naman nang sintomas at nakapagkumpleto na ng quarantine period? Bakit kailangang magtipid sa testing? Hindi ba maaari na bago makauwi ng bahay ay may pinanghahawakan tayong kasiguraduhan sa sarili natin na maayos na talaga tayo?

Pinakamahalaga, ibigay ang mga pangangailangan at mga benepisyo ng mga health care workers na siyang nagsisilbing mga bayani sa gitna ng pandemyang ito. Sila ang may kakayahang magligtas ng mga pasyente. Sila ang  pinakanakakaranas ng hirap sa panahong ito. Napakahirap nang magtrabaho pero mas naging mahirap dahil sa kawalan ng suporta ng gobyernong ito. Kinailangan pang umabot sa protesta. Nakakapanlumo.

Huwag tayong makakalimot sa mga kabayanihang ginagawa at isinasakripisyo ng mga health care workers. Palagi tayong magbigay ng paggalang, respeto at paghanga dahil isa sa kanila ang nagligtas ng mga buhay ng mga taong mahal natin o mismong tayo. Pagsaludo para sa inyong lahat.


September 14

Umabot sa P134K ang hospital bills ko para sa labing dalawang araw ko rito sa ospital kasama na ang hospital charges at professional fee pero umabot din pala ako sa Moderate Pneumonia kung saan pwede kong maclaim ang P143,267 ng Philhealth para wala ng bayaran.


... 

Ang pagkakaroon ng bakanteng higaan sa ospital ay isang malaking kaginhawaan para sa mga susunod na pasyente na matiyagang nakapila at naghihintay na mabigyan ng bakanteng mahihigaan sa isang kwarto. Kaya kapag may gumagaling na kailangan nang umuwi o kapag may binabawian ng buhay, may pumapalit agad sa nabakanteng higaan katulad nitong kasama ko na nagtiis muna siyang magpahinga sa wheelchair bago mabigyan ng higaan. 

Matapos ang labing dalawang araw na pananatili sa ospital hanggang sa araw na ito, lilisanin ko na

at iiwan na ang higaang nagbigay sa akin ng kumportableng kaginhawaan para sa panibago nitong kwento. Panibagong buhay. Panibagong mga pahina at pagsubok. 

Maaari na akong umuwi hindi sa bahay kundi sa isang lugar kung saan ay magkakaroon naman ako ng sampung araw na quarantine period para malaman kung may magbabago o tuluyan nang giginhawa ang kabuuan ng pangangatawan. 

🙏🙏🙏

Maraming Salamat sa lahat ng mga nagsama sa akin sa inyong mga dasal at Maraming Salamat sa lahat ng mga nagpaabot ng mga mensahe para sa tuluy-tuloy at mabilisan kong paggaling. Higit sa lahat, maraming salamat sa Diyos para sa agarang paggaling. 

🙏🙏🙏

Maraming salamat din sa dalawa kong kapatid na sinamahan ako sa loob ng labing dalawang araw na pagkakaratay. Sila ang namahala sa lahat ng mga pangangailangan ko mula sa pagbili ng mga pagkain, kagamitan, pag-ayos ng mga papeles at iba pa. Matiyagang nagtiis na matulog sa mga bakanteng upuan sa waiting room. Matiyagang gumigising nang maaga para mabilhan ako ng karagdagang pagkain dahil lagi akong nabibitin sa pagkaing inirarasyon sa amin. 

Muli, Maraming Salamat Po ❤️.

~The Bitch is Now Going Home~



"Unfinished Business" 

Nang dumating si Tatang na pasyente sa kwarto ng ospital kung saan din ako nakaratay ay agad itong lumapit sa akin hawak ang isang papel na naglalaman ng numero ng asawa niya. Sa kabilang kamay naman ay may hawak itong isang daang piso na binubuo ng limang bente na iniaabot sa akin para lang matawagan ang asawa nito. May dalang selpon si Tatang pero ang problema na saka ko lang naunawaan ay hindi pala siya marunong gumamit nito. Sinabi ko sa kaniya na loloadan ko siya dahil umiiwas kami na magkaroon ng pisikal na kontak sa isa't-isa pero hindi niya alam kung paano tumawag lalo't hindi niya alam kung saan ba nakikita ang listahan ng mga kontak. Tanging ang numero lang ng asawa niya sa papel ang pinanghahawakan nito. Kaya ako na lang ang nagload nang pantawag. 

Ang gusto lang ni Tatang ay matawagan siya sa araw-araw ng asawa at pamangkin niya lalo na sa bawat umaga na kinasanayan niyang nakakatanggap siya palagi ng mga tawag. Bawat umaga o bawat araw ay nakikiusap sa akin si Tatang  para itext lagi ang asawa nito na tawagan siya para mangamusta. Walang kailangan si Tatang. Wala siya masyadong pinapabili pero ang gusto niya lang ay matawagan siya palagi.

Ang problema, sa tuwing tinatawagan ko ang asawa nito, mahina ang boses. Hindi ko marinig. Bigla na lang mapuputol. Ganoon din kapag tumatawag kay Tatang. Madalas ako na ang tumatawag tapos bubuksan ko ang speaker ng selpon ko para marinig ni Tatang sa pwesto niya pero mahina pa rin. Doon ko napagtanto na may problema ang signal sa loob ng kwarto. Sinubukan kong tawagan ang selpon ni Tatang pero nasa isa o dalawang beses niya lang natanggap ang tawag ko sa kabuaan ng mahigit sampung tawag. Ganoon din sa akin, may tumatawag pero hindi ko masagot. Hindi kumukunekta. Hindi ko makausap.

Ngayon, naalala ko siya. Paniguradong ikinalungkot niya ang pag-alis ko kanina dahil madalas ay sa akin siya nakikisuyo para itext ang asawa niya. Tinetext ko kahit na alam kong hindi papasok ang tawag. Sinasabi ko na tinext ko na para lang mapagaan ang damdamin ni Tatang. Kaya minsan ako na lang ang tinatawagan para makapag-usap sila pero napuputol pa rin.

Bago ako umalis, binigyan si Tatang ng mga gamot na bibilhin. Maaari na yata siyang umuwi para sa home quarantine. Kaso paano iyon malalaman ng pamilya niya e wala na siyang pinakikisuyuang makitext.

Ngayong gabi, tinawagan ko ulit si Tatang ng ilang beses hanggang sa maging malinaw ang signal at boses nito. Kinumpirma nito na pwede na siyang maghome quarantine bukas. Tinawagan ko naman sa kabilang linya ang asawa nito. Pinaalalahanan na asikasuhin ang mga papeles at ambulansyang susundo kay Tatang. Nagkalinawan naman kaming lahat. Himala at naging maayos ang signal sa puntong ito. May mga kulang pa yatang papeles si Tatang pero sinabihan ko ang asawa nito na makipag-usap bukas o magpapunta ng pwedeng makipag-usap sa ospital para malaman ang lahat ng detalye nang sa gayon ay maiuwi na nila si Tatang.

September 15: Day 1 of 14 ng quarantine period.

September 28: Day 14 of quarantine period

September 29: Araw ng pag-uwi sa bahay. 

Walang komento: