Ako si Dekz. Edad bente-nuwebe. Wala pang asawa pero gusto nang magkaanak. Pagkatapos kong magresign sa huli kong trabaho, bumili ako ng condo sa Makati nang sa gayon ay may mauuwian ako sa tuwing galing ako sa paglalakbay. Malayo kasi kung pipilitin ko na sa probinsya pa uuwi pagkatapos ng bawat gala. Bukod sa matagal na biyahe na inaabot ng tatlo hanggang apat na oras, iisipin ko pa kung may maaabutan akong masasakyan. Oo, wala pa akong sasakyan. Pinag-iisipan ko pa kung bibili ba ako o hindi. Bukod kasi sa takot akong magmaneho, hindi ko rin hilig na na magmaneho. Hindi pa naman ako marunong pero hindi ko naiisip na magmaneho. Sanay kasi ako na nag-eemote lang sa biyahe habang nakikinig ng musika. Masarap makinig ng musika sa biyahe lalo na kapag umuulan. Iyong kahit wala akong pinagdaraanan, mamalayan ko na lang na tumutulo na pala ang luha ko dahil sa emosyon ng mga kantang pinapakinggan ko. Bukod dito, pwede ring matulog kung sakaling dapuan ng antok. Gusto ko rin na ninanamnam ng mga mata ko ang bawat lugar at mga tao na nadaraanan. Dito ko kasi naiisip na napakalawak talaga ng mundo.
Pinili kong manirahan sa syudad kasi naisip ko na maging full time content creator. Gusto kong magtravel nang magtravel hanggang sa malibot ko ang buong Pilipinas. Magsisilbing uwian ko lang talaga ang nabiling condo sa tuwing galing ako sa paglalakbay. Kapag naman walang gala, madalas ay nandito ako sa amin sa dulong bahagi ng Cavite.
Isang araw, habang naglalakad papasok ng condo na may dala-dalang mga pinamiling pagkain ay nagulat ako sa nakita ko. Sa malayo pa lang, tanaw ko na kilala ko itong makakasalubong ko.
"Dekz!!! Putanginamo... Bakit nandito ka?" Gulat na gulat niyang tanong.
"Tangina mo rin! Oras ng trabaho, nandito ka? May babae ka riyan no???" Pabiro kong sagot.
Nagkamurahan kami sa sobrang tuwa. Nangibabaw ang malakas na hagalpak na hindi na naman naisip na may mga nakatira pa nga pala sa katabing unit. Halos anim na buwan mula nang hindi kami magkita. Tinanong ko kung bakit siya nandito. Napansin ko na nakasuot pa siya ng uniporme. Nakipagmeeting pala siya sa admin at may-ari ng gusali bilang isang kontraktor. Pinatuloy ko muna siya nang sa gayon ay makapagkuwentuhan kami ng mas mahaba. Tamang-tama naman na may dala rin akong mapagsasaluhang pizza para sa hindi inaasahan na bisitang ito.
Pagpasok na pagpasok, nakita ko ang pagkamangha niya sa ganda ng disenyo ng bahay. Agad niyang tiningnan ang itsura ng cr, kwarto at sabik na binuksan ang pridyider sabay kuha ng maiinom.
"Oh? Angal ka?" Maangas na nakagiti niyang wika. Sanay na sanay na kami sa isa't-isa. Kumportable, walang hiyaan at halos kapatid na ang turingan.
"Tangina mo pre, may xbox ka palang hayup ka!" Malakas niyang sambit sabay upo habang nakangiti na parang bata.
"Pre, dito na lang kaya ako tumira?" Napalitan ng lungkot ang mukha niya na kaninang nakangiti. Wala kasi siyang kilala sa mga kasama niya sa tinutuluyang bahay. Nalulungkot siya na pagkauwi niya galing trabaho ay wala siyang makausap o makakuwentuhan man lang. May sariling mundo raw ang mga kasama niya. Bihira umimik. Madalas ay nakatutok lang sa selpon. Naiintindihan ko naman siya dahil ganoon din ang mga nakasama ko sa palipat-lipat ko nang matitirahan noong nasa trabaho pa ako. Nararamdaman ko naman sa isang tao kung gustong makipag-usap o makipagkaibigan pero kung hindi, naiintindihan ko. Kaya madalas noon, wala ring imikan. Nabubuhay ang lahat sa virtual world.
"Pwede naman. Sabi ko na nga ba at miss na miss mo na ako e." Pabiro kong sagot.
"Sabihin mo muna, 'miss na kita bes Dekz.'"
"Miss na kita bes Dekz. Hahahaha." Sagot niya na halatang tawang-tawa sa kagaguhan naming dalawa.
Matapos ang araw na iyon ay nagpaalam na siya sa may-ari ng tinutuluyan niya na aalis na siya kahit na may natitira pa siyang isang buwan na pwedeng pamamalagi. Masaya naman ako na may makakasama na ako sa bahay. Paminsan-minsan lang din ako umuuwi rito dahil nga mag-isa lang ako. Sa ngayon, may makakausap na ako sa araw-araw. Magkakabuhay na ang bahay. Natitiyak ko na madalas na ako rito. Pag naman wala ako, nandyan siya para tumao sa bahay.
Makalipas ang tatlong buwan, nagpaalam sa akin si Migo na kung maaari ay manuluyan rito ang pinsan niyang si Cyd. Kailangan ng pinsan niya nang matutuluyan sa syudad para makapagrebyu para sa darating na board exam. Nagtapos si Migo bilang summa cum laude sa isa sa pinakamagandang unibersidad sa kanilang probinsya. Sa katunayan, libre rin siyang nakapag-aral sa kursong Mechanical Engineer dahil naipasa nito ang pagsusulit para sa scholarship. Nagtapos din siya ng valedictorian noong ito ay nasa elementarya at hayskul.
Dinala ni Migo si Cyd sa syudad para maipakilala sa akin at para makapaghanda sa paglipat sa bahay. Tanaw ko pa lang sa malayo ay parang may kakaiba ako na naramdaman. Hindi ko maipaliwanag. Hindi ko rin maintindihan. Napakagaan ng loob ko sa batang ito. Nang tiningnan ko siya sa mata, nabasa ko na kung anong klaseng bata siya. Halata na mabait, masipag, malambing, mapagmahal at napakabuting anak. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko pero para bang matagal na kaming magkakilala.
Iginala namin si Cyd sa mall dahil ngayon lang siya nakarating dito sa tinutuluyan namin. Isang beses naman ay nakapag Maynila siya nang kinailangang mag-enroll sa review center. Bihira siyang maglakbay sa syudad dahil bukod sa malayo ay wala rin naman siyang kamag-anak dito. Habang naglalakad, mababakas sa mukha ni Cyd ang saya at pananabik. Namamangha sa bawat nakikita. Parang bata na ngayon lang ulit pinayagang lumabas ng bahay. Habang kumakain, hinayaan ko na magkwento si Cyd.
"Panganay po ako sa aming limang magkakapatid. Hindi ko nga po inasahan noon na makakapagkolehiyo ako. Mabuti na lang po talaga at nakakuha ako noon ng scholarship. Pangarap ko po talagang maging isang inhinyero katulad po ni Kuya Migo. Kaya po sobra po akong nagsusumikap at nag-aaral para po kapag nagkaroon na ako ng trabaho ay patitigilan ko na po sila Mama at Papa sa pagtatrabaho."
Habang nagkukuwento si Cyd, kitang-kita sa mga mata nito na punung-puno siya ng pangarap. Nakikita ko ang sarili ko sa kaniya noon. Kung paano ako kumapit sa mga pangarap ko at kung paano ako naniwala noon na balang araw ay maaabot ko rin ang lahat.
Sa totoo lang, habang nagkukuwento siya ay pakiramdam ko na ako ang ama niya at siya naman ay anak ko. Ito pa lang iyong naramdaman ko nang una ko siyang makita. Lukso ng dugo.
Nang magsimulang manirahan si Cyd sa bahay, nakita ko kung gaano siya kasipag at kapursigido sa pag-aaral. Hindi niya na talaga binibitawan ang hawak niyang libro at calculator.
"Oh. Nagmerienda ka na ba?" Tanong ko.
"Hindi pa po Kuya Dekz." Sagot niya nang nakangiti.
"Ikaw talagang bata ka, huwag na huwag kang magpapalipas ng gutom. Kumain ka palagi dahil mahirap magutom habang nagrerebyu."
"Sigo po kuya. Tapusin ko na lang po itong huli kong sinosolb."
"Ang sipag mo talaga. Tiwala naman ako na maipapasa mo iyang board exam. Ikaw pa ba?"
Ipinaghanda ko ng makakain si Cyd. Binilhan ko rin siya ng bitamina na makakatulong para maging malakas ang pangangatawan niya. Mula nang nakasama ko siya sa bahay, sinisigurado ko na hindi niya nalilimutan na kumain, uminom ng bitamina at sinisigurado ko rin na walang mga bagay na pwedeng makaapekto sa pag-aaral niya. Ayaw ko siyang magutom. Ayaw ko rin na makikita ko siyang malungkot lalo na't mababaw ang luha ng batang ito.
Isang umaga, nakita ko siya sa balkonahe na nakatulala. Malalim ang iniisip. Ito ang unang beses na nakita ko siyang ganoon.
"Oh Cyd, halika at mag-almusal na tayo." Anyaya ko. Nakatatlong tawag ako bago siya bumalik sa ulirat.
"Sige po kuya." Malungkot nitong tugon.
Habang kumakain ay nagbukas ako ng peysbuk. Nagulat ako sa nakita ko sa notification.
"Kaarawan mo pala ngayon Cyd, hindi mo sinasabi." Gulat na gulat kong tanong.
"Opo kuya. Pero ok lang po. Sanay naman po ako na ordinaryong araw na lang din ang kaarawan ko." Malungkot niya pa rin na tugon.
"Ano ka ba? Ako ang bahala sa iyo. Mamayang tanghali, lumabas tayong tatlo nila Migo. Kumain tayo sa labas."
"Po? Nahihiya po ako e. Ok lang po talaga kuya."
"Kapag hindi ka sumama, hihilahin kita palabas. Minsan lang tayo mabuhay, piliin natin lagi ang maging masaya."
Wala nang nagawa si Cyd kundi ang sumang-ayon. Dinala ko siya sa sikat na buffet restaurant pero bago kami tumuloy ay ibinili namin siya ni Migo ng tsokolate na keyk. Halos mangiyak-ngiyak si Cyd nang makita niya ang keyk.
"Kuya, hindi ko po maalala kung kailan po ako nagkaroon ulit ng keyk sa kaarawan ko." Maluha-luha nitong kwento.
Ang sarap sa pakiramdam na nakikita ko siyang masaya. Para talaga akong isang magulang na ibinibigay ang kayang ibigay para sa anak. Mababaw ang luha ni Cyd kaya madalas ay naluluha na rin kami ni Migo. Luha ng kaligayahan. Masaya kami na nagawa naming ispesyal ang mahalagang araw ni Cyd. Matapos ang pagkain, dinala ko si Cyd sa bilihan ng sapatos.
"Cyd, anong gusto mong brand ng sapatos?"
"Po? Huwag na po kuya. Okay pa naman po ang sapatos ko. Saka sobra-sobra na po itong selebrasyon po natin. Tapos binilhan niyo pa po ako ng keyk." Masaya nitong tugon.
Dinala ko pa rin siya sa bilihan ng sapatos. Minsan kasi, nababad sa baha ang mga sapatos niya habang pauwi galing sa pinagrerebyuhan. Mabuti na iyong may isa pa siyang sapatos para may pamalit kung sakaling malubog ulit sa baha.
Habang nagsusukat ng sapatos ay nangingilid na naman ng luha ang mga mata ni Cyd. Ramdam namin ni Migo ang sobrang saya niya. Kitang-kita ito sa bilugan niyang mga mata.
"Maraming salamat po talaga kuya Dekz at kuya Migo. Sobrang saya ko po talaga ngayon." Paulit-ulit na pasasalamat ni Cyd.
Ikinuwento ni Cyd sa mga magulang niya kung paano niya ipinagdiwang ang kaarawan niya. Masaya naman ang mga magulang niya dahil nakasisiguro sila na nasa maayos at ligtas na kalagayan ang anak. Natatakot daw kasi ang mga magulang niya sa paglalakbay nito sa kamaynilaan. Mabuti na lang at napag-alaman na nandito rin sa syudad ang pinsan nitong si Migo nang sa gayon ay may titingin at susubaybay sa anak. Ramdam na ramdam ko ang pagmamahal ng mga magulang ni Cyd sa anak. Sabi ko nga, kung magkakaroon ako ng anak, gusto ko na maging katulad niya ito. Napakaswerte ng mga magulang niya na nagkaroon sila ng anak na sobrang responsable at mapagmahal. Nakikita ko talaga ang sarili ko sa kaniya. Iyong tipo ng tao na nangangarap hindi lang para sa sarili kundi para na rin sa pamilya.
"Kuya, papadalhan daw kayo ni Mama ng kakanin. Pasasalamat daw po." Nakangiting wika ni Cyd habang ipinapakita sa akin ang litrato ng mga kakanin.
"Grabe, ang sarap naman niyan. Sige kamo, gusto ko niyan." Nasasabik kong sagot habang naglalaway sa mga kakanin. Nagtitinda ang nanay ni Cyd ng mga kakanin at iba pa sa labas ng simbahan tuwing linggo. Ito raw ang pinakamagaling na gumawa ng kakanin sa kanila kaya naman palaging nakakaubos ng paninda.
"Surprise madafakaz." Bungad ko sa kanila pagbukas na pagbukas ko ng pinto.
"May dala akong pizza. Kain na tayo." Ganito lagi ang eksena sa bahay. Sinisigurado ko na masaya lang palagi. Higit sa lahat, palagi kaming busog.
"Dekz, iyang anak mo, nakalimutan nang magmerienda." Sumbong ni Migo.
"Hayst, ano ka ba naman Cyd. Hindi ba sabi ko sa iyo na huwag na huwag kang magpapalipas ng gutom."
"Opo kuya. Kaso ginanahan lang po talaga akong magsolb nang magsolb. Hindi ko po kasi tinigilan hangga't hindi ko nakukuha ang tamang sagot."
"Ikaw talaga, napakasipag mo talaga. Kung ako proud na proud sa iyo, paniguradong na sobrang proud sa iyo ng mga magulang mo. Ampunin na lang kaya kita?" Pabiro kong tanong.
"Oo nga. Ampunin mo na. Tutal para na kayong mag-ama." Wika ni Migo.
"Pakiramdam ko talaga anak kita sa past life ko e. Ang gaan-gaan talaga ng pakiramdam ko sa iyo."
"Ang swerte ko po kasi sa amin, ako ang panganay, ako ang kuya. Tapos dito po, ipinaramdam niyo sa akin iyong pakiramdam na may kuya. Salamat po talaga mga kuya ko." Masayang kwento ni Cyd.
"Magpahula kaya kayo. Doon sa dalawang psychic na magaling. Baka malaman nila kung bakit ganiyan kagaan ang pakiramdam mo kay Cyd kahit noong unang kita niyo pa lang." Suhestyon ni Migo.
Hindi kami magkadugo ni Cyd kaya palagi ko na lang na sinasabi na siguro kaya ako nakaramdam ng lukso ng dugo ay dahil maaaring anak ko siya sa nakaraang buhay ko.
"Baka po dati pinagmalupitan niyo ako kaya ngayon bumabawi po kayo." Biro ni Cyd.
"Oo nga no. Pwede rin. Kung ano iyong kasalanan natin sa nakaraan, binabago natin sa panibagong buhay."
"Baka nga po magkadugo tayo kasi parehas po kayo ng apelyido ng nanay ko." Wika ni Cyd.
Doon ko naalala na nasabi niya nga minsan na parehas kami ng apelyido ng nanay niya. Hindi ko naman binigyan ng kahulugan dahil normal naman na maraming kaapelyido.
"Ano ba buong pangalan ng nanay mo? May litrato ka? " Tanong ko na may pagtataka. Ipinakita naman sa akin Cyd ang itsura ng nanay niya na ikinagulat ko.
"Bakit hawig sila ng tatay ko?" Pagtataka ako.
"Ano ang pangalan ng lolo mo? O iyong tatay ng nanay mo?" Dagdag kong tanong.
"Hindi na po namin nakilala ang tatay po ni Mama. Iyong kinalakihan ko pong lolo ay pangalawang asawa na po ni lola." Kwento nito.
"Naaalala mo ba ang pangalan ng lolo na hindi mo na kinagisnan?"
"Hindi na po e. Minsan po naikuwento ni Mama pero bata pa po ako noon kaya hindi ko na po maalala. Hindi niya naman po inilihim ang tungkol doon kasi nagtaka rin po kami na iba ang apelyido ni Mama sa apelyido ng kinagisnan kong lolo."
"Kopya ng birth certificate, meron ka?"
"Wala po e."
"Ay... Bigla ko pong naalala, piniktyuran ko iyon dati tapos sinend ko po kay Mama. Ako po kasi ang kumuha noon sa munisipyo."
Hinanap ni Cyd ang kopya ng birth certificate. Gusto kong malaman at makita ang pangalan ng tatay ng Mama niya.
"Ito po kuya." Iniabot sa akin ni Cyd ang selpon niya.
Isa-isa kong tinitingnan ang bawat impormasyon na nakasaad sa dokumento. Hanggang sa nakita ko ang buong pangalan ng lolo ni Cyd.
"Shit." Bigla akong napasigaw na medyo natutulala.
"Bakit? Kapangalan nga?" Lumapit si Migo para silipin ang kopya ng dokumento.
"Iyong pangalan ng lolo mo ay kapangalan mismo ng tatay ko. Iyong una, gitna at huling pangalan." Kwento ko habang kinakabahan.
"Pero baka kapangalan lang?" Tanong ni Migo.
"Pero iyong itsura ng nanay niya ay kahawig na kahawig ng tatay ko." Ipinakita ko ang litrato ng tatay ko at idinikit sa selpon ni Cyd. Namangha kaming lahat kasi halos pinagbiyak na bunga ang litrato ng tatay ko at nanay ni Cyd. Hanggang sa may napansin ako. Napansin ko ang nunal sa gitna ng dalawang kilay ng nanay ni Cyd hanggang sa may naalala ako.
"Sa totoo lang, noong bata ako, may isang pamilya na bumisita sa bahay namin. Niloloko pa nga ako ng tita ko kung papayag daw ako na maging kapatid iyong batang babae." Sa pagkakatanda ko, nasabi ko noon na ayos lang. Iyong bata na tinutukoy ng tita ko ay iyong bata na may nunal sa gitna ng dalawang kilay. Akala ko noon ay binibiro lang ako ng tita ko hanggang sa may naalala ulit ako.
"Tapos isang umaga, nagising ako sa maingay na kwentuhan ng tatay ko at ng kumpare niya. Tinatanong ng kumpare niya kung nakikita pa ba raw nito ang anak niya na babae." Kwento ko. Nagulat ako noon sa mga narinig ko. Hindi ko alam na may unang anak pala sa pagkabinata ang tatay ko.
"Nakita ko iyong anak mo noong isang araw, kahawig na kahawig mo." Kwento ng kumpare niya. Tinanong din nito kung alam ba namin ang tungkol dito. Hindi kasi ito naiikuwento sa amin mula nang pagkabata. Pero ang tingin ng tatay ko ay alam na ito ng kuya ko na pangalawa sa aming limang magkakapatid.
Nasabi ng tatay ko sa kumpare niya na minsan naman daw ay nakikita niya ang anak niya pero hanggang sa tanaw lang sa malayo.
"Pero baka kapangalan lang. Baka kahawig lang. Pero hindi e. Napagdudugtung-dugtong ko ang mga naaalala at mga narinig ko noon."
Tinanong ko si Cyd kung ano iyong pakiramdam ng nanay niyo noong minsang naikwento ang tatay niya. Tinanong ko kung may galit o sama ba ng loob. Nasabi naman nito na walang sama ng loob ang nanay niya at kailanman ay hindi nagtanim ng galit.
"Maaari mo bang itanong sa nanay mo ang tungkol sa tatay niya? Padala mo kaya itong litrato." Suhestyon ko. Pero sinabi ko kay Cyd na umisip muna ng kwento o maghintay ng tamang pagkakataon kung paano maiisingit ang pagtatanong tungkol sa tatay ng nanay niya. Ayaw ko na magtaka o mabigla ang nanay niya. Natatakot lang din ako na baka hindi maging maganda ang resulta.
Isang umaga habang nag-aalmusal kami ay bigla na lamang tumulo ang luha ni Cyd.
"Oh, bakit ka umiiyak?" Tanong namin ni Migo.
"Kuya Dekz, sumagot na si Mama. Pinadala ko na rin iyong litrato." Bumubuhos ang luha ni Cyd habang iniaabot sa akin ang kaniyang selpon para ipabasa ang naging usapan nila ng nanay niya.
Gulat na gulat kami ni Migo sa nabasa namin. Mahaba ang naging usapan ng mag-ina dahil nagtataka ito kung bakit bigla-biglang nagkaroon ng interes si Cyd na kilalanin ang lolo niya. Naging maganda at magaan naman ang naging takbo ng usapan nila.
"Oo. Siya nga. Siya nga ang tatay ko. Saan mo nakuha iyang litrato? Bakit mayroon ka niyan." Sunud-sunod na tanong ng nanay ni Cyd.
"Ma, si kuya Dekz po na lagi kong ikinukuwento sa inyo na nagpatuloy din po sa akin dito sa bahay na kaibigan din po ni kuya Migo ay anak po ng tatay niyo. Hindi po ba nasabi ko noon na magkaapelyido kayo? Isang gabi po kasi nagkabiruan po kami nila kuya. Ampunin niya na lang daw po ako. Saka iyong lagi ko pong ikinukuwento na nakaramdam daw po siya ng lukso ng dugo na sobrang magaan po iyong loob niya sa akin."
Ikinuwento rin ni Cyd na matagal ko na ring iniisip kung ano ba ang koneksyon naming dalawa dahil nga sa hindi ko maipaliwanag na pakiramdam ko sa kaniya. Magaan naman ang naging reaksyon ng nanay niya na hindi rin napigilan ang pagluha. Sino ba naman ang mag-aakala na sa sobrang laki ng mundo at sa tagal ng panahon ay magtatagpo ang mga landas namin. Natutuwa naman ako na naging maganda ang kinalabasan sa pagdiskubre ng katotohanan. Sa totoo lang, naisip ko rin na baka hindi maging maayos. Nalungkot ako na baka paalisin si Cyd dito sa bahay. Pakiramdam ko pa nga, para akong mawawalay sa anak ko. Pero salamat sa Diyos dahil maganda ang kilabasan ng lahat.
"Mula ngayon, Tito Dekz na ang tawag mo sa akin ah." Nakangiti kong sambit kay Cyd habang maluha-luha na rin.
"Opo Tito Dekz." Masaya niyang sagot habang pinapawi ang tumutulong luha.
Mula noon ay mas naging makabuluhan at masaya ang aming pagsasamahan. Ipinaramdam ko sa kaniya lalo ang pagmamahal na mayroon ang isang pamilya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento