Sabado, Enero 4, 2014

Eksaherada

            Habang nagdidikas ang aming guro ay mapapansing tahimik ang buong klase. Wala ni isang tinig ang maririnig. Lahat ay hindi mapakali. Palinga-linga na animo’y may kinakatakutang mangyari. Damang-dama ang hanging dumadaloy sa kapaligiran na nakakapagpadagdag ng aming pangingilabot. Hanggang sa binasag na ng aming guro ang katahimikan.

“Klas, huwag na kayong matakot. Hindi totoo ang nababalitang mga kidnaper.” Anunsyo ng aming guro sa kaniyang nababasag na tinig. Sinundan ito ng maiingay na reaksyon na bumulahaw sa kaklase kong natutulog. Natakot ang lahat dahil sa balitang may mga kumakalat daw na mga mandurukot kung saan kinukuha nila ang mga lamang-loob ng tao. Kung hindi raw ibinebenta ay ginagamit ang naipong dugo para ihalo sa mga ginagawang tulay. Mabisa raw itong pampatibay. Sabi nga ng iba “blood is thicker than water.”

“Uy, nakatanggap din ba kayo ng teks?” Kinakabahang tanong ni Alex.

“Oo eh! Kaso ibang numero ang ginamit na panteks sa akin. May nabiktima na raw sa kabilang barangay. May natagpuang bangkay kung saan may pera sa mga kamay nito. Bayad daw para sa nakuhang lamang-loob.” Sagot ko na nahahaluan na rin ng pangamba.

“Sa akin din kamo! Iba iyong ginamit na number. Mukhang ang dami yatang lowd ng kidnaper na nagjiem.” Singit ng isa ko pang kaklase na si Jose.

“Madami pala silang lowd no? Sana pinasahan man lang tayo.” Pilit kong pagbibiro.

“Uy, may nagtext! Bago raw sila pumunta sa ating lugar ay uunahin muna nila ang isa pang barangay. Kulay gray daw ang gamit nilang sasakyan.”

“Ano ‘yon? Hintayan?”

“Hahaha… Lokohan na nga lang ito.” Wika ni Pepito na nagkikikilos na parang si ingkredibulok. Ilang beses din siyang lumalabas ng silid-aralan para magtapang-tapangan. Nagpapanggap na isang magiting na mandirigma at handa niya raw kaming iligtas sa mga masasama gayong sa itsura niya mapapagkamalan siyang isa rin doon.

            Halatang-halata na naapektuhan ang buong paaralan dahil sa mga umaalingawngaw na balita. Kahit pinapagaan na namin ang pakiramdam ng iba sa pamamagitan ng simpleng mga biro ay hindi pa rin maiaalis sa kanila ang takot. Marami sa amin ay nagteks na sa kani-kanilang mga magulang para magpasundo. Ang iba ay sa kasintahan nagpapasundo. Habang ako ay wala. Bukod sa wala akong selpon, siguradong pagtatawanan lang ako ng mga magulang ko kung sakali mang magpasundo ako dahil lang sa takot. Lumabas na ang aming guro. Mas natakot ang lahat habang naghihintay ng susunod na klase. Ang mga magugulong estudyante ay hindi rin magawang gumala kahit sa labas ng silid-aralan. Bigla rin silang natahimik. Maya-maya ay may biglang pumasok at sumigaw, si Lito.

“Klasmeyts, nakatanggap ako ng teks.” Dilat na dilat na sigaw ni Lito habang nakatingin sa kaniyang selpon. Napukaw niya ang atensyon ng lahat dahil na rin sa unahan pa siya mismo pumwesto.

“Ano ‘yon?” Sabay-sabay naming tanong habang unti-unti na kaming pinagpapawisan sa kaba.

“Nandiyan na raw iyong mga kidnaper!” Naluluha niyang sagot.

“Ha? Aaaa…” Sagot namin kung saan nagtilian ang mga kababaihan maging kami ay nakitili na rin. Trip lang. Halos lahat kami ay nagkumpulan sa isang gilid. Nagtabi-tabi para mabawasan ang kaba.

“Nasaan na raw sila?” Tanong ko.

“Nandiyan na raw sa kabilang barangay. Mamaya pa raw sila pupunta dito. Just wait lang daw.” Halos lahat  kami ay natawa pero hindi pa rin maiwasang may ilan pa ring kinakabahan.

“Hoy! Lito!” Sigaw ng madaldal at palaban kong kaklase na si Kim.

“Bakit? Nandiyan na ba sila?” Tanong ni Lito. Dahan-dahang lumakad si Kim papalapit kay Lito.

“Kidnaper ka ba?” Biglang tanong ni Kim.

“Bakit naman?” Nagtatakang sagot ni Lito.

“Eh kasi, nabihag mo ang puso ko.” Nakangiti niyang sagot na halatang nantitrip lang.

“Ayiii… Kiiisss…” Udyok namin sa dalawa.

            Nagsibalikan na kami sa aming mga upuan. Medyo humupa na rin ang nararamdaman naming kaba. Dumating ang susunod naming guro kung saan naging maayos at kalmado ang buong klase. Sa sobrang kalmado ay nagawa pa ng dalawang magkasintahan sa gilid ko na maglambingan.

“Naniniwala ka ba doon sa kidnaper?” Pasimpleng tanong ni Beto sa kasintahan niyang si Joyce.

“Parang. Oo. Ewan! Hindi ko rin alam. Bahala na sila.” Paswit na sagot ni Joyce habang iniipit ang boses.

“Huwag kang maniwala doon. Sino ba namang kidnaper ang magjijiem para sabihing mangunguha sila ng bata sa isang lugar?” Pagpapakalma ni Beto.

“Oo nga no. Galing mo talaga labs!.”

“Saka sino’ng kidnaper ang magsasabi na mangingidnap na sila ng alas tres ng hapon at matatapos ng saktong alas tres y medya. Haha! Basag lang.”

“Hehe. Talino mo talaga labs. Bakit nga ba hindi ko iyon naisip?” Wika ni Joyce habang sumasandal sa balikat ni Beto.

“Siyempre, wala namang laman ‘yang isip mo eh!” Natatawang sabi ni Beto.

“Haha. Ang yabang mo talaga.”

“Alam mo ba kung bakit?”

“Ewan ko sa ‘yo. Bahala ka na nga.”

“Sabihin mong bakit. Sige na.”

“Pilitin mo muna ako. Dali.”

“Piliiizzz…” Pakiusap ni Beto habang magkadikit ang dalawang palad.

“Sige na nga, bakit?”

“Eh kasi, ikaw lang naman ang laman ng isip ko e.” Matamis na sagot ni Beto habang simpleng humahawak sa kamay ni Joyce.

“Ayiii… Ang cheesy mo ha! May magaganap na ngang kidnapan. Nagagawa mo pang gumanyan.”

“Syempre naman. Walang ibang makakahadlang para masambit ko sa iyo ang matatamis kong salita.” Pasuyong sagot ni Beto.

“Landi nito! Pagkihumarot. Alam mo ba kung bakit palaging mababa ang marka ko sa mga pagsusulit natin?” Natatawang tanong ni Joyce sa kaniya.

“Syempre, mabababa rin ang mga nakukuha kong marka. We’re so meant to be.”

“Tamaaa… Wala rin kasing laman ang isip ko kundi ikaw lang.”

“Hoy… Doon nga kayo sa labas maglandian. Pagkikibumata pa e.” Panggulo ko sa dalawa. Sa isang banda ay isang boses ang umalingawngaw.

“Klaaasss… Kwaaayhet!” Sigaw ng aming guro.


            Oras na para magsiuwian ang lahat. Ang kaninang mga kalmadong estudyante ay muling kinabahan. Lahat sila ay nag-uunahan sa pagbaba. Mabilis ang kanilang mga paglakad at hindi na naisip kung madulas man sila sa pagbaba mula sa ikatlong palapag ng gusali. Nagulat na lang kami sa aming nasaksihan. Pagbukas ng geyt ay maraming mga magulang ang naghihintay. Kaniya-kaniyang punta ang iba sa kanilang mga magulang na talaga namang nagdala pa ng sasakyan o motor para sa madaliang pag-uwi. Ang iba naman ay kasama ang kanilang mga kasintahan. Nakisabay na lamang ako sa mga kaklase ko na wala ring kasabay sa pag-uwi. Kami-kami na lang ang nagdamayan at nagpalakas ng loob ng isa’t-isa. Patago naming itinatago ang takot pero mahahalata pa rin ito dahil sa mabilisan naming paglakad. Alisto rin kami sa bawat sasakyan na dumaraan. Nagtatakbuhan kapag nakakakita ng ban na patungo sa direksyon namin. Walang nagpapaiwan. Wala na ring tumambay pa sa mga bilihan ng mga street foods. Nang malapit na kami sa aming mga bahay ay nagkalokohan na ang lahat. Nagtakutan kami na kunyari ay nandiyan na ang mga mandurukot na sinabayan naman namin ng mabilis na pagtakbo habang tuwang-tuwa sa mga kakaibang naganap sa maghapon.

Walang komento: