1. Sa tuwing iniisip ko na gusto ko nang magresign, nagbabalik tanaw ako sa kung anong hirap at pagtitiyaga ang inilaan ko noon. Sinasariwa ang paulit-ulit na pagbalik sa inaaplayan. Ilang oras na pagtambay sa lobby. Ang mga kaba sa bawat tanong na sinasagot sa kabadong paraan. 'Yung mga araw na akala ko hindi na ako matatanggap pero dahil sa paulit-ulit na follow-up, sinagot ng Diyos ang hiling ko na muling magkaroon ng trabaho.
Pinakanakakatamad ang magpamedical. Kaunting kaba lalo na't alam mong may mali sa iyo. Dyahe ang pagbitbit ng tae. Kung pwede nga lang manghingi sa kasabayan, nagawa ko na. Kung pwede lang makisahod sa ihi ni bes, naisalok ko na. Charot.
Nakakapagod mag-apply. Magastos. Dagdag pressure pa ang mga kakumpetensya. Maraming trabaho ngunit hindi lahat ay magugustuhan at aangkop sa skills na meron ako o kung tutugma o papasa ba ako sa qualifications na hanap ng kumpanya. Nakakapagod pero hindi dapat sumuko. Hiniling ko ito sa Diyos at kaniya namang ibinigay. Tapos susukuan ko lang?
2. Gusto ko na talagang magresign pero sa tuwing naiisip ko ang mga hawak kong tao, napapaatras ako. Bakit ba inaalala ko pa ang kapakanan nila gayong wala naman silang pakialam sa akin? Wala nga ba? Siguro naman kahit papaano ay meron. Ewan. Kung iiwan ko sila sa ere, masasabi bang makasarili ako? Pero paano naman ako? Paano ang sarili ko? Paano kapag napagod na ako? Paano kung sa bawat araw na pumapasok ako ay puno na ng bigat. Paano ako babangon sa umaga kung hinihila ako pabalik ng kama, kung wala nang dahilan para magpatuloy pa? Paano kung... Paano... Maraming tanong. Alam ko ang sagot. Pero paano? Paano bumitaw kung ayaw mo pa? Paano kumapit kung ayaw niya na? Magulo. Nakakahilo. Nakakalito.
3. Kung magreresign ako ngayon, ano naman ang magiging kapalaran ko? Tatambay na naman ako sa bahay. Updated na naman ako sa buhay ni Cardo at sa mga showbiz happenings. Kakain ng limang beses sa isang araw. Tutulog ng labing dalawang oras. Kain. Tulog. Tv. Paulit-uit hanggang sa manawa sa siklo ng buhay tambay. Hanggang sa maisipan nang maghanap ng trabaho. Hihingi na naman ng tulong sa itaas. Tapos sa huli, muling susuko. Palagi na lamang ba tayong susuko?
(Sabi nga nila, kung aalis ka, umalis ka with flying colors. Umalis kang may iiwang tagumpay, hindi 'yung aalis ka dahil lang sa pagod ka lang. Oo. Pagod nga lang siguro ako. Napagod ako sa sobrang haba ng status na ito. Kaloka.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento