Martes, Pebrero 3, 2015

Signal Ever

“Sa ulo ng mga nagbabagang balita, isang malakas na bagyo ang patuloy na namiminsala.” Wika ng reporter sa telebisyon.

“Kaaanunsyo lamang po na signal number 1 na sa Cavite.” Dagdag niya.

“Nay… Wala na kaming pasok sabi sa telebisyon.” Sigaw ng kapatid kong tamad pumasok.
“Breaking News: Signal number 2 na po sa Cavite.”

“Oha! Wala na rin kaming pasok. Akala mo ikaw lang ha.” Pagmamayabang ng isa ko pang kapatid.

            Kapag bumabagyo ay nagiging abala ang lahat para sapakikinig ng iba’t-ibang balita na may kinalaman sa mapaminsalang bagyo. Sabi nila na kapag signal number 1 ay wala raw pasok mula Kinder hanggang elementarya. Kapag naman signal number 2 ay mawawalan na rin ng pasok sa hayskul. Ang nakakalungkot nito ay kinakailangan pa naming hintayinna magsignal number 3 ang bagyo nang sa gayon ay mawalan din ng pasok kaming mga nasa kolehiyo. May posibilidad daw na ikansela ang klase kung magdedesisyon ang namumuno sa isang bayan o iyong mismong presidente ng pinapasukan namin. Hindi ko naman magawa na hilingin na tumaas pa ang signal level ng bagyo dahil parang humiling na rin ako ng  masama kapag ganoon. Kung hihilinginkong lumakas ang bagyo ay para ko na ring hiniling na marami pang buhay ang mawala at marami pang bahay ang maanod ng baha. Wala na ring humpay sa pagteteks ang mga kaklase ko. Tanung sila ng tanung kung may pasok o wala. Tinatanong din nila kung papasok ako pero kapag naman sinabi kong oo ay nadidismaya sila dahil gusto nila na huwag na lang pumasok ang lahat. Ang tunay na estudyante ay hindi na nagtatanong, sa halip ay may sariling desisyon at pagkukusa.

            Minsan pamali-mali rin ang mga lumalabas na balita. Sasabihin na malakas ang ulan sa isang lugar gayong tirik na tirik ang araw. Minsan naman, kapag sinabing magiging maaraw ay bigla na lamang umuulan.

“Bakit kailangan pang magsignal number 3 para lang mawalan tayo ng pasok? That’s so unfair.” Jiem ko sa mga kaklase ko. Minsan talaga sa mga ganoong panahon ay tinatadtad ko sila ng teks dahil ang iba sa kanila ay nakakaranas na ng brown-out.

“Bakit brown-out ang tawag kapag nawawalan ng ilaw? Hindi ba pwedeng black-out?” Pangalawa kong jiem.

“Huwag mo muna akong iteks, malolobat ako.” Teks ng kaklase ko.

“Lol! Hindi ilaw ang nawawala. Kuryente as in current! Sayang lang ang pinangti-tuition mo e.”

“Oo nga! Dapat black-out kasi nagiging black naman ang paligid kapag walang kuryente. Maliban na lang kung maging brown.”

            Marami sa amin ang nagrereklamo. Pare-pareho rin naman kaming mga estudyante pero bakit nga ba parang hindi yata patas. Nababasa rin naman kami ng ulan. Giniginaw.Nalulublob din sa baha ang aming mga sapatos kung saan nababasa rin ang aming mga medyas. Nababasa ang aming mga bag at ang laman nito. Nasasariklat ang aming mga payong hanggang sa masira. Higit sa lahat ay hindi kami waterproof. Sa madaling salita ay nababasa rin kami ng ulan. Kapag college student ba ligtas na sa mga kapahamakan? Estudyante rin kami na nababasa’t nahihirapan. Sa dami ng tanong at kadramahan ko ay nagawa ko pa ring pumasok.

            Pagkatapos marinig sa balita na may pasok pa kami ay agad akong naligo para hindi mahuli sa klase. Malamig ang tubig pero para sa pag-aaral ay handa ko itong tiisin. Pagdating ko sa paradahan ng mga sasakyan ay kakaunti ang pasahero. Baha raw sa tulay na daraanan namin kaya naman mag-iiba ang ruta. Ibig sabihin ay magmamahal din ang pamasahe. Nakikiramdam ako sa mga kasabay kong estudyante kung ipagpapatuloy nila ang pagpasok. May iba na sumakay na kaya nakiuso na rin ako. Malakas pa rin ang ulan. Mahaba-haba ang biyahe kung saan makikita sa mga dinaraanan namin ang mga nagdaraanang tao na nasasabuyan ng tubig kapag dumaraan ang sasakyan. Maraming mga puno ang nagsitumbahan.

“Uy, klasmeyts! Dahil mahal na mahal ko kayo ay pipilitin ko pa ring pumasok. Sa mga nagmamahal sa akin, huwag na kayong mag-alala. Tatawirin ko ang maraming obstacles at mamamasahe ako ng wagas para makapasok pa rin ako.” Teks ko habang nasa biyahe pa rin.

“Ah. Bakit hanggang dito lang?” Tanong ko sa kapwa ko estudyante. Hindi na kami inihatid ng drayber sa aming patutunguhan dahil baka maaksaya ang gasolina niya. Wala na kaming nagawa kundi ang sumakay na lang sa traysikel papunta sa aming paaralan.
“Magkano po?” Nalulumbay kong tanong.

“Kinse lang.” Sagot ng matakaw na drayber. Hindi niya kami binigyan ng diskwento kahit sinabi naming mga estudyante kami.

            Tinatahak ko na ang direksyon ng aming paaralan. Maraming bata sa kalsada ang naliligo at nagtatampisaw kasabay ng malakas na kulog at katakut-takot na kidlat. Napapansin ko na marami pa ring masisipag na estudyante na tulad ko ang pumasok. Malamang para sa baon. Maya-maya ay bigla na lamang akong napuno ng katanungan at pagtataka. Maraming estudyante ang nakasalubong ko kung saan sinusuklian ako ng nakakainis na ngiti at tingin. Natatawa yata sila dahil hindi ako nakajaket. Pwede rin namang dahil nakasuot pa rin ako ng kompletong yuniporme habang nakasuot ng black shoes sa gitna ng binabahang kalsada. Sa isang banda ay nasilayan ko na rin sa daan ang aking mga kaklase.

“Hahaha… Saan ka pupunta?” Nakakainis niyang tanong.

“Malamang papasok. Alangan namang mangungubo.”

“Tingnan niyo si De Qui, klasmeyts.” Sigaw ng isa ko pang kaklase na sinundan ng malakas na tawanan.

“Bakit ba?” Pagtataka ko.

“Wala na kayang pasok!” Sagot ng kaklase ko. Para akong napagsakluban ng langit at lupa pero inisip ko na binibiro lang nila ako.

“Oo nga kinansel na raw kasi malakas daw ang ulan. Hindi mo ba alam?”Dagdag niya.

“Kung alam ko papasok ba ako?” Sagot ko habang nakatawa.

“Kawawa ka naman. Sayang lang pinamasahe mo.”

“Oo nga De Qui, nag-aksaya ka lang ng pera.” Wika ng isa kong kaklase habang sa isip-isip ko ay ganoon din naman sila.

“Bakit hindi ninyo ako tineks?”

“Ah. Hindi ka ba napadaanan ng jiem?” Sagot ng isa ko pang kaklase. Sa puntong iyon ay nakakaramdam na ako ng inis. Kapag may mga mahahalagang impormasyon ay tineteks ko sila pero kapag ako ang nangangailangan ay wala namang nakakaalala sa akin.


“Haaay… Buhay!” Buntong-hininga ko. Wala akong nagawa kundi ang bumalik para umuwi. Hinubad ko na rin ang polo ko para hindi na ako pagtawanan ng mga nakakasalubong ko.Siguradong bubungangaan lang ako ng mga magulang ko kapag umuwi kaagad ako ng maaga. Kaya naman tulad ng dati ay dumiretso ako sa computer shop nang sa gayon ay hindi na mabawi ang baon ko.

Walang komento: