Monday, 30 March 2020

Border

Pinakaayaw ko talaga sa lahat 'yong kaboardmate na nagdadala ng jowa sa bahay. Hindi dahil sa naiinggit ako. Hindi ako naiinggit! Hindi rin dahil sa wala akong madala. Kundi dahil naiilang ako. Ang hirap kayang kumilos kapag may bagong tao sa bahay lalo na at babae at lalung lalo na at jowa pa ng kaboardmate mo. 

Hindi ako makapaghubad. Hindi ako makakilos ng magaslaw. Hindi ko magawa ang mga bagay na dapat kong gawin. Lalung lalo na't hindi ako makapanood ng porn at makapagbakels. Charot.

Tanong ko lang, kung ikaw ang babae, bakit mo gugustuhin na pumasok at matulog sa isang bahay na puro kalalakihan? Hindi ka ba nahihiya na baka naiilang sila sa iyo? Hindi mo ba naiisip na sa bawat pagcharge mo ng selpon, pagbukas ng electric fan, pagsipilyo at pagligo, palihim silang nag-iisip na tataas na naman ang bayarin nila sa kuryente at tubig? Hindi kayo housemates sa bahay ni kuya na 2 in 1. Magbayad kayo parehas! Mga punyeta. 

Kung ikaw naman si lalaki, hindi mo ba naiisip na hindi lang nagsasalita ang mga kasamahan mo pero ang totoo, naiinis na nila sa iyo. Kasi kung sila nga, may jowa, asawa at kabit, hindi nila dinadala sa bahay bilang respeto sa mga kasamahan, tapos ikaw, ang kapal ng apog mo na gawing motel ang bahay? Naiisip mo ba ang nasa taas ng double deck mo na nagigising sa bawat madaling araw sa dahan-dahan niyong pagkadyot? Pagod na nga sa trabaho, napuyat pa dahil sa jowa na iniyot mo. Minsan ba hindi mo inisip na baka pagnasaan iyan ng mga kasamahan mo? Sa ikli ba naman ng suot niyan, imposibleng hindi sila napapatingin. Hindi lang sila umiimik pero baka pinapagpantasyahan na iyan ng mga kasamahan mo sa isip. Hindi mo ba nanapapansin ang biglaang pagpunta nila sa banyo? Hindi naman umihi o tumae pero nagflush. Ano kaya ginawa? 

Kaya naman minsan, pag-uwi ko sa bahay at nadatnan ko sila, doon mismo ako nagbibihis sa harap nila. Huhubarin ang itaas na damit. Ibababa ng kaunti ang pantalon para ipakita ang sex lines o V-line. Kaunting stretching, flexing at pagala-gala hanggang sa mapansin. Tapos dahan-dahan kong huhubarin ang sinturon ko sabay tapon sa higaan. Bago hubarin ang pantalon, kakambyuhin ko muna si Junjun para galit na galit kapag nakita nila. Dejoke lang. Pero kapag di na ako nakapagtimpi, gagawin ko na talaga ito hahahaha. Malay mo, matipuhan din ako. 

Kaya isa lang ang pinagdarasal ko, nawa'y huwag kaming maiwan sa bahay na kami lang dalawa. Jusko. Marupok po ako. Patawarin niyo po ako sapagka't hindi ko alam ang aking iniisip. Maharot po kasi si ate gurl. Not my fault bitch.

Nagmahal, Nasaktan, Nagsulat



May nagtanong, 

"Paano ka nakakagawa ng isang katha gayong hindi mo pa naman nararasanang magmahal? Saan ka humuhugot ng sakit? Saang balon mo kinukuha ang lalim ng bawat emosyon sa mga kathang isinusulat mo? "

Mali. Ilang beses na akong nagmahal. Ilang beses nang sumubok. Ilang beses na ring nabigo. Maaaring nakuha mo ang konsepto ng pagmamahal na para masabing nagmamahal o nagmahal ay nagkaroon na ng kasintahan, may natatawag na jowa, may kapalitan ng matatamis na texts na dahilan ng pagpupuyat sa bawat gabi at may nasasabihan ng "mahal kita."

Hindi lahat ng nagmamahal ay palaging may saya sa dulo ng kwento. Hindi lahat ng pagmamahal ay palaging may ngiti at tamis na isinusukli si kupido. Dahil minsan, naranasan ko ring magmahal. Ang magmahal nang hindi nasusuklian. Ang magmahal na hindi na lang naghintay ng kapalit. Ang pagmamahal na kailanman ay hindi maiwaksi at pinili na lamang ikubli sa puso at isipan.

Minsan, ang pagmamahal ay nangangahulugan ng pagpaparaya. Na kailangan mong magparaya at bumitaw nang ang isa ay maging malaya.

Minsan, ang pagmamahal ay nangangahulugan ng paglayo. Na hahayaan mong ang sarili ay unti-unting makalimot. Hanggang sa isang umaga, magigising ka na lang na maaalala mo pa rin ang mukha at pangalan niya pero hindi mo na maaalala ang pag-ibig na ibinigay, ang sakit na naidulot at ang pagbabakasali na may pag-asa pa.

Minsan, gugustuhin mo na lang na umiwas. Ilayo ang sarili sa kaniya. Dahil sa bawat araw na nakikita mo siyang masaya sa piling ng iba, araw-araw ka ring nakararamdam ng pagdurusa. Hindi mo namalayan na may iba na pala na nagpapangiti sa kaniya. Na kung noon ay nasa pagitan niyo lang dalawa ang mundo ng isa't-isa, ngayon, ang mundo mo ay naagaw na ng iba. Pero pipiliin mong magpakatatag. Pipiliin mong labanan ang sakit. Magpanggap na parang wala lang ang lahat. Na wala kang nakikita. Walang naririnig. Walang iniibig. Dahil minsan, ang kahulugan ng tapat na pag-ibig ay ang makita siyang lumiligaya sa piling ng iba.

Kaya minsan, nakakalimbag tayo ng isang katha na punung-puno ng emosyon. Dahil ang bawat salita ay katumbas ng bawat sakit na nararanasan. Ang bawat pagkaubos ng tinta ay nangangahulugan ng unti-unting pagkawala sa kadenang nagdudugtong sa pagitan namin. Ang pagkaubos ng tinta kasabay ng pagkaubos ng mga salita ay kahulugan ng unti-unting pagkalimot at paghilom nang sa gayon ay makapunta tayo sa susunod na blankong pahina na maayos, buo, may pag-asa at handa nang umibig muli.

Best Tropa Ever


Bawat tao ay may kani-kaniyang nararanasang anxiety, depresyon o mental illness. Pero hindi lahat ng tao ay pwede mong kausapin. Hindi lahat ay pwede mong yayain sa isang lamesa para pagsabihan lahat ng nararamdaman mo. Hindi lahat ay pwede mong bigyan ng tiwala.

May mga tao na hindi interesado sa kung ano man ang pinagdadaanan mo. May iba na handang makinig para lang magkaroon ng bagong tsismis na isasalin hanggang sa pinakadulong bahay ng barangay niyo. May iba na pagtatawanan ka lang. Huhusgahan. Pagmamataasan. Hindi tayo handa sa ganitong klaseng tao. Kaya mamili tayo ng taong pagkakatiwalaan.

Hindi na bale na husgahan ka nila sa bawat pagpapalunod mo sa kalungkutan. Dahil wala naman silang alam sa sarili mong istorya. Hindi nila alam ang nilalaman ng isip mo. Hindi nila alam kung ano ang pinaglalaban ng puso mo. Wala sila noong panahon na nadapa ka. Wala sila noong panahon na sinusunog ka ng iba't-ibang emosyon. Kaya wala rin silang karapatan na husgahan ka. Ang alam lang nila ay malungkot ka. Kaya aabusuhin nila ang pagkakataong iyon para mas malunod ka.

Ang kailangan natin ay ang taong handang makinig. Isang tao na alam mong pinapahalagahan ka. Hindi kailangan na marami kang kaibigan. Ang kailangan natin ay iyong mga kaibigan na totoong gagabay at mag-aahon sa atin sa pagkadapa at pagkalunod. Hindi batayan ang tagal ng panahon ng pagkakaibigan. Dahil minsan, kung sino ang mga bago, sila pa ang tunay na nagmamahal sa iyo.

Masarap sa pakiramdam na makatagpo ng ganitong kaibigan. Sa mahigit pitong bilyong populasyon, mapalad ako na may isang kaibigan na ibinigay ang nasa itaas para umunawa sa akin.

Hindi ako perpekto. Lalong hindi palaging nasa tama. Pero ang totoong kaibigan ang magsasabi at magpapaalala sa iyo na minsan, nagiging mali na ang mga gawi natin. Minsan hindi na patas o tama ang inaasal ayon sa sitwasyon. Kaya minsan, pakiramdam ko, hindi na ako karapatdapat na maging kaibigan. Dahil minsan, pinipili kong maglihim, pinipiling maging mali, pinipili ang sitwasyon kung saan palaging nasa akin ang panig. Pero sa halip na husgahan, inunawa niya ako. Inintindi. Niyakap ng buo. Palagi niyang sinasabi na kahit na ano man ang mangyari, bali-baligtarin man ang mundo, magkahiwalay man, palaging nandiyan siya mula ngayon hanggang magpakailanman.

Mapalad ako na nakatagpo ako ng ganitong klaseng kaibigan. Isang kaibigan na kahit hindi ako magsalita, alam niya ang ibig sabihin ng bawat ikinikilos ko. Alam niya kapag may lungkot sa bawat kurap ng mga mata ko. Alam niya kung may mabigat akong dinadala. Walang pwedeng itago. Kabisado niya na ako. At sa lahat ng mga pinagdaanan kong iyon, hindi niya ako hinayaang malunod sa lungkot. Hindi niya ako iniwan. Ipinaramdam niya na palagi siyang nandiyan.

Sa kaniya pa lang, kahit na maraming pagkabigo na naranasan, masasabi ko na may isang swerte o biyaya na natanggap ako.

❤️