Martes, Setyembre 25, 2012

Sakay Na


 “Girl, nakita ko ang boypren mo! May kasama siyang iba. Sobrang sweet nila grabe!” Text ni Margo sa bespren niyang si Maricar na kasalukuyang nakikipagpatintero sa kalsada para makasay pauwi.

“Ano? Baka naman nagkakamali ka lang. Kasasabi lang niya sa akin na mahal na mahal niya ako.” Mabilis na sagot ni Maricar habang nagtataka.

“Dyuskupo! Nagkukurutan sila sa pisngi at ngayon nagyayakapan sila habang sumasayaw.”

“Gano’n ba? Salamat sa impormasyon ha. Akala ko pa naman mapagkakatiwalaan ko siya. ‘Yon pala niloloko niya lang ako.” Sagot ni Maricar habang nanlalambot at nangingilid ang luha. Sa sobrang sakit ng kaniyang nadarama ay naisip niya na magpasagasa na lang sa paparating na bus. Ngunit huminto ang sasakyan kung saan nabasa niya sa salamin na ito na ang biyahe na kanina niya pang hinihintay.

Pag-akyat ni Maricar ay naghanap agad siya ng mauupuan ngunit wala nang bakante. Wala rin ni isang kalalakihan ang nagmagandang-loob na tumayo para magbigay ng espasyo kaya naman nanatili siyang nakatayo kahilera ng iba pang mga pasahero. Maya-maya ay hindi na niya napigilan ang paghagulgol.

“Miss, ok ka lang ba?” Wika ng isang lolo na katabi niyang nakatayo.

“Ok lang po ako. Huwag na po ninyo akong intindihin.” Sagot ni Maricar habang humihikbi.

“Ano ba’ng problema mo? Baka matulungan kita riyan. Matanda na ako kaya marami na akong karanasan sa buhay.”

“Niloko po kasi ako ng kasintahan ko. Sana hindi ko na lang siya nakilala nang hindi ako nasasaktan ng ganito. Bakit ba ganiyan ang mga kalalakihan ngayon? Mas mabuti pa po noong kapanahunan ninyo. Hinding-hindi ko siya mapapatawad.” Galit na galit na wika ni Maricar sabay pansin sa dala-dalang manika ng lolo.

“Hindi ko nga ba alam sa mga kabataan ngayon. Habang lumilipas ang panahon ay lumilipas din ang mga magagandang kaugalian ng marami. Sa susunod ay huwag kang magtitiwala ng lubos pero hindi siguro sapat na sabihing sana’y hindi mo na lang siya nakilala.”

“Bakit naman po? Mas gugustuhin ko pa po ‘yon kaysa naman sa maramdaman ang ganitong sakit. Pinaglaruan niya po ang damdamin ko at ang masakit pa r’on ay ang katotohanang pinaniwalaan ko ang lahat ng ipinakita niya sa akin.” Naiiyak pa ring wika ni Maricar sabay tunog ng kaniyang selpon. Nagtext ang kasintahan niyang si Jason. Matagal niya itong tinitigan bago tuluyang basahin habang nangangatal ang kaniyang mga kamay.

“Ingat ka sa biyahe mahal ko. Mahal na mahal kita.” Text ni Jason na lalong nagpagalit kay Maricar.

“Gago ka! Tigilan mo na ‘yang kakatawag mo ng mahal dahil alam ko na may mahal ka ng iba. Ang kapal ng mukha. Huwag mo na akong iteteks kahit kalian!” Sagot ni Maricar sabay patay sa kaniyang selpon nang sa gayon ay hindi siya matawagan ni Jason.

“Gusto ko ng mamatay!” Bulong niya sa sarili habang padabog na isinuksok ang selpon sa kaniyang bag.

“Narinig ko ‘yon. Alam mo iyan ang huwag na huwag mong sasabihin.”

“Bakit po?”

“Lahat ng nangyayari sa buhay natin ay may dahilan. Bawat tao ay may misyon o dahilan kung bakit sila nilikha. Isang misyon na pwedeng makaapekto sa takbo o daloy ng buhay ng isa at iba pang tao. Nakikilala natin ang ibang tao dahil konektado sila sa atin. Ano man ang mangyari, magdulot man sila ng kabutihan o kalungkutan, lahat ng iyon ay sinadyang maganap para mahubog natin ang ating mga sarili. Sa gayon ay mas magiging matalino tayo pagdating sa mga gagawin nating desisyon. Mas magiging handa tayo sa mga susunod pang pagsubok.” Wika ni lolo habang nakatingin sa hawak niyang manika.

“Ang lalim naman po ng sinabi ninyo.”

“Dapat mong matutunang harapin ang iba’t-ibang kalungkutan at di magagandang pagsubok ng buhay. Napakaraming aral ang maaari nating matutunan na siyang magsisilbing daan natin tungo sa magandang kinabukasan.” Dagdag ni Lolo.

“Maraming salamat po sa inyo. Ngayon naiintindihan ko na po. Siguro kailangan ko talagang maranasan ang masaktan para matauhan ako na hindi talaga kami para sa isa’t-isa. Para kanino nga po pala ang manikang ‘yan?” 

Natigilan ang lolo bago ito sumagot. Tila iniisip at pinipili ang mga salita na kaniyang sasambitin. Sa kanilang kuwentuhan habang nakatayo pa rin ay napag-alaman ni Maricar na kalalabas lamang sa bilangguan ng lolo na nakilala niyang si Mang Ernesto. Halos mahigit dalawampung taon nang nanatili si Mang Ernesto sa kulungan dahil sa paratang na siya ang pumatay sa kainuman niyang kumpare noon. Dahil sa bintang ay nilayuan at tuluyan itong iniwan ng kaniyang pamilya. Ilang beses na ring nagtangkang magpakamatay sa loob ng kulungan si Mang Ernesto dahil sa tindi ng depresyon at kalungukutan na naranasan. Nabago lamang ang kaniyang sarili nang matutunang magbasa ng bibliya na nagbigay ng pag-asa sa kaniya para magpatuloy sa buhay.

“Para ‘to sa anak ko. Ilang kaarawan at pasko na rin ang lumipas nang hindi ko sila nakakasama. Sana matanggap pa nila ako. Ang tagal kong hinintay ang pagkakataong ito. Matanda na ako kaya naman sinusulit ko ang bawat araw ng buhay ko. Ang araw na maibigay ang regalong ito sa aking anak at mayakap ng mahigpit ang aking pamilya ang dahillan kung bakit ginusto ko pang manatili dito sa mundo.” Malungkot na wika ni lolo habang nangungusap ang mga mata nitong nakatingin kay Maricar.

Nalungkot si Maricar sa kaniyang mga narinig. Nakaramdam siya ng pagsisisi sa kaniyang mga nasabi tungkol sa kamatayan. Dahilan kung bakit bigla siyang nailang kay Mang Ernesto. Hindi niya ito matingnan dahil ganoon na lamang ang nararamdaman niyang hiya sa sarili. Habang ang iba ay sobrang pinahahalagan ang oras, siya naman ay binabalewala lamang ito.

“Magtiwala lang po kayo. Matatanggap din po kayo ng pamilya ninyo. Kung hindi man po ngayon, darating ang araw na matutunan din nilang maibalik ang pagmamahal nila sa inyo. Tiyak pong matutuwa ang anak ninyo sa napakakyut na manikang iyan.” Nakangiting wika ni Maricar habang hinihimas ang manika.

“Magdilang-anghel ka sana hija.”

“Para…” Sigaw ng isang pasahero sa tapat nila Maricar. Agad namang pinaupo ni Maricar si Mang Ernesto para hindi na ito mangalay sa pagtayo. 

“Hindi na, ikaw na lang ang maupo. Malakas pa naman ang mga tuhod ko e.” Pagtanggi ni Mang Ernesto.

“Salamat na lang po pero malapit na rin po kasi akong bumaba.” Pinaupo na ni Maricar  si Mang Ernesto habang tinatanaw nito ang kanto na kaniyang bababaan.

Nagpaalam na si Maricar kay Mang Ernesto at sabay baba sa bus. Habang naghihintay ng masasakyang traysikel ay napalingon ito sa bus na kaniyang sinakyan. Napansin niyang lumabo yata ang kaniyang paningin dahil na rin sa dilim ng kapaligiran. Ngunit nang siya’y tumingin sa kasunod na bus na dumaraan ay malinaw na malinaw niyang nakita ang mga sakay na mga pasahero nito. Muli niyang tinanaw ang bus na hindi pa tuluyang nakakaalis. Nabigla at natakot siya sa kaniyang nasaksihan dahil kitang-kita niya na naging malabo ang mga mukha ng mga pasahero maging ni Mang Ernesto habang ang ibang parte ng bus ay malinaw.

Nabalot ng takot si Maricar. Bumilis ang tibok ng kaniyang dibdib at hindi malaman ang gagawin. Alam niya na isa iyong pangitain ng papalapit na kamatayan. Nagdasal siya na maging ligtas ang mga pasahero hanggang sa maglakas loob na siya na puntahan ang bus para balaan ang mga nakasakay. Hinabol ni Maricar ang bus subalit nang malapit na siya ay sakto namang humarurot ang bus.

“Diyos ko po.” Nanginginig niyang wika. Walang nagawa si Maricar kundi ang magdasal habang nakatingin sa papalayong bus. Maya-maya ay nawalan ng preno ang bus habang binabagtas ang madilim at nakakatakot na kurbada. Mula sa kalayuan, natanaw ni Maricar na nagdire-diretso ang humarurot na bus sa kurbada at bumagsak sa malalim na bangin.

Hindi na inasahan ni Maricar na mabubuhay pa ang mga pasaherong nakitaan niya ng masamang senyales. Naiyak siya sa kinahinatnan ni Mang Ernesto. Sa puntong iyon ay lalo niyang naunawaan ang kahalagahan ng buhay. Dahilwalang mapagsabihan ng nasaksihang trahedya, binuksan niya ang kaniyang selpon na kanina pang nakapatay.

“Tootoot… Tootoot… Tootoot…” Halos mahigit sa sampung mga mensahe ang natanggap niya mula kay Jason. Nang binasa niya ito, iisa lang ang laman ng mensahe.

“Mahal ko, pinsan ko ‘yong kasayaw ko dito sa bar. Hindi ko ba nasabi sa iyo? Kaarawan niya ngayon. Wala akong iba at kailanman hindi ko inisip na ipagpalit ka. Mas mahal pa kita sa buhay ko. Tinatawagan kita pero nakapatay yata ang selpon mo. Ipapakausap ko sana sa iyo ang pinsan ko.”

Muling naiyak si Maricar at nahiya sa mga ikinilos niya. Naalala niya ang sinabi sa kaniya ni Mang Ernesto na “nakikilala natin ang ibang tao dahil konektado sila sa atin. Ano man ang mangyari, magdulot man sila ng kabutihan o kalungkutan, lahat ng iyon ay sinadyang maganap para mahubog natin ang ating mga sarili.” Napag-isip-isip niya na marahil ay itinakda na nakilala niya si Mang Ernesto para mas maliwanagan siya pagdating sa mga pagsubok ng buhay. Natutunan niya na dapat hindi pagpadalos-dalos sa kaniyang mga desisyon.  Paulit-ulit na tumatakbo sa isip niya na dapat mas pahalagahan ang panahon at buhay na ibinigay ng Diyos sa kabila ng mga mabibigat at mahihirap na suliranin sa buhay.

Dumating na ang mga pulis gayon din ang mga ambulansya na tumawag sa atensyon ng mga tao at sasakyang nadaraanan nito. Naging mabagal ang pagdaloy ng biyahe. Napuno ng mga miron ang pinangyarihan ng aksidente. Nanghihinayang pa rin si Maricar sa muli sanang pagtatagpo ni Mang Ernesto at ng kaniyang pamilya.

“Jason… Patawarin mo ako kung hindi ako nagtiwala sa iyo. Mahal na mahal kita.” Wika ni Maricar habang humihikbi. Natanggap naman agad ni Jason ang paghingi niya ng paumanhin. Naging maayos nang muli ang kanilang relasyon. Sa kabila ng nasaksihang trahedya ay gumagaan na ang kaniyang pakiramdam dahil sa pagmamahal na ibinibigay sa kaniya ni Jason.

“Nakakalungkot naman ang nangyari. Kamag-anak mo ba si Maricar?” Wika ni Alfred.

“Hindi. Narinig ko lang ang kuwentong iyon sa isang babae na nakasabay ko noong isang linggo.” Paliwanag ni Mico.

“Siguro siya si Maricar.”

“Siguro. Ewan ko rin.”

“O isa na lang aalis na ang biyahe.” Sigaw ng dispatser ng dyip. Dumating na ang kanina pang hinihintay na pasahero na pupuno sa dyip. Umarangkada na ang sasakyan habang tumigil naman sa pakikipagkuwentuhan ang mga pasahero.







Walang komento: