Naalala ko noong kinder pa lamang ako. Takut na takot ako
na pumasok sa eskwelahan dahil hindi pa ako handang humarap sa malaking mundo
na kahaharapin ko. Iyak ako ng iyak sa klase dahil bigla kang nawala na
paningin ko. Hinanap ka pa tuloy ni titser para lang mapakalma ako. Dumating ka
at sinabi mo sa akin na dapat kayanin ko ito nang sa gayon ay unti-unti akong
maging handa para sa mga darating pang pagsubok sa buhay.
Ang bilis nga namang lumipas ng
panahon. Kung dati tinatawag mo pa akong beybing pogi, ngayon ay isa na akong
ganap na binata. Noong tumibok ang puso ko, tinuruan mo akong manligaw at kung
paano makuha ang matamis na “oo” ng isang babae. Pero minsan, hindi talaga
maiiwasan ang mabigo. Kaya naman natutunan kong uminom ng alak at umuwi ng
madaling araw na lasing na lasing. Pagbukas ko ng pinto, ikaw ang una kong
nakita. Tinapik mo ang balikat ko at napayakap naman ako sa iyo sabay hagulgol.
Akala ko papagalitan mo ko noon, pero sa halip ay ipinagtimpla mo pa ako ng
kape para lang mahimasmasan ang nararamdaman ko. Kinausap mo ako ng masinsinan
at pinangaralan. Pinilit mo na pagaanin ang nararamdam kong bigat sa dibdib.
Niyakag mo kong mag jogging kung saan sa isang lugar na mataas ay pinasigaw mo
ko kahit makabulabog ako sa mga natutulog. Pero epektib, nawala lahat ng
lungkot sa puso ko at nabigyan akong muli ng pag-asa na lumaban.
Nahihiya talaga ako sa tuwing
naaalala ko ngayon ‘yong mga panahong ipinaglalaba mo pa ako ng mga damit at
brip kahit minsan ay tumatanggi na ako. Baka kasi napapagod ka na sa
kakaasikaso sa amin. Pero sabi mo ayos lang dahil ayaw mo na maistorbo ang
aming pag-aaral. Siguro naglalambing ka lang. Sa tuwing tumitingin ka sa mga
lumang litrato nating pamilya, napapansin ko na palaging nanggigilid ang luha
mo. Siguro dahil sa mga pangarap mo para sa amin na hindi mo na nakikitaan ng
pag-asa na matupad pa. Kaya naman ngayong nasa tamang edad na ako, pahinga na
muna kayo Pa. Ako na ang bahala.
Tinuruan mo ako kung paano lumaban
sa kabila ng kahirapan, kung paano bumangon sa pagkakadapa at higit sa lahat ay
kung paano ang mangarap at magsimulang mangarap ulit kapag nabigo. Kaya naman nagsumikap
akong mabuti. Pilit kong kinalimutan ang pagiging mahiyain ko. Itinapon ko ang
takot at pangamba sa puso ko. Nilabanan ko ang kahinaan ko at pilit nilagpasan
na noon ay hindi ko alam na makakaya ko pala. Nagsumikap ako sa pag-aaral tulad
ng kung paano ninyo pinahalagahan ang edukasyon.
Ngayon, taas-noo nandito ako ngayon
sa harap ng napakaraming mga mag-aaral. Buong puso kong ipinagmamalaki ang
medalya na pinaghirapan ko na iniaalay ko sa inyo. Tagumpay tayo Pa. Dito na
magsisimla ang mga pangarap natin. Mabibigyan ko na ng katuparan ang mga
pangarap na hindi ninyo naabot noon. Ngunit sa kabila ng tagumpay na ito ay
hindi ko pa ring maiwasan ang malungkot. Kung kailan ko nakamtan ito ay saka ka
naman lumisan. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan mo agad mawala. Sabi
mo, magkasama tayo sa pagbili ng pangarap nating bahay. Pakakasalan mo ulit si
Mama sa pangalawang pagkakataon. Pinangako mo rin sa akin na hinding-hindi ka
mawawala kapag dumating ang araw na haharap na ako sa altar. Gusto ko mang
ibalik ang nakaraan ngunit hindi maaari. Gusto ko mang paniwalaing nasa ibang bansa
ka lang pero hindi nito matatakpan ang katotohanang wala ka na. Ang daya mo Pa.
Pero huwag kang mag-alala, ipinapangako ko na tutuparin ko ang lahat ng plano
at pangarap mo para sa pamilya. Ako na ang bahala kila Mama, bunso at kuya.
Wala ka man ngayon alam ko na palagi mo kaming ginagabayan mula riyan sa taas.
Maraming salamat sa lahat ng
pag-aaruga, pagmamahal at pagiging mabuting ama sa pamilya. Walang salita ang
pwedeng makapaglarawan ng pagiging ama mo. Masaya ako na sa libu-libong ama sa mundo ay ikaw ang ibinigay ng Diyos sa
amin. Ikinararangal ko na maging isa sa mga anak ninyo. Palagi ka naming
maaalala at hindi ka mamawala sa aming mga puso. Palagi naming dadalhin ang mga
pangaral mo saan man kami dalhin ng kapalaran. Wala ka man sa bawat tagumpay na
maaari naming matamo, palaging ikaw ang pag-aalayan namin nito. Maraming
salamat Pa. Hanggang sa muling pagkikita.
Ito ang aking lahok sa Saranggola Blog
Awards 5 para sa Kategoryang Blog / Sanaysay - "Liham Kapamilya".
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento