Lunes, Hunyo 5, 2017

Saranggola

Nakakamiss gumawa ng saranggola sa ganitong panahon. Tama lang ang init na nagmumula sa araw. Ang ihip ng hangin ay sapat para liparin ang buto't balat na lumilipad. Mga panahon kung saan dinudukot nang palihim ang malaking plastik ni Lola na pinaglalagyan ng pinamimiling karne sa palengke. Gugupitin sa tamang hugis. Ang natira ay gugupitin sa maliliit na parihaba at saka pagdudugtung-dugtungin para maging bundot. Pasimple namang puputol sa walis tingting ni itay. Magtataka na lamang siya kung bakit biglang pumayat ang kaniyang walis na ginawa niya pa mula sa mga mahahabang kinayas na dahon ng niyog. Siyempre kailangan din ng palihim na pagdukot sa lagayan ng mga sinulid ni inay. Pipiliin ang kakaunti na lamang para kunyari ay naubos na kapag napansing wala na ang sinulid.

Pagkagawa ng saranggola ay agad tayong pumupunta sa paaralan. Bakasyon. Walang mga estudyante. Malaya tayo sa pagpapalipad ng ginawa nating laruan. Atin ang buong lugar. Sigaw, halakhakan at kaunting yabangan sa may pinakamataas na lipad ang namamayaning ingay sa lugar. 

Kapag napagod na ang ating mga braso nakikipaglaro naman tayo sa napakaraming tipaklong na naninirahan sa matataas na damuhan ng paaralan. Pagdidikitin ang mga palad sabay dakma sa tipaklong.

May natutunan tayo sa paggawa ng saranggola. Simpleng pagsukat at ang mangarap. Naranasan nating magpakasaya bilang mga bata. Higit sa lahat nagkaroon tayo ng mga kaibigan na kasama nating nangarap. Pangarap na kasingtayog ng mga pinalipad nating saranggola.

Walang komento: