Sa wakas
umabot na rin ang internet sa bayan namin. Maging sa aming paaralan ay mayroon
na rin kaya mas lalo kaming nasabik. Nasasabik dahil unang beses naming
makakahawak ng kompyuter at makakaranas ng internet. Minsan natatakot kami na
gumalaw sa harap ng kompyuter dahil may nagsabi na nangangain daw iyon. Sabi
nila mayroon daw iyong “mouse” pero nang hinanap namin ang daga ay wala naman
kaming nasaksihan. Siguro nabiktima na rin ng sipiyu ang sinasabi nilang daga. Katunayan,
maraming nakasaksi nang kinain ng sipiyu ang isang bagay na tinatawag na “floppy
disk”. Nagpanik kaming lahat. Pinalibutan namin ang kompyuter at pinakiusapan
na iluwa ang kinain niya. Napadasal pa ako dahil ang kompyuter na hinahawakan
namin ang suspek. Lumapit sa amin ang guro namin na inakala kong isususpindi na
kami pero sa halip ay sinabi niya habang natatawa na normal lang pala ang
lahat. May pinindot o hinila lang siya at parang madyik dahil biglang lumabas
ang kinain ng matakaw na sipiyu. Subalit nabalot pa rin kami ng kalungkutan
dahil hindi na nito nailuwa ang daga. Nakakapagpadalamhati. Habang nagdidiskas ang
aming guro ay pasimple naming binubuksan ang internet. Nakakatuwa pala. Akala namin
noong una ay hindi nagana iyon pala ay naglolowding lang. Ang daming pwedeng
malaman at makita. Nahuli nga lang kami at napagalitan dahil sa kasanuan namin.
Pinakapaborito
ng lahat ay ang sabjek na recess. Nakakapagtaka dahil ito ang tanging sabjek na
may pinakamaiksing oras. Hindi ako nagre-recess kaya hindi ako masyado pamilyar
sa itsura ng kantin at kung ano ang mga itinitinda dito. Hindi naman ako
nagugutom pero parang bumabaho naman ang hininga ko. Sakto pa na ang tapik ng
diskayon ay tungkol sa mabahong hininga. Tahimik lang ako kung saan pilit akong
umiiwas sa pagsasalita. Maya-maya ay tinanong ako ng katabi ko tungkol sa isang
bagay. Nang nagsalita ako, bigla na lamang siyang napatakip ng ilong. Kahit ako
naamoy ko rin ang kabahuang taglay ng aking bibig. Totoo pala na kapag walang
kinain ay bumabaho ang hininga.
Kapag
uwian, para akong mananakbo sa pag-uwi dahil sa sobrang gutom. Sa sobrang bilis
kong maglakad ay maaari na akong sumali sa olympics. Madalas nakikihingi na
lang ako sa mga kaklase kong mapagbigay na nakagawian na naming hingian. Mabuti
na lang at hindi sila nagsusumbong sa kanilang mga magulang. Kapag may
dumarating na pumapasok sa pintuan ng silid-aralan ay nakabantay na agad ang aming
mga mata. Dumating ang kaklase ko na may dalang biskwit. Pagkakataon na! Pasimple
kaming lumapit sa kaniya. Sa isang senyas ay nagpaawa kami sa harap niya para
bigyan niya kami ng kinakain niyang biskwit. Nang sumang-ayon siya, agad-agad
naming hinalbot ang kinakain niya. Hinalbot ko ang buong lalagyan kung saan may
nakuha akong isang piraso ng buong-biskwit. Walang labis, walang kulang.
Inubuhan ko muna ito para siguradong wala ng makakaagaw. Ininggit ko muna sila
hanggang sa sila ay matakam. Saka ko isinubo sa pinamabagal na mosyon ang
napagtagumpayan kong biskwit na parang modelo lang sa isang komersyal. Masarap
kong nilasap ang biskwit. Ang palaman nito na bumalot at unti-unting natutunaw
sa aking sa aking dila. Ang lutong na tumutunog habang aking kinakagat at ang
napakasarap na lasa ng kabuuan nito.
Bago ang
klase ay parang may naramdaman akong kakaiba. Parang kumukulo ang tiyan ko na
para bang gustong mag-alburoto. Maya-maya, naging totoo ang aking mga
pangitain. Masamang bangungot ang siya namang nagbabadya. May kakaibang giyera
na nagaganap sa aking tiyan. Nangingilabot ang aking katawan. Nagsisitaasan ang
aking mga balahibo gayong hindi naman malamig ang kapaligiran. May kung anong
bagay ang gustong lumabas sa aking puwitan pero hindi ko magawang mailabas. Binalot
ako ng lamig hanggang sa hindi na ako mapakali. Patuloy akong nakikiramdam kung
huhupa pa ang nagbabadyang kalbaryo pero habang tumatagal ay may kumakalat ng
baho sa kapaligiran. Mabilis akong tumayo. Kinuha ko ang aking bag at sabay
kumaripas papuntang geyt. Sarado ang geyt kaya kailangan ko pang makiusap sa
gwardya.
“Kuya, pwede po bang lumabas?” Tanong ko habang pinipilit
kong maging maayos ang aking itsura.
“Bawal ng lumabas.” Sagot ng gwardya.
“Eh kuya, may naiwan po kasi akong gamit sa bahay namin.”
Pagpapaliwanag ko. Hindi pa rin naniwala ang gwardya dahil sa kababawan ng
dahilan ko. Iniutos din kasi sa kanila na maging mahigpit sa pagbabantay ng
geyt. Hindi ko na matagalan at napapakembot na ako sa sobrang pigil kaya tinapat
ko na ang gwardya.
“Kuya, ang totoo taeng-tae na po ako. Parang awa na po
ninyo, sasabog na talaga.” Pagtatapat ko habang may isang babaeng napadaan ang
nakarinig. Nakakahiya.
“Sandali, saglit lang. Pigilan mo ‘yan at bubuksan ko na
itong geyt.” Pagmamadali niya habang natataranta.
Sa
pagbukas niya ng malaking geyt ay nakatagpo ako ng pag-asa habang ako ay parang
nasisilaw. Pakiramdam ko ay bumukas ang kalangitan at may nagsibabaang mga
anghel na may dala-dalang maraming palikuran. Hindi ko sinubukan na sa aming
paaralan na lamang dumumi. Nakakahiya kung may makasaksi. Ayaw kong dungisan
ang aking pangalan maging ang aming paaralan. Bigla na lamang akong may narinig
na isang kalabit ng baril na nabuo sa isipan ko. Baril na ginagamit sa mga
paligsahan ng pagtakbo. Isang senyales na maaari ng magsimula ang paligsahan.
Pagkarinig ko sa senyales ay agad akong kumaripas sa abot ng aking makakaya. Sa
sobrang bilis ng aking pagtakbo ay naging agaw-pansin ako sa mga taong
nadaraanan ko. Natanggal ang sapatos ko. Binalikan ko ito at kinuha na parang
nakikipaglaro lang ng tumbang preso. Hindi ko na ito isinuot dahil bilang na
bilang na ang bawat segundo ng aking buhay. Malaking kahihiyan kung sa kalsada
pa ako magkalat. Malapit lang ang bahay namin sa paaralan kaya madali akong
nakauwi.
“Yahoo… Akala ninyo ha, hindi ako aabot.” Sigaw ko sa
masama kong konsensya na nakalutang sa kaliwa kong tainga.
“Oh, wala na ba kayong pasok?” Tanong ng tatay ko.
“Ah hindi, babalik din ako. May kailangan lang akong
isakatuparan.” Palusot ko sa aking tatay.
Agad
kong tinanaw ang direksyon ng kubeta. Tinanggal ko ang isa ko pang sapatos
maging ang medyas. Buong pwersa akong pumasok sa kubeta ngunit nauntog ako. May
tao pala sa kubeta!
“Sino ang nasa loob?” Galit kong tanong.
“Ako, bakit?” Sagot ng kapatid ko.
“Kung sino ka mang nasa loob ng kubetang iyan, lumabas ka
na.” Galit na pigil na sagot ko.
“Maghintay ka nga. Kita mong may tao pa eh.”
Masyadong
makulit ang bwisit kong kapatid kaya naman hindi ko siya tinigilan habang hindi
siya lumalabas. Kinalampag ko ng kinalampag ang pinto hanggang sa sumuko siya.
Sa wakas, lumabas na siya sa trono. Pagpasok ko ay halos hindi ako makahinga
dahil nalanghap ko ng wagas ang baho ng dumi niya. Hindi ko na lang ito
pinansin at sa halip ay hinubad ko na ang aking suot para mapakawalan na ang
mga presong matagal ng nakaburo sa tiyan ko. Binuksan ko ang gripo para walang
makarinig sa krimeng gagawin ko. Bigla at kusa na lamang lumabas ang mga preso
sa aking puwitan na halatang masayang-masaya sa kanilang nakamtam na kalayaan.
Kasabay ng mabaho nilang amoy ay ang maiingay nilang huni. Nilasap ko ang bawat
minuto at siniguradong walang matitira kahit isa. Nagpasalamat ako sa lahat ng
santo dahil hindi nila ako pinabayaan sa oras ng kapahamakan. Nakailang buhos
din ako dahil sa tindi ng krimeng nagawa ko. Kumalat at sumabog ang amoy sa
buong bahay kaya naman pinagalitan ako ng mga mapagmahal kong mga kapamilya. Binuksan
nila ang electric fan para lang maitaboy ang masamang amoy. Wala naman akong
magawa kundi ang matawa habang nakatingin sa kanila na para bang nauubusan na ng
hininga sa sobrang baho ng kapaligiran. Kung sa paaralan pala ako nagpasabog ay
siguradong magiging agaw-pansin na naman ako sa lahat. Baka mapa-guidance pa
ako dahil sa aking kababuyan na pwedeng magdulot ng malawakang polusyon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento