Linggo, Enero 5, 2014

Gwapo Ba Ako O Cute Lang? Oo Na! None Of The Above!



Ang dalawang mga termino na natutunan ko noong elementary na kailanma’y di ko malilimutan ay ang photosynthesis at metamorphosis. Hindi ko alam kung bakit pero parang sapilitan nitong pinasok ang kakarampot kong utak at kung ano ang kinalaman nya sa pagmumukha ko at sa istoryang ito ay hindi ko rin alam.

Hindi ko alam kung anong sumpa ang kumapit sa akin at palagi na lamang akong tampulan ng tukso simula ng ako’y isilang sa katre ng nanay ko. Naisip ko tuloy napaglihi ako sa maligno o kaya naman kulang ako sa buwan kaya naman nagmukha akong fetus noong inilabas sa mundong napapaligiran ng mga taong nag-iipon na ng pamumula para sa paglaki ko. Lima kaming magkakapatid at ako ang nasa gitna, kaya siguro nagkaganito dahil iyong apat na kapatid ko ay talaga namang pangrampa ang mga pagmumukha. Siguro madali talagang tamaan ang nasa gitna at kung sakali mang may mababaril sa aming lima malamang mas madaling tamaan ang sinumang nasa gitna, sa madaling salita ipinanganak bilang pananggalang o yung tipong pag may malaking aso ako ang pinapauna para malaman kung hahabulin ba kami o kakagatin.
Noong bata ako siguro kahawig ko sa Santino maliban lang sa buhok dahil kulot ako at walang bangs ang buhok na kulayan lang ng blande ay Justin Bieber na. Noong piyesta kasi may sumanib sa aking masamang ispirito na nagtulak para sundan ang mamang nagpapalabunutan ng iba’t-ibang kulay ng sisiw na inakala kong bahaghari na kapag narating ko ang dulo ay may ginto. Malapit lang ang plaza sa bahay namin pero dahil kyut na musmos pa lamang ako at sa dami ng taong umaaligid-ligid kahit ang iba ay naroon lamang para makitsismis kung sino ang sumapok kay Berto ay nakuha ko pa ring maligaw. Iyak ako ng iyak hanggang sa napadpad ako sa isang batangenyong naggagawa ng sapatos na akala koy sasapatusin ako sa mukha pero sa halip ay dinala ako sa kumbento kung saan pinatulog muna ako ng pari dahil sa gaganaping misa. Ang nakakahiya lang ay ang pag-anunsyo ng pari tungkol sa nawawalang bata na ako, madaling kumalat ang tsismis sa aming lugar kaya siguradong aabot ito hangga’t may lupa. Dahil wala pa rin o wala talagang gustong bumawi sa akin ay napilitan pa tuloy akong ipagtanong ng pari sa bawat bahay at laking gulat nya na sa likod lang pala ng simbahan kami nakatira.  Sa hinaba-haba ng pagtatanong sa likod ng simbahan lang pala ang tuloy.
Noong elementarya ako, madalas sabihin ng nanay ko na kahawig ko raw si Jericho Rosales dahil nga sa kulot kong buhok. Minsan may nabulag na rin ako, noong grade 5 di ko alam kung pinagtitripan lang ako o may pagtingin lang talaga ang kaklase ko sa akin dahil buong tapang siyang tumayo at ipinagsigawan ang pangalan ko para maging konsorte ng aming seksyon kung saan nabulunan pa ko sa iniinom kong palamig na tatatlo lang yata ang lamang sago. Maya-maya ay bigla na lamang nagsalita ang aming guro na akala ko’y pupurihin at sasang-ayunan ang kaklase ko pero sa halip ay tandang-tanda ko pa na sinabi nya na kung pipili kami ng konsorte na irarampa sa harap ng maraming pagmumukha ay iyong maayus-ayos naman daw ang dapat naming piliin, siguro yung tipong kahit nakamaskra ay mapapasigaw ka kahit nasa Manila ka pa gayung nasa Kabite kami. Napakaprangka naman ni Mam, hindi nya ba ko nakita sa unahan ng upuan para mapigilan sya sa pagsasalita? 
O ayan, college na at siguradong may pagbabago na sa pagmumuka ko tulad na lamang ng pagkakaroon ng tagiyawat na parang may sinusunod na iskedyul kung tumubo na minsan ay nauunahan pa ang pagputok ng bulkan sa ibang bansa. Matagal ko ng gustong maging artista pero dahil di pa dumarating ang pagkakataon ay muli kong tinawag ang lahat ng santo mabuti man o masama para hilingin na sana magkaroon ako ng kahawig sa showbiz para kahit sandali ay may makapansin sa endangered species na katulad ko. Sa sobrang taimtim yata ng pagdarasal ko ay mukhang naawa sila akin kaya naman pinagbigyan nila ang simple kong hiling. Pagkatapos ng ilang buwan, bigla na lamang lumitaw si Bugoy at kasabay nito ay ang pagpuna ng maraming tao na kahawig ko raw sya. Hindi ko alam kung matutuwa ako dahil magaling siyang kumanta o malulungkot dahil bakit sya pa ang naging kamukha ko sa dinami-rami ng artista sa mundo? Lumipas muli ang ilang buwan at sa sobrang lasing yata ng kaibigan ko ay napansin nya na medyo kahawig ko raw si Pooh na sinang-ayunan naman ng kapatid kong daldalera! Paano ko magiging kahawig si Winnie The Pooh na walang salawal gayung hayop iyon ay ako’y tao? Pero siguro ibang Pooh ang tinutukoy nya na ayaw ko ng sabihin sa inyo dahil baka maging interesado lang kayo.

Hindi ko alam kung kaya ko talagang  paniwalaan ang mga artistang inihahalintulad nila sa akin basta para sa akin gwapo ako. Noong isang raw nga, pagkatapos kong bumili ng ulam sa tindahan ay bigla akong nagulat nang napatingin ako sa salamin na kalawangin. Sa isang sulyap ay tila ba tumigil ang pag-ikot ng mundo at nang tinitigan kong mabuti ay naging kahawig ko si Coco Martin. Sa sobrang tuwa ay napasigaw at napatalon ako sabay batok ng tatay ko na epekto lang daw yun ng ulam ni Coco. Kung mayaman lang ako magsasagawa ako ng foundation kung saan mamimigay ako ng mga relief goods at tanging yung ulam lang na delata na iyon ang ipamimigay ko nang sa gayon ay di lang sila masasarapan sa ibinigay ko magiging gwapo pa  ako sa paningin ng lahat.
Maitim, kulot, pango, malaki ang mata at makapal ang labi, yan ako na madalas mapagkamalang Ita o Igorot kung saan naaalala ko pa noon ng tinawag ako ng guro ko para pabasahin na talaga namang ikinagukat ko dahil bihira nya lang gawing iyon. Sa unang pangungusap pa lang ay alam ko na kung bakit ako ang tinawag nya dahil kahawig at parang ako pala ang tinutukoy na bida at nagmistulan akong katatawanan sa lahat ng mga kaklase kong naging mapanglait noong panahong iyon. Akala ko noon sa unggoy nagmula ang tao kaya naiintindihan ko kung bakit ako ganito pero habang nakikinig ng radio ay may isang joke na umalingawngaw sa  tainga ko na kung sa unggoy daw nagmula ang tao bakit mayroong mukhang kabayo? Saan nga ba talaga nagmula ang tao? Sa dami ng problema ko samahan pa ng problema ng Pilipinas pati ng napakaraming ekwasyon na nagpapasakit ng mata ko ay wala na kong panahon para alamin pa yan. Gwapo, maganda, macho at seksi, bakit nga ba may ganyan pa sa mundo o dahil meron na rin naman bakit hindi lahat nakakuha niyan? Pangmayaman lang ba iyan o kailangan pang bumili ng mga magulang ng kung ano man na aabot sa halagang isang libong piso kung saan pwede ka ng makasali sa rapol at ang premyo ay inam na dasal para maging gwapo o maganda ang magiging anak. Siguro para lang itong estado ng buhay na di dapat maging pantay-pantay nang sa gayon ay di maganap ang World War III kung saan ang pag-aawayan lang siguro ay kung sino ang mas gwapo o mas maganda.
Kailan kaya ako gagwapo? Siguro kapag yumaman ako pero papaano kung hindi? Kahit kasi sabihin natin na mas mahalaga ang panloob na anyo ibang usapan pa rin kapag maganda ang panlabas yung tipong kahit saan ka pumunta maging sa pinakatagong iskinita ay di pwedeng walang mapapatingin sa iyo. E kapag ako naman ang lumalabas mga isnatcher lang ang tumitingin at nagkakainteres. Kanino ko ba dapat isisisi ang pagkakaroon ko ng ganitong mukha? Sa tatay ko ba na hindi kagwapuhan este hindi talaga, sa nanay ko na naglihi sa kung saan man o sa global warming kung saan sa pabagu-bago ng klima ay naapektuhan na rin pati ang itsura ko?

Ano man ang sabihin nila, gwapo ako! Ito ang paniniwala ko at ito ang pananaw na ipinaglalaban ko. Magunaw man ang mundo sa ika-21 ng Disyembre sa taong 2012, matuloy man ang World War III at  malubog man sa tsunami ang buong Pilipinas ay taas noo ko pa ring ipagsisigawan na “GWAPO AKOOOOOOOOOOOO!” Pero syempre biro lang yun dahil sigurado ko naman na kahit ano ang sabihin ko ay magagalit ka at sa sobrang inis ay maisipan mo pa na hanapin ang pagkakakilanlan ko sa Facebook nang sa gayon ay mapahagisan mo ako ng bomba mula sa limampung helicopter at dalawang private jet na ipinangutang mo pa. Sige na nga, sa tagal kong nabuhay sa mundong ito ay ito na ang panahon para ipagmalaki at mahalin ang pagmumukha na mayroon ako. Sino pa nga ba ang magdadamayan edi kami rin, kapag ako’y malungkot ganoon din sya pero bakit minsan parang malungkot pa rin ang mukha ko kahit ang totoo’y wagas na ang kaligayahan ko? Kung gwapo lang sana ako magkakaroon ako ng sapat na lakas ng loob para humarap sa maraming tao, maligawan ang hinahangaan kong nilalang at paulit-ulit na magpiktyur para marami akong litrato na ibabalandra sa Facebook dahil sa pangalan pa lang nito ay parang rekwayrment talaga ang FACE! Ang hirap din kapag iyong gusto mong ligawan ay may kagandahan dahil bukod sa mga taong nakatingin na di ko alam kung matutuwa o manglalait ay napepresyur din ako dahil parang perpekto dapat ang lahat ng kilos para mas lalo nya kong magustuhan pero naniniwala rin ako na ngayon hindi usapan ang panlabas na anyo ang mahalaga ay mahal ninyo ang isa’t-isa, sa totoo lang pampalubag loob lang ito. Ano man ang itsura ko sa mundong ibabaw ay isasaisip ko na lamang na sa kabilang buhay ay gagwapo rin ako pero kung gayun bakit ayaw ko pang pumunta doon? Dahil syempre, baka mas mauuna ka sa akin dahil ang masamang damong tulad ko ay matagal mamatay, biro lang.


Walang komento: