Papalubog na ang araw ng makauwi si Juan
galing sa bukirin. Pagsasaka ang kaniyang ikinabubuhay. Wala siyang sariling
lupa kaya naman nakikisaka na lamang. Maliit ang sahod lalo na at dumalang na
ang bilang ng pag-aani. Minsan naman ay walang maani dahil kung hindi
nasasalanta ng bagyo ay nasisira ng matinding init ng araw. Mababakas sa mukha
niya ang pagod kasabay ng walang humpay na pagtulo ng pawis. Pagpasok sa bahay
ay agad niyang itinabi ang mga kagamitan. Maliit na kubo lamang ang kaniyang
bahay. Kumportable para sa kaniya na mag-isa lamang na naninirahan. Wala pa
siyang asawa dahil iniisip niya na wala pa siyang kakayahang bumuhay ng isang
pamilya. Hindi siya nakapagtapos ng sekundarya dahil sa malayong paaralan at kakulangan
sa pinansyal. Matagal na ring yumao ang kaniyang mga magulang kaya naman maaga
siyang natutong magbanat ng buto para buhayin ang sarili. Kahit walang kasama
sa buhay ay hindi siya nawawalan ng pag-asa. Alam niya na balang araw ay
makakamtam niya rin ang mga pangarap niya sa buhay tulad ng pagkakaroon ng
malaki at masayang pamilya.
Napansin niya na kumukulo na ang
kaniyang tiyan. Hindi siya kumain ng tanghalian dahil ibinigay niya ito sa
isang pamilya na dalawang araw ng hindi nalalapatan ng pagkain ang mga sikmura.
Pumunta siya sa kusina para maghapunan. Naghanap ng ulam ngunit wala siyang
nakita. Kinuha niya na lamang ang papaubos ng laman ng bote ng toyo para iulam.
Kumuha siya ng plato at inilapag sa lamesa.
“Ano ba ‘yan, wala na nga pala akong bigas,”
wika ni Juan pagkabukas sa taklob ng kaldero. Napakamot siya sa ulo ngunit
nananatiling nakangiti.
“Kailangan ko na nga palang mangutang sa
tindahan bukas. Ikaw tiyan, pahinga ka muna ha. Tiis ka muna at makakaraos din
tayo.”
Nabalot
na ng kadiliman ang buong kapaligiran. Hinanap ni Juan ang piruk-pirok nang sa
gayon ay maliwanagan ang loob ng kaniyang bahay.
“Teka, saan ko nga pala nailagay ang posporo?
Alam ko nandoon ‘yon sa…” Nakita ni Juan ang posporo na may natitira pang siyam
na palito. Sa kaniyang paglalakad ay hindi niya inaasahang mapapatid siya ng
isang bagay na nakakalat sa sahig. Napadapa siya at saktong napalublob ang
kamay na may hawak na posporo sa batya na may lamang tubig-ulan. Dahil sa
kahirapan ay hindi niya na rin napapalitan ang butas-butas na bubong na
nagiging sanhi ng paglawa sa loob ng kaniyang bahay. Lupa ang sahig na
tinatapakan niya na nagiging maputik at madulas tuwing tag-ulan.
“Swerte ko naman ngayong araw na ito. Wala na
nga akong hapunan, ni pang-ilaw wala pa rin,” napabuntong hininga na lamang si
Juan.
Kalagitnaan
ng gabi bago tuluyang matulog ay minabuti niya na sumugod sa kagubatan para
maghanap ng panggatong. Maliwanag ang sinag ng buwan kaya naman naaaninag niya
pa ang kaniyang dinaraanan. Maya-maya ay nakatapak siya ng tinik. Napaluhod
siya sa sobrang sakit. Pilit niyang inaaninaw ang kaliwang paa at marahang
tinanggal ang tinik. Nagpatuloy siya sa kagubatan kahit masakit at paika-ika na
ang kaniyang paglakad. Nagsimula na siyang manguha ng mga panggatong na inilagay
niya na lamang sa mga braso. Naisipan niya rin na pumunta sa kawayanan. Pumutol
siya ng may tamang laki ng mga kawayan at hinati sa gitna gamit ang itak na
nakasabit sa kaniyang baywang.
“Aaaah….” Nabitawan ni Juan ang mga
panggatong habang hawak pa rin ang itak. Isang sawa ang bumulaga sa kaniya na
agad niya namang naiwasan. Binugaw niya ito ngunit masyadong mabagsik ang ahas
na akmang tutuklawin siya. Sinugod si Juan na napaatras sa takot. Nang
magkaroon ng pagkakataon ay tinaga niya ang sawa sa ulo. Paulit-ulit niya itong
tinaga hanggang sa mamatay.
“Akala mo ha! Hinding-hindi mo ako
mahahapunan. Patay ka ngayon,” itinapon ni Juan ang sawa sa malalim na bangin.
Inipon niya na muli ang mga panggatong at ang dalawang piraso ng pinagbiyak na
kayawan. Bago umuwi ay naghanap rin siya ng dalawang batong buhay. Pag-uwi ay
inilapag niya na ang mga panggatong at dali-daling sinimulan ang paggawa ng
apoy gamit ang mga bato. Inabot na siya ng
isang oras ngunit hindi pa rin siya nakakapagpaapoy sa pamamagitan ng
pagkikiskis ng dalawang mga bato. Pagud-pagod na siya at ang damit ay
basang-basa na dahil sa pawis. Lalo siyang nakaramdam ng gutom pero nagpatuloy
siya sa pagpapaapoy gamit naman ang kawayan. Hatinggabi na ng nagtagumpay
siyang mapalabas ang apoy. Hindi niya namalayan na bukas pa ang bintana.
Maya-maya ay umihip ang malakas na hangin na pumatay sa pinaghirapan niyang
apoy.
“Haha. Nakakatawa naman. Kung kailan
nakapagpaapoy saka naman humangin ng malakas,” tumayo si Juan para isara ang
bintana. Pagkatapos ay bumalik siyang muli sa kinauupuan. Nagpahid muna siya ng
pawis gamit ang hinubad na damit bago magsimula.
“Sa wakas! Lumiyab ka rin. Salamat sa Diyos.”
Sinindihan
na ni Juan ang piruk-pirok na kanina pa naghihintay na masindihan. Hinugasan
niya muna ang natinik na paa bago inayos ang pagtutulugan. Inilapit niya dito
ang ilawan. Sapat lang ang liwanag para sa nakaugalian niyang gawin tuwing
gabi. Maayos na siyang nahiga sabay hikab. Kumuha siya ng isang aklat na nasa
ilalim ng kaniyang unan at sinimulan ng basahin ang pinag-ipunan niyang
bibliya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento