Noong niligawan
ka niya, nasaktan ako lalo na noong humingi ka sa akin ng payo. Sa halip na
umiwas, inalalayan kita at pinili kong nandoon ako.
Noong naging
kayo, gumuho ang mundo ko. Hindi ko maintindihan pero sino nga ba ako para
masaktan gayong hindi ko naman ipinaalam ang tunay kong nararamdaman. Nakita
kitang masaya kaya sa bawat hakbang mo kahit nasasaktan ako, nandoon ako.
Noong naghiwalay
kayo, patawarin mo ako pero natuwa ako sa pag-asang muling magbukas ang puso
mo. Sa bawat iyak mo, sa tuwing kailangan mo ng panyo na papawi sa mga luha mo,
nandoon ako.
Nakalimot ka,
bumangon at muling nagsimula. Nakakita ako ng pagkakataon kung saan sa puso mo
pwedeng ako naman ang nandoon. Ngunit hindi pala ganoon kadali. Sa tuwing
kasama kita alam kong siya pa rin ang nasa isip mo. Sa tuwing magkausap tayo
dama kong siya pa rin ang nasa dulo ng dila mo. Sa tuwing napapatawa kita
sigurado akong ang alaala niya pa rin ang nagpapahalakhak sa'yo.
Ok lang.
Sinubukan ko lang naman.
Sa susunod na magmahal ka o kung muli mo siyang
makasama, pangako nandoon pa rin ako. Hindi para muling umasa kundi bilang
isang matalik na kaibigan na aalalay kapag natisod ka, sasalo kapag nahulog ka,
at magbabangon sa'yo kapag muli kang nadapa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento