Sabado, Enero 4, 2014

Ang Huling Alaala

Malamig ang hanging umiihip, unti-unting nagdidilim ang kalangitan at nagbabadyang bumuhos ang malakas na ulan na para bang pati langit ay nakikiramay sa pagkamatay ng aking lola na kalilibing pa lamang. Pagkatapos namin siyang maihatid sa huling hantungan ay agad na kaming umuwi nang sa gayon ay makapagpahinga. Malungkot ang lahat kasabay ng walang tigil na buhos ng mga luha, nakabibingi ang alingawngaw ng katahimikan at bago pa man lagyan ng laman ang kumukulong tiyan ko ay minabuti ko munang pumunta sa banyo upang umihi. Binuksan ko ang ilaw at saka pumasok para mailabas na ang ihi na kanina ko pa iniinda. Habang umiihi ay bigla na lamang namatay ang ilaw na inakala kong nawalan lamang ng kuryente ngunit ako ay nagtaka nang aking narinig ang pagpindot sa switch. Binuksan ko ang pinto para alamin kung pinaglalaruan lamang ako ng pinsan ko pero laking gulat ko nang wala akong nasaksihan ni isang tao at wala rin akong yabag na narinig. Muli ay binuksan ko ang ilaw para tapusin ang pag-ihi at nang kinuha ko na ang tabo para magbuhos ay may nakita akong puting kasuotan sa aking likuran na naging dahilan upang ako ay magmadali at lumabas dahil sa kumakaba kong dibdib.

Lumulubog na ang araw at unti-unting nilalamon ng dilim ang buong kalangitan. Pagod ang lahat habang mababakas pa rin sa mga mukha nila ang kalungkutan kaya naman maagang nahimlay ang  lahat para makapagpahinga. Magkadikit ang bahay ng lola ko at bahay namin at simula nang siya ay magkasakit doon na ako madalas natutulog para samahan ang pinsan ko sa pagbabantay. Sa gabing iyon ay nagsimula nang matulog ang lahat, sa loob ng isang kuwarto ay may dalawang kama. Nakahiga sa isang kama ang tita at dalawang pinsan ko  habang sa isa naman ay ako pati na rin ang tito ko na sadyang matatakutin. Nakatitig lamang ako sa dilaw na ilaw sa buong magdamag at kasabay ng pagpatay dito ay nakatulog na rin ako.

Kinaumagahan, nagising ako dahil sa isang malakas na lindol. Iminulat ko ang aking mga mata kung saan ang una kong nasilayan ay ang ilaw na napansin kong hindi gumagalaw. Doon nagising ang diwa ko at saka iginala ang aking paningin para malaman kung lumilindol pero kinabahan na ako nang makita kong ang isang kama ay hindi gumagalaw. Doon ko napagtanto na nagpaparamdam ang lola ko sa pamamagitan ng pag-alog sa kama. Nagising na rin ang tito ko at dahil siya ang pinakamatatakutin sa lahat ay agad itong bumangon at lumabas na wala man lamang sinabi nang makita niya kong gising. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko sa mga panahong iyon dahil ako na lamang mag-isa ang naiwan sa kama. Minabuti ko na lamang na magpanggap na tulog pero napag-isip-isip ko na alam niyang nagtutulug-tulugan lamang ako habang ang kama ay patuloy pa rin sa pagyugyog. Binalutan ako ng takot at kaba dahil alam ko na isang ispirito o ang lola ko ay nasa tabi ko lamang para magparamdam. Sa sobrang takot ko ay binigkas ko ng tatlong beses ang “Jesus, Maria, Joseph” pero dahil hindi pa rin ako tinatantanan ng aking lola ay buong tapang na lamang akong tumayo para lumipat sa aming bahay at doon ipagpatuloy ang aking pagtulog. 

Bago ako pumasok sa aming bahay ay napansin kong bukas ang lahat ng bintana at wala pa ring gising sa oras na iyon na napag-alaman kong alas-sais. Dahil sa maraming kamag-anak ang dumating ay marami rin ang nakitulog sa amin kaya naman napuno ang kuwarto pero dahil inaantok pa ako at ayaw ko ng bumalik sa kabila ay sumiksik na lamang ako kung saan ang kalahati ng katawan ko ay nasa loob ng kuwarto habang ang kalahati naman ay nasa labas. Bahagya na ring nawala ang kaba ko at agad akong nagpasalamat sa Diyos dahil nakaiwas na ako sa naganap na pagpaparamdam. Ipinikit ko ng muli ang aking mga mata habang maya-maya ay may kakaiba akong naramdaman. Isang napakalamig na bagay ang tila humawak o umapak sa kaliwa kong sakong. Walang taong gising, wala rin akong yabag na narinig kaya napagtanto ko na sinundan ako ng ispirito ng aking lola. Tinapakan niya ako sa sakong kung saan ang lamig ay nasa bahagi lamang na iyon at hindi kumakalat kung saan hindi rin ako nakagalaw na tila nanigas dahil sa lamig. Kakaiba ang lamig na aking naramdaman kung ikukumpara sa isang yelo. May kakaibang pakiramdam na sumagi sa akin habang nadarama ang lamig at nagsimula na muli akong kabahan para sa susunod niyang gagawin. Muli ay hindi ko alam ang gagawin ko, ayaw kong gisingin ang mga kamag-anak kong natutulog pa dahil alam kong hindi rin sila maniniwala. Sa sobrang takot ay pilit kong tinatanong ang sarili kung bakit ako ang minumulto ng aking lola gayong ang isa kong pinsan na pinalaki niya ang kaniyang paboritong apo. Naging mabait ako sa kaniya at wala siyang sama ng loob sa akin at ginagawa ko rin kung ano man ang nais niya kahit hindi ko naiintindihan ang sinasabi niya noon dahil hindi na ito nakapagsalita at nakalakad simula ng magkadiabetes. Iniisip ko na maaaring may nais siyang sabihin sa akin bilang huling mensahe pero hindi ko alam kung ano iyon. Sa sobrang takot ay hindi ko na namalayan na nakatulog na pala ako.

Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng paghawak o pagtapak niya sa akin pero ang bagay na iyon ang pinakahindi ko malilimutan sa kaniya. Sa mga panahong iyon ko rin nalaman na ang madalas niyang itinuturo noon sa hagdan ay maaaring ang lolo ko na asawa niya na sinusundo na pala siya.


Walang komento: