Mula
sa pagkakahimbing habang nakapulupot ang kumot sa aking katawan, ginising ako
ng tyang nag-alboroto at tulad ng dati naunahan ko namang gumising ang alarm ng
cellphone kong LG na walang send to many. Bumangon ako, tiniklop ang puting
kumot na ngayo’y kulay ivory na at sabay dumaretso sa kusina. Umagang-umaga
pero nabalot agad ako ng inis dahil sa mga ligpiting dalawang araw ng
nakatambak. Kinuha ko ang baso ng ovaltine na kulay asul at nagmugmog gamit ang
nakasanayang tubig gripo. Masyadong malamig ang panahon kaya naman naisipan
kong mag-init ng tubig pampaligo, tulad ni Kim Bum sa seryeng High Kick naiinis
din ako sa tuwing pinagbabawalan ako sa pag-iinit ng tubig. Hindi na
nag-aalboroto ang tyan kong may mga bulateng nakaburo kaya naman minabuti kong
lantakan na ang mainit na tinapay na bili kay Ka Teroy. Kumuha ako ng
tubig sa termos na bulaklakin para magtimpla ng kape na masyadong napatamis at
pinagpag ang tinapay bago ipasok sa bibig kong di pa nalalapatan ng toothpaste.
Nangilabot, napasigaw at napatalon ako sa pagbuhos ng tubig na
di man lang tinalaban ng pinainit kong pampaligo. Dali-dali kong kinuha ang
shampoo at tulad ng inaasahan naubusan na naman ako kaya naman safeguard na
naman ang natikman ng kulot kong buhok. Habang nakapikit dala ng pagkaantok,
sinasabon ko na ang aking katawan na bagamat payat ay matso naman. Di ko
namalayan na unti-unti na palang dumudulas ang sabon sa kamay ko hanggang sa
mahulog ito sa inodoro. Natulala at napaisip ako sa karumal-dumal na kaganapan
kaya naman ako’y pumikit muli, inilabas ang dila habang pinipigil ang paghinga
at sabay dakot sa sabong nahulog. Hinugasan ko ang sabon hanggang sa mauspod at
saka ginamit sa mukang kanina pa naghihintay na malinis na walong oras sa isang
araw kung ibabad ko sa salamin.
Pagukuha ng class cards ang dahilan ng pagpunta ko sa iskul kaya
naman sa sobrang sabik ay dali-dali akong nagbihis suot ang bagong damit na
bigay ng Tito ko. Habang nananalamin, unti-unti kong sinusundot ang puwit upang
pakiramdaman kung may pagsabog na magaganap ngunit napigilan na ito. Nakasakay
na ako sa jeep na punong-puno na naman ng mga pasahero at patuloy pa ring
nagpapasakay kahit wala ng mauupuan. Sa sobrang sabik sa mga markang makukuha ko
ay muli na namang nag-alboroto ang puwit na kanina’y nagpanggap lang pala na
tahimik. Umarangkada na ang jeep na pang bus ang laman habang ako’y nag-iisip
kung bababa na ba gayung kasasakay lang o susubukan na lamang na pigilan ang
tawag ni Diwatang Eva. Lumipas ang mga minuto at nagawa ko namang pigilan ang
nagagalit na bulkan subalit nangangamba pa rin dahil sa bawat pasulong, pababa
at lubak-lubak na madaanan ay para bang nagkaroon ng butas para tuluyang
makalabas sa rehas ang mga presong ikinulong ko ng tatlong araw sa tyan.
Apatnapung minuto ang lumipas bago ko narating ang sintang
paaralan na may mabahong kubeta at kahit masama na ang pakiramdam ay nagawa ko
pa ring lumakad ng maayos na parang Bench model lang. Tulad ng dati, wala pa
ang mga paimportanteng propesor na nasa dugo na ang pagiging huli. Paikot-ikot
ako sa rum, paiba-iba ng pwesto, uupo at maya-maya’y tatayo para lang mapigilan
ang pag-bulwak ng mga preso. Hindi pa lumilipas ang isang oras at ni isang
class card ay wala pa. Habang naghihintay, mas nangamba ako hindi dahil sa mga
markang nagpapakaba sa akin kundi dahil sa kahihiyan na maaari kong maranasan
kapag biglang sumabog ang laman sa puwitan. Nilibang ko na lang ang sarili ko
para makalimutan ang masamang tyan at minabuti ko na lang na mag-isip subalit
sa kahit anung isip ko ay may dalawang istorya ang pumapasok, una ay ang
mga kaklase ko noon na napadumi sa klasrum at pangalawa ay ang istorya sa
Hiraya Manawari kung saan isang babae ang pinabasa sa unahan ng istoryang
tunkol sa mga bulkan at sa tuwing magbibigkas ito ng salitang pagsabog ay mas
nag-aalboroto naman ang tyan ng isang lalaki na minabuting maupo sa likuran.
Mainit ang kapaligiran dahil sa mainit na sikat ng araw subalit
ang katawan ko’y patuloy na binabalot ng kalamigan na nagpapatayo sa mga
balahibo. Habang nagpipigil, nag-iisip na ko kung saan maaaring dumumi
pero di ko pipilian sa kubeta ng iskul dahil bukod sa maaaring marami ang
makasaksi ay malalagutan pa ako ng hininga sa sobrang baho. Lumabas na ako ng
rum, minabuti ng umuwi na lang at bigla kong naisip na makibanyo sa isang lugar
subalit wala talagang pakisama ang tadhana dahil nadatnan ko ang mga kaklase ko
doon kaya naman pinili ko na lang na umuwi. Malamig na pawis ang bumalot sa
katawan ko at di pa rin mapakali sa kinauupuan sa jeep. Inis na inis ako
sa sarili ko dahil sa nasayang kong pamasahe pauwi at pabalik kung saan wala
naman akong napala. Umandar ang jeep at patuloy kong pinipigil ang
pagbuka ng butas sa puwit gayun na din ang pag-utot nang sa gayun ay di ako
mapagkamalang isnatcher ng mga katabi ko. Ngunit sa sobrang daming utot ang di
ko pinakawalan ay lalo akong nag-alboroto at nais na rin lumabas ng mga utot sa
bunganga ko dahil sa pagkakakulong sa puwitan.
Nangangalahati na
ang daan at sa wakas malapit ko ng masaksihan ang tagumpay at kaginhawaan sa
pakiramdam nang biglang sunud-sunod ang pumara, andar… tigil… andar… at tigil
uli hangang sa di na ko nakapagtimpi. Malayo pa ako sa bahay pero buong tapang
na kong bumaba sa jeep para tahakin ang kagubatan at doon ibuhos ang lahat ng
nararamdamang sama ng loob. Naghanap ako ng lugar na madamo kung saan walang
makakakita sa kahihiyang gagawin at para tuluyan na ring makapagbawas. Naupo
ako sa likod ng malagong damuhan at sabay tanggal sa brief at pantalon. Payapa
ang hangin habang mataas pa rin ang sikat ng araw at sa wakas ang mga preso’y
nag-unahan na sa paglabas na parang mga nakawala sa kural. Naging maingay ang
bawat paglabas nila na sinasabayan ng mabahong utot pero ang kasindak-sindak na
bumulaga sa akin ay ang purarat na taeng kulay lupa. Ibinigay ko ang lahat ng
makakaya ko sa pag-iri hanggang sa tuluyan na silang makaalpas. Kinuha ko ang
malalapad na dahon sa harap at dahan-dahang ipinahid sa puwit.
Natapos na ang seremonya kaya naman dali-dali akong tumayo at
muling isinuot ang brief at pantalong di nabahiran ng tae. Sakses ang lahat
kaya naman maaari na kong makauwi kaysa bumalik pa sa iskul. Habang nakatayo,
tumingin ako sa maaliwalas na kalangitan at pinasalamatan ang lahat ng mga
santong kilala ko para sa pagsasalba nila sa akin sa oras ng panganib. Ngunit
sa pagtalikod ko, isang katotohanan ang sumambulat sa akin. May isang manong na
nagtitinda ng sorbetes ang kanina pa palang umiihi sa bandang likuran at
nasaksihan nya ang pagpapakawala ko sa mga presong tatlong araw nang nakaburo
sa tyan ko. Dahan-dahang humangin, nagtagpo ang aming mga mata na tila ba
nangungusap at nginitian ako na para bang nang-aasar.
Hindi ako nakapag-isip agad at natigilan ako sa mga pangyayaring
naganap pero dahil di ko naman sya kilala, taas-noo pa rin akong lumakad ng
mabilis tulad ng isang Bench model muli para maiwasan pa ang mga taong bigla na
lamang sumusulpot sa kung saan at sa maling panahon at pagkakataon. Lumakad ako
hanggang sa makalayo at nang maabot ang susunod na kanto ay muli kong binalikan
ng tingin si manong at laking gulat ko na patuloy pa rin itong nakatingin at
kahit malayu na ay naiinis na napansin ko syang nakangisi pa rin kung saan
naglilitawan ang mga bulok na ngipin nya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento