Lahat na
lang yata ng paaralan ay nabalitang dating sementeryo. Isa na riyan ang hayskul
na pinasukan ko. Hindi ko alam kung totoo pero may mga balita na marami raw na gumagalang
kung anu-ano sa aming paaralan. Para mapatunayan, nagkasundu-sundo kami ng mga
kaibigan ko. Pumunta kami sa iskul sa araw na walang pasok at nagmasid na
animo’y mga detective sa pelikula. Sarado ang geyt kaya naman dahan-dahan
kaming umakyat dahil sa isang pagkakamali lang ay siguradong matutusok ang aming
mga puwitan. Sakses ang pagliban kaya agad kaming naglibot para sa isakatuparan
ang aming mahalagang misyon. Habang naglalakad sa bawat silid-aralan ay
napansin naming bukas ang lahat ng ceiling fan gayong walang tao at higit sa
lahat ay sarado ang mga pinto. Kahit papaano mabait din naman kami, hindi nga
lang halata. Isa-isa naming isinara ang mga ceiling fan hanggang sa makaabot
kami sa huling silid-aralan. Pagbalik namin, nakita naming nagbukasang muli ang
mga ito gayong kami lamang ang tao. Mabilisan kaming nagtakbuhan hanggang sa
makaabot sa isang geyt pero sa sobrang taas nito ay hindi namin nagawang
umakyat kaya bumalik kami sa geyt kung saan kami pumasok. Wala na kaming
pakialam kung matusok pa ang mga puwit namin, ang mahalaga makalabas. Bahala na
rin ang iba, kaniya-kaniyang akyat na lang at ang maiwan ay kawawa.
Tulad ng
inaasahan, leyt na naman ako sa klase. Hindi ko alam kung bakit hindi ako
magising sa tunog ng alarm clock. Siguro dahil sa perya ko lang binili ang
bateryang inilagay ko sa kaniya. Sa hirap ng buhay choosy pa si alarm clock? Agad-agad
akong bumangon para magmumog. Sapilitan kong ipinalsak ang isang buong pandesal
sa bunganga ko para makatipid sa oras. Hindi ko na rin nagawang maligo pa at
kahit maligo ako para namang wala ring ipinagbago. Pagdating sa klasrum, wala
pa ang aming guro. Akala ko ay palengke ang napasukan ko dahil Lunes na Lunes
ay nagpapalitan na ng iba’t-ibang naipong tsismis ang mga butihin kong kaklase.
Mabuti na lamang at wala pa ang aming guro pero kahit papaano ay nanghihinayang
din ako dahil hindi ako nakapaligo. Antok-antok pa ako noon kaya naman minabuti
ko munang itahimik ang madaldal kong bibig. Wala akong masyadong magawa kaya
tinitigan ko na lamang ang mga kaklase ko na hindi ko alam kung normal pa ba
ang mga ikinikilos. Agang-aga pero marami ang nagtsitsismisan. Ang iba
nagbabasa ng libro, may nagpopolbo, may nagtetext, habang ang iba ay nasa labas
at naghihintay yata ng Pasko. Nakita ko sila na masaya kaya naisipan ko ring
lumabas. Ang isa kong kaklase mukhang nasobrahan yata sa almusal. Bigla-bigla
niya na lamang pinagtatatatambol ang dingding ng klasrum na yari sa yero.
Naging maganda naman ang kinalabasan ng mga notang nabuo niya kaya nakisali na
rin ako. Hinampas ko ng hinampas ang yero hanggang sa maramdaman ko ang kaligayahang
unti-unting dumadaloy sa mga ugat ko. Maya-maya, biglang lumabas ang isang
masungit na guro at nagsisisigaw. Nakalimutan ko na malapit nga lang pala ang
tinatawag nilang “guidance room.” Mabilis kaming nagsipasukan sa klasrum at
nanahimik.
“Sino ‘yang nagtatatambol ng dingding.” Sigaw ng guro
habang taimtim akong nagdarasal na sana walang magsalita. Tinawag ko pa ang
lahat ng santo para walang umamin pero mukhang marami talaga ang natakot kaya
napilitan ng magsumbong.
“Mam, sila po ‘yon.” Sumbong ng karamihan habang
nakangisi. Mukhang napagkaisahan yata kami ng mga loko kong kaklase.
Kinabahan
ako dahil iyon ang unang pagkakataon na mapa-guidance ako. Sa sobrang kaba ko
naisip ko tuloy na papaano na ang mga nasimulan kong pangarap sa buhay? Sa
sobrang drama ko ay nabigyan kami na parusang “pumping,” kung mali man ang
ispeling who cares? Hindi ko na maalala kung ilang beses iyon pero hiyang-hiya
ako sa sarili ko dahil marami ang nakasaksi. Tapos na ang pinangalagaan kong
career. Ang mga pagpupursige at pagsisikap ko sa pag-aaral ay nabahiran na ng
karumal-dumal na kahihiyan.
Habang
naghihintay sa susunod na klase ay nagkakakanta ako. Umaalulong ako na parang
isang asong ulol na rinig hanggang sa kabilang klasrum. Sa di inaasahang
pagkakataon ay dumating na pala ang guro ko na hindi ko man lang naramdaman ang
kaniyang presensya. Pagkakita ko sa kaniya ay nanlilisik ang mga kaniyang mga mata
habang umaapaw ang pulang chakra sa kaniyang paligid. Tulad ng inaasahan
nagsisigaw din siya pero nang makita niya na ako ang umalulong ay natahimik
siya. Hindi niya na lamang ako pinansin at sa halip ay sinimulan na ang klase.
May maganda rin palang naidudulot ang pagiging matalino sa klase. Exempted
pagdating sa kalokohan. Salamat sa Diyos at binigyan niya ako ng katalinuhan.
Ngayon ko lang naunawaan na totoo nga na “everything happens for a reason.”
Isa sa mga
paborito kong gawin noon ay ang pagkakantiner. Marami sa amin ay mas gustong
maging kantiner kaysa makinig sa klase. Paborito kasi namin na dumukot ng kendi
sa mga paninda ng kantin. Huwag kayong maingay ha, dahil hanggang ngayon hindi
nila alam ‘yan. Isa ‘yan sa mga top secret ng aming seksyon. Hindi na namin
inisip kung malulugi sila, kaniya-kaniyang trip lang ‘yan. Naghirap din naman
kami kakatinda. Gantihan lang kung baga. Marami rin kaming natututunan
pagdating sa klase. Minsan nagsasagawa kami ng tinatawag na “cooking”. Nagluto
kami ng lasagna at tacos pero nang tapos na namin itong maipakita sa aming guro
ay nagkagulo na ang lahat na animo’y mga gutom na linta. Doon nagsilabasan ang
mga sm o simpleng matatakaw. Mayroong iba na kahit hindi naman kagrupo ay bigla
na lamang nakikipagsiksikan para makikain. Ang malupit ay ang iba naming
kagrupo na talaga namang hindi namin inasahan na may nakahandang malalaking
lagayan. Kaniya-kaniya silang dampot at wala na silang pakialam kung maubusan
ang iba. Pero dahil ako ang lider ay nakipagsiksikan na rin ako. Ginamit ko ang
mga “siko ni diba” para lang umalis sila sa harapan ko pero huli na rin ang
lahat. Parang kanina lang masaya akong natatakam at nasasabik para matikman ang
niluto namin pero ang lahat ay mananatili na lang palang isang mapait na
bangungot.
Madalas
kaming tumatambay sa koridor kapag walang klase o kapag wala pa ang aming guro.
Nakasanayan na naming magpalipad ng eroplanong papel mula sa ikatlong palapag
ng gusali. Sa kasamaang palad ay nahuli kami ng isang guro kaya naman pinapulot
sa amin ang mga eroplanong papel na matatagpuan pa sa pinakamababang bahagi ng
mundo. Minsan naman ay nagkakantahan kami kasabay ng paggigitara. Kagulo na ang
lahat sa pagkanta na para bang wala ng bukas. Ang iba ay nangangagaw pa ng song
hits para lang makasingit sa pagkanta pero kapag kumanta naman ay mukhang
nagsisilabasan ang mga masasamang ispirito. Maya-maya ay may sumigaw sa amin.
“Uy, klasmeyts papaakyat na ang prinsipal.” Sigaw ng
kaklase ko habang bumubuwelo sa pagtakbo. Agad kaming kumaripas at nagpasukan
sa loob ng silid-aralan. Kaniya-kaniya kaming balik sa upuan at para walang
ebidensya ay isinara namin ang pinto ng klasrum. Tulad ng inaasahan, tagumpay
ang plano.
Minsan
na ‘kong naging piling matalino. Galit sa mga estudyanteng nangongopya at
nagpapakoya. Sa isang eksam, hindi ko na natantiya ang kaklase ko na naging
dahilan ng pagkainis ko. Nahuli ko kasi siyang nangongopya at nagbubukas ng
notbuk. Sa tingin ko hindi iyon patas kaya tumayo ako sa matikas na tindig at sumigaw
gamit ang malaki kong boses.
“Mam si Ana, nagtsi-cheat!” Sigaw ko kung saan nagulat
ang lahat dahil sa lakas ng boses ko na parang nanggagaling sa ilalim ng lupa.
Maging si Ana ay gulat na gulat at hindi alam kung ano ang kaniyang gagawin.
Napaisip din ang guro namin dahil iyon yata ang unang pagkakataon na may
nagsumbong. Pakiramdam ko tuloy ang weird ko. Hindi alam ng mga kaklase ko kung
bakit ko nagawa iyon pero siguro agaw-pansin lang talaga ko sa araw-araw na
ginawa ng Diyos.
Kapag
math na ang sabjek ay nananahimik ang lahat. Ang mga maiingay at magugulo kong
kaklase ay biglang sinasaniban ng mga mabubuting anghel at bigla na lamang nakikinig
ng mabuti. Nakikinig sila pero sa iba pala nakopokus ang kanilang mga isip. Kung
hindi nakatingin sa guro ay sa orasan kami madalas nakatitig at naghihintay na
lamang ng uwian. Kabisadong-kabisado na tuloy namin ang bawat galaw ng mga
kamay ng relo. Sa wakas, uwian na. Pero bago ‘yon ay kailangan muna naming
maglinis-linisan ng klasrum. Papaano nga ba kami maglinis? Simple lang. Batuhan
ng basahan, nagpapadausdos habang nakatuntong sa bunot at kapag sinisipag ay
nagkakaututan pa. Binubura rin namin ang mga nakasulat sa pisara at kapag
nagkatugma ang aming mga kagustuhan ay magpapaltukan kami ng pambura kung saan
mapupuno ng mga pinong chalk ang aming mga pantalon o palda.
Lahat na
yata ng mga kalokohan ng mga estudyante ay sa hayskul nagaganap. Ang iba kapag
napaparusahan ay napaglilinis ng banyo kung saan itong banyo rin ang ginagawang
daan ng mga estudyante para makatakas o makalabas ng iskul. Kahit mabaho ang
kapaligiran dahil sa matinding amoy ng ihi ay nagagawa nila itong tiisin.
Umaakyat sila at agad nagtitipasan na parang mga bagong laya sa rehas.
Isa sa mga
hindi ko malilimutan na naging dahilan kung bakit ako naging instant celebrity
ay ang malaki at pasabog kong eksena. Huli ulit ako sa klase noon pero inuto ko
ang gwardiya para mapapasok ako. Isa kasi ako sa mga nautusang estudyante para
mamahala sa flag ceremony. Ako ang magbibigkas ng “Panunumpa sa Watawat.”
Mabuti na lamang at kasisimula lang kaya naman agad na akong umakyat sa
entablado. Kinuha ko ang mikropono at humarap sa mga estudyante ng buong puso.
Bawat salitang ibinibigkas ko ay damang-dama ko at talaga namang bukal sa aking
puso’t kaluluwa.
“Wow…” Sabay-sabay na reaksyon ng mga estudyante dahil
nadama rin nila ang aking naipakita bilang estudyanteng makabayan.
Pagkatapos
kong manumpa ay bumaba na ako ng entablado para pumwesto sa gilid. Maya-maya ay
bigla na lamang nandilim ang aking paningin hanggang sa mapaupo ako.
“Ok ka lang?” Tanong ng isang magandang estudyante habang
pinipilit kong tumayo.
“Ayos ka lang talaga?” Tanong ulit niya habang ang iba ay
napapaisip na.
Dumating
na lang ang punto na tuluyan na akong nawalan ng malay. Nagsigawan ang mga
estudyante maging ang ibang mga guro. Nanigas ang aking mga paa kaya hindi agad
nila ako mailakad dahilan kung bakit mas nakilala ng mga estudyante ang
pagmumukha ko. Pinasundo nila ako sa tatay ko. Minabuti nilang pagpahingahin na
lamang ako kahit maayos na ang aking pakiramdam. Kinabukasan, lahat sila ay nakatingin
sa akin. Lahat sila ay nakatawa na parang may gustong sabihin. Pinag-usapan ako
sa iba’t-ibang sulok ng paaralan. Noong una ay medyo nahihiya ako pero nang
tumagal ay ikinatuwa ko na rin dahil pakiramdam ko ay artista na ako. Dahil sa kasikatang
iyon ay tumakbo ako bilang pangulo ng “Supreme Student Government.” Ang totoo,
walang gustong tumakbo maliban sa makakalaban ko na kaklase ko rin kaya pinilit
nila ako dahil alam nilang makapal ang mukha ko. Sa kasamaang palad ay natalo
ako. May dalawang seksyon kung saan ako ang nakakuha ng pinakamaraming boto.
Una ay ang seksyon ng dati kong mga kaklase at pangalawa ay ang mismong seksyon
namin. Sabi nila ay ibinoto raw nila ako dahil alam nila na hindi ako mananalo
sa ibang seksyon. Tumama naman sila. Siguro hindi ako nanalo dahil noong
pinakanta ako sa entablado ay talaga namang napakasintunado ko kung saan hindi
ko rin masabayan ang tugtog ng gitara. Ganoon talaga ang buhay, minsan
pinapalad pero madalas parang hindi talaga ako pinapalad. Hayskul ang panahon
ng pinakamasayang pag-aaral. Dito ako nagkaroon ng mga totoong kaibigan. Dito
ako unang beses na umibig, mabigo at masaktan. Hinding-hindi ko ibabaon sa limot
ang mga alaala ng nakaraan. Ang mga pagkakamali at kalokohan na ginawa ko
habang estudyante ay magsisilbing masasayang ala-ala at yaman ng aking buhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento