Martes, Setyembre 25, 2012

Es-Em


“Anak, matulog ka na. Sige ka, kapag hindi ka nagising ng maaga iiwan ka namin.” Panakot ng aking ina. Alas diyes na ng gabi pero hindi pa rin ako makatulog dahil sa pagkasabik ko sa aming pamamasyal bukas. Unang beses ko kasing makakapunta sa tinatawag nilang Es-Em. Sabi nila maihahalintulad daw iyon sa napakalaking pridyider dahil sa malamig na kapaligiran kung saan sari-sari ang maaaring mabili at makita.

“Kring… Kring… Kring…” Tunog ng alarm clock na sinadya kong ilagay sa aking ulunan para siguradong magigising ako. Tuwang-tuwa ako dahil hindi napasarap ang tulog ko. Sa wakas ay tuluy na tuloy na rin ang matagal ko nang pinakahihintay. Pagkatapos maligo at maihanda ang aming mga sarili ay nagpunta na kami sa paradahan ng mga dyip. 

“Oh isa na lang misis at aalis na.” Wika ng dispatser. Mukhang swerte ang aming biyahe dahil hindi na kami maghihintay ng matagal kung saan kailangang mapuno ng mga pasahero ang dyip bago tuluyang umalis. Para makatipid ay kinalong na lamang ako ng aking ina hanggang sa nagsimula nang umandar ang biyahe.

“Junjun, kapag susuka ka magsasabi ka ha?” Wika ni Inay.

“Opo. May dala rin po akong plastik para sigurado.”

“Ah… Ganoon ba. Boyscout ka talaga.”

Habang nasa biyahe, may bumabang pasahero na napalitan naman ng isa ring mag-ina na naupo sa aming katapat. Bata rin siya na kasing edad ko na napansin kong natawa nang makitang sinusupsop ko ang aking hinlalaki. Hindi ko kasi mapigilan kahit madalas ay sinasaway na ako ng mga magulang ko. Maya-maya ay nakita ko na nagsusupsop din ng daliri ang batang iyon. Nagkatinginan kami sabay iwas. Pagkalipas ng tatlumpong minuto ay nasuka siya. Sa sobrang hilo at baho ng amoy ng suka niya ay hindi ko na rin napigilan ang sarili ko kaya naman nasuka na rin ako. Sinukahan niya ang ibabang bahagi ng pantalon ko habang ako ay nasukahan ko ang sapatos niya dahil hindi agad nailabas ni Inay ang plastik labo na dala ko.

Kumalma na ang pakiramdam naming dalawa habang naiinis ang mga pasahero dahil sa kalat na nagawa namin. 

“Para…” Wika ni Inay habang itinatali ang plastic labo na may laman ng aking suka. Hindi ko napansin na nakarating na pala kami. Pag baba namin ay bumaba rin ang mag-ina na nasa tapat namin. Pareho pala kami ng pupuntahan. 

“Wow…” Wika ko nang masilayan ko ang malaking gusali kung saan nakasulat ang pangalan nitong “Es-Em.” Bago pumasok ay pumila muna kami dahil kinapkapan ng mga gwardya ang bawat taong pumapasok. Ako sa pila ng mga lalaki habang si Inay ay sa mga pambabae. Pagpasok  namin ay binalot agad ng lamig ang aking katawan. Tumayo ang mga balahibo namin na para bang nasa pinakamalamig na lugar na kami sa mundo. Totoo pala ang sinasabi nila na halos buong paligid nito ay punung-puno ng lamig. Naisip ko tuloy noon na napakaraming sako ng yelo ang nagagamit para mapalamig ang buong lugar.

“Anak, kapit ka sa akin ha.”

“Opo. Inay ang ganda-ganda naman po rito. Ang galing din po nitong hagdanan, kusang umaandar. Hindi na natin kailangang humakbang pa.” Natutuwa kong sabi habang kami ay nasa eskaleytor. Iyon ang unang beses na nasubukan ko iyon kaya naman kinulit ko si Inay na magpabalik-balik kami. Ayaw niyang pumayag kaya nag-iyak-iyakan ako.

“Sige na nga, isang beses lang ha.”

“Iina… Dalawa po.” Walang nagawa si Inay kundi sundin ang hiling ko. Alam niya kasing mas magwawala ako at maglulupasay kapag hindi ako napagbigyan. Dali-dali kaming umakyat sa umaandar na hagdan tapos bumaba, akyat at baba ulit hanggang sa lapitan na kami ng gwardya. 

Una naming pinuntahan ay ang bilihan ng mga gamit. Manghang-mangha ako sa nakikita ng aking mga mata. Pakiramdam ko tuloy ay nasa paraiso na ako. Parang ayaw ko nang umuwi at kung maaari ay dito na lang ako tumira. Napakaraming magagandang mga damit ang aming nasaksihan. May mga sapatos din na iba’t-ibang kulay. May mga gamit para sa eskwelahan, sa bahay, mga palamuti, at kung anu-ano pa.

“Inay, sino po ba talaga ang tatay ko?”

“Ano ba ‘yang nakain mo at naisipan mong itanong ‘yan?.”

“Sino po bang may-ari nitong Es-Em? Para po kasing siya ang gusto kong maging tatay.”

“Bakit naman?”

“Para po dito na lang tayo tumira. Siguradong wala na po tayong poproblemahin pa.”  Nakangisi kong wika sa aking ina na napapangiti rin.

Habang naglalakad ay may nakita akong dalawang pinto na bumubukas at sara. Hinila ko si Inay doon. Ito pala ang tinatawag na elebeytor. Sumakay kami tapos may pinindot si Inay na mga numero na inakala kong telepono. Pagkapindot niya ay naramdaman ko na bumaba ang sinasakyan namin hanggang sa makarating kami sa baba. Pag labas namin ay napapaligiran kami ng maraming tindahan ng mga pagkain. Pumunta kami sa isang kainan na may malaking bubuyog na pula sa labas. Kumain kami ng chicken joy na napakalutong at uminom kami ng malamig na sopdrinks. Natapos na ang aming pamamasyal kaya kailangan na naming umuwi.

“Naiihi po ako.” Wika ko. Bago kami lumabas ay pumunta muna kami sa rest room para umihi. Nagulat ako sa aking pagpasok. Napakalaki pala ng kubeta roon. Siguro kasing laki na iyon ng aming kuwarto. Mayroon ding malalaking salamin. Umihi ako sa gilid pero hindi ko abot. Tumingin ako sa paligid pero wala namang upuan.

“Iho, pasok ka roon. Doon ka na lang umihi.” Wika ng isang lalaki. Muli akong namangha sa napakagandang indoro na kusang nabubuhusan ng tubig. Pagkatapos kong umihi ay naaliw naman ako sa bagay na kapag itinapat ang kamay ay may lalabas na sabon. Sa katabi naman nito ay hangin ang lumalabas para matuyo ang hinugasang kamay. Gusto ko sanang subukan kaso hindi ko naman maabot. 

“Anak, ano pa bang ginagawa mo riyan. Tara na.”

“Sige po. Nandyan na po.”

Pauwi na talaga kami. Pag labas naman namin ay napansin kong nagbago ang ihip ng hangin. Mula sa malamig na lugar ay biglang uminit ang paligid. Naging mabaho rin dahil sa mga usok ng sasakyan. Habang naglalakad papalayo ay minamasdan kong mabuti ang Es-Em na aming pinasyalan dahil siguradong matatagalang muli bago kami makabalik sa paraisong iyon.





Walang komento: