Pagkagradweyt ko ng hasykul ay sabik
na sabik akong pumunta sa paaralan kung saan ako magkokolehiyo. Hindi ko alam
kung papaano pumunta doon pero ang alam ko lang ay sasakay ako ng dyip. Hindi
ako sinamahan ng aking mga magulang dahil ganoon talaga nila ako kamahal.
Papaano kung hindi ako nakauwi? Papaano kung nareyp ako ng dalawang aso sa daan?
Maaga akong gumising para makasabay ko ang mga estudyanteng doon nag-aaral.
Hindi ko alam kung sinu-sino sila at kung ano ang kulay ng mga kasuotan nila. Sabi
nga ng iba bahala na si Batman. Pinapasok ko muna lahat ng pasahero sa dyip
pero kasamaang palad ay naubusan ako ng upuan. Wala na akong pagpipilian kaya
naman sumabit na lamang ako sa dyip kung saan tumatagal ng mahigit apatnapung
minuto ang biyahe. Pinakaayaw ko sa lahat ay ang pagsabit sa dyip. Nagugulo
kasi ang kulot kong buhok na matagal kong sinusuklay sa harap ng salamin na
nagiging dahilan ng pagiging huli ko sa klase. Sa sobrang lakas kasi ng hangin
ay talaga namang nagugulo ito hanggang sa magmukha na akong sabukot. Minsan nga
napagkakamalan pa akong isnatser. Kung may maganda man sa pagsabit ay ang
pakiramdam na para akong isang artista na may motorkeyd. Tumigil ang dyip sa
hindi ko kilalang lugar pero napansin kong may mga estudyanteng nagsibabaan
kaya naman nakiuso na rin ako.
“Mag-iinquire
ka?” Tanong ng kasabay ko sa biyahe.
“Oo,
pwede po ba ninyo akong samahan?” Pagmamakaawa ko habang nagpapakyut.
Sinamahan naman nila ako sa lugar kung
saan nagpupunta ang mga gustong makapasok sa paaralang iyon. Binigyan ako ng
isang guro ng isang form kung saan magbibilog na naman ako ng napakaraming
bilog. May tatlong kurso ang pwedeng ilagay kaya agad ko itong sinagutan. Una
kong pinili ay Computer Science dahil paborito ko talaga ang magkompyuter.
Pangalawa ay Information Technology at pangatlo ay Business Administration. Masaya
kong ipinasa ang form kung saan makikita ang galak sa aking mukha. Nagulat ako
nang bigla na lamang ibinalik sa akin ang form. May itinuro ang guro sa isang
dingding na hindi ko kaagad naintindihan. Medyo nabingi ako dahil sa pagsabit
sa dyip kaya naman paulit-ulit ko siyang tinanong. Doon ko na napagtanto na ang
itinuturo niya pala ay listahan ng mga kurso. Nalungkot ako at halos manlambot
dahil nalaman kong anim lang pala ang kurso na maaari kong pagpilian. Binago ko
ang mga binilugan kong kurso. Una kong pinili ay Business Administration,
pangalawa ay Engineering at pangatlo ay Accountancy. Hindi ko na sinunod ang
una kong napili dahil sabi ng nanay ko ay baka mauwi rin sa pagiging guro ang
lahat. Namili ako sa dalawang kursong natitira. Ang alam ko lang sa Engineering
ay naggagawa sila ng bahay. Ang Accountancy naman sa tingin ko ay puro math
dahil sa pangalan pa lang nito ay napapabilang na ako.
Pumasa ako sa entrance exam pero
hindi na rin ako ganoon kasabik. Sabi ko kasi noon na kung mag-aaral ako ng
kolehiyo ay pipiliin ko ang kurso kung saan magiging masaya ako sa pag-aaral.
Nagsimula na ang klase. Isa-isa kaming nagpakilala sa unahan ng klase kung saan
todo ingles ako sa pagsasalita na siya namang nagpanganga sa kanila. Sa
araw-araw na lumipas ay nagugulat ako sa mga sunud-sunod na dagok sa akin
bilang estudyante. Doon ko napagtanto na ang Engineering pala ay pinamumugaran
ng maraming math kumpara sa Accountancy. Halos hindi ako makahinga sa tuwing
kami ay nagkaklase. Napakarami palang ekwasyon at mga pormula ang ipinanganak
sa mundong ibabaw na hindi ko na alam kung saan pa nagmumula. Sa hirap ng mga
aralin ay halos lumuwa ang utak ko. Mabuti na lamang at sa likod ako nakaupo,
wala masyadong nakakita. Sobrang nakakasakit ng ulo ang mga pormula na pilit
pumapasok sa utak ko kahit ayaw ko naman silang papasukin.
Palagi akong kabado tuwing may
pagsusulit. Hindi pa ako sanay mangopya noon kaya hindi ko alam kung kaya kong
maipasa ang mga pagsusulit. Minsan nakakapagtaka na rin ang mga nangyayari.
Hindi ko alam kung saang minahan ba nahukay ang mga pagsusulit na iyon dahil sa
sobrang hirap ay parang gusto ko ng huminto sa pag-aaral. May kung anong
ispirito ang sumanib sa akin na nag-udyok para magdesisyon na lumipat ng kurso.
Inalam ko ang mga posibilid at paraan ng paglipat. Balak ko na sa Accountancy
na lang lumipat kaya naman nanghiram ako ng libro ng mga kaibigan kong iyon ang
kurso. Gulat na gulat ako dahil hindi ko nakita sa kanila ang mga pamatay na
ekwasyon at pormula na kinatatakutan ko.
Sinabi ko sa sarili ko na lilipat na
ako ng kurso kung sakali mang bumagsak ako sa unang sem pero sigurado na ako na
may bagsak ako. Halos lahat kami ay kinakabahan nang dumating ang panahon ng
pagbibigayan ng class card. Dinig na dinig ang bawat pintig ng puso at maging ang paghinga ng bawat isa. Ang
iba ay nangingilid na ang luha. Nang tinawag na ang pangalan ko ay nagdrama ako
sa harap ng aming guro tutal magaling naman akong umarte. Sinabi ko sa kaniya
na napakabait kong bata at hindi ako pasaway bilang estudyante pero parang
hindi naman siya naniwala. Ibinigay niya sa akin ang kauna-unahang class card
bilang estudyante sa kolehiyo. Dahan-dahan ko itong hinimas at unti-unting
tiningnan. Isang himala ang naganap. Ang inaasahan kong bagsak na grado ay
pasado pala kaya nagtatatalon kaming lahat sa tuwa. Pagkatapos makakuha ng
class card ay nagpakasaya na kami. Nagkakakanta sa bidyoke na parang wala ng
bukas hanggang sa maputol na ang ugat sa aming mga leeg. Kumain kami ng kumain
ng wagas hanggang sa lumobo na ang aming mga tiyan. Hindi ko na rin itinuloy
ang plano kong paglipat ng kurso. Sayang din kasi ang isang sem. Magdarasal na
lang ako araw-araw at pipiliting matutunan ang iba’t-ibang pagsubok bilang
estudyante.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento