Huwebes, Abril 17, 2014

PBB All In Last Chance Audition

April 15, 2014. Birthday ko at sa Araneta Coliseum lang naman ako nagdiwang. Dami ngang bisita e haha! Tandaan na bawal magdala ng pagkain at inumin sa loob ng Coliseum. Pang-siyam na araw ko pa lang sa aking unang trabaho at naisipan ko agad na mag-AWOL o absent without leave. Hindi ko ipinaalam ang tunay na dahilan kaya inisip na lamang nila na kaya hindi ako pumasok ay dahil sa Birthday Leave na hindi naman pwede sa aming kompanya. Matagal ko na talagang gustong mag-audition at siyempre noong Season 1 pa lang ay pinangarap ko nang maging housemate. Hindi ako sumali para sa pera o para magpaawa. Sumali ako para magpatawa, magsilbing inspirasyon, sumikat at higit sa lahat ay gusto ko lang na makaligo sa swimming pool ni Kuya. Sakto naman na ang araw na napili para sa audition ay April, 15, Martes. Bukod sa aking kaarawan, nakapag-audition ako dahil may mauuwian akong boarding house na tinutuluyan ko habang nagtatrabaho at sakto na may natitira pa akong ipon.



Sa araw na ito, ganap na alas-siyete ng umaga ay naganap ang makasaysayang Last Chance Audition ng PBB All In. April 14 pa lang ng gabi ay dagsa na ang mga aspiring housemates na matiyagang nakapila at doon na natulog mauna lang sa pila. Halos nasa labing dalawang libo ang lahat nang nag-audition.



Mukhang iba ang proseso ng Last Chance na ito dahil wala ng ginawang introduction kung saan magpapakilala ang lahat. Pinapila ang lahat hanggang sa makabuo ng hugis kwadrado para sa unang screening, ang talent portion, kung saan nasa gitna si Direk para obserbahan ang sari-saring talento at makapili ng possible housemate. Habang may sumasayaw, may kumakanta, umaarte, nagwawala, nagmomodeling, nagpapakita ng abs, parang nasasapian ng kung anuman at sari-sari pang talento. Hindi kailangan na sobrang talentado dahil kahit simpleng galaw ay pwede na, ang mahalaga ay makuha mo ang atensyon ni Direk sa paraan kung saan pwede kang maging iba kumpara sa mga kasabayan. Ang mga napili ay dumiretso na agad sa interview habang ang mga hindi pinalad ay dumaan sa sumunod na screening kung saan may isang tanong na sasagutin na dapat sagutin sa paraang kwela, kakaiba, at may dating nang sa gayon ay makuha ang atensyon ng mga hurado.



Nagkaroon din ng Fast Track Lane para sa mga ABS-CBN mobile subscribers na nakatanggap ng libreng PBB magazine. Nagsend ako ng mensahe kung saan alas-nuwebe ng umaga ang oras na ibinigay para sa mabilisang pila. Mga alas-sais naman ay nakarating na ako kaya pumila na lang ako sa normal na pila dahil baka magkaubusan ng slot. 

Bukod dito ay dumating naman ang mga magiging host ng PBB na sina Robi Domingo, Bianca Gonzales, John Prats at Toni Gonzaga na pinagbigyan ang kagustuhang sampol na hinihingi ng madlang pipol. Kasama rin ang kauna-unahang Big Winner na si Nene Tamayo at ang kambal na sina Joj and Jai Agpangan na nakipag-group-selfie sa mga aspiring housemates. Nandoon din sina Jayson Gainza, Paco Evangelista, Carlo Romero, Wendy Tabusalla, Deniesse Joaquin, Rica Paras at Zanjoe Marudo.

Halos alas-siyete na nang matapos ako sa second screening kung saan libu-lubo pa rin ang mga matiyagang nakaupo at naghihintay ng kanilang pagkakataon.



Ang PBB All In ay ang huling regular season na ng Pinoy Big Brother kasunod ng dalawa pa na Teen Edition at ang pinag-uusapang PBB Secret Edition. Huling tatlong edition para sa huling talong magiging susunod na Big Winner. Magsisimula na ang panibagong season sa darating na April 27.


Walang komento: