Malamang usong-uso na naman ang iba’t ibang klaseng takutan. Nandyan ang pag-oorganisa ng mga kapitan ng isang Halloween party na minsan ay ikinaiinis ko. Hindi dahil di ako mahilig makiparty kundi dahil sa tabing plaza lamang ang bahay namin kaya naman nabubulabog kami ng malakas na musika. Nakagawian ko na rin ang manuod ng special episode ng “Magandang Gabi Bayan” na siguradong di mo kakayanin kung mag-isa ka lang.
Umiiral na naman ang pagkatuso ng mga magulang na taun-taon ay tinatakot ang mga anak nila na kung di sila dadalaw sa sementeryo ay sila ang dadalawin ng mga kamag-anak nila na yumao.
Kung pupunta ka sa sementeryo,tanungin mo muna ang sarili mo kung ano ba talaga ang pakay mo. Dadalaw ka ba talaga at magtitirik ng kandila o gusto mo lang abangan ang mga nitsong walang bantay nang sa gayun ay madekwat mo ang mga kandilang kahit katitirik lang ay pinapatos mo. Malamang alam mo na ang ibig kong sabihin. Isa rin yan sa mga ginagawa namin nung bata pa kami. Babantayan ang mga nitso at hihintaying makaalis ang mga kamag-anak ng namatayan at sabay kuha sa mga kandila. Pag-uwi sa bahay,ihahanda ang tatlong bato at maghahanap ng takip ng lata ng gatas, mas advisable kung takip ng Nido dahil yun ang iniinom ko nung bata pa ko,papainitin at saka ilalagay ang kandilang nadekwat sa kung saan man. Yun ang tinatawag na dragon. Hindi yung normal na dragon na lumalabas kapag pinagsama-sama mo ang pitong dilaw na parang bola at may mga bilang ng stars. Dahil wala pang kumukuha ng tubig,pwede mong duraan ang nalulusaw na kandila at sabay lalagablab ang malaking apoy. Yun na raw ang tinatawag nilang dragon. Hindi ko alam kung bakit yun ang tawag dun at di ko rin alam kung mayroon nga bang totoong dragon. Kung balak mong gawin ito,gabi ka pumunta sa sementeryo nang sa gayun ay wala na masyadong tao. Yun nga lang naunahan ka na ng mga kakumpetensya mong bata na mukang mga myembro ng Dragon Ball Z.
Kung tapos ka ng dumalaw,siguraduhin mong maglalakad ka pauwi para malantakan mo ang sumang bigay ng kapitbahay nyu na kahit di masarap ay mapipilitan kang kainin dahil sa gutom.
Iwasan mo ang magsuot ng itim na damit kung ayaw mong mapagkamalang myembro ng kulto. Malamang dagsa na naman ang mga kabataang nakaitim na kung pagtatabi-tabihin ay parang lipon ng mga kulto. Lalo na ngayun na pagkatapos mauso ng mga rakista ay nagsulputan naman ang mga Emo at mga Twilight fans na gusto na rin magkasyota ng bampira o lobo.
Kung isa ka sa mga nagbabasa nito,binabati kita ng “HAPPY” Halloween kahit malungkot ka sa pagkamatay ng mga kamag-anak mo. Binabati ko rin ang mga taong nagpapanggap na may third-eye tuwing sasapit ang Araw ng mga Patay kahit ang totoo ay nakikiuso lang sila.
P.S. (hindi pahabol na sulat!)
Pahingi ng suman!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento