Balikan mo ako sa panahon na sigurado ka na at walang pag-aalinlangan sa nararamdaman mo. Kapag hindi na siya ang pangalan na binabanggit mo sa bawat palitan ng matatamis ngunit may pait na halik.
Balikan mo ako kapag buo nang muli ang puso mo hindi iyong ako pa ang bubuong muli sa bawat piraso na sinira ng taong mahal mo.
Balikan mo ako kung handa ka nang yakapin ako sa malamig at malungkot na gabi hindi iyong yayakapin mo lang ako dahil tinanggihan ka ng mahal mo.
Balikan mo ako kapag kaya mo na akong ituring na ka-ibigan hindi iyong ako ang palaging kaibigan na nakaantambay sa iyo sa tuwing nanlalamig siya sa iyo.
Balikan mo ako sa panahong buo at natagpuan mo na ang sarili mo hindi iyong ako pa ang magsisilbing paraiso para mapunan ang pagkukulang niya sa iyo.
Balikan mo ako pero hindi ko sigurado kung sa panahon ng iyong pagbabalik ay nandoon pa rin ang pagtingin ko. Pagtingin na binalot mo ng lungkot, inggit at selos kahit hindi naman dapat.
Balikan mo ako hindi man bilang ka-ibigan kundi bilang kaibigan na handa pa ring dumamay sa iyo.
Balikan mo ako.
Pangako, maghihintay ako.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento