Sabado, Setyembre 19, 2020

Hangga't May Naniniwala, Magpatuloy Ka




Hindi lahat ng nagmamahal sa iyo ay totoong nagmamahal sa iyo.


Kung nagsisimula kang bumuo ng pangarap mo, pinakaunang siguraduhin mo ay ang magkaroon ng tiwala sa sarili at sa ginagawa mo. Dahil hindi lahat ng mga tao sa paligid mo ay makapagbibigay ng suporta na inaasahan mo.


May mga kaibigan nga ako na nakikita ko kung paano nila suportahan iyong iba nilang mga kaibigan dito sa virtual world. Nakikita ko ang bawat like, comment, share at paglike ng kani-kaniyang page sa mga kaibigan nila. Pero iyong suporta na iyon, never nilang pinaramdam sa akin. Minsan nga, gusto ko nang magtanong kung itinuturing ba talaga nila akong kaibigan. Pero never ko silang kwinestyon. Never akong nagdemand. Never ko rin namang pina-like ang page ko dahil sa tatlong dahilan.


1. Hindi lahat sila ay may interes sa ginagawa mo. Magkakaiba tayo ng gusto. Baka kaya hindi ka nila sinusuportahan sa bagay na iyan ay dahil iba ang trip nila. Iba ang mundo nila. Respect that. 


2. Hindi ka nila sinusuportahan dahil ikaw iyan. Oo. Ikaw iyan. Siguro kung ibang tao, susuportahan nila iyon kahit na parehas kayo ng ginagawa ng tao na iyon. Sabi ko nga, never mong mapi-please ang mga tao sa paligid mo kahit na mismong mga kaibigan mo.


3. Hindi ka nila sinusuportahan dahil susuportahan ka lang nila kapag may napatunayan ka na. Kapag nagtagumpay ka na sa ginagawa mo. Kapag kilala ka na. Pero sa mga panahong kailangan mo ng suporta, wala sila. Sa mga panahong nag-uumpisa ka, wala sila. Sa mga panahong pilit mong itinataguyod ang sarili mo para abutin ang mga pangarap mo, sa gitna ng pagbangon sa bawat pagkakadapa, sa patuloy na pakikipaglaban sa mga pagsubok na kinahaharap, wala sila. During the process, wala sila. Pero noong nasa finish line ka na. Bigla silang magpaparamdam. Pero yayakapin mo pa rin sila ng buo. Dahil ang tagumpay mo ay sarili mong istorya na para sa iyo at sa mga taong mahal mo. Sariling pakikipabaka. Sariling pangarap. Na kahit wala ang tulong ng mga taong inasahan mong tutulong sa iyo ay nagawa mo pa ring magtagumpay. 


Sabi ko nga, never akong nagdemand sa mga tao sa paligid ko. Never ko silang pinilit na suportahan ako. Never kong pinalike ang mga bagay na ginagawa ko. Dahil mas masarap sa pakiramdam na kusa nilang nilike ang page mo, kusang nagsubscribe sa channel mo, kusang nagfollow at kusang nagbigay ng suporta kaysa sa nilike nila ang page mo dahil lang pinalike mo o may nagpalike sa kanila. Sa ganitong paraan kasi, posible na dumami ang followers o subscribers pero hindi lahat sila ay mararamdaman mo. Dahil nga pinalike lang ang page mo. Pinasubscribe lang ang channel mo. Hindi tulad ng kusa silang pumunta sa page mo para maglike o magsubscribe. Sa ganoong paraan, posible na bawat content na ipopost mo ay maaappreciate nila. Kaysa doon sa pinalike ang page mo pero iyong content mo ay wala sa interes ng naglike. Kaya hindi mo sila mararamdaman.


Sa totoo lang sinubukan ko ito. Gumawa ako ng dalawang page. Isa ay para sa vlog o pagsulat ko. Ang isa naman ay para sa photography. Although sine-share ko iyong page post sa personal account ko pero hindi ko sila sinabihan na ilike ito. Hinayaan ko lang sila na kusang bisitahin ang page ko at magustuhan ito. Hinayaan ko silang ma-curious sa ginagawa ko. Mula sa zero like, kahit papaano dumami na iyong tagasubaybay sa isa kong page. Lahat sila ay may value. Dahil lahat sila ay kusang nilike ang page ko. It's not about the numbers of followers or the quantity. It's about the quality. 


Sa totoo lang, sa listahan ng mga sumusubaybay sa page, mas marami ang hindi ko kilala. Imagine? Mas sinusuportahan pa ako ng mga taong hindi ko kilala kaysa sa mga kaibigan o mga tao na nasa paligid ko. Pero sabi ko nga, never ko silang kwinestyon. Never ko silang pinilit na suportahan ako. Hindi na rin kasi mahalaga sa akin kung may magrereact o tatangkilik sa mga ginagawa ko. Ginawa ko ang page para masabi ang lahat ng nasa isip ko. Para maging medium para mailabas ang lahat ng stress at anxiety ko. Parang sa Twitter. Kahit walang pumapansin sa tweet, basta makapagrant lang ako, nawawala iyong stress at anxiety dahil nga nailabas ko na lalo na kapag walang makausap. Dito ako natulungan ng social media. 


Mahirap magsimula. Pero sabi nga nila, hangga't may isang maniniwala, huwag na huwag kang susuko. Trust the process no matter how difficult it is. Hindi naman nakukuha sa isang tulugan ang tagumpay. Hindi paggising mo kinabukasan ay tatambad na lahat ng mga pangarap mo. Maraming pagsubok muna ang darating bago natin makamit ang lahat. Kaya kapit lang. Ilaban ang pangarap hanggang sa dulo. Magpatuloy ka lang hanggang sa makuha at mahanap mo ang market mo. Darating ang panahon na mahahanap ka rin nila.

Walang komento: