Magpanggap tayong walang pake. Magpanggap na hindi magkakilala. Walang pansinan. Walang kamustahan. Walang tinginan sa mata kapag nagkataong nagkasalubong sa kung saan man. Walang kamustahan sa text, chat o viber. Hindi kita kakausapin kung hindi mo ako kakausapin. Mali. Kakausapin kita kung kailangan lang at kung ito ang hinihingi ng pagkakataon. Pero usap lang. Bibig lang ang kikilos. Tainga lang ang makikinig at hindi ang puso. Walang ngiti. Walang tinginan. Walang pakiramdaman. Usap lang.
Kailangan ko ito para makalimot. Kailangan mo ito para hindi ka na makapanakit. Ilayo natin ang sarili sa isa't-isa hanggang sa masanay tayo. Masasanay na hindi na tayo nag-uusap. Masasanay na wala ng text na matatangap sa umaga na nagtatanong kung gising na ba ako o kumain na ba ako? Walang chat na lalabas sa unang pagbukas ng internet. Walang bakas mo sa social media. Walang like at comment na magmumula sa iyo. Wala. As in wala na.
Hanggang sa isang araw, magigising na lang ako na wala ng ibang iniisip kundi ang sarili hindi tulad noon na ikaw ang laman ng isip bago ang pagtulog at hanggang sa paggising. Ikaw ang unang gustong matanaw ng mga mata. Ikaw ang tinig na gustong marinig ng mga tainga. Ikaw pa rin ang laman ng isip at ng pusong umaasa. Magigising ako sa isang bagong umaga na wala ka na. Wala na ang sakit. Wala na ang selos. Wala na ang pakiramdam na hinahanap-hanap ka. Dahil sa wakas, nasanay na akong mag-isa. Natuto na akong makalimutan ka. Nakalimutan ko na kung paano mo ako pinakikilig sa bawat araw. Nakalimutan ko na kung paano ka gagawa ng paraan para mapasaya ako sa tuwing nakikita mo akong nalulungkot. Nakalimutan ko na ang pag-aalaga at pagpapakita mo ng pagmamahal. Sa wakas, nakalimutan na kita.
Ngunit sa bawat pantig na inililimbag ko, muli kitang naaalala. Bumabalik ang mga alaala ng kahapon sa bawat pangungusap na naglalaman ng matatamis na kahapon. Magmula sa una hanggang sa pinakahuling letra ng alpabeto, may nakabakas na alaala. Hindi ko namalayan na sa patuloy na paglimbag ay unti-unti na palang tumutulo ang luha. Hanggang sa ito na nga. Bumabalik ang sakit. Ang alaala ng kilig at kung paano mo ako pinasabik ngunit sa huli ay iiwang humihikbi. Bumabalik ang lahat maging ang puso ay unti-unti muling pumipintig at sumisigaw ng pangalan mo. Naririnig ka ng mga tainga ko kahit tahimik ang paligid at tanging hangin lang ang bumubulong. Ikaw ang nasasambit ng bibig ko kahit iba ang gustong ilabas nito. Ikaw ang nilalaman ng isip kahit na matagal ka nang nilimot nito. Ikaw ang hinahanap sa text messages at social media kahit matagal ka ng burado. Bumabalik ang lahat. Kahit na alam ko na sa huli, hinding-hindi ka na rin babalik pa.
Ako pa rin pala ang talo.
Ako pa rin pala ang mas nasasaktan.
Ako pa rin pala ang tunay na hindi nakalilimot kahit na matagal mo na akong nilimot.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento