Oo, wala kaming palikuran noon. Tandang-tanda ko pa. Ang bahay namin ay yari sa pinagdikit-dikit na dahon ng niyog. Tapos noong nakaluwag-luwag, napalitan ng sako na nagsilbing pader ng buong bahay. Mahirap ang buhay noon. Lupa ang sahig dahil wala pang kakayahang magpasemento.
Oo. Wala kaming palikuran noon. Kung saan-saan kami nakikidumi pero hindi namang pwedeng palagi kaming nanggagambala ng kapitbahay. Naalala ko na nakagawian kong tumae sa harapan ng bahay namin kung saan maraming puno ng saging ang nakatanim. Kani-kaniyang tago. Tapos hahanap ng dahon para ipamunas sa puwit. Hindi ako nahihiya noon. Bata pa ako. Walang muwang. Hindi alam kung tama pa ba ang ginagawa. Kung hindi man, wala rin namang paraan na pwedeng pagpilian. Hanggang sa isang araw, nakita ako ng kapitbahay naming si kuya Lito. Tinanong niya kung bakit doon ako tumatae. Tumawa lang ako sa paniniwalang normal ang ginagawa ko. Minsan naman sumisiksik ako sa likuran ng bahay. Nagdadala ng supot na sasalo sa mga dumi na ibinuro ko sa malaki kong tiyan nang tatlong araw. Habang umiiri, palinga-linga ako sa paligid dahil baka masulyapan ako ng dalagang anak ni Aling Nena. Nakakahiya kapag nagkataon. Hilig din kasi niyang maglaba sa likod bahay. Pag-alis ni kuya Lito, dumating si Whity. Ang aso naming maputi kaya pinangalang whity. Bigla niyang dinilaan ang tae ko na kulay pinaghalong berde at lupa. Nagulat ako. Doon ko nalamang kumakain pala sila ng tae ng tao. Sarap na sarap naman siya. Kaya noong mga sumunod, palagi ko siyang tinatawag pagkatapos kong tumae sa damuhan o likod ng puno ng mga saging na hindi masusulyapan ni kuya Lito.
Si Whity. Naalala ko 'yong panahon na tinahulan niya ang ninong ko dahil bago sa paningin niya. Akala ko tuloy hindi na ako mabibigyan ng pamasko. Mabuti na lamang at nanahimik si Whity sa isang sutsot ko. Minsan, sinasakyan ko siya na parang kabayo sabay mahuhulog ako. Magagasgas ang braso pero sa halip na umiyak ay hahalakhak. Lalapit si Whity sabay dila sa pisngi ko. Di ko na inalintana kung kakakain niya pa lang ng tae noon. Basta masaya lang kami. Minsan naman palagi naming tinititigan ang mga mata niya. Sabi kasi nila, kapag nagkulay berde raw ito, nakakakita ang aso ng mga aswang o elemento. Minsan naman, umiilaw ang mata niya sa dilim. Hindi ko alam kung paano. Pero dinadalian ko ang pag-ihi ko sa likod bahay dahil baka nga totoong may nakikita siya.
Nasaksihan ko rin ang buhay pag-ibig ni Whity. Nagulat ako sa nakita ko sa gitna ng kalsada. Nakadikit nang patalikod sa kaniya ang isang asong pagmamay-ari ng kapitbahay. Binugaw ko ang aso pero hindi umalis. Hinawakan ko at pilit na hinihila palayo pero hindi pa rin. Hanggang sa bigla na lang silang naghiwalay. Hindi ko na maalala kung ilang linggo ang lumipas pero nang magawi ako sa likuran ng bahay ay nakita ko si Whity na nakahiga. Inakala kong naghihingalo pero. Agad kong tinawag ang tatay ko. Kabadong ipinaalam na mamamatay na si Whity. Ang sabi naman ng tatay ko ay manganganak na ito. Kaya pala ang laki ng tiyan ni Whity. Buntis pala siya. Nakita ko kung paano isa-isang nadadagdagan ang mga tuta na inilalabas niya. Nakakamangha. Napakaganda at napakasarap panoorin. Isang inang aso na nagluluwal ng mga supling. Matapos mailabas ang lahat, hindi pa rin daw pwedeng lapitan si Whity. Nagagalit o mangangagat daw sila kapag hinawakan ko ang mga supling nito. Kaya masaya ko na lang silang pinanood habang dumedede ang mga anak ni Whity.
Nang magsilakihan, kinailangan na silang ipamigay isa-isa. Hindi alam ni Whity na ganun ang kalakaran. Hindi ko rin alam kung may inang aso ba na nakapagpalaki pa ng mga anak hanggang sa pagtanda ng mga ito. Mula sa walong supling, dahan-dahan itong nabawasan. Nagtataka siguro si Whity na gumigising siya sa isang umaga na hindi niya na mahagilap ang ilan sa mga anak niya. Hindi niya na nasilayan. Ikut siya nang ikot pero alam kong naghahanap siya. Tumatahol sa pagbabakasakaling maririnig siya ng mga anak na inakala niyang naligaw lang. Hanggang sa tuluyan nang naubos ang mga anak niya. Wala siyang kamalay-malay sa mga nangyari. Nakakalungkot na hindi niya man lang nakasama sa pagtanda ang mga iniluwal niyang anak. Wala siyang nagawa. Wala rin akong nagawa. Dahil hindi namin kayang bumuhay ng maraming alagang hayop. Palaging tama na ang isa. Isa na magluluwal ng marami. Marami na isa-isang ipamimigay sa mga nais mag-alaga ng aso.
Hanggang sa nagkaedad na si Whity. Namayat. Wala na ang dating malusog na Whity. Parang napuno siya ng lungkot. Pero hindi niya masabi. Tinanong ko ang tatay ko kung ilang taon nabubuhay ang aso. Kasi baka mamaya, huling taon na pala ni Whity.
Oo. Huling taon na ni whity. Nagising na lamang ako sa isang sunud-sunod na tahol. Tahol nang hindi pagsalubong sa mga taong paparating sa bahay kundi tahol ng pagmamakaawa. Agad akong bumangon. Nakita ko kung paano ibinigay ni Whity ang buong lakas niya sa pagtakbo makaiwas lang sa mga hindi kilalang tao. Hanggang sa nahagip siya ng binilog na lubig sa sumakal sa leeg niya. Walang nagawa si Whity kung hindi ang sumunod sa direksyon kung saan siya dadalhin habang pilit pa ring nagpupumiglas. Ipinasok siya sa traysikel kung saan nakaabang din ang ilan pang mga aso. Malinaw na sa akin ang lahat. Ibinenta na si Whity sa mangangaso. Maluha-luhang pumasok sa isip ko kung saan siya maaaring dalhin. Ilang tiyan kaya ng mga sunug-baga ang makikibang sa kaniya? Paano nila naaatim na kumain ng aso? Masakit. Kusa na lang babagsak ang luha sa patuloy na tahol na naririnig. Magkaiba ang lenggwahe namin ni Whity pero alam kong nagmamakaawa siya at nakikiusap para mapakawalan. Sinisigaw niya ang pangalan ko pero wala akong magawa. Hanggang sa napaos na siya sa kakatahol. Umalis ang mga mangangaso. Inihatid ko ng tingin si Whity. Ni hindi man lang ako nakapagpaalam sa kaniya. Ni hindi ko man lang nahaplos ang likod niya maging ang ulo. Gusto kong iparamdam sa kaniya na tutol ako sa pagbenta sa kaniya. Na ayaw ko siyang mawala. Kasi ang sakit. Sobrang sakit mawalan ng kaibigang hayop na parang tao na rin kung makisalamuha. Patawad Whity. Patawad kung hindi kita nagawang ipaglaban. Patawad kung bilang bata wala pa akong karapatan na bumuo ng desisyon noon. Patawad.
Mula noon, palagi kong ipinagdarasal si Whity. Alam kong wala na siya sa magandang kalagayan. Alam ko na kasama niya na ang maykapal. Kaya palagi akong tumitingin noon sa langit. Bumubulong sa hangin ng mga mensaheng nais iparating kay Whity.
Makalipas ang ilang taon, nagkaroon kami ng sapat na pera pampagawa ng bahay. Napalitan na ng sementadong pader ang mga sako sa buong paligid ng bahay. Napasementuhan na rin ang lupang sahig. Sinubukan naming muli magkaroon ng aso, si Browny. Browny dahil sa kulay niya. Pero hindi rin siya nagtagal. Nalaman ko na lamang na pinulutan siya ng mga manginginom sa kanto. Usung-uso noon ang pagkatay ng aso para gawing pulutan. Minsan nga, natikman ko rin. Masarap naman pero kung iisipin kung paano ito pinapatay, nakakarimarim. Sumunod na alagang aso, si Balbonish dahil malago ang mga balahibo niya, balbon. Pero namatay siya dahil nakakain ng buto ng manok na bumara sa lalamunan niya. Tahul siya ng tahol sa paos na tinig. Akala ko normal lang hanggang sa isang umaga, natagpuan siyang nakabulagta sa likod ng bahay. Doon ko napagtanto na nahirapan siyang huminga dahil sa nakabara sa lalamunan niya. Huli na rin ang lahat. Sobrang laking panghihinayang. Hindi ko man lang nakita ang magiging itsura niya sana pagtanda.
Mula noon, hindi na kami nakapag-alaga ulit ng aso. Hindi dahil sa ayaw namin kundi dahil wala kang sigurong inahing aso sa mga kapitbahay na pwedeng magluwal ng mga tuta na nakatadhanang ipamigay. Hindi na rin ako tumatae sa kung saan-saan dahil nakapagpagawa na kami ng maayos na palikuran. Wala nang tae na makakain ng aso. Wala na ring aso na maaalagaan.
Pagkatapos, biglang nauso ang tamagotchi.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento