Pawisang nagmamadali pauwi ng bahay. Mula pa lang sa malayo ay tanaw ko na ang bintana ng condo na tinutuluyan ko na nasa ikaapat na palapag. Bukas ang ilaw hanggang sa napansin kong kumukurap-kurap. Biglang may isang anino na dumaan. Sa isip ko, nakauwi na si Joe.
Nanlalambot. Nanghihina dahil sa gutom. Kanina pa kumakalam ang sikmura ko pero wala akong ganang kumain. Pagpasok sa building, napabuntung hininga ako. Hindi pa rin gumagana ang elevator. Pagod ka na nga, maglalakad ka pa mula sa ground patungong fourth floor. Habang paakyat ay may narinig akong kumalabog sa pinto. Nanggaling ang tunog sa kwartong tinutuluyan ko. Nagdalawang isip akong pumasok dahil baka nagtatalo ang magkasintahan. Nawala ang ingay. Binuksan ko ang pinto. Patay ang ilaw. Binuksan ko pero hindi gumana. Hanggang sa paulit-ulit itong nagpatay-sindi.
Isang malakas na pagtawa ang narinig ko. Hindi tawa ng isang tao kundi ng anuman na hindi ko maipaliwanag. Nangilabot ako. Tumayo ang mga balahibo sa katawan ko. Tunog demonyo. Buo. Malaki. Nakakakilabot na boses. Biglang bumukas ang ilaw. Pagtingin ko sa harap, isang maitim na malaking tao, nanlilisik at mapupula ang mata ang sumugod sa akin. Napapikit ako. Huminto ako sa paghinga. Hindi ko maigalaw ang anumang parte ng katawan ko. Hanggang sa napag-isip ko na wala akong naramdaman na humawak o nanakit sa akin.
Pagmulat ko ng mata, parang normal na ulit ang lahat. Hinanap ko ang mga kasamahan ko sa kani-kanilang higaan. Wala akong nakita. Hanggang sa namatay na naman ang ilaw. Isang malakas na paghalakhak na naman ang bumulabog sa katahimikan. Muling nagpakita ang demonyo. Nakalutang sa bintana. Agad akong tumakbo papalayo. Binuksan ang pinto at dali-daling bumaba sa hagdan. Pagdating sa ikalawang palapag, nakasalubong ko ang demonyo. Natigilan ako. Hindi ko alam kung saan na ako pupunta. Kung babalik o sasagasaan siya makalabas lang ng building. Hinila ako ng paa ko paakyat. Muli siyang nagpakita. Nagmadali ako sa pagbaba pero muli niyang hinarangan habang humahalakhak. Nakita ko ang bintana. Dalawa na lamang nag salamin nito. Naisip ko na lumusot dito at tumalon na lang.
Tumalon ako. Bumagsak ako mula sa unang palapag. Medyo napilayan. Mabuti na lamang at nakita ako ng guard. Tinulungan niya ako. Kwinento ko sa kaniya ang lahat. Pinagpahinga niya muna ako sa guard house. Binigyan ng maiinom para kumalma. Sinabi ko sa kaniya na hihintayin ko na lang muna na dumating ang mga kasama ko sa bahay bago ako umakyat muli sa kwarto. Mula sa guard house, sinusulyapan ko pa rin ang kwarto. Bukas na ang ilaw nito. Normal na ang lahat.
Makakipas ang dalawang oras ay dumating na si Joe. Nakita niya ako sa guard house at niyaya na pabalik sa kwarto. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa kaniya ang mga naranasan ko kanina. Baka pangunahan siya ng takot. Baka hindi kami parehas makapasok sa bahay.
Hinayaan ko na buksan niya ang pinto. Okay naman ang lahat. Wala na ang nakakatakot na halakhak. Hindi na rin kumukurap ang ilaw. Nahiga na ako sa kama ko. Dahil sa takot, minabuti ko na magtalalukbong na lang ng kumot. Pinatay na ni Joe ang ilaw.
Maya-maya, biglang may kumatok. Bumilis ang tibok ng puso ko. Hindi bumabangon si Joe sa higaan. Pagud na pagod siguro sa trabaho na halata sa lakas ng hilik. Nagdasal muna ako bago tuluyang buksan ang pinto. Napabuntung hininga ako nang malalim. Si Andrea lang pala. Ang caretaker ng bahay.
"Dek, nabalitaan mo na ba?" Malungkot nitong tanong.
"Ang alin po?"
"Si Joe."
"Ano pong meron kay Joe?"
"Wala na siya. Nasagasaan ng motorsiklo na sinasakyan niya kanina."
Namutla ako sa sinabi ni Andrea. Hindi ko alam kung paniniwalaan ko siya. Alam kong kauuwi lang ni Joe. Sabay kaming natulog. Dinig na dinig ko pa ang malakas niyang hilik. Wala akong salitang naisagot kay Andrea. Binuksan ko ang ilaw. Sinilip si Joe sa higaan.
"Putangina!!!" Malakas na sigaw ko na ikinagulat ni Andrea. Pumasok siya para tingnan kung ano ang nakita ko. Wala. Wala kaming nakita parehas. Wala si Joe na kaninang nakahiga sa kama. Halos manginig ang buong katawan ko sa takot. Hindi ko ring napigilang lumuha. Niyakap na lamang ako ni Andrea para damayan ako sa nararamdaman ko. Hindi ko maipaliwanag sa kaniya. Hindi ko rin maaaring sabihin dahil alam kong kahit gabi ay nagpupunta siya sa ilang units para bumisita at magmonitor. Baka pangunahan siya ng takot.
Kinabukasan, hinanap ko si manong guard na napagsabihan ko sa nangyari kagabi. Ikinuwento ko sa kaniya ang nangyari kay Joe at ang pagpaparamdam nito. Habang kausap ni manong ay biglang tumunog ang selpon ko. Nakatanggap ako ng teks mula kay Angelo na kapitbahay ko.
"Pre, sino iyang kinakausap mo?"
"Si manong. May kwinento lang ako."
"Tangina pre. Umalis ka na riyan."
"Bakit?" Pagtataka ko.
"Pre. Wala kang kinakausap!"
Napuno ako ng tanong sa huling teks ni Angelo. Dahan-dahan kong iniangat ang ulo ko. Napahinga ako ng malalim. Nasa harap ko pa rin si manong.
"Loko-loko ka talaga." Sagot ko kay Angelo. Tinanaw ko siya mula sa guard house. Laking gulat ko sa nakita ko. Kinusot ko ang mata ko dahil baka nanlalabo na naman. Pero hindi.
"Angelo."
"Oh pre."
"Humarap ka sa salamin."
"Bakit?"
"Wala kang ulo!"
Nakita ko na umalis sa bintana si Angelo. Nang mawala ito, isang malakas na sigaw ang narinig namin. Agad kaming nagmadali ni manong paakyat sa ikaapat na palapag.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento