Lunes, Marso 30, 2020

Unrequited Love



Paglimot ang pinakamabisang paraan ng paghilom. Paghilom ng sugat na dala ng kahapon at ngayon. Kung pag-ibig ang sagot sa pagpawi ng lahat ng sugat ng kahapon, bakit pag-ibig din ang muling  gagapos sa pusong hindi na nakaahon sa pagkakabaon?

Kinaya at nagawa mong makalimot noon. Kakayanin mo ulit ngayon. Oo, masakit. Malungkot. Mahirap. Alam mo na ang pakiramdam na iyon. Alam mo na kung paano malalampasan ito. Pero hindi mo pa rin alam na kailanman ay hindi kayang turuan ang puso na mamili ng taong mamahalin. Makakapagpigil ang katawan at isip pero patuloy na magpupumiglas ang puso sa pagsigaw ng pangalan ng itinitibok nito. 

Muli tayong susubukin. Muling maglalaro ang mga pakiramdam na matagal nang hindi naramdaman o narasanan. Ang bawat ngiti sa tuwing siya ay nasusulyapan. Ang malalapot na tingin na para bang ang mundo ay sa inyong dalawa lamang umiikot. Ang kuryente sa tuwing dumadampi ang balat. Ang palihim na pag-amoy sa tuwing siya ay malapit o nagkakataong tumabi. Ang isip na hindi nagpapadapo ng antok dahil sa kada segundo, siya palagi ang laman nito.

Ngunit ang pag-ibig ay hindi palaging nasusuklian. May pag-ibig na hindi kayang ipagtapat dahil ang iniibig ay kasalukuyan ng nagmamahal. Ang pag-ibig na walang hinihintay na kapalit. Kaya muli tayong makikipagtagu-taguan sa tunay na nararamdaman. Makikipagpatintero sa pag-asang sana sa puntong ito ay hindi na ako ang tipo na nilalampasan. Muli tayong magmamahal pero ang pagmamahal ang muling magpaparanas at magpapaalala ng sakit na tulad ng kahapon. Sakit sa pagpili sa kung ano ang tama at mali. Sakit sa pagdaan sa proseso ng pagkilala sa pagitan ng kaibigan at ka-ibigan.

Nakapanghihinayang ang pag-ibig na hindi nasusuklian. Nakakapanghinayang ang bawat emosyon na nararamdaman ngunit hanggang pakiramdam na nga lang. Nakapanghihinayang ang bawat luha na kahit anong gawin mo, walang sasalo o papawi nito. Dahil ang pag-ibig sa taong may minamahal ay pag-ibig na palaging nasasaktan.

Walang komento: