Ipinapakita ang mga post na may etiketa na college life. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na college life. Ipakita ang lahat ng mga post

Martes, Pebrero 3, 2015

Catch Me I'm Fallin'

Hindi ko alam kung ano ang kamalasan na kumapit sa akin. Noong bata ako palagi akong suwerte lalo na kapag tumataya ako sa color game at nakikipag-bingo sa lamay ng lola ko.Kaya siguro ako minulto dahil nakuha ko pang magsugal habang naglalamay. Habang tumatanda parang bigla na lamang akong minalas. Siguro pinarusahan ako ng mga lulumbo dahil madalas kong paltukin ng bato ang bahay nila. Minsan naman nilalagyan ko ng teyp para hindi na sila makapasok sa lungga nila. Sabi ni Susan Roces sa isang komersyal “bawal magkasakit.” Sa sitwasyonkong ito, bawal talaga ang magkasakit dahil ito ang panahon ng pagsisipag at pagpapanggap na masipag. Sa dinami-rami ba naman ng panahon na pwede akong magkasakit bakit noong araw pa na iyon. Huwebes ang itinakdang araw para sa presentasyon ng aming thesis o iyong tinatawag nila na defense. Tanong ko lang, kapag defense ba kailangan maging defensive? Simula na ng bakasyon ang linggong iyon pero kinakailangan pa naming pumasok para sa thesis na siya namang ikinatuwa ko hindi dahil sa thesis kundi dahil sa baon.

            Unang taon pa lang ng kolehiyo, inisip ko na ng mabuti at kinilala kung kanino ako makikigrupo para kapag dumating na ang panahon ng thesis ay hindi ako magmumukhang kawawa. Kaya naman sapilitan ko silang kinaibigan kahit pinagtatabuyan nila ako.Kailangan kong maging makapal ang mukha para magtagumpay ako sa mga plano ko. Buwahahaha… Sa sitwasyong gipit, kailangang kumilos. Dahil wala na kaming pasok, nagpanggap ako na may pasok kami noong araw ng Miyerkules pero ang totoo bibili lang ako ng susuotin para sa gaganaping defense. Kailangan kong pumorma lalo na’t marami na ang nakakaalam na kahawig ko na si Jericho Rosales. Siguro jiniem ng Dad ko ang tungkol doon kasi trending ang isyu at umaabot hangga’t may lupa. Nilibot ko na ang buong department store, nagpunta ako sa rest room at nagpabalik-balik sa escalator pero wala rin akong napala. Dahil mukhang katumbas na ng isang linggong ulam ang presyo ng mga paninda. Para hindi masayang ang pagod ko, kumain na lang ako ng paboritong ispageti at ice cream doon sa paboritong kainan na may malaking bubuyog sa labas.

            Maghahapon na kaya minabuti ko ng umuwi pero siyempre kailangan ko munang siguraduhin na nasa bahay na ang mga magulang ko. Dapat mahalata nila na pagud na pagod ang mabait nilang anak. Mukhang nabaguhan yata ako sa escalator dahil kinagabihan nakaramdam ako ng pagkahilo na nauwi sa lagnat. Kinabukasan, hindi ako makabangon dahil masakit pa rin ang ulo ko kasabay ng mabigat na pakiramdam.Hindi na sana ako papasok kaso naisip ko na kung hindi ako papasok, papaano na ang mga kapwa ko estudyante na ako ang dahilan ng kanilang pagpasok? Magmumukha akong makasarili kaya naman bumangon na ako at pinilit maligo kahit hindi ako sanay. Tumalab naman ang gamot na ininom ko kaya naging maayos ang pakiramdam ko pagdating sa iskul.

            Handang-handa na ang lahat. Abala sa kakabasa o kakasaulo ng mga sasabihin nila sa report. Ang iba ay nagbihis na agad na animo’y may magaganap na fashion week. Suot na ang mga pampasko! Hindi muna ako nagbihis dahil ayaw kong mapawisan. Hindi rin ako nagbabasa dahil halos kakaunti naman ang aking linya. Saka naniniwala ako na ang tunay na reporter, sa itsura pa lang umuuno na.

“De Qui, kinakabahan ka?” Tanong ng isa kong kaklase.

“Ako? Kakabahan? Wala ‘yan sa bokabularyo ko!” Sagot ko with matching chest-out and chin-up.

“Grabe, kinakabahan na ako. Ikaw ba kinakabahan ka ba?” Tanong ng isa ko pang kaklase.

“How many times do I have to tell you? Hinding-hindi ako kakabahan! Sisiw lang ‘yang defense na ‘yan.” Sagot ko habang nakangisi.

            Maya-maya, pabalik-balik ako sa rest room para umihi. Hindi ako mapakali dahil mukhang bumalik yata ang lagnat ko. “Nawawala, bumabalik, heto na naman!” Muli akong nahihilo hanggang sa manlambot ako. Muli akong tumayo para pumunta sa rest room.Pinilit na lumakad ng maayos na parang modelo lang. Hindi ko na itinuloy ang paglakad at bumalik  kaagad ako sa kinauupuan ko. Bigla kasing nandilim ang aking paningin. Halos wala akong makita sa dinaraanan ko. Sa puntong iyon na matutumba ako, nagmabilis ako papunta sa upuan ko kung saan bigla na lamang akong naupo.

“Aba si De Qui, nantitrip na na naman.” Wika ng kaklase ko na nagulat dahil inupuan ko ang ang isa ko pang kaklase na katabi niya.

“Oo nga, sa hita ko pa naisipang umupo.” Pagtatakang kaklase kong si Ann habang nakita niya na namumutla na ako at natutumba. Umalis agad siya sa kinauupuan niya para paupuin ako.

“Klasmeyts si De Qui nahimatay.” Sigaw ni Ann sa iba ko pang mga kaklase ngunit walang naniniwala.

“Weh? Ano’ng gimik ‘yan?”

“Di nga?’

“Oo nga, nahimatay nga.” Pilit sumisigaw ang kaklase ko pero wala pa ring naniniwala at sa halip ay pinagtawanan lang nila ako dahil alam nila na kasing lakas at kasing katawan ko si Derek Ramsay.

            Napansin nila na namumutla na ako.Naniwala lang sila na nahimatay ako dahil namutla ang labi ko na araw-araw nilang napapansing kisabol. Agad silang naglapitan at nagkumpulan sa harap ko. Binigkas nila ang pangalan ko habang patuloy na nagtataka sa mga nangyayari. Sa puntong iyon na nahimatay ako ay sinabayan ko na rin ng karumal-dumal na pag-utot. Pagkakataon na! Ilang oras ko na rin kasing pinipigilan ang masamang hangin.Kakapigil ko parang sa bunganga ko na yata ito gustong lumabas. Nang nagsilapitan ang mga mapagmahal kong kaklase na sa wakas ay naniwala ng nahimatay ako ay hindi ko inaasahang malalanghap nila ang pamatay kong utot na bunga ng iba’t-ibang gulay at karne na tatlong araw ko ng ibinuro sa tiyan ko. Halos nabuwag ang mga kaklase ko na naglapitan sa akin.Mabilis silang nagsilayuan na parang may nakakahawa akong sakit! Lahat sila ay napuno ng katanungan. Nagkatinginan.

“Putik! May nagpasabog.”

“Grabe naman! Napakabumaho. Sino ba ‘yon?”

“Si De Qui na-suffocate sa utot. Hahaha…”

“Sino ba  talaga ang umutot, umamin na! Kauminaman na e.”

“Si De Qui rin naman yata ang umutot?!”

“Baka nga. Haha… Na-suffocate sa sariling amoy.”

            Nahalata yata nila na ako rin ang nagpasabog pero kahit papaano ay may nag-iisip pa rin kung sino ang totoong suspek. Sa pagkakataong iyon, nagamit ko ang abilidad ko sa pag-arte. Nagpanggap ako na wala pa ring malay hanggang sa mahimasmasan na ako. Hindi muna ako nagsalita kahit tanung sila ng tanong. Ang iba ay harapang nagtanong kung ako raw ba ang umutot. Siguro naman ligal ang pag-utot lalo na kapag may nahimatay. Maya-maya ay nilapitan na ako ng iba para tanungin kung nasa maayos na akong kalagayan. Halos lahat sila ay nag-alala kaya doon ko napagtanto na kahit sira-ulo ako ay mahalaga pa rin ako sa kanila.

“Galing mo pre, talagang kay Ann mo pa naisipang maupo.” Wika ng kaklase ko habang nakangisi at mukhang humahanga sa hindi ko sinasadyang diskarte.

“Hindi lang basta upo, sa hita pa. Malupit nga ito”

“Hahaha… Siyempre, minsan lang ‘yon mangyari kaya doon na ako sa the best!” Wika ko habang kumakain ng biskwit.


            Ang totoo, ibinili pa ako ni Ann ng inumin at biskwit. Bukod sa maganda at seksi na, maaalalahanin din pala siya. Sa isip-isip ko napapasabi ako ng “she saved my life.” Isa siyang anghel na hulog ng langit. Siya ang sumalo sa akin sa oras ng kahinaan. Pero kung tutuusin, hindi ko nakita na may tao sa upuang iyon. Noong naupo ako at naramdaman kong may tao nga ay hindi ko naman nakilala agad kung sino iyon. Kahit ako ay natatawa sa mga pangyayari. Sa halip kasi na tulungan nila ako ay napaiwas pa sila dahil sa utot. Sa halip na maawa sa kalagayan ko ay napuno ng halakhakan ang buong klasrum dahil sa twist ng pagkahimatay ko. Nakapagreport pa rin naman ako. Sa kasamaang palad, hindi naaprubahan ang proposal namin.Naisip ko tuloy na dapat nahimatay na lang ako sa harap nila. Baka sakaling maawa at ipasa kami. Siguro nakarma ako dahil sa mga pagkukunwari kong may pasok kami kahit ang totoo ay wala naman talaga.

Sabado, Marso 1, 2014

The Existence of An Endangered Specie

Oh mga freshmen, gulat kayo no?

Isang taon na rin pala ang nakakalipas nang nauso ang aking exotic na pagmumukha na bumulaga at bumago sa mukha ng pageant. Sino ba naman ang mag-aakala na ang dugyuting tulad ko ay mapapasali sa isang pageant o kompetisyon na para sa mga magaganda at gwapong nilalang. Pero sabi nga sa sumpa, “kung sino man ang nagiging class president ng ECE-V ay siya ring nagiging pambato sa pageant.” Kaya wala na akong nagawa. Biktima lang ako. Paano nga ba ako napili? Ganito kasi iyon!

Noong nasa third at fourth year ako, palagi kong iniisip kung ano nga ba ang pakiramdam ng mga sumasali sa pageant. Kaya habang nanonood iniisip ko na ako ang rumarampa, nagsusuot ng magagarang damit, kumakanta at sumasayaw sa talent portion, sumasagot sa Q&A at inisip ko rin na ako ang mga nakakakuha ng awards.

Pagdating ng fifth year hindi ko na ginustong mapasali sa mga ganoong patimpalak. Binalak ko kasi na pagtuunan na lamang ng pansin ang aking pag-aaral para sa pre-board exam bilang paghahanda na rin sa board exam. Dahil panibago ang taon, nagkakaroon kami ng mga bagong mga officer sa klase. Bago pa man maganap ang botohan ay may mga pinost na sila sa Facebook kung sinu-sino ang mga karapat-dapat sa mga naghihintay na posisyon. Good news! Wala ang pangalan ko sa kahit na anong posisyon! Tingin ko hindi ko rin naman kakayanin ang maging isa sa mga officer dahil napakarami ng nilalaan kong oras sa pag-aaral. Balak kong magpakatalino sa huling taon ng kolehiyo kaya bawal ang kahit na anong makakaagaw ng oras ko para tumalino.

Isang araw, naganap na ang botohan. Naibigay na ang lahat ng mga pangalan na napili para sa posisyong presidente. Sa labas ako nakaupo dahil hindi kami kasyang lahat sa isang maliit na silid-aralan. Samantala, kinausap naman ako ng aking kaklase. Tinanong niya kung magboboard exam ako. Umoo ako. Sinabi niya rin na may malaking discount sa mga review center kapag presidente kaya pinilit niya ako na tumakbo sa posisyong iyon. Wala yatang may gustong bumoto sa akin dahil noong naging bise-presidente ako ay halos wala naman akong nagawa para sa klase dahil tanging ang president, treasurer at secretary lang naman talaga ang palaging may obligasyon sa maraming bagay. Sinigaw ng kaklase ko ang pangalan ko kaya isinulat agad sa blackboard. Pinilit niya rin ang mga tropa niya na ako na lang ang iboto para maiba naman. Sa kabutihang palad, nagtagumpay siya! Halos lampas kalahati yata ang napagtripang iboto ako na parang katuwaan lang. Hindi ko alam kung paano maging isang magaling na presidente dahil sa pagkakaalala ko noong nasa hayskul ako ay isa akong napakawalang kuwentang presidente ng klase kaya naman kinabahan ako noong nanalo ako. Halos karamihan sa kanila hindi rin naniwala. Inisip na baka wala akong magagawa o magiging katulad lang ako ng iba na papetiks-petiks at sa simula lang mararamdaman. Pero noong naabsorb ko na ang lahat ay sinimulan ko na ang pagkilos. Sa tingin ko ay nagulat sila. Hindi nila inaasahan na magiging masipag, maasikaso at magaling akong presidente ng klase. Wala ako masyadong narinig na panlalait sa halip ay puro papuri hanggang sa matapos ang taon. Pagkagradweyt ko ay nagamit ko nga ang pagkapresidente ng klase sa review center na pinasukan ko. Sa halip na P9000 hanggang P11000 ay P3000 na lamang ang binayaran ko.

Masyadong magulo at mabangis ang mga kaklase ko lalo na kapag nagkakaroon ng miting sa klase. Ilang beses kaming nagbotohan para sa pagpili ng magiging escort at muse pero sa ilang beses na iyon ay wala pa ring napili. Naisip ko na baka mapilitan ang iba o kaya ay nahihiya kapag naisulat ang pangalan sa blackboard. Dahil kailangan na talaga ng representatibo ay paulit-ulit ko silang kinulit. Walang problema sa pagpili ng muse kaya sa escort na lang ako nagfocus dahil kakaunti lang naman talaga ang may lakas ng loob na humarap sa maraming tao ngunit ang problema ay nasa fifth year na kami. Ibig sabihin marami na ang naging konsorte at muse simula pa lang noong unang taon kaya naman naging pahirapan na para makuha ang simpleng “oo” nila. Araw-araw o tuwing may pasok ay tinatanong ko sila isa-isa kung sino ang gustong maging escort. Palagi ko rin silang tinetext sa tuwing may load ako at higit sa lahat ay  pinadalahan ko rin sila ng mensahe sa Facebook isa-isa. Dahil bigo pa rin akong mauto sila, isa na lang ang naisip kong paraan. Minabuti ko na kausapin sila ng masinsinan, lalaki sa lalaki, kapag wala masyadong nakakarinig o nakakakita nang sa gayon ay hindi sila mahiyang sumagot. May mga halos sumang-ayon na. Iyong tipong kaunting kembot na lang ay papayag na. Iyong iba naman ay nagpaalam muna sa magulang pero sa kasamaang palad ay hindi pinayagan. Habang ang iba ay gusto sana pero di ko inaasahan na sa kabila ng kagwapuhan nila ay may mga tinatago pala silang insecurities sa katawan. Naisip ko tuloy na kung sila ay naiilang sa mga simpleng insecurities paano pa ako na isang hamak na pangit?

Huling linggo na para sa ibinigay na palugit sa pagpili. Sa mga naganap na miting naging biruan na kapag walang napili ay dapat saluhin ng presidente tulad na lamang ng nangyari noong nakalipas na taon. Noong narinig ko iyon parang napaisip ako hanggang sa inisip ko na nga ang ganoong posibilidad ngunit kung mangyari man ay wala akong sapat na pera para matustusan ang lahat ng kailangan at gastusin. Sa kasamaang palad, ako na nga ang sumalo sa posisyon ng pagkakonsorte. Napapayag na rin ako dahil nagkataong sumakto na manalo ako sa dalawang contest ng PSICOM sa pagsulat. Ang premyong nakuha ko ang ginamit ko para sa lahat ng mga susuutin.

Sa simula pa lang alam ko na dehado na. Hindi naman kasi ako ganoon kagwapo. Ako iyong tipo na hindi lilingunin ng mga kababaihan kapag nakasalubong. Karamihan sa mga nagpapantasya sa akin kung hindi mga bata ay mga lola. Hindi ako sigurado kung naaakit ang mga bata sa akin. Palagi kasi nila akong tinitigan lalo na kapag nakatapat sa dyip. Pwede rin namang napagkakamalan nila akong unggoy sa zoo kaya namamangha sila. Alam ko na hindi ako mapapansin ng mga manood kaya naman in-enjoy ko na lang ang pagkakataon at sinulit ang bawat rampa. Pinag-isipan ko talaga kung anu-anong mga gimik ang gagawin sa entablado para kung hindi man sila maakit sa akin ay tatatak pa rin ako sa kanilang mga isip. Ang gusto ko lang ay maipakita kung sino ako hindi bilang isang kandidato kundi bilang ako. Napapansin ko kasi na karamihan sa mga sumasali ay nagiging iba kapag nasa entablado na. Hindi nakikita ng mga manood kung sino talaga sila at tapos na ang pageant pero kakaunti lang ang may naiwang marka sa mga manonood. Kaya ako nagpakatotoo. Pinakita ko ang ugali ko sa pang-araw-araw at tinanggal ang hiya. Gusto ko na matapos man ang pageant o lumipas man ang maraming taon ay isa pa rin ako sa mga maaalala nila kapag napag-uusapan ito. Kung sa bagay matagal ko na ring pangarap na maging modelo kaya naman ang mga pose kong pang-Bench model ay hindi ko ikinahiyang ipakita sa kanila. Sa sobrang lupit ay hindi ko inasahan na magugustuhan nila. Sa umaapaw kong confidence ganoon din kaapaw ang mga narinig kong palakpakan, tili at mga sigaw. Siguro nagulat sila. Iyon yata ang kauna-unahang pagkakataon na may isang malakas ang loob na gumawa ng mga kakaibang trip sa harap ng maraming tao na hindi kayang gawin ng iba. Ang daming humanga at ang daming sumakit ang tiyan sa kakatawa. Sa tingin ko nagsilbi rin akong isang inspirasyon para sa mga kapwa ko pangit dahil ni minsan hindi naisip ng iba na pwede pala. Pwede palang sumali kahit hindi kagwapuhan, kahit hindi kaseryoso at kahit hindi ganoon kalakas ang apil. Doon ko pinatunayan na ang pageant ay hindi lamang base sa itsura kundi kung ano ka sa kabuuan. Ang mahalaga ay ang magsilbi kang inspirasyon, masaya ka sa ginagawa mo at maipakita mo na hindi ka umuurong sa kahit na anong pagsubok sa buhay.

Sa lahat ng mga awards, isa lang ang natanggap ko. Ang sagot ko sa Q&A ang nagpanalo sa akin sa award na Mr. Wit at Mr. ECESS 2012. Akalain nyo nga naman na ako pa ang nanalo o nakasungkit ng titulo kahit isang award lang ang nakuha ko! Hallelujah beybe! Isang araw bago ang pageant ay tumambay ako sa opis kung saan doon ginagawa ang mga sash at kung anu-ano pang mga awards. Niloloko pa nila ako na sukatin ko na raw ang award dahil ako na raw ang panalo. Samantala, napansin ko na kulang ang mga troping nabili. Wala ang tropi para sa Mr. Wit kaya naman dali-dali silang pumunta sa divisoria para maayos at makumpleto. Hindi ko inasahan na iyong kulang na iyon ay ang award na mapupunta sa akin. Buti na lamang pala at napansin ko kung hindi ay mauunsyami ko pang mahawakan ang tropi. Kung hindi ko nasagot ng maayos ang tanong ay siguradong talo ako pero ayos pa rin kahit na mangyari iyon. Napag-alaman ko rin na sobrang liit lang ng nilamang ko sa puntos. Halos .01-.09 lang siguro. Nanalo rin ang partner ko! Sa huling taon sa kolehiyo, iyon ang pinaka-magical at unforgettable moment para sa batch namin. Halos lahat natulala sabay talon at kani-kaniyang rambulan na paakyat ng stage. Sa sobrang tuwa nila ay binuhat nila ako na parang ako ang mvp sa basketbol. Sa kasamaang palad ay bigla na lamang nila akong ibinaba o siguro hinagis yata nila ako dahil nabigatan na at saktong tumama ang tropi sa sahig kaya ito’y naputol. Bad luck siguro.


Mr. and Ms. ECESS 2012

Pictorial:


Luma lahat ng sinuot ko dahil kulang sa budget. Dapat nakalongsleeve lang ako pero mukhang nakulangan sila sa porma ko kaya naman pinasuot sa akin ang suot na vest ng kaklase ko.

Theme wear: Warrior


“Warrior” ang theme at manpower ang nabunot namin. Nagtitipid ako kaya Spartan na lang ang naisip ko. Pumunta lang ako sa junk shop para makakuha ng pwedeng materyales at saka ako nagpaper-mache! Sa madaling salita ako lang mismo ang gumawa ng costume dahil wala akong pambayad ng handler. Pinatahi ko na lang ang tela. Iyong bakal na sibat ay nakita ko lang sa gilid ng bakuran namin. Ilang araw at ilang subok ko ring pinaghirapang gawin ang costume kaya hanggang ngayon ay nakatago at iniingatan ko.

Sportswear: Wushu


Kung saan-saang shop na ako pumunta pero napakahirap pala talagang maghanap ng mga susuutin. Kaya sa pagod pinili ko na agad iyan kahit na alam kong hindi ganoon kalakas ang apil kung ikukumpara sa iba. Mahilig din ako sa mga damit na kulay chocolate brown kaya pwede na.

Casual Wear:


Wala akong pambili ng isusuot sa casual wear noon kaya naman noong nalaman kong ako na nga ang escort ay hindi ko muna ito sinuot sa iskul para naman magmukhang bago kapag inirampa ko na.


This is what you’ve called “DeQuiPose.” Itong mga pose na ito ang nagpasikat sa akin at naging dahilan kung bakit ako nakilala at minahal ng mga manonood. Normal kasi sa isang pageant na maging pormal ang mga kilos at wala pang gumagawa ng mga bagay kung saan pwede silang magmukhang baduy. Sa madaling salita, mukhang ako yata ang kauna-unahang makapal ang mukha ang hindi natakot na magmukhang jologs, katawa-tawa at hindi nahiya kung maging pangit man ang itsura ko sa entablado.

Talent Portion:


Sabi ko sa mga kaklase ko, kakanta ako ng "Like a Rose." Tapos yun! Pinagalitan lang nila ako! Pinigilan nila ang pangarap kong magwala! “Grow Old With You” ang kinanta ko. Ang hindi ko lang maintindihan, maganda ang boses ko kapag nasa bahay pero kapag pala nasa harap na ng maraming tao ay umuurong din at nagsisintunado. Di ko rin natutunan na sabayan ang isang tugtog o minus one. Sabi nga nila, nasa tono pero wala naman sa tiyempo. Pagkatapos ng kanta ay sumayaw naman ako ng hapit!


Ako talaga ang hindi nakalongsleeve? Sabi nila e kaya sinunod ko na lang para naman daw maiba kasi noong napasama ako sa dance contest noong General Assembly ay puro kami nakalongsleeve at medyo hawig o katulad ng mga steps doon ang ginawa rin naming sayaw sa talent dahil sa kakulangan sa oras.

Formal Wear:


Sabi nila kapangitan daw ako este iyong formal wear ko. Ewan ko ba pero noong nakita ko ‘yan sa shop nagustuhan ko agad o siguro mahilig lang ako sa checkered at saka naastigan lang ako sa design dahil parang KPOP pero di ako mahilig sa KPOP. Sa lahat ng nandoon, ‘yan lang talaga ang pinakasumakto sa maliit kong katawan. Karamihan sobrang hahaba kaya bawal ng magpaka-choosy gayong maliit lang naman ang budget ko. Ang pantalon ko naman ay sobrang luma at halatang hindi bagay sa pang-itaas. The show must go on na lang. Napasubo na e.

Q&A


"As one of the candidates, what do you think is your asset or personality that will stand-out to be the the next Mr. ECESS 2012?"


(Nagtilian at nagsigawan ang mga manood)


"Hinay-hinay lang mga girls!  
That English question deserves an English answer.  
Joke lang!  
Asset o personality trait… 
Pagiging palaban! 
Dahil kahit na anong hamon o pagsubok ang dumating sa amin hindi kami nagpapatalo. Bugbugin man kami ng matitinding equations, pilayan man kami ng markang tres o singko hindi kami sumusuko. Sa halip, mas nagsusumikap at nag-aaral kaming mabuti nang sa gayon kami'y maging mas mahusay na estudyante, maging magandang ehemplo at higit sa lahat, maging kapaki-pakinabang na future Electronics engineers."

Nabigla sila sa dire-diretso kong pagsagot. Natyambahan ko kasi na ang nabunot kong tanong ay iyong pinakapinaghandaan ko kaya sobrang hindi na ako huminga sa pagsasalita. Napatayo rin ang titser ko kasabay ng malakas na hiyawan at tili ng mga manonood.

Awarding:





Akala ko niloloko lang ako ng klasmeyt ko na ipagpapagawa niya raw ako ng tarpaulin. Hindi ko alam na tototohanin niya pala. Maraming salamat.



Pagkatapos ng pageant ang dami kong natanggap na papuri at madami rin ang nagsabing napahanga ko sila.



Hindi gumagalaw ang imahe pero sa tuwing pinagmamasdan ko ito ay nanariwa ang alaala noong ako ay nanalo at maging ang pakiramdam na naramdaman namin ay bumabalik.


Mr. and Ms. PUP 2013


Sa sobrang tuwa ng tatay ko dahil sa maraming biyaya na natanggap ko ay siya na ang nagkusang nagpapirma ng lahat ng hawak kong Piso Campaign kung saan na-sold-out! Noong nakilala ko ang mga makakalaban parang wala ng bago. Tulad ng inaasahan ako na naman ang pinaka-endangered at pinaka-exotic. Nang nalaman ko naman ang buo nilang pagkatao, namangha ako. Bihira lang akong makatagpo ng mga tao na may magagandang katangian sa kabuuan. Ni isang kapintasan ay wala akong masabi. Masarap silang kasama at hindi ako nahirapan na makipagpalagayan ng loob. Naging magkakaibigan agad kami kahit sa sandaling panahon pa lang kaming nagkakakila-kilala.

Alam kong sinuwerte ako sa Mr. ECESS pero di ko na inasahan na mananalo ako sa Mr. PUP. Tulad ng sinabi ko, bad luck ang pagkaputol ng tropi. Mas level-up at mas intense na rin ang kompetisyon. Noong nakilala ko sila, alam ko na agad kung sino ang mananalo at kung sinu-sino ang mga makakakuha ng ganito o ganyang award. Kahit ako, bilang isang kandidato ay hiniling din na makuha nila iyong mga awards na nararapat para sa kanila. Hindi ko na inasahan na makakakuha ako ng award noon pero hiniling ko na kahit isang award lang ay masungkit ko. Tulad ng inaasahan ko ay nabigo nga ako at wala ni isang naiuwing award pero ayos lang dahil iyon na ang insahan ko sa simula pa lang. Madami rin ang umasa na masasagot ko ulit ng maayos at maganda ang tanong sa Q&A pero nabigo ko rin sila. Ang tanong na nabunot ko ay napaghandaan ko noong ECESS Week pa kaya kinalimutan ko na dahil inisip ko na iba na ang mga maaaring itanong.

“Kung mayroon ka na lamang isang araw, paano mo ito gagamitin?”

Ito ang pinakaayaw kong tanong. Simple kaya simple at walang dating lang din ang naisip kong sagot.

“Kung mayroon na lang akong isang araw… gagamitin ko ito… para makasama ang aking pamilya…(Nagpalakpakan at nagtilian. Hindi ko na sana dudugtungan dahil naisip ko nagustuhan na nila ang sagot pero masyado yatang maikli kaya sinundan ko nang kung anong unang pumasok sa isip ko.) Pagsasama-samahin… Pagbuklud-buklodin… at sama-samang magdarasal sa Diyos… nang sa gayon ang maikling panahon ay maging katumbas ng mahabang panahon…” 

Siguro kung naitanong iyan dati baka ganyan din ang sagot ko. Hindi ko talaga gusto kapag ang sagot ay may kinalaman sa pamilya kung saan nagiging plastik ang sagot ko kaya alam kong di nila iyon nagustuhan. Hindi kasi ako makapamilya. Sa katunayan, hindi nila alam na sumali ako noon sa Mr. ECESS. May nagpaalam lang noong nanalo na ako.

Sabi nga ng iba baka will ni God na hindi ako manalo. Bago pa maganap ang pageant iyon na ang nasa isip ko. Sobrang suwerte ko kasi noong taong 2012 kaya parang sobra-sobra na kung mananalo pa ako roon. Noong 2012, napasama ang tatlo kong blog sa librong “SOPAS” at “Cool Iskul” ng PSICOM. Nanalo ako sa Pinoy Exchange ng concert ticket ng Lifehouse na ginanap sa Araneta Coliseum kung saan si Mark ang isinama ko para na rin may matulugan dahil wala ng biyahe sa amin panigurado. Nanalo rin ako ng isa pang promo sa kanila. Naging presidente ako ng klase at naging Mr. ECESS 2012.


Pictorial:

Ginanap ito sa Puerto Azul sa Ternate, Cavite. Dahil sa panunulisit ng tatay ko nakabili ako ng susuutin para sa pictorial. Longsleeve sa Divisoria na ikinagulat kong pwede palang tawaran ang mga tinda roon. Pantalon at sapatos sa mga tiangge saTagaytay.

Sportswear:



Muay Thai talaga ang nabunot ko pero nagpalit lang kami ng partner ko dahil mas trip niya iyon kaysa sa baseball. Sa lahat ng attire ito ang pinakanagustuhan ko. Nakasuot din ako rito ng contact lens na hindi ko inasahan. First time ko noon kaya halos maluha-luha ako sa simula. Lakas makaartista!

Theme Wear: Exotic Asia


Thailand ang bansa na nabunot namin para sa theme wear kung saan pinag-aralan ko kung paano bumati gamit ang kanilang lenggwahe.

Swimwear:


Exotic na exotic lang oh! Pwede na akong commercial model ng katol o kaya ng alkampor! Dalawang buwan lang ang pagitan ng dalawang pageant kaya naman pagkatapos ng una ay halos nakaapat hanggang anim na beses yata akong pagpunta sa gym para palakihin ang dapat lumaki. Tumigas naman ang mga masel ko at kahit papaano ay nagkaroon ng hubog pero hindi pa rin sapat dahil sa kapayatan ng katawan ko. Dinaan ko na lang sa pose ang lahat!

Production Number:


Dahil Exotic Asia ang napiling theme, KPOP ang aming naging mga kasuotan.

Talent Portion:



“It Will Rain” naman ang kinanta ko. Tulad ng dati, mas maganda ang boses ko sa backstage kaysa noong nasa entablado na ako. Sa pagkakataong ito, nasa tyempo ako pero wala naman daw ako sa tono. Ang daming nadismaya sa kinanta ko. Sobrang sintunado! Tapos sinayaw ko ang “Evolution of Dance” ni Vhong Navarro kaya nakabawi. Pagkatapos ng sayaw natapakan ko ang mikropono na nilapag ko sa sahig pagkatapos kong kumanta. Para di mapahiya nagpose na lang ako ng pinauso kong "DeQuiPose" kung saan nabulabog ang buong gym sa sobrang lakas ng tilian at hiyawan. Pagbaba ko ay pinuri nila ako na ang galing ko raw. Siguro dahil nagawa ko pa ring masaya iyong pagkadulas ko.

Formal Wear:


Medyo nainis ako sa mga handlers ko noon. Ang mahal ng bayad tapos mga luma ang ipinasuot sa akin. Nagulat ako dahil wala silang dalang pantalon para sa formal wear kaya naman iyong suot na pantalon ng handler ang ipinasuot sa akin kahit doon sa production number. Hindi rin ako nagandahan sa style ng amerikana kung saan sira pa ang butones kaya naman niremedyuhan na lang. Wala rin silang dalang neck tie kaya nagpapasalamat ako sa kaklase dahil hindi ko inasahang may dala siya noon. Nagdala ako ng sapatos pero pangit daw. Pangit din ang mga dala nilang sapatos kaya naman pinahiram ako ng handler ng partner ko kaso hindi kasya. Kaya sinuot ko na lang kung ano man iyong dala nila. Hindi rin naman siguro makikita kasi mataas ang stage. Ang totoo mali ang nakontak kong handler. Mali pala ang pagkakaintindi noong kinausap ko para makontak iyong tao na tinutukoy ko. Habang papalapit ang pageant naisip ko na magpalit na lang ng handler dahil nakontak ako ng handler na tinutukoy ko sa simula pa lang. Sobrang sigurado na ako sa gagawin kong desisyon kaya naman pinaalam ko na sa kanila na magpapalit na ako ng handler kahit na nakabayad na ako ng down payment. Hindi ko rin kasi sila madalas makontak. Sa huli, napag-isip-isip ko na siguro dapat magtiwala na lang ako sa kanila. Nakakahiya naman siguro na kinontak ko sila tapos bigla kong aayawan. Pero ayos lang, nandiyan na e. Naging mabait naman sila sa akin at mabubuti naman silang mga tao. Nagkataon lang talaga na inakala kong sila na nga iyong handler na gusto kong kontakin. What a twist! Pero mali rin siguro ako dahil hindi ako pumunta sa kanila para sa dress rehearsal. Hindi ko kasi alam kung paano pumunta doon kaya nagkita na lang kami sa isang lugar para sa pag-abot ng down payment. Hindi tuloy nalaman kung kakasya ba sa akin ang mga isusuot at kung sasang-ayunan ko ba. Medyo malungkot kasi minsan lang maganap ang pageant at pwedeng hindi na maulit tapos hindi pa naging maayos ang lahat.

Sa katunayan mas masarap sa pakiramdamam at mas masaya ako noong unang pageant. Siguro first time kaya normal siguro na ganoon ang nararamdaman. Sa sumunod na pageant sobra akong nakaramdam ng stress at pagod hindi dahil sa kaba kundi dahil sa mga problema sa pinansyal at sa handler. Kahit sa mga praktis palagi rin akong napapagalitan dahil parang nawalan na rin ako ng gana at parang lutang lagi ang isip ko.

Hindi na dapat namin itutuloy ng partner ko ang pagsali dahil sobrang namroblema kami sa pinansyal. Nasa ikalimang taon na kasi kami kung saan napakarami naming pinagkakagastusan tulad na lang ng thesis at pagpunta sa Baguio. Kung sasali pa kasi kami sa pageant parang lulubog na kaming dalawa dahil wala na kaming mapapagkunan ng salapi. Sinabi namin sa mga kaklase namin na baka hindi na kami tumuloy pero siyempre hindi sila pumayag. Nasimulan na namin kaya dapat lang na tapusin. Kaya lubos akong nagpapasalamat sa lahat ng bumubuo sa organisasyon namin para sa tulong na pinansyal na naging dahilan para ituloy ang laban. Salamat po.



Pagkatapos ng awarding dumiretso na agad ako sa kuwarto kung saan nandoon lahat ng gamit ko nang sa gayon ay maayos at malikom ko na. Maya-maya ay may narinig akong mga boses na tumatawag sa pangalan ko. Umakyat pala ang mga kaklase ko para magpapiktyur, kamustahin at pagaanin ang loob ko. Nagbitaw sila ng mga salita na talaga namang napakasarap pakinggan at nakakataba ng puso. Hindi ko talaga inasahan na pupuntahan pa nila ako gayong halos alas nuwebe na ng gabi natapos ang pageant at baka wala na silang masakyan. Doon ko napatunayan na anuman ang mangyari ay walang iwanan. Pinatunayan nila na mahalaga at sinusuportahan nila kami sa simula hanggang sa huli. Palagi silang nandiyan sa oras na may mangailangan ng tulong at ng makakausap na kaibigan.

Sa mga sumunod na araw pagkatapos ng pageant ay nagulat ako sa mga natanggap kong mensahe. Ang daming bumati at nagpaabot ng “congratulations.” Noong una ay hindi ko agad naintindihan dahil hindi naman ako ang nanalo kaya walang dahilan para ikongrats nila ako. Pero sabi nila ay napahanga ko raw sila at kahit na natalo ako ay naging maganda at magaling naman daw ang lahat ng ginawa at ipinakita ko kaya hindi sila nagpapigil sa pagbati.



Makalipas ang isang taon, bumalik ako para sa farewell walk.


The Comeback



“Dear Yolanda, wag ka munang dadaan sa Maragondon. Hayaan mo muna akong magpose.” Huling pose ko sa iskul! Medyo mas pumuti at tumaba na ako hindi tulad noon na nagmumukha akong maliit kapag katabi ang ibang mga kandidato sa pageant.


Mga tunay na kaibigan na sadyang umabsent sa trabaho para sumuporta at mapanood ang huling rampa ko bilang Mr. ECESS! Hindi na dapat talaga ako pupunta dahil gradweyt na kaming lahat at inisip ko na wala ng kaklase ko ang makakapunta para manood pero mali pala ako. Sa kabila ng malakas na bagyong Yolanda ay pumunta pa rin sila at sumuporta. Maraming salamat sa inyo mga pre!



Farewell Speech

Nagpapasalamat ako sa Diyos para sa lahat ng oportunidad at biyaya na ibinigay niya sa akin. Nagpapasalamat ako ng lubos sa Kaniya para na rin sa lakas ng loob at para sa mga solusyon sa lahat ng naging problema lalo na sa pinansyal. Nagpapasalamat ako sa mga magulang ko dahil inanak nila ako. Dahil sa kanila may kinatutuwaan kayo ngayon.

Pasasalamat para sa mga sumusunod:

  • Kay Abis, Mr. ECESS 2010 para sa pagpapahiram ng sinuot kong amerikana na sinuot niya rin noong nag-farewell walk siya. Nakatipid tuloy ako.
  • Kay Jernest at Gil for teaching me how to dougie mula ECESS Week hanggang Mr. and Ms. PUP 2013 as well as Maryel, Imie at Judy. Maraming salamat ulit kay Gil dahil siya ang dahilan kung bakit ako naging presidente at kusa rin siyang nag-alok ng tulong para sa talent portion sa pageant. The best ka pre!
  • Kay sexy Nying, Kit at Grabol para sa napakalupit at makabasag pinggang pagtili pati na rin sa tropang Addiktz na naghawak ng tarpaulin at flashcards na ako pa ang gumawa. Ako kasi ang presidente kaya pakiramdam ko ako rin ang dapat gumawa ng mga props na hahawakan nila.
  • Kay Lesilyn para sa walang sawang pagsingil sa Piso Campaign.
  • Kay Scarleth para sa pagpapagawa ng tarpaulin na dume-Derek Ramsay.
  • Kay Mark para sa malaking tiwala at suporta na ibinigay niya noon. Miss you bro!
  • Kay Karla G. na nanood ng ECESS pageant.
  • Kay KJ na nakasabay ko sa dyip at tinulungan ako sa pagbaba ng mga gamit at kay Monton at Jernest na siyang nagpatuloy sa pagdala ng mga gamit hanggang sa gym. Salamat ulit kay Jernest dahil nautusan ko siyang bumili ng meryenda noong nakaramdam ako ng gutom.
  • Kay Faye na partner ko na napakatagal ko ring nakapalitan ng kung anu-anong suhestyon at payo. Salamat sa tulong at suporta.
  • Kay Obee at Sir De Guia bilang instant photographer. Dahil sa napakaganda nilang camera ang dami kong remembrance na mga litrato.
  • Kay Renz para sa pagpapahiram ng neck tie na dinala niya talaga para sa pagbabakasakali na kakailanganin ko. Salamat din sa pagpapatulog sa bahay niyo at sa masarap na pagkain.
  • Kay Nying, Abis, Nikko, Kenneth, Gil, Renz, Arnold, Itoc para sa pagsama sa aking pagpasa ng korona kahit na may bagyo.
  • Kay Joseph na nag-asikaso sa makokolektang pera na tulong para sa aming candidates at sa pagpapatulog niya sa akin ng libre sa kanilang dorm pati na rin sa pagpapahiram ng vest.
  • Kay MJ na make-up artist na nirekomenda ni Fe. Salamat sa pagpayag kahit mura lang bayad. Halos ang daming foundation na naubos matakpan lang ang dapat takpan.
  • Kay Kuya Rhage na nagturo sa aking sumayaw ng husto at punong abala sa pageant.
  • Kay John Edrick na tumawag sa akin habang ako ay nasa stage sabay senyas na "okay lang."
  • Kay Dhanes para sa make-up.
  • Sa lahat ng mga handlers.
  • Sa mga paborito kong titser na sina Mam Nuera at Mam Ambulo.
  • Sa mga candidates na nakasama ko na naging mga kaibigan ko na rin. Mr.&Ms ECESS: Faye, Roi, Brigette, Eli, Carissa, Jeff, Jillian, Angelito, Ghieline. Mr.&Ms.PUP: Nhie, Elmar, Noimie, Flick, Daizyree, Erjay, Danielle, Francis, Faye, Peter, Alychie, Julius, Maricris.
  • Sa lahat ng ECESSians, Professors at PUPians na natuwa, nagulat at nakisabay sa mga kakaibang trip ko sa buhay.
          
Joining a pageant is not only about the physical appearance but also on how you are capable of making new friends, how you share your personality and how you can be a role model for the people to be inspired to. Manalo man o matalo, iyong katunayan na isa ako sa mga napili at pinagkatiwalaan ng mga kaklase ko na sumali sa paligsahang ito ay napakalaki ng karangalan para sa akin. Kung tutuusin kakaunti lang ang nabibigyan ng pagkakataon at kakaunti lang din ang nagugustuhan nilang lumahok kaya naman hinding-hindi ko ito malilimutan hanggang sa aking pagtanda. Maraming salamat sa lahat ng tumili, pumalakpak, naumay, napasipa ang paa at sa lahat ng nakisakay sa mga kabasagan at trip ko. Maraming salamat sa ECE-V para sa walang sawang pagsuporta. Iyong pinakita ninyong pagmamahal at iyong katunayan na hindi ninyo ako iniwan ay ang pinakamasayang naranasan ko. Pinatunayan ninyong nandito lang tayo para saluhin ang bawat isa. SARAP! 


Muli, maraming salamat.

Hanggang sa muling pagkikita at pagrampa.


Miyerkules, Abril 4, 2012

Mr. Endangered Specie


           

          Naranasan mo na bang buruhin ang iyong pagmumukha sa harap ng salamin sa loob ng maraming oras habang tinatanong ang sarili kung saang lupalop ka nagmula? Kung isa ka sa mga pinalad na magtamo ng itsurang pasok sa planetang Jupiter, malamang masasabayan mo ang bawat takbo ng kwento ko. Ako si kulot, madalas mapagkamalang salot. Nakatira kami sa isang bayan sa Kabite. Doon ako lumaki at malamang ganoon din sila. Ang bahay namin ay nasa likod ng dalawang simbahan pero hindi iyon nangangahulugan na madalas kaming magsimba.Napapaisip nga ako, mukhang ang swerte ng dalawang simbahan ay napunta sa mga kabahayan sa harapan nito at napag-iwanan na kaming mga nasa likod. Madalas kasing magkaroon ng mga kaguluhan kung saan mapapalibutan ka ng mga nagliliparang mga plato at sibat. Sa madaling salita, lumaki ako sa isang lugar na nababalot ng iba’t-ibang masamang pangitain at pangyayari. Sa sobrang gulo ng aming pamilya ay malapit na kaming tanggihan ng mga barangay at ng mismong mga pulis.
            Lima kaming magkakapatid. Hanggang pagtanda yata ay pinanindigan ng tatay ko ang natanggap niyang award noong elementarya na “Pinakamasipag.”Madalas nila akong tawaging big eyes, malamang may kalakihan ang aking mga mata. Kulot ang aking buhok, pango ang aking ilong, kayumanggi ang kulay at may kakapalan ang mukha maging ang labi. Hindi lahat ng kulot ay salot pero hindi nila ako pinaniniwalaan. Tahimik kasi ako at hindi masyado kumikibo kaya naman sa tuwing tinatanong nila ako ay puro senyas lamang ang aking mga isinasagot. Simple lang, kapag tinatanong nila kung pang-ilan ako sa mga magkakapatid ay itataas ko lang ang aking hinlalato. Hindi ko maintindihan ang mga tao sa paligid ko dahil matapos ko silang sagutin ay sasampalin naman nila ako. Kaya madalas ay nagsusuplado na lang ako. Guwapo sa personal e.
            Hindi ko alam kung anong sumpa ang kumapit sa akin. Isinilang ako sa katre ng nanay ng mga kapatid ko na asawa ng tatay ko. Naisip ko noonipinaglihi ako sa maligno o kaya naman kulang ako sa buwan kaya naman nagmukha akong fetus noong inilabas sa mundong napapaligiran ng mga taong nag-iipon na ng pamumula para sa paglaki ko. Mas mabuti na ang kulang kaysa naman sa nabulok na ako sa tiyan ng nanay ko. Baka paglabas ko, binata na agad. Nagtataka nga sila dahil iyong apat na kapatid ko ay talaga namang pangrampa ang mga pagmumukha.
            Noong bata ako siguro kahawig ko si Santino maliban lang sa buhok niyang may basbas ni Justin Bieber. Noong piyesta kasi ay ayaw akong patayain sa isang sugal kung saan kapag tumama ang letrang hula ay mananalo ng itik. Nag-alsabalutan ako at lihim na naglayas hanggang sa maligaw ako gayong sampung dipa lang ang layo ng plaza mula sa amin. Iyak ako ng iyak hanggang sa napadpad ako sa isang batangenyong naggagawa ng sapatos na akala koy sasapatusin ako sa mukha.Dinala ako sa kumbento kung saan pinatulog muna ako ng pari dahil sa gaganaping misa. Ang nakakahiya lang ay ang pag-anunsyo ng pari tungkol sa nawawalang bata na ako. “Ididiwan. Ididiwan…” madaling kumalat ang tsismis sa aming lugar kaya siguradong aabot ito hangga’t may lupa. Dahil wala pa rin o wala talagang gustong bumawi sa akin ay napilitan pa tuloy akong ipagtanong ng pari sa bawat bahay. Lumuwa ang mata niya nang malamang sa likod lang pala ng simbahan kami nakatira. Sa hinaba-haba ng pagtatanong sa likod ng simbahan lang pala ang tuloy.
***
            Noong elementarya ako, madalas sabihin ng nanay ko na kahawig ko raw si Jericho Rosales na pinaniwalaan ko ng buong puso’t kaluluwa dahil nga sa kulot kong buhok. Noongnasa ikalimang baitang ako sa elementaryahindi ko alam kung pinagtitripan o may pagtingin talaga ang kaklase ko sa akin. Buong tapang siyang tumayo at ipinagsigawan ang pangalan ko para maging konsorte ng aming klase kung saan nabulunan pa ko sa iniinom kong palamig na tatatlo lang yata ang lamang sago. Maya-maya ay bigla na lamang nagsalita ang aming guro na akala ko’y pupurihin at sasang-ayunan ang kaklase ko.Tandang-tanda ko pa na sinabi niya na kung pipili kami ng konsorte na irarampa sa harap ng maraming pagmumukha ay iyong maayus-ayos naman daw ang dapat naming piliin. Siguro iyong tipong kahit nakamaskra ay mapapasigaw ka kahit nasa Manila ka pa gayong nasa Kabite lang kami. Napakaprangka naman ni Mam, hindi niya ba ako nakita sa unahan ng upuan para mapigilan sya sa pagsasalita? Ang sakit sakit!
            Pagdating ko ng kolehiyo ay nananalig akong may pagbabago na sa pagmumukha ko tulad na lamang ng pagkakaroon ng tagiyawat na parang may sinusunod na iskedyul sa pagtubo. Matagal ko ng gustong maging artista pero dahil di pa dumarating ang pagkakataon ay muli kong tinawag ang lahat ng santo mabuti man o masama.Hiniling ko na sana magkaroon ako ng kahawig sa showbiz para kahit sandali ay may makapansin sa endangered specie na katulad ko. Sa sobrang taimtim yata ng pagdarasal ko ay mukhang naawa sila akin kaya naman pinagbigyan nila ang simple kong hiling. Sa sobrang lasing ng kaibigan ko ay napansin niya na medyo kahawig ko raw si Pooh na sinang-ayunan naman ng kapatid kong daldalera! Paano ko magiging kahawig si Winnie The Pooh na walang salawal gayong hayop iyon at ako’y tao?
            Hindi ko alam kung kaya ko talagang paniwalaan ang mga artistang inihahalintulad nila sa akin, basta para sa akin gwapo ako na dapat kong panindigan hanggang sa masapak ako ng lasing sa kanto. Noong isang araw nga, pagkatapos kong bumili ng ulam sa tindahan ay bigla akong nagulat sa mukha ng tindera lalo na nang napatingin ako sa salamin na kalawangin. Sa isang sulyap ay tila ba tumigil ang pag-ikot ng mundo. Tinitigan kong mabuti ang salamin kung saan naging kahawig ko si Coco Martin. Sa sobrang tuwa ay napasigaw at napatalon ako sabay batok ng tatay ko na epekto lang daw iyon ng ulam ni Coco.
***
            Noong araw, madalas akong mapagkamalang lumang tao o ninuno ng sinuman. Akala ko noon, sa unggoy nagmula ang tao kaya naiintindihan ko kung bakit ako ganito pero habang nakikinig ng radyo ay may isang biro na umalingawngaw sa aking tainga na kung sa unggoy daw nagmula ang tao, bakit mayroong mukhang kabayo? Saan nga ba talaga nagmula ang tao? Sa dami ng problema ko samahan pa ng problema ng Pilipinas pati ng napakaraming ekwasyon na nagpapasakit ng mata ko ay wala na akong panahon para alamin pa iyan. Gwapo, maganda, macho at seksi, bakit nga ba may ganiyan pa sa mundo o dahil meron na rin naman bakit hindi lahat nakakuha niyan? Favoritism? Pangmayaman lang ba iyan o kailangan pang sumali ng mga magulang sa isang rapol. Bibili sila ng mga produkto na aabot sa halagang isang libong piso kung saan pwede ka ng makasali sa rapol. Ang premyo ay inam na dasal para maging gwapo o maganda ang magiging anak. Siguro para lang itong estado ng buhay na hindi dapat maging pantay-pantay nang sa gayon ay di maganap ang World War III kung saan ang pag-aawayan lang ay kung sino ang mas gwapo o mas maganda.
            Kailan kaya ako gagwapo? Siguro kapag yumaman ako pero papaano kung hindi? Kahit kasi sabihin natin na mas mahalaga ang panloob na anyo ay ibang usapan pa rin kapag maganda ang panlabas. Iyong tipong kahit saan ka pumunta maging sa pinakatagong iskinita ay di pwedeng walang mapapatingin sa iyo. Kapag ako naman ang lumalabas tanging mga isnatser lang ang tumitingin at nagkakainteres. Pero huwag natin silang lalanglangin dahil sa panahon ngayon ay tsusi na sila. Manghahalbot sila ng bag pero madidismaya kapag nalamang parang pangkaskas ng yelo ang modelo ng iyong selpon. Ikaw na ang nanakawan, mabubukulan ka pa dahil ihahagis nila ang ninakaw pabalik. Kanino ko ba dapat isisisi ang pagkakaroon ko ng ganitong mukha? Sa tatay ko ba na hindi kagwapuhan este hindi talaga, sa nanay ko na naglihi sa kung saan man o sa global warming kung saan sa pabagu-bago ng klima ay naapektuhan na rin pati ang itsura ko?
            Ano man ang sabihin nila, gwapo ako! Ito ang paniniwala ko at ito ang pananaw na ipinaglalaban ko. Magunaw man ang mundo sa ika-21 ng Disyembre sa taong 2012, matuloy man ang World War III at malubog man sa tsunami ang buong Pilipinas ay taas noo ko pa ring ipagsisigawan na “GWAPO AKOOOOOOOOOOOO!” Pero syempre biro lang dahil sigurado ko naman na kahit ano ang sabihin ko ay magagalit ka. Sa sobrang inis ay maisipan mo pa na hanapin ang pagkakakilanlan ko sa Facebook nang sa gayon ay mapahagisan mo ako ng bomba mula sa limampung helicopter at dalawang pribadong jet na ipinangutang mo pa. Sige na nga, sa tagal kong nabuhay sa mundong ito ay ito na ang panahon para ipagmalaki at mahalin ang pagmumukha na mayroon ako. Sino pa nga ba ang magdadamayan edi kami rin. Kapag ako’y malungkot ganoon din sya pero bakit minsan parang malungkot pa rin ang mukha ko kahit ang totoo’y wagas na ang kaligayahan ko? Kung gwapo lang sana ako magkakaroon ako ng sapat na lakas ng loob para humarap sa maraming tao, maligawan ang hinahangaan kong nilalang at paulit-ulit na magpiktyur para marami akong litrato na ibabalandra sa Facebook dahil sa pangalan pa lang nito ay parang rekwayrment talaga ang pagmumukha! Ano man ang itsura ko sa mundong ibabaw ay isasaisip ko na lamang na sa kabilang buhay ay gagwapo rin ako pero kung gayon bakit ayaw ko pang pumunta roon? Dahil syempre, baka mas mauuna ka sa akin dahil ang mukang damong tulad ko ay matagal mamatay.
***
            Sa aming magkakapatid ako ang pinakamabait.Subukan mong umangal at makakatikim ka! Kung sakali mang bumuka ang lupa at higupin ang mga masasamang nilalang sa mundo ay ako raw ang magliligtas sa kanila dahil naging palasimba ako noon. Noong nasa ikalimang baitang ako ay narinig kong nag-uusap ang mga kaklase ko na miyembro ng isang grupo ng mga kumakanta sa simbahan. Nagandahan ako sa mga lugar na pinupuntahan nila tuwing tag-init kaya naman iyon ang nag-udyok sa akin para sumali kahit ang boses ko ay tila nanggagaling sa ilalim ng lupa. Hirap akong gumising ng maaga kaya naman kung hindi huli ay hindi na ako nakapagsisimba. Hanggang sa umayaw na ako sa grupo lalo na noong laitin ako na sintunado raw ang aking boses ng dalawang beses. Ngayon at magpakailanman.
            Sa tinagal-tagal na pamamalagi ko sa mundong ito, hindi ko alam kung bakit hindi ko pa nararanasang maging masaya tuwing araw ng mga puso. Mauunahan pa yata ako ng paggunaw ng mundo. Siguro malas lang talaga tulad ng paulit-ulit kong pagkalugi sa pagtaya sa color game sa perya. Taun-taon akong napipilitan na umiwas sa mga kainan na nagbibigay ng special promo para sa mga magkasintahan. Binibigyan sila ng libreng lobo, bulaklak, condom, puso na nakatusok sa isang istik na nababalutan ng plastik na pinambabalat ko sa mga libro at higit sa lahat libreng kanin. Kami na nga ang walang kadeyt, kami pa ang walang libre. Hanggang sabaw na lang ba talaga kami? Kung sa bagay, masustansya rin ang sabaw pero siguro depende sa init. May sabaw na lasang asin, kalawang, dura ng tindera at kapag nakatyamba ay may lasang malnuris na baka. Dahan-dahan mong hihipan, aamuyin at kapag tumulo ay saka mo hihigupin hanggang sa kiligin ang buo mong katawan.
            Mula sa kinauupuan ko, naririnig ko na naman ang mga kababaihan na aabot yata sa isang kanto ang mga tawanan na may kasamang kilig. Pinag-uusapan nila ang mga kandidato para sa gaganaping paligsahan ng mga nagsisigwapuhan at nagsisigandahang mga mag-aaral. Fetus pa lamang ako, hindi ko na naranasang maging konsorte at hanggang sa ngayon nananatili na lamang imahinasyon ang lahat. Minsan nga binoboto ko na ang sarili ko pero mga kapwa ko unggoy lang ang mga bumoboto at naniniwala na guwapo rin ako tuwing ika-dalawampu’t siyam ng Pebrero. Hindi ko pa nararanasan na maglakad sa isang entablado, magsuot ng mga magagarang damit at patungan ng korona at ng babae. Masakit para sa akin na makita ang isa sa mga gusto kong dilag na napapangiti sa pagtitig sa mga larawan ng mga kandidato na nakasabit sa iba’t-ibang sulok ng paaralan. Kinukuhanan pa nila ito ng litrato na kanila namang ipapaskil sa kanilang mga kuwarto o banyo. Pero ano nga bang magagawa ko? Kung ano ang puno ay siya ring bunga. Kung pangit ako, malamang ganoon din ang mga ninuno ko o siguro totoo nga ang kumakalat na balita na nanuno lang ako.Kung makakakita ako ng isang bote na naglalaman ng nilasing na genie ay hihilingin ko na maging gwapo para maranasan ko namang habulin ng mga kababaihan hindi lang dahil sa utang kundi dahil sa pagnanasa. Papaano nga ba ako mangarap? Halika, usap tayo.
***
            Guwapo, magandang pangangatawan na may walong tinapay at tinitingalang katangkaran. Mapunpungay at singkit na mga mata, mapupulang mga labi, ilong na perpekto ang pagkatatsulok at may kahabaan ang buhok dahil nakikiuso ako sa tinatawag nilang K-Pop. Maputing kulay ng balat, mahusay magdala ng damit at higit sa lahat lapitin ng mga kababaihan, matrona, biyuda, at ng mga dating kalalakihan na ngayon ay mga babaeng may lawit na. Lahat na yata ng papuri na puwedeng marinig o matanggap ng isang tao ay nasa akin na. Kung iuukit ako, malamang si David ang kalalabasan ko. Kung ikukuwento naman, si Machete o Malakas ang kukumpleto sa paglalarawan sa akin. Isa raw akong alamat na nabuhay na sa sobrang kaguwapuhan ay pipigil sa papalapit na paggunaw ng mundo at lumalalang gobal warming.
            Noong fetus pa lamang ako ay nahulaan na ng nanay ko na masasambot ko raw ang lahat ng mga biyayang ipagkakaloob sa sangkatauhan. Hindi naman siya nagkamali. Nang lumabas na ang aking ulo ay nagulat ang nanay ko dahil minadali ng kumadrona ang pagpapaanak sa kaniya. Paglabas ko sa kung saan man niya ako inilabas ay halos natulala ang lahat. Tumigil ang ikot ng mundo. Ang kanilang kilos at pananalita ay napakabagal na para bang sa buwan kami nakatira. Ang kaninang makulimlim na kalangitan ay nagliwanag. Bumukas ang mga ulap kasabay ng napakaliwanag na sinag ng araw kung saan bumaba ang daan-daang Justin Bieber at nagsi-awitan ng kantang “Baby.” Lahat sila ay nakatititig sa akin. May mga  makikintab at kumukuti-kutitap na hindi nila maipaliwanag kapag ako’y kanilang tinitingnan. Sa sobrang galak ng aking mga magulang ay tinawag nila ang buong barangay para ako’y ipagmayabang. Pinag-agawan ako ng mga tao. Hinalikan. Hinimas na kahit sanggol pa lamang ako’y pinagnanasahan na. Inilarawan nila ako na para bang isang perpektong nilalang na kailanman ay hindi pa nila nakita.
            Araw-araw may bumibisita sa aming bahay. Marami kaming natatanggap na pampers, iba’t-ibang produkto ng gatas at tsupon. Marami rin ang nagbibigay sa amin ng mga gulay, prutas kahit medyo bulok na iyong iba at kung minsan pa nga ay mga salapi. Sa dami ng mga natatanggap namin, napilitan kaming magtayo ng isang tindahan kung saan doon namin ipinagbibili ang lahat ng aming mga natatanggap. Sa taglay kong kaguwapuhan naisip ng mga magulang ko na gumawa ng isang kuwento kung saan sinabi nila sa lahat na susuwertehin daw kung sino man ang magbigay o mag-alay sa akin. Ipinangalap nila ang impormasyon sa pamamagitan ng jiem at ngayon sa Facebook. Nagtrending topic pa ako sa Twitter worldwide para sa ikaunang puwesto.
            “Ayon sa propesiya ay susuwertehin daw ang sinumang magpalungad sa amin ng biyaya. Pass this message as many as you can. After 15 minutes nandiyan na ang suwerte. Don’t erase kapag di pa napapasa, bad luck will come. Gm ng bagong gising.”
            Balak kasing bumili ng bahay ng mga magulang ko noon. Tiba-tiba pag nagkataon. Kaya bata pa lamang ako nasanay na ako sa ganiyang mga raket at negosyo. Wala pa akong isip pero pinagtrabaho na agad ako kaya naman ngayon marangya na ang aming pamumuhay. Isang kurap pa lamang ng aking mga mata ay tiyak kikita na agad ako. Minsan nga lamang ay hindi ko maiwasang maiyak. Hindi dahil sa tuwa kundi dahil sa libu-libong piso na inihahagis sa akin na nagiging dahilan ng paglabas-pumasok ko sa pagamutan.
            Ipinangak akong sikat. Isa raw akong bituin na nagmula sa langit at ipinadala sa lupa para pagnasahan ng sangkatauhan. Sa mura kong edad dama ko na ang mga naglalaway nilang tingin sa akin. Higit pa isang superstar kung ako’y kanilang ituring. Sa tuwing ako’y naglalakad may tumitili sa bawat hakbang ng aking mga paa. Tutungo ako, may titili. Ngingiti, may titili. magsasalita, may titili. Mag-aayos ng buhok at lahat na ng pwedeng ikilos ko ay may kasamang tili mula sa mga taong kahit hindi ko naman kilala ay nahuhumaling. Minsan hindi na ako lumalabas ng bahay. Kung pwede nga lang na ipakulong ko ang aking sarili ay gagawin ko nang sa gayon ay hindi na nila ako habulin at sundan. Sa tuwing lumalabas kasi ako ng bahay ay madalas akong pinagkakaguluhan ng mga kababaihan. Kapag pumupunta  ako sa tindahan ay inaabot ng limang oras dahil sa mga taong walang sawa sa pagpapalitrato, pagkamay at paghingi ng aking pirma kahit hindi naman ako maganda magsulat. Kung nasususpinde ang klase dahil sa iba’t-ibang trahedya at masamang panahon, madalas namang mawalan ng klase kapag ako’y tinatawag ng aking guro para sumagot. Hindi ko alam kung bakit niya pa ako tinatawag gayong halos hindi na kami magkarinigan dahil sa lakas ng tili ng aking mga kaklase. Madalas masuspinde ang klase dahil sa akin. Sa dami ng gustong makarinig ng malamig kong boses ay marami ang umaabot sa awayan lalo na sa sabunutan. Nakakatakot na ring pumasok minsan dahil sa bawat segundo na ginawa ng Diyos ay palagi na lamang may mga sumusunod sa akin. Pakiramdam ko tuloy darating ang araw na madidisgrasya ako at pagtatangkaan ang aking buhay.
            Kung hindi ninyo naitatanong ako ang dahilan kung bakit ipinagbawal ang mga naglalakihan at malalaswang billboard. Sa sobrang sarap ko kasing pagmasdan ay libu-libong mga sasakyan ang hindi makatuon sa pagmamaneho. Nagiging dahilan ako ng malawakang trapik. Marami pa nga ang naaaksidente dahil sa pakikipag-unahan sa puwesto kung saan mapagsasawaan nila ang larawan kong nakasuot lamang ng brip. Marami rin ang hindi kinakaya ang kagandahan ng aking katawan at maumbok na berdugo. Karamihan sa kanila ay naoospital dahil nahahayblad, nagdurugo ang ilong, nauubusan ng tubig sa katawan dahil sa patuloy na paglalaway at ang iba naman ay nakakasuhan dahil hindi nila mapigilang magsarili sa gitna ng maraming tao. Doon ko napatunayan na may mali sa mga pag-aakala ng mga tao. Sinabi nila mapipigilan ko raw ang paglala ng global warming pero sa dami ng taong nag-iinit ay mukhang lalala pa ito.
***
            Isang araw habang pauwi ay may grupo ng mga malalanding nilalang na nag-iinuman sa kalsadang aking daraanan. Hinarang nila ako pero hindi ako nagpasindak. Dahan-dahang kong tinanggal ang mga butones ng suot kong polo kung saan nasaksihan nila ang maalindog kong dibdib. Niyaya nila akong uminom pero hindi ako pumayag. Tumayo ako at sinubukang magpaalam pero agad nila akong pinaupo. Hinawakan nila ang ulo ko. Binuka ang aking bibig kung saan pilit na ibinuhos ang mapait na alak. Pinainom nila ako ng pinainom hanggang sa mahilo ako. Maya-maya ay may naramdaman akong gumagapang na kamay sa aking hita. Agad ko itong tinanggal ngunit hindi siya nagpatinag. Tumayo ang ilan. Natuwa naman ako dahil inakala kong tapos na ang inuman. Hanggang sa mapansin kong nasa likod ko sila. Hinawakan nila ang dalawa kong mga braso. Binusalan ang aking bibig ng basahang tigpipiso ang halaga. Sapilitan nila akong hinila. Binuhat. Kinaladkad. Patuloy akong nagpumiglas ngunit dahil sa katigasan ng ulo ko ay hinampas nila ako ng matigas na kahoy. Dahilan kung bakit nawala ako sa ulirat kung saan nagkaroon sila ng pagkakataon para dalahin ako sa isang liblib na bahay na malayo sa siyudad.
            Malamig na buhos ng tubig ang gumising sa akin kung saan iwinasiwas ko ang aking buhok na animo’y modelo sa telebisyon. Agad naman akong sinampal ng hindi ko pa nakikilalang nilalang. Dinakot niya ang aking buhok at sabay ibinalibag ako sa isang malambot na kama na napupuno ng mga taluyot ng rosas. Mula sa aninag ng buwan sa bintana ay doon ko napansin na inabutan na pala ako ng dilim. Namalayan ko rin na nakatali ang aking mga kamay maliban sa paa. Anim ang mga hitad na nasa aking harapan. Hinimas-himas nila ang aking mukha tulad ng magkasintahan sa isang teleserye. Dahan-dahan nilang ipinapalibot ang kanilang mga kamay sa aking katawan habang ako’y natatawa dahil sa kiliti.
            Maya-maya ay naging tuso’t hagung na hagong na ang mga pagmumukha nila. Agad nilang hinubad ang aking damit. Sa sobrang inip ay sinira na lamang nila ito. Hinalik-halikan nila ang aking dibdib na tinutubuan na ng mga bagitong balahibo. Halik sa kaliwa, sa kanan at sa leeg maliban lang sa pusod ko na nakita nilang madumi. Sa dinami-rami ng mga pinagkakaabalahan ko sa mundo huwag na silang magreklamo kung hindi ako nakakapaglinis ng pusod. Kung tainga nga minsan lang, pusod pa kaya. Naglilinis lamang ako ng tainga gamit ang aking hintuturo habang nakikinig sa mga nakakaantok sa klase. Madalas naman, sa sobrang inip ay ilang beses ko ng napapatunayan ang sabi nila na kaya pala dalawa ang butas ng ilong ay para kapag nangungulangot sa kanan ay makakahinga pa sa kaliwa. Kapag naman sabay, sa bibig na lang ako humihinga. Katangahaliang tapat iyon kaya naman sa sobrang gutom ay tinikman ko na rin. Maalat pala.
            Habang kunwari’y aking inaalis ang maraming halik na gumagala ay may isa namang umuungol na pinaglihi yata sa asong naubusan na ng balahibo dahil sa galis. Tinggal niya ang sinturon kong puti. Binuksan ang aking siper pero sa huli sinira niya rin ito. Maging ang panloob ko na iniregalo pa sa akin apat na taon nang nakakalipas noong ako’y nagtapos sa hayskul ay hindi rin pinalampas. Natulala ako sa mga sumunod na nangyari. Para akong isang robot na sumusunod sa bawat iutos nila. Halos wala akong nagawa. Nang nagkaroon ng pagkakataon ay sinubukan kong tumakbo para makatakas pero inabutan nila ako. Pinagsayaw nila ako sa gitna na para bang isang macho dancer sa isang Paniki sa Dilim bar. Nang makuntento ay mabilis nila akong pinag-agawan. Pinapak nila ako tulad ng pamamapak ko sa gatas na inutang pa ng nanay ko. Sinamantala nila ang aking kahinaan. Pilit akong humihingi ng saklolo sa tinig kong nasasarapan ngunit tila walang nakaririnig. Paulit-ulit nila akong pinaglaruan. Ginamit. Pinagpasa-pasahan na parang isang bola sa basketbol na naghahanap ng ring na mapapasukan. Binaboy nila ako. Kinabayo at inaso .Paulit-ulit nila akong hinalay. Patuloy ako sa pagsigaw ng “Tama na po. Huwag po. Aaah… Tama na po. Sige pa… Aaah… More… Tama na po. Sige na nga isa pa. Huwag po.” Pagkatapos maubos ng kanilang lakas ay huminto na sila.
            Para akong isang batang may lagnat na nakabaluktot dahil sa ginaw. Pagkatapos nila akong pagsawaan ay iniwan nila akong walang ibang saplot kundi bimpo. Binaboy nila ako at ngayon, ang dumu-dumi ko na. Para mas madrama tumayo ako at sumandal sa pader kung saan dahan-dahan akong dumausdos. Bago pa man pumatak ang pekeng luha ko sa kanang mata ay ninais kong hanapin sila. Mukhang nabitin yata ako. Nakita ko sila sa sala na nag-uusap-usap. Kaniya-kaniyang payabangan. Masarap daw ako. Ako na raw ang pinaka sa lahat ng natikman nila. Ang suwerte raw nila dahil ako ang kanilang nabiktima kaya naman nagsibalik silang lahat sa kuwarto. Karipas din ako sa pagbalik para naman di na sila mahirapan. Nagtulug-tulugan ako. Nakiramdam sa mga susunod nilang hakbang na gagawin. Laking gulat ko ng isang sako ang bumulaga sa akin. Pilit nila akong ipinasok. Itinali ng may kaluwagan. Pinaikot ng sampung beses at saka iniligaw na parang pusa. Paglabas ko sa sako ay napansin kong nasa harapan na ako ngaming bahay. Doon ko napagtanto na mga kapitbahay ko lang pala ang umabuso sa akin. Siguro hindi na sila nakatiis sa sobrang pangangati. Kung sa bagay minsan lang naman. Hindi ko lang maintindihan kung bakit kailangan pa nila akong daanin sa paspasan gayong papayag naman ako kung sinubukan nilang humingi ng permiso.
***
            Hindi rin madali ang mapunta sa posisyong mayroon ako. Nakakapagod ang maging sikat. Nakakapanghina ang araw-araw na panggagamit sa akin ng mga tao. Hindi lang katawan ko ang hinihingi nila kundi maging ang aking kaluluwa. Nakakapagod. Paulit-ulit akong hinahabol ng mga kababaihan na kahit daang libo ko ng nasaktan ay patuloy pa rin sa pagnanasa at pagkahumaling. Minsan nasasaktan na ako pero inalisan nila ako ng karapatang magreklamo. Mabenta ako sa tuwing sumasapit ang eleksyon kung saan nagpapalakihan sa bayad ang mga pulitikong alam kong hindi naman tapat sa bayan. Mula kinder hanggang kolehiyo palagi ako ang napipili nila para maging konsorte. Taun-taon akong pumaparada sa Flores de Mayo. Tinatanghal at tumatanggap ng mga karangalan mula sa iba’t-ibang patimpalak ng paguwapuhan at pagandahan.
            Ganiyan ang pangarap ko kung sakali mang makatagpo ako ng isang genie. Sa susunod kong buhay, inaasahan ko na kapag ipinanganak ako ay matutupad na ang lahat ng mga gusto kong mangyari hindi lang para sa sarili ko kundi para na rin sa mga taong mahal at mamahalin ko.
***
            Kung tatapusin ko na ang walang kwentang buhay ko tulad ng walang kwentang sulat na ito, malamang hindi iyon mangyayari ngayong linggo. Bago ang lahat, kailangan ko munang sumama sa pildtrip para naman malasap ko ang tunay na saya ng pagpunta sa EK Pagkakataon ko na iyon para malaman kung tumataas ba talaga ang tumbong at nag-iiba-iba ang pwesto ng mga bituka sa tuwing pababa ang direksyon ng space shuttle.

            Kapag ako namatay gusto kong magkaroon ng asul na kabaong. Hindi naman sa ginagaya ko si Rico Yan na kahawig ko. Paborito ko lang talaga ang kulay na iyon tulad ng paborito kong libangan na pagtingin sa kalangitan lalo na kapag mataas ang sikat ng araw. Kasabay ng masarap na pagaspas ng hangin habang tahimik ang kapaligiran. Akala ko noon may mga tao ng nakapunta sa langit tulad ng mga astronot, piloto at iba pa na sumasakay sa mga sasakyang panghimpapawid. Akala ko kasi pagkatapos ng ulap at bago ka makapunta sa kalawakan ay madadaanan ang malaki, nakalutang at gintong tahanan ng Diyos. Noong bata pa kasi ako, pinaniwalaan ko iyon dahil sabi ng mga matatanda kapag kumukulog ay naglalaro raw ang Diyos ng bowling. Naisip ko tuloy, paano kung nahulog ang bola mula sa langit? Bubukas kaya ang kalangitan kung saan dahan-dahang bababa ang mga anghel sa saliw ng musika o madudurog ang bola at magpapalit anyo para maging ulan o isnow?

            Pagdating naman sa litrato na ilalagay sa ibabaw ng aking kabaong, mas gusto ko na waki ang nakadispley para naman pagpasok pa lamang sa lamay ay may kaunting ngiti na guguhit sa inyong mga labi. Komedyante kasi ako at ayaw ko na may nakikitang malungkot kaya nga lagi ko kayong pinapatawa. Hindi na kayo mahihirapan sa paghahanap ng litrato dahil kahit seryoso dapat ang pows, waki pa rin ang kinalalabasan. Ikrap nyo na lang o kaya puwede na ang praymari poto ko sa peysbuk o kaya yung pinagkaguluhang litrato ng mga kaklase ko kung saan todo birit ako sa pagkanta. Ayaw ko kasi ng masyadong seryosong litrato at mas lalong ayaw kong idispley iyong litrato ko noong kami’y nagsipagtapos kung saan litaw ang lahat ng ngipin ko.

            Amerikana ang gusto kong isuot kapag inilagay na ako sa kabaong. Hindi ko pa kasi nararanasang magsuot noon at pangarap ko na magkaroon ng trabaho sa isang kumpanya kung saan nakapang-amerikana ang mga manggagawa habang may bitbit na bripkeys. Bahala na kayo kung ano’ng kulay, pwedeng puti at pwede rin namang itim basta siguraduhin lang ninyo na gwapo akong tingnan at higit sa lahat maayos dapat ang pagkakaayos ng buhok ko. Madalas akong nahuhuli sa klase dahil sa pagsusuklay sa kulot kong buhok at hindi na rin ako sumasabit sa dyip para lang makaiwas sa pagkakagulo nito. Sa pantalon siguro, pwede na iyong ipinangpapasok ko sa iskul at syempre hindi na rin kailangang bumili ng sapatos dahil bago pa naman ang sapatos ko na araw-araw kong pinapakintab.

            Sa sobrang hilig at dami kong alam pagdating sa musika, hindi tuloy ako makapamili kung ano ba ang papatugtuging kanta sa burol ko. Pero sa ilang araw na pag-iisip, siguro pwede na iyong “Making Love Out of Nothing atAll.” Bukod sa wagas na paghanga ko sa Air Supply, hindi man ito pamburol na kanta malaki naman ang naging bahagi nito sa buhay ko. Paborito ko ito mula noong ako’y natutong umawit at ito rin ang madalas naming kinakanta sa bidyoke ng mga kaibigan ko. Nakakatawa sigurong tingnan na habang inihahatid ninyo ako sa huling hantungan ay sumasabay kayo sa pag-awit habang lumalabas ang mga ugat ninyo sa leegat kinakapos sa paghinga dahil sa pag-abot sa mataas na nota ng kanta. Gusto ko rin na may bidyoke sa lamay ko para naman walang mainip, mapuno ng dalamhati at emosyon at sa totoo lang hahanap-hanapin ko iyon sa kabilang buhay. Saan kaya ako mapupunta? Sigurado naman na kahit nakagawa at patuloy akong gumagawa ng katarantaduhan, sa langit pa rin ang tuloy ko. Amen.

            Kung hindi ninyo kayang bumili ng amerikana at asul na kabaong ko mas mabuti pang sunugin at maging abo na lamang ako. Kaysa naman pagkandarapaan pa ako ng mga insekto at ng mga daga sa sementeryo. Kung magsusugal naman kayo sa burol ko, siguraduhin lang ninyo na malaki ang tong na ibibigay ninyo. Sa lahat naman ng magtatapung-tapong at mga may magagandang loob na gustong mag-abuloy, “lowest P100” dapat.  Hinihiling ko nga pala na sana ay huwag ninyong itapon ang mga gamit ko lalo na ang dalawang medalyon at mga klaskard na talaga namang pinaghirapan ko kahit minsan ay nangongopya ako “in series-parallel combination.”

            Sa lahat ng nagmamahal sa akin kung mayroon man, lalo na sa pamilya at mga kamag-anak ko, sa mga kaklase, kaibigan, kapitbahay, mga ninong at ninang na hindi na ako sinisipot, sa mga kaibigan onlayn kahit di ko lubusang kilala at sa lahat ng mga taong nakakasalamuha ko habang nabubuhay pa ako, maraming salamat sa lahat. Nawa’y nag-iwan ako ng kasiyahan at magagandang ala-ala sa buhay ninyo. Maraming salamat at naging parte kayo ng buhay ko at paumanhin din kung minsan nagkakamali ako lalo na sa mga may ayaw o naging kaaway ko. Paki-jiem na lang sa lahat ang magiging pagkamatay ko. Salamat!
***
            Banyo, kubeta, palikuran at comfort room. Rest room ang itawag mo kung maarte ka manalita na nakikiuso sa mga nagpupumilit mag-ingles kahit mali-mali naman. Lahat ng iyan pare-pareho lang ang ibig sabihin para sa akin. Sa isang mahirap na tulad ko, himala ang kailangan para magkaroon ng hiwalay na banyo at palikuran. Naaalala ko noon, wala pa kaming kubeta kaya naman sa kung saan-saan lang ako dumudumi. Sa ilalim ng puno ng saging habang naghihintay sa agimat mula sa puso nito, sa likod o tapat ng kapitbahay at minsan sa itaas ng puno ng mangga kung saan ako natilas. Mabuti na lamang at may alaga kaming aso. Ang kaniyang pangalan ay whity dahil puti ang kaniyang kulay.  Nag-alaga yata kami ng aso hindi para tahulan ang mga masasamang loob kundi para ipakain sa kaniya ang mga dumi namin na naglipana. Kapag naman wala siya sa mood, sa plastic o dyaryo na lamang ako dumudumi. Kapag natapos na ay ihahagis ko na ito sa kung saan man ito dalhin ng tadhana. Magmimistulan itong isang biyaya mula sa kalangitan. Nakasanayan ko ang mga gawaing ito noon kaya naman ngayong malaki na ako ay tila hinahanap-hanap ng katawan ko.
            Mula sa pagkakahimbing habang nakapulupot ang kumot sa aking katawan, ginising ako ng tiyang nag-aalboroto. Tulad ng dati,naunahan ko na namang gumising ang alarma ng selpon kong walang “send to many” na nawala ang aykon ng network noong ito’y bumagsak. Sa tamang lohika, ibinagsak ko ulit ito sa pagbabakasakaling bumalik pero hindi ako nagtagumpay. Mula sa limang oras na pagkakatulog, bumangon na ako sa higaan para hindi na ulit mahuli sa klase.

            Tulad ng nakasanayan, ako lagi ang nahuhuling maligo kahit ako ang may malayong eskwelahang pinapasukan. Bago pumasok ay may pitong bagay lamang ang hindi ko dapat malimutan:
           
            -ang calculator ko na may istiker ni Avril Lavigne sa likod. Sobra kong hinahangaan si Avril at sobra akong natuwa noong nalaman kong kapangalan ko pala ang asawa niya. Noong nalaman ko saka naman sila biglang naghiwalay, naisip ko tuloy ako ang may kagagawan. Apat na taon ko na ring gamit ang calculator na medyo nasisira na. Dahil wala akong pambili nilagyan ko na lamang ito ng pandikit pero wala rin akong napala. Tumigas ang mga pindutan kaya naman ngayon, pahiram-hiram na lang ako.
            -ang payong ko na kahit papaano tumagal na rin ng ilang taon. Sa susunod itatago ko na ito sa bag kahit medyo basa pa. Naiinis kasi ako kapag itinatakas ito ng kapatid ko na walang ginawa kundi ang manguha ng gamit. Naiwala nya ang payong niya at iyong akin naman ang pinag-iinteresan. Halos nakipag-ilagan pa tuloy ako sa ulan para lang makapasok pero bago iyon nanood muna ako ng “Sponge Bob” habang hinihintay na humina ang ulan.

            -ang panyo ko na minana ko pa sa nakatatanda kong kapatid at iyong isa naiwan lang ng kaklase ko sa bahay. Dahil hindi na niya binalikan akin na lang. Ang hirap kapag walang panyo, sa init ng panahon hindi pwedeng hindi maglalapot ang pagmumukha ko. Hindi ako makabili ng sarili kong panyo, bukod sa namamahalan ako ang papangit pa ng mga tindang nakikita ko.

            -ang usb na kailangan ko talagang dalhin para makapagdownload ng porn videos este para pala kapag may biglang pinagawa na research ang titser ko na sa wakas ay natandaan na rin ang pangalan ko.

            -ang selpon ko na kahit walang nagteteks ay kailangan pa ring dalhin. Madalas akong magteks pero ewan ko ba kung bakit ayaw nila akong iteks. Virus ba ko na kapag nireplayan maaari silang mahawa? Kaya naman kadalasan ginagawa ko na lang itong salamin pagkatapos magpolbo sabay tanong sa katabi na “maitim ba?”

            -ang mura kong polbo sa halagang onse pesos. Sa itsura kong ito mukhang rekwayrd talaga ang magpolbo. “Pangit na nga di pa magpopolbo.”

            -at syempre ang pinakamahalaga sa lahat ay ang baon! Kung wala nito papaano ako makakapasok at mamamasahe? Pero nakakatuwa dahil kada taon nadadagdagan ng sampung piso ang baon ko at kahit na ganoon, madalas umiisip pa rin ako ng anumang bagay na kunwari ay babayaran namin, kurakot? Iyan ay isang bahagi lamang ng pagiging estudyante.

***
            Masyadong malamig ang panahon kaya naman naisipan kong mag-init ng tubig pampaligo. Nangilabot, napasigaw at napatalon ako sa pagbuhos ng tubig na hindi man lang tinalaban ng pinainit kong mineral water. Dali-dali kong kinuha ang shampoo at tulad ng inaasahan naubusan na naman ako kaya naman sabon na naman ang natikman ng kulot kong buhok. Habang nakapikit dala ng pagkaantok, sinasabon ko na ang aking katawan na bagamat payat ay matso naman. Hindi ko namalayan na unti-unti na palang dumudulas ang sabon sa kamay ko hanggang sa mahulog ito sa inodoro. Natulala at napaisip ako sa karumal-dumal na kaganapan kaya naman ako’y pumikit muli, inilabas ang dila habang pinipigil ang paghinga at sabay dakot sa sabong nahulog. Hinugasan ko ang sabon hanggang sa mauspod at saka ginamit sa mukhang kanina pa naghihintay na malinisan.
            Makikita ko naman ang kaklase kong lihim kong pinagnanasahan. Kaya naman sa sobrang sabik ay dali-dali akong nagbihis suot ang bagong damit na bigay ng tito ko. Habang nananalamin, unti-unti kong sinusundot ang puwit upang pakiramdaman kung may pagsabog na magaganap ngunit napigilan na ito dahil wala akong inalmusal. Nakasakay na ako sa dyip na punong-puno na naman ng mga pasahero at patuloy pa ring nagpapasakay kahit wala ng mauupuan.

             “Kainis nga e, ang aga kong pumunta dito tapos ang tagal pa palang mapuno ng dyip,” teks ng katabi ko sa kaliwa.

             “Woot woot… Ayun… Naiinip na talaga ko mahal ko, teks ka pag nandyan ka na ha, jejeje.” teks ng katabi ko mula sa kanan. Sa sobrang inip nagbabasa na lang ako ng teks ng mga katabi ko.
            Sa sobrang sabik ko ay muli na namang nag-alboroto ang puwit na kanina’y nagpanggap lang pala na tahimik. Bakit kapag kinakabahan o nasasabik para akong matatae? Umarangkada na ang dyip na pang bus ang laman habang ako’y nag-iisip kung bababa na ba gayong kasasakay lang o susubukan na lamang na pigilan ang tawag ni Diwatang Eva. Lumipas ang mga minuto at nagawa ko namang pigilan ang nagagalit na bulkan subalit nangangamba pa rin dahil sa bawat pasulong, pababa at lubak-lubak na madaanan ay para bang nagkaroon ng butas para tuluyang makalabas sa rehas ang mga presong ikinulong ko ng tatlong araw sa tiyan.
            Apatnapung minuto ang lumipas bago ko narating ang paaralan pero kahit masama na ang pakiramdam ay nagawa ko pa ring lumakad ng maayos na parang Bench model lang. Paikot-ikot ako sa silid-aralan, paiba-iba ng pwesto, uupo at maya-maya’y tatayo para lang mapigilan ang pagbulwak ng mga preso. Nilibang ko ang sarili para makalimutan ang masamang tiyan at minabuti ko na lang na mag-isip subalit sa kahit anong isip ko ay may dalawang istorya ang pilit na pumapasok. Una ay ang mga kaklase ko noon na napadumi sa iskul at pangalawa ay ang istorya sa isang telebisyon kung saan isang babae ang pinabasa sa unahan ng istoryang tungkol sa mga bulkan. Sa tuwing magbibigkas ito ng salitang pagsabog ay mas nag-aalboroto naman ang tiyan ng isang lalaki na minabuting maupo sa likuran para makaiwas na rin sa kahihiyan.      
            Marami na naman ang nagtsitsismisan, may nag-aaral, nag-aaral-aralan, natutulog, nagseselpon, may mukhang di na humihinga sa likod at ang iba naman ay nasa labas. Paulit-ulit lang ang mga senaryong nagaganap sa araw-araw. Isa na riyan ang iba’t-ibang sulat na nagpapahayag ng damdamin sa mga pader at sa mga nasisira nang mga upuan. Sa sobrang dami ng bandalismo mukhang kahit ayaw ko ay nasasaulo ko na ito. Iyong isa ko namang kaklase masyadong mapagpapaniwala na dapat subsob lagi sa pag-aral kaya naman iyong mukha niya ay isinubsob sa notbuk. Naisip ko tuloy kung ano nga bang ginawa nya sa matalinhagang salita na dapat magsunog ng kilay. Ang isa naman naglalabas ng kakaibang tunog na parang nagtatawag ng masasamang ispirito pero ang tungag tulog na pala. May isang grupo ng kababaihan na masaya na namang nagtsitsismisan habang nakatingin sa akin. Sa tingin ko iniisip na naman nila kung bakit ako may tsokolate sa mata, dugo na naipon dahil tinusok ng kapatid kong hudas noong mga bata pa kami. Bakit kaya ganoon, ang daming seryosong mukha ang tumitingin sa akin at kapag tiningnan ko naman sila iiwas at mapapatawa. Nakakatawa ba talaga ang mukha ko kaya naman kapag malungkot sila mukha ko ang pinagtitripan? Sa likod ako nakaupo kaya naman kitang-kita ko ang lahat pati na rin ang katotohanan na kahit may load ang lihim kong iniibig ay hindi niya ako magawang iteks kahit palagi ko naman siyang tineteks. Kapag ganito ang mga sitwasyon, mabuti pang umub-ob at magpanggap na natutulog na lamang.
            Mainit ang kapaligiran dahil sa mainit na sikat ng araw subalit ang katawan ko’y patuloy na binabalot ng kalamigan na nagpapatayo sa aking mga balahibo. Habang nagpipigil, nag-iisip na ako kung saan maaaring dumumi pero hindi ko pipilian sa kubeta ng iskul dahil tiyak marami ang makakasaksi.Lumabas na ako ng silid-aralan, minabuti kong umuwi na lang at bigla kong naisip na makibanyo sa isang lugar subalit wala talagang pakisama ang tadhana dahil nadatnan ko ang mga kaklase ko doon kaya naman pinili ko na lamang na umuwi. Malamig na pawis ang bumalot sa aking katawan at hindi pa rin mapakali sa kinauupuan sa dyip. Inis na inis ako sa sarili ko dahil sa nasayang kong pamasahe pauwi at pabalik kung saan wala naman akong napala. Umandar ang dyip at patuloy kong pinipigil ang pagbuka ng butas sa puwit gayon na rin ang pag-utot nang sa gayon ay hindi ako mapagkamalang isnatcher ng mga katabi ko. Ngunit sa sobrang daming utot ang hindi ko pinakawalan ay lalo akong nag-alboroto at nais na rin lumabas ng mga utot sa bunganga ko dahil sa pagkakakulong sa puwitan.
            Nangangalahati na ang daan at sa wakas malapit ko ng masaksihan ang tagumpay at kaginhawaan sa pakiramdam nang biglang sunud-sunod ang pumara, andar… tigil… andar… at tigil muli hangang sa di na ako nakapagtimpi. Malayo pa ako sa bahay pero buong tapang na akong bumaba sa dyip para tahakin ang kagubatan at doon, ibinuhos ko ang lahat ng nararamdamang sama ng loob. Naghanap ako ng lugar na madamo kung saan walang makakakita sa kahihiyang gagawin at para tuluyan na ring makapagbawas. Naupo ako sa likod ng malagong damuhan at sabay tanggal sa brip at pantalon. Payapa ang hangin habang mataas pa rin ang sikat ng araw at sa wakas ang mga preso’y nag-unahan na sa paglabas na parang mga nakawala sa kural. Naging maingay ang bawat paglabas nila na sinasabayan ng mabahong utot pero ang kasindak-sindak na bumulaga sa akin ay ang purarat na taeng kulay lupa. Ibinigay ko ang lahat ng makakaya ko sa pag-iri hanggang sa tuluyan na silang makaalpas. Kinuha ko ang malalapad na dahon sa harap at dahan-dahang ipinahid sa puwit.
            Natapos na ang seremonya kaya naman dali-dali akong tumayo at muling isinuot ang brip at pantalong di nabahiran ng tae. Sakses ang lahat kaya naman maaari na akong makauwi kaysa bumalik pa sa iskul. Habang nakatayo, tumingin ako sa maaliwalas na kalangitan at pinasalamatan ang lahat ng mga santong kilala ko para sa pagsasalba nila sa akin sa oras ng panganib. Ngunit sa pagtalikod ko, isang katotohanan ang sumambulat sa akin. May isang manong na nagtitinda ng sorbetes ang kanina pa palang umiihi sa bandang likuran at nasaksihan niya ang pagpapakawala ko sa mga presong tatlong araw nang nakaburo sa aking tiyan. Dahan-dahang humangin, nagtagpo ang aming mga mata na tila ba nangungusap at nginitian ako na para bang nang-aasar.
            Hindi ako nakapag-isip agad at natigilan ako sa mga pangyayaring naganap pero dahil hindi ko naman siya kilala, taas-noo pa rin akong lumakad ng mabilis with flying colors tulad ng isang modelopara maiwasan na rin ang mga taong bigla na lamang sumusulpot sa kung saan, sa maling panahon at pagkakataon. Lumakad ako hanggang sa makalayo at nang maabot ang susunod na kanto ay muli kong binalikan ng tingin si manong. Laking gulat ko nang patuloy pa rin itong nakatingin sa akin. Mukhang nagustuhan niya yata ang maitim kong puwit.
***
            Ang kubeta ang nagturo sa aking kumanta. Kapag walang tao sa bahay ay papasok ako dito para bumirit ng mga awitin ng “Air Supply” hanggang sa maputol ang mga ugat ko leeg. Ang pinakaayaw ko sa lahat ay ang pagbabawas. Naaamoy ko kasi ang nagiging dahilan ng polusyon sa bansa. Ito rin ang nagpapalala ng global warming. Ang kubeta ay hindi lang inimbento para sa pagbabawas at paliligo. Ginagamit din ito bilang isang malaking papel na pinupuno ng mga bandalismo.  Bukod sa mapangheng amoy, nakakasuka rin ang mga pwede mong mabasa. Ang iba’t-ibang mensahe ay naglalaman ng iba’t-ibang emosyon. May mga nagsusulat ng pangalan nila para sumikat. May mga nagpapahiwatig ng paghanga sa isang babae. May naglalagay ng kanilang mga numero at may mga tila naghahanap ng kalandian.
            May tatlong klase ng tao na pumapasok sa kubeta. Ang liberated, konserbatibo at kalan. Siguro nandoon ako sa grupo ng mga liberated. Madalas kasing sundutin ng mga kaklase ko ang aking puwit. “Sarap! Isa pa nga.” Kami ang mga umiihi sa labas kung saan sinu-sino ang pwedeng makakita sa iyo. Kaniya-kaniyang payabangan, palakihan ng angry bird at pataasan ng ihi. Iyong iba, doon na yata nagbubunot ng bulbol. Ginagawa pang pangbara sa ihi kasama ng mga plema at babolgam. May mga kalalakihan naman na masyadong mahiyain. Sila ang mga konserbatibo na hindi iihi hangga’t walang espasyo sa mga kubeta. Iyong iba sobrang aangas kung umasta. Aakalain mong may dudukuting mahalagang bagay sa bag pero polbo lang pala. Pahid sa noo, sa pisngi, sa ilong na may tagiyawat, sa leeg na may libag na napagkakamalang kwintas at labu-labo na hanggang sa maramdaman nilang gwapo na kunyari. Sila ang mga tinatawag na kalan, isang grupo ng mga may taglay na kalandian! Minsan inaakala nilang isa rin ako sa kanila sa pagkakaroon ko ng kisabol lips.
            Ganito kasi iyon. Noong unang panahon este noong araw kahit gabi talaga iyon, naaalala ko naglalaro kami ng tagu-taguan sa tapat ng bahay namin. Umaakyat kami sa puno ng bangkok na santol para magtago. Sumisisid sa ilalim ng kanal na ubod ng baho at sa kung saan-saan pang matataas na lugar na pwedeng pagtaguan. Madalas umaakyat ako roon para lang mamboso. Sa isang madilim na lugar na napapalibutan ng maraming kangkong, kasabay ng nakakasuklam na amoy ng babuyan at ipot ng mga manok ng kapitbahay na madalas naming tinitinola, nakakita ako ng isang tuyong posonegro na noon ay inakala kong lungga ng mga maligno. Agad-agad kong niyaya ang mga kalaro ko para roon ay magtago. Sabi ng kalaro ko na may maitim na balat sa leeg ay matatagpuan daw doon ang isang pugot na ulo ng itim na baboy. Tuwing gabi raw ay lumulutang ito at nagmamasid sa mga dumaraan sa madilim naming kalsada. Hindi ko alam kung totoo iyon o inuuto niya lang ako. Siguro totoo nga dahil mukhang may taglay na bluetooth ang itim niyang balat. Habang naglalakad ay sinalubong kami ng isang maitim na pusa. Nagulat ako pero hindi ko pinahalata. Siyempre, tapang-tapangan muna ako. Sa susunod na lakad halos hindi na ako nakagalaw. Bumungad na sa amin ang pugot na ulo ng baboy. Sa sobrang gulat ay agad kaming kumaripas pabalik. Wala nang kaibi-kaibigan, ang maiwan bahala na. Ang habulin ng lumilipad na ulo ng baboy, ipagtitirik ko na lang ng kandila. Ang mahalaga makaalis ako sa nakakatakot na lugar na iyon.
            Pag-uwi ko sa bahay kinuwento ko sa nanay ko ang mga nangyari. Nahabag naman siya at natakot. Hanggang sa sabihin niya na nanuno raw ako kahit hindi niya naman alam kung ano talaga ang itsura ng isang nuno. Kaya naman dumekwat siya ng mga panggatong sa kapitbahay namin na isa rin sa mga dahilan ng pagkasira ng kalikasan. Ang dami talaga naming napapala sa kanila. Madalas nga tinataningan ko na ang buhay ko at nawawalan na ng pag-asang mabuhay pa. Sa sobrang baho kasi ng babuyan nila malamang mauuna pa ako sa paggunaw ng mundo.
            Sinigaan ako ng nanay ko este pinausukan para raw makontra ang nuno. Hindi ako naniniwala kahit sabi ng iba mukha raw akong nuno. Natutuwa ako sa kakalundag sa apoy kaya naman pinagbigyan ko na lang ang trip ng nanay ko. Ang masama nito, natulog akong amoy usok. Ayaw ko ngang maligo. Masyadong malamig ang mga panahon ng gabing iyon. Malakas din ang hangin na tila nagpapatayo sa mga balahibo ko sa kanang braso. Exempted muna ang mga balahibo ko sa kaliwa dahil napagod sa pakikipagtaguan ko. Kinabukasan, bukod sa tutut kong tigas nararamdaman ko na tumitigas din ang nguso ko. Naalala ko tuloy ang isa sa mga kuwento ng titser ko sa hayskul.
“Ang Nguso, bow”
            Ayon sa kaniya may isang bingot na nangarap na makapagsalita ng normal. Sabi ng doktor kinakailangang kumuha ng balat sa ibang parte ng kaniyang katawan. Pumayag siya kaya naman kumuha ng balat sa kaniyang lambi. Isang araw, habang nakatambay ay may dumaang mga musiko. Dahil normal na siya, agad na siyang nagpagwapo sa harap ng mga naggagandahang dilag na tila sarap na sarap sa paghawak ng baton. Maya-maya, unti-unti na siyang pinagpapawisan kakatingin sa mga nagpuputiang hita. Nagising at nanigas na si tutut. Pero kasabay nito, nanigas din ang kaniyang labi. The end.
            Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa labi ko. Masyadong tuyo, nanunuklap at higit sa lahat nakakairita. Sa mga puntong iyon, gusto ko ng maniwala sa nanay ko na nanuno na nga ako. Ibig sabihin hindi tumalab ang pausong pausok na ginawa niya noon? Aftershock siguro.
            Kinabukasan muli, napansin ko na nangitim na ang gilid ng labi ko. Hindi kaya unti-unti na kong mangingitim hanggang sa maging kahawig ko na iyong pugot na ulo ng baboy? Mas lalo akong kinabahan. Patuloy pa rin itong nanunuklap kaya naman para malunasan ay kumuha ako ng pinagprituhan ng mantika. Pagkatapos mangulangot ay idinutdot ko na ang kamay ko saka ipinahid sa nguso na apektado na yata ng El NiƱo. Putik, tumalab nga pero sobrang hapdi. Sa sobrang inis ko gusto ko ng pektusan ang sinumang makakasalubong ko. Pakiramdam ko, sobrang pangit ko na. Sobrang nakakawala ng tiwala sa sarili, ng kaguwapuhan at ng kakapalan ng mukha. 
            Mabuti na lang nauso na ang internet sa bayan namin na kailanman ay hindi na yata aasenso. Naghanap ako ng mga paraan na makakaresolba sa pagkanuno ko. Nagresearch ako, nauwi sa Facebook. Research, nauwi sa panood ng porn movies. Research, nauwi sa kakabasa ng status ni crush. Research, aksidenteng nalayk ko ang litrato ni crush. Ooops… Time na. Next time na lang ulit. Nakakatamad kasi tapos wala pa akong mahanap na nakasulat sa wikang Tagalog. Lahat puro Ingles, kaya pag-uwi ininglis ko ang tatay kong lasing. Tinanong niya ko kung nasaan iyong layter. Sabi ko “there oh, don’t you see Dad.” Pagtalikod ko pinaltok niya ako ng baso. Napakasakit. Palagi na lang ba akong mali? Makasalanan ba ako bilang anak? Saan ako nagkulang? Napaltok lang nagdrama na, hindi ba puwedeng magsenti muna? Kaya iyon, kinagabihan hinintay ko siyang matulog. Kinuha ko sa aparador ang pahamak na layter na iyon. Lumabas ako ng bahay, nagsagawa ng ritwal at dasal ng pamamaalam. Saka ko binugbog hanggang sa madurog ang layter na iyon. Iyon ang bagay sa kaniya. Buwahahahaha, tumawa ako na parang isang kontrabida sa pelikula. Buwahahaha. Hanggang sa may bumatok sa likod ko. Gising pa pala ang tatay ko kaya naman kumaripas ako hangga’t may lupa. Siguro pag-alis ko pinuntahan niya ang layter. Lumuhod. Hinimas-himas. Unti-unting tutulo ang luha. Sa huli, isisigaw niya ang brand nito habang nakatingala sa langit.
            Isang araw, habang nananalamin ay may napansin akong mapulang butlig sa nguso ko. Muli akong kinabahan at napamura ng apat na beses. Ano na naman ito? Extension ng pagkanuno? Hanggang sa dumating ang punto na namaga ito. Ang kapal na ng mukha ko ang kapal pa ng labi ko. Siguro noong nagsabog ang Diyos ng kakapalan, ipinatabi ko muna tapos ngayon ko lang binawi. Mukhang binabantayan yata ako ng mga nunong iyon. Hindi siya masakit pero para kong nagpadagdag ng nguso. Libre nga pero nakakainis. Mas matangos pa ang nguso ko kaysa sa ilong ko. Pero natanggap ko na rin, sabi kasi ng iba pouty lips daw. Lakas maka-Zanjoe, ayiii. Namumula ako kunyari sabay takip ng panyo sa pouty kong labi, ayiii ulit. Guwapo much.
            Sa tinagal-tagal ng paghahanap ko ng kasagutan, sa wakas nakatagpo rin. Sa sobrang tuwa ko gusto kong balibagin ang katabi ko sa computer shop na napakabaho ng hininga. Pagmulat na pagmulat yata ng mata niya ay hindi na nag-almusal at agad na tumakbo sa shop. May kulangot pa siyang nakalawit, double eew! Kailangan ko ng tunay na kasagutan dahil ayaw ko ng umasa sa panggagamot ng albularyo. Baka ang sabihin, may nagkagusto sa aking mga kaluluwa tulad ng white, mlack, mlue mink, myellow at kung anu-ano pang kulay ng mga ladies na iyan na hindi nakikita ng mata kong may tsokolate. Ayaw ko na rin naman na pausukan pa akong muli ng nanay ko. Mukhang inuuto niya lang ako nang mga panahong iyon. Tulad ng pang-uuto niya sa akin na ibigay ko raw sa kaniya ang mga napamaskuhan ko. Ang hirap kayang mamasko sa bawat bahay.
            Para magkaroon ng mapula’t makintab na labi, sipilyuhin ang ngiping puno ng ngima. Piliting alisin ang naburong karne ng baboy o tinga. Sipilyuhin na rin ang labi paikot. Mas maganda kung kulay pula ang toothpaste na gagamitin pero kung ayaw mo e di huwag. Punasan ang natuyong labi at kapag natuyo, woooow… Gumalaw ng napakabagal na parang naglalakad sa buwan. Unti-unting humarap sa salamin na buo ang loob. Maging matikas ang tindig na parang model lang. Nakangiti na tila nang-aakit. Sa wakas, kuhang-kuha ko na ang magandang labi na kokontra sa pagkanuno ko.
            Papasok na ako sa iskul. Sumakay sa dyip. Tahimik ang mga pasahero, ibig sabihin hindi magkakakila-kilala. Dahil kung kilala nila ang isa’t-isa malamang madadaig pa ng paradahan ang ingay ng palengke. Maya-maya ay tiningnan ako ng babae. Tapos ng bata, ng matanda, ng lalaki at ng isa pang nilalang na hindi nakikita ng ordinaryong mata. Hindi nila ko tinitingnan sa mata pero sa akin sila nakatingin. Iyon pala, sa labi ko sila nakatitig. Sana naging labi na nalang ako na tinubuan ng katawan. Mukhang sisikat ako nito. Sabi nga ng kaklase ko piktyuran ko raw ang labi ko. Ipost ko sa Facebook tapos itag ko raw sa kanila. Pakilike na rin. Kung gusto nilang tikman sabihin agad. Hindi iyong hanggang tingin na lamang. Madali naman akong kausap e. Ilang beses ba nila akong tititigan este iyong labi ko pala? Palagi na lamang akong pinagnanasahan. Pakiramdam ko tuloy ang dumi-dumi ko na. Minsan nahihiya na rin ako pero wala akong pagpipilian. Iyon lang ang solusyon sa pagkanuno ko.
            Karamihan naman lalo na sa mga babae napapakagat labi. Nahuhuli kong nilalawayan nila ang sariling labi. Bakit kasi ayaw na lang iyong akin ang lawayan nila. Minsan nahihiya ako dahil mas makintab, mapula at masarap tingnan ang labi ko kaysa sa kanila. Pero ano nga bang magagawa ko? Dahil sa pakikipagtaguan ko noon kung saan inakala kong may Bluetooth ang balat ng kaibigan ko at kung saan nanuno ako hanggang sa ngayon, iyon lang ang nakikita kong lunas. Maglaway na lang sila sa inggit. Bakit gusto niyo manuno rin kayo? Punta kayo sa amin. Dali. Iyong iba diyan aabangan na naman ang pagpasok ko bukas. Malamang pagsasawaan na naman nila akong titigan. Mga ate huwag po. Tama na po.


Ang Katapusan…