Malamig ang hanging umiihip, unti-unting nagdidilim ang kalangitan
at nagbabadyang bumuhos ang malakas na ulan na para bang pati langit ay
nakikiramay sa pagkamatay ng aking lola na kalilibing pa lamang. Pagkatapos
namin siyang maihatid sa huling hantungan ay agad na kaming umuwi nang sa gayon
ay makapagpahinga. Malungkot ang lahat kasabay ng walang tigil na buhos ng mga
luha, nakabibingi ang alingawngaw ng katahimikan at bago pa man lagyan ng laman
ang kumukulong tiyan ko ay minabuti ko munang pumunta sa banyo upang umihi.
Binuksan ko ang ilaw at saka pumasok para mailabas na ang ihi na kanina ko pa
iniinda. Habang umiihi ay bigla na lamang namatay ang ilaw na inakala kong
nawalan lamang ng kuryente ngunit ako ay nagtaka nang aking narinig ang
pagpindot sa switch. Binuksan ko ang pinto para alamin kung pinaglalaruan
lamang ako ng pinsan ko pero laking gulat ko nang wala akong nasaksihan ni
isang tao at wala rin akong yabag na narinig. Muli ay binuksan ko ang ilaw para
tapusin ang pag-ihi at nang kinuha ko na ang tabo para magbuhos ay may nakita
akong puting kasuotan sa aking likuran na naging dahilan upang ako ay magmadali
at lumabas dahil sa kumakaba kong dibdib.
Lumulubog na ang araw at unti-unting nilalamon ng dilim ang buong kalangitan.
Pagod ang lahat habang mababakas pa rin sa mga mukha nila ang kalungkutan kaya
naman maagang nahimlay ang lahat para makapagpahinga. Magkadikit ang
bahay ng lola ko at bahay namin at simula nang siya ay magkasakit doon na ako
madalas natutulog para samahan ang pinsan ko sa pagbabantay. Sa gabing iyon ay
nagsimula nang matulog ang lahat, sa loob ng isang kuwarto ay may dalawang
kama. Nakahiga sa isang kama ang tita at dalawang pinsan ko habang sa isa
naman ay ako pati na rin ang tito ko na sadyang matatakutin. Nakatitig lamang
ako sa dilaw na ilaw sa buong magdamag at kasabay ng pagpatay dito ay nakatulog
na rin ako.
Kinaumagahan, nagising ako dahil sa isang malakas na lindol. Iminulat ko ang
aking mga mata kung saan ang una kong nasilayan ay ang ilaw na napansin kong
hindi gumagalaw. Doon nagising ang diwa ko at saka iginala ang aking paningin
para malaman kung lumilindol pero kinabahan na ako nang makita kong ang isang
kama ay hindi gumagalaw. Doon ko napagtanto na nagpaparamdam ang lola ko sa
pamamagitan ng pag-alog sa kama. Nagising na rin ang tito ko at dahil siya ang
pinakamatatakutin sa lahat ay agad itong bumangon at lumabas na wala man lamang
sinabi nang makita niya kong gising. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko sa
mga panahong iyon dahil ako na lamang mag-isa ang naiwan sa kama. Minabuti ko
na lamang na magpanggap na tulog pero napag-isip-isip ko na alam niyang
nagtutulug-tulugan lamang ako habang ang kama ay patuloy pa rin sa pagyugyog.
Binalutan ako ng takot at kaba dahil alam ko na isang ispirito o ang lola ko ay
nasa tabi ko lamang para magparamdam. Sa sobrang takot ko ay binigkas ko ng
tatlong beses ang “Jesus, Maria, Joseph” pero dahil hindi pa rin ako
tinatantanan ng aking lola ay buong tapang na lamang akong tumayo para lumipat
sa aming bahay at doon ipagpatuloy ang aking pagtulog.
Bago ako pumasok sa aming bahay ay napansin kong bukas ang lahat ng bintana at
wala pa ring gising sa oras na iyon na napag-alaman kong alas-sais. Dahil sa
maraming kamag-anak ang dumating ay marami rin ang nakitulog sa amin kaya naman
napuno ang kuwarto pero dahil inaantok pa ako at ayaw ko ng bumalik sa kabila
ay sumiksik na lamang ako kung saan ang kalahati ng katawan ko ay nasa loob ng
kuwarto habang ang kalahati naman ay nasa labas. Bahagya na ring nawala ang
kaba ko at agad akong nagpasalamat sa Diyos dahil nakaiwas na ako sa naganap na
pagpaparamdam. Ipinikit ko ng muli ang aking mga mata habang maya-maya ay may
kakaiba akong naramdaman. Isang napakalamig na bagay ang tila humawak o umapak
sa kaliwa kong sakong. Walang taong gising, wala rin akong yabag na narinig
kaya napagtanto ko na sinundan ako ng ispirito ng aking lola. Tinapakan niya
ako sa sakong kung saan ang lamig ay nasa bahagi lamang na iyon at hindi
kumakalat kung saan hindi rin ako nakagalaw na tila nanigas dahil sa lamig.
Kakaiba ang lamig na aking naramdaman kung ikukumpara sa isang yelo. May
kakaibang pakiramdam na sumagi sa akin habang nadarama ang lamig at nagsimula
na muli akong kabahan para sa susunod niyang gagawin. Muli ay hindi ko alam ang
gagawin ko, ayaw kong gisingin ang mga kamag-anak kong natutulog pa dahil alam
kong hindi rin sila maniniwala. Sa sobrang takot ay pilit kong tinatanong ang
sarili kung bakit ako ang minumulto ng aking lola gayong ang isa kong pinsan na
pinalaki niya ang kaniyang paboritong apo. Naging mabait ako sa kaniya at wala
siyang sama ng loob sa akin at ginagawa ko rin kung ano man ang nais niya kahit
hindi ko naiintindihan ang sinasabi niya noon dahil hindi na ito nakapagsalita
at nakalakad simula ng magkadiabetes. Iniisip ko na maaaring may nais siyang
sabihin sa akin bilang huling mensahe pero hindi ko alam kung ano iyon. Sa
sobrang takot ay hindi ko na namalayan na nakatulog na pala ako.
Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng paghawak o pagtapak niya sa akin
pero ang bagay na iyon ang pinakahindi ko malilimutan sa kaniya. Sa mga
panahong iyon ko rin nalaman na ang madalas niyang itinuturo noon sa hagdan ay
maaaring ang lolo ko na asawa niya na sinusundo na pala siya.