Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Tropa. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Tropa. Ipakita ang lahat ng mga post

Sabado, Hulyo 4, 2020

Sorry Bes



How can you be so cruel sa kaibigang nandiyan palagi para sa iyo? How can you be so naive na hindi mapansin lahat ng panunuyo niya sa iyo? Of all the people, ibinigay siya sa iyo at pinili ka niyang maging bahagi ng buhay at mundo niya. Then you're acting like a spoiled brat na punung-puno ng attitude sa bawat parte ng katawan at pagkatao mo. 

Bakit? Anong ipinaglalaban mo? Anong pinanghuhugutan mo? Linawin mo nga, saan ba nagmumula ang palaging pagbabago ng timpla mo?

Career?

Sige. Let me tell you this. Bilang tunay na kaibigan, hinding-hindi mo ikukumpara ang sarili mo sa kaniya o kahit na sa sinong tao. Ano naman kung mas successful siya sa iyo? Ano naman kung nakapundar na siya ng bahay, lupa at kung anu-ano pa. Ano naman kung happily married na siya with little cute kids? Ano naman bes?

Walang edad ang pagkamit ng tagumpay. Hindi tayo nakikipagkarerahan sa buhay. Enjoy mo lang ang bawat hakbang o proseso na pinagdaraanan mo. Kasi kung iisipin mo ang lahat ng ito lalo na kung paano mo ito makakamit ng madalian, hala ka, baka ma-stress ka lang sa buong linggo. Dapat mong matutunan ang salitang pagkukento. Makuntento ka sa kung ano ang meron ka sa ngayon dahil lahat ng meron ka ngayon ay ang kaloob ng nasa itaas para sa panahong ito. Makuntento ka pero hindi ibig sabihin na titigil ka nang mangarap at magsumikap. Nasa sarili mo pa rin ang susi para makamit mo ang tagumpay na inaasam. Chill lang. 

Pag-ibig? 

Walang pinipiling edad ang pag-ibig. Lumagay ka sa tahimik kung kaya mo nang suportahan ang sarili mo at ang magiging pamilya ko. Syempre, kung sigurado ka na siya na talaga ang tamang tao na ihaharap mo altar. Ang hirap bumuhay ng pamilya sa panahon ngayon. Hindi basta-basta na kung gugustuhin mong magkaanak ay dapat ka nang magkaanak. Ilagay mo ang isip mo sa tama at palagi mong isipin na anong buhay ang mararanasan ng mga magiging anak mo kapag isinilang mo na sila nang hindi naaayon sa mga plano. 

May pera ka na bang nakalaan para sa kasal? May pera ka na bang nakatabi para sa tuluy-tuloy na gastos lalo na kapag nagkaroon ka na ng anak? Kung wala pa, huwag mo munang isipin ang pagpapamilya. Isipin mo muna ang ngayon. Kung paano ka magiging handa sa hinaharap. Kung paano mo bubuhayin ang magiging pamilya mo. Isipin mo ngayon kung paano mo mapapalago at mapaghuhusay ang sarili para maging isang ganap na lalaki, asawa at ama sa hinaharap.

Sarili?

Bilang kaibigan, may karapatan sila na malaman ang pinagdadaanan mo. May karapatan ka rin na huwag kimkimin ang lahat ng poot, galit, inggit, tampo o anumang pinagdadaanan mo. Pagtiwalaan mo si bes. Kaya nga siya nandyan ay para umunawa at gumabay sa iyo. Siya ang tutulong para maibsan ang nararamdaman mo. Para gumaan ang matagal nang dinadala ng dibdib mo. Para ipaalala sa iyo na sa bawat problema ay may kaibigan kang masasandalan. Hindi ka nag-iisa. Magsalita ka. Magkwento. Huwag matakot. Huwag mahiya. Dahil kung meron mang makakaintindi sa iyo bukod sa pamilya mo, iyon ay ang mga tunay mong kaibigan na palaging nandyan para sa iyo. Mga kaibigang nagtitiwala at nagmamahal sa iyo. Kaya huwag mong ilayo ang sarili mo. Yakapin mo ang katotohanan, maging responsable at higit sa lahat, maging matapang.

Lunes, Marso 30, 2020

Best Tropa Ever


Bawat tao ay may kani-kaniyang nararanasang anxiety, depresyon o mental illness. Pero hindi lahat ng tao ay pwede mong kausapin. Hindi lahat ay pwede mong yayain sa isang lamesa para pagsabihan lahat ng nararamdaman mo. Hindi lahat ay pwede mong bigyan ng tiwala.

May mga tao na hindi interesado sa kung ano man ang pinagdadaanan mo. May iba na handang makinig para lang magkaroon ng bagong tsismis na isasalin hanggang sa pinakadulong bahay ng barangay niyo. May iba na pagtatawanan ka lang. Huhusgahan. Pagmamataasan. Hindi tayo handa sa ganitong klaseng tao. Kaya mamili tayo ng taong pagkakatiwalaan.

Hindi na bale na husgahan ka nila sa bawat pagpapalunod mo sa kalungkutan. Dahil wala naman silang alam sa sarili mong istorya. Hindi nila alam ang nilalaman ng isip mo. Hindi nila alam kung ano ang pinaglalaban ng puso mo. Wala sila noong panahon na nadapa ka. Wala sila noong panahon na sinusunog ka ng iba't-ibang emosyon. Kaya wala rin silang karapatan na husgahan ka. Ang alam lang nila ay malungkot ka. Kaya aabusuhin nila ang pagkakataong iyon para mas malunod ka.

Ang kailangan natin ay ang taong handang makinig. Isang tao na alam mong pinapahalagahan ka. Hindi kailangan na marami kang kaibigan. Ang kailangan natin ay iyong mga kaibigan na totoong gagabay at mag-aahon sa atin sa pagkadapa at pagkalunod. Hindi batayan ang tagal ng panahon ng pagkakaibigan. Dahil minsan, kung sino ang mga bago, sila pa ang tunay na nagmamahal sa iyo.

Masarap sa pakiramdam na makatagpo ng ganitong kaibigan. Sa mahigit pitong bilyong populasyon, mapalad ako na may isang kaibigan na ibinigay ang nasa itaas para umunawa sa akin.

Hindi ako perpekto. Lalong hindi palaging nasa tama. Pero ang totoong kaibigan ang magsasabi at magpapaalala sa iyo na minsan, nagiging mali na ang mga gawi natin. Minsan hindi na patas o tama ang inaasal ayon sa sitwasyon. Kaya minsan, pakiramdam ko, hindi na ako karapatdapat na maging kaibigan. Dahil minsan, pinipili kong maglihim, pinipiling maging mali, pinipili ang sitwasyon kung saan palaging nasa akin ang panig. Pero sa halip na husgahan, inunawa niya ako. Inintindi. Niyakap ng buo. Palagi niyang sinasabi na kahit na ano man ang mangyari, bali-baligtarin man ang mundo, magkahiwalay man, palaging nandiyan siya mula ngayon hanggang magpakailanman.

Mapalad ako na nakatagpo ako ng ganitong klaseng kaibigan. Isang kaibigan na kahit hindi ako magsalita, alam niya ang ibig sabihin ng bawat ikinikilos ko. Alam niya kapag may lungkot sa bawat kurap ng mga mata ko. Alam niya kung may mabigat akong dinadala. Walang pwedeng itago. Kabisado niya na ako. At sa lahat ng mga pinagdaanan kong iyon, hindi niya ako hinayaang malunod sa lungkot. Hindi niya ako iniwan. Ipinaramdam niya na palagi siyang nandiyan.

Sa kaniya pa lang, kahit na maraming pagkabigo na naranasan, masasabi ko na may isang swerte o biyaya na natanggap ako.

❤️