Hindi ko mapigilang
mapahawak sa kumakalam kong sikmura dahil sa sobrang gutom. Nagsisimula pa lang
ang araw pero binubugbog na agad ako ng trabaho. 11:50 pa lang ay nakahanda na
ako para sa pagpunta sa kantin. Dali-dali akong umakyat kung saan mahabang pila
ang aking nadatnan. Habang hawak ang plato ay hindi ako mapakali sa pila at
pilit kong dinudungaw ang mga ulam na paninda.
“Aray!” Biglang tili ng isang babae sa aking likuran.
“So…sorry…” Paghingi ko ng paumanhin. Ang paa niya ang
una kong tiningnan hanggang sa ipinaakyat ko ang aking paningin kung saan nasilayan
ko ang kaniyang mukha. Namula ako nang makita ko siya. Pakiramdam ko ay bumilis
ang galaw ng mga tao sa paligid habang kaming dalawa ay nakahinto at nakatingin
sa isa’t-isa. Hindi ko namalayan na nanggilid na pala ang luha ko. Hindi dahil
sa baka magalit siya kundi dahil hindi ko nagawang ikurap ang aking mga mata.
Nakakapanghinayang ang isang segundo kung mawawala sa paningin ko ang
napakagandang babae na nasa aking harapan.
Habang nasa lamesa, palinga-linga ako para matanaw kung
saang banda siya naupo. Hindi ko maintindihan kung ano ang nararamdaman ko.
Nag-aalala ako na baka nasaktan siya nang matapakan ko pero may isa pang
pakiramdam na gumagambala sa dibdib ko. Hindi ko alam kung ano. Magulo. Ewan.
Sakto! Hindi ko agad napansin na sa tapat lang pala namin
sila nakaupo. Kahit na tatlong lamesa ang pagitan ay pilit kong pinakinggan ang
usapan nilang mga magkakaibigan. Sobrang ganda niya talaga lalo na sa tuwing
ngumingiti siya kung saan dahan-dahang lumalabas ang dalawa niyang dimpol. Para
tuloy akong baliw dahil sa bawat subo ay napapatingin ako sa kaniya. Dapat pala
ay hindi na ako bumili ng ulam. Biro ko sa sarili. Hinintay ko muna siyang
matapos kumain at tumayo saka ako sumunod. Pumuwesto ako sa may gilid niya nang
sa gayon ay palihim kong makita ang kaniyang pagkakakilanlan sa aydi. Stephanie
pala ang kaniyang pangalan. Bagay na bagay sa maganda niyang mukha. Ayon sa
tropa ko ay dalawang linggo pa lamang siya sa kumpanya at kabilang sa ibang
departamento.
Pagbalik ng opis ay agad kong hinanap ang kaniyang
pangalan sa e-mail at sa chat box. Napa-yes ako nang mahanap ko siya lalo na at
online pa siya. Binuksan ko ang profile niya hanggang sa hindi ko napansin ang
sarili na nakatitig na sa kaniyang magandang larawan. Inalam ko rin kung ano
ang posisyon niya maging ang numero ng kaniyang laker ay hindi ko rin
pinalampas.
Kinagabihan, hindi na naman ako mapakali. Parang gusto
kong magpalowd sa pinakamalapit na tindahan kahit na hindi ko pa alam ang
kaniyang numero. Gusto ko na rin agad sumikat ang araw. Nag-isip ako nang
nag-isip hanggang sa nalinawan ako sa tunay kong nararamdaman. Sigurado akong
nabiktima ako ng “love at first sight.” Totoo na ‘to! Sa wakas, pagkatapos ng
mahabang panahon ay muling tumibok ang puso ko. Tulad nang palagi kong
sinasabi, hinding-hindi ko na palalampasin ang pagkakataong ito. Minsan na
akong nagmahal, minsan na rin akong nabigo kaya kung papanaing muli ni Kupido
ang puso ko ay sisiguraduhin kong makakamit ko ang matamis na “oo.”
Kinaumagan, hinahap ko ang laker niya kung saan inilusot
ko ang kapirasong pulang papel. Habang inilalagay ko ang aking sapatos sa
sarili kong laker, dumating na siya. Hindi man lang siya lumingon para
mapansing kyut din ako kahit papaano.
“Galit kaya siya o hindi ka lang niya naaalala?” Bulong
ni konsensiya.
“Ano ‘to! Sulat? Kanino naman kaya galing ‘to?” Mahina niyang
bulong habang lumilingon sa mga kasabayang empleyado.
“Hi. Good morning. Pwede bang makipagkaibigan?” Laman ng
sulat. Sa sobrang pagtataka niya ay binayuot niya ang papel sabay alis.
Nasaktan ako sa ginawa niya. Pakiramdam ko ay basted agad pero sa halip na
panghinaan ng loob ay araw-araw ko pa rin siyang pinadalhan ng mensahe. Isang
umaga, sinagot niya ang sulat. Ipinaskil niya sa pinto ng laker.
“Hello. Bakit hindi ka magpakilala? Lakas maka-F4 nang
red letter mo ah. J” “Habang
binabasa ko ito ay nalungkot na naman ako pero nang makita ko ang ismayli sa
dulo ng mensahe ay muli akong nabuhayan
ng loob at kung anu-ano na ang naisip ko.
“Siguro ay gusto niya rin ako?” Tanong ko sa sarili.
“Kahit hindi ka pa niya kilala?’ Sagot ni konsensiya.
“May smiling face sa huli e! Ibig sabihin masaya siya sa
ginagawa ko.”
Agad kong sinagot ang sulat. Nilakasan ko na rin ang loob
ko kaya naman ibinigay ko na rin ang aking numero habang naginginig ang aking
kamay sa pagsulat.
“Sana iteks niya agad ako. Sana ibigay niya rin ang
numero niya.” Wika ko sa sarili. Habang
nakaharap sa kompyuter, hindi ko mabitawan ang aking selpon. Tingin sa monitor,
sa selpon, monitor, selpon, hanggang sa biglang may nagteks.
“Congratulations. You won P500,000 blah… blah… blah…”
Bwisit na mga manloloko ‘yan ngayon pa umatake. Akala ko pa naman ay siya na.
“Toot… Toot…” Tumunog ulit ang selpon. Hindi ko
napigilang mapangiti nang mabasa kong siya ang nagteks. Kung pwede lang sumigaw
sa opisina ay nagawa ko na. Nagpakilala ako sa kaniya pero alam kong hindi pa
niya ako kilala dahil bago pa lamang siya sa kumpanya. Itinigil ko muna ang ginagawa
ko para makapagpalitan kami ng mga mensahe. Sinubukan ko rin na dalhin ang
usapan sa estado ng “getting-to-know-each-other.” Hinanap ko rin siya sa peysbuk
para malaman ang iba pang tungkol sa kaniya at para malaman kung wala ba akong
mababangga o masisirang relasyon. Sa awa ng Diyos ay wala pa siyang kasintahan.
Singgel siya at ganoon din ako. Mukhang ito na ang kwento ng pag-ibig na
kinatha ng Diyos na matagal ko nang hinihintay.
Alas singko ng hapon ang meryenda pero alas kuwatro y
media pa lang ay umakyat na ako sa kantin. Magalit na ang dapat magalit pero
hinding-hindi ko palalampasin ang araw na ito nang hindi ako nakakapagpakilala
sa kaniya ng personal. Matagal ko ring pinag-isipan at pinaghandaan ‘to. Nagpagupit
ako, nag-ahit ng balbas at bigote, nag-deodorant at higit sa lahat ay nagsipilyo
ako ng tatlong beses kahit panghingi lang ang tutpeys na ginamit ko. Bawat
lamesa sa kantin na dinaraanan ay nilagyan ko ng puting lobo kung saan sa gitna
nito ay may nakadikit na pulang papel. Siyempre para mas romantiko, kailangang
ako ang nakaupo sa dulo. Parang kasalan lang ang magaganap. Bigla akong
kinabahan na para bang naiihi nang nasilayan ko na siya. Tama ako. Nakuha ko
ang atensyon niya gamit ang mga pulang papel. Napatigil siya habang binabasa
ang mga nakasulat sa papel. Laman nito ang mga katagang “Hi. Steph,” “Good
afternoon,” “Kapag lumapit ka,” “Friends na tayo.” Sa huling papel ay sinadya
kong walang nakasulat. Nang malapit na siya ay agad akong tumayo hawak ang
blangkong papel.
“Hi Steph,” pagbati ko.
“Ahm… Huwag mong sabihing ikaw si Derrick?”
“Ah… Hehe… Ako nga. Para nga pala sa’yo,” sabay abot ng
lobo.
“Bakit walang nakasulat?”
“Ah… Eh… Gusto ko kasing sa bibig ko na mismo magmula ang
mga susunod ko pang sasabihin.” Nauutal kong sagot.
“Galit ka ba?” Tanong ko.
“Bakit naman ako magagalit?”
“Natapakan kasi kita noon habang nasa pila e.”
“Ah ikaw ba ‘yon? Ano ka ba! Wala ‘yon.”
“Pwede ba tayong maging magkaibigan Steph?”
“Oo naman. Mukha namang mabait ka. Ang sweet mo pa o. May
pabaluns-baluns ka pa.” Nakangiti niyang sagot.
Natuwa ako sa mga narinig ko. Nagpalakpakan ang aking mga
tainga at mas bumilis ang bawat pintig ng puso ko. Tulad noong una naming
pagtatagpo, hindi ko na naman napigilang tumitig sa kaniya. Niyaya ko na rin
siyang kumain para dagdag pogi-points. Sa paglipas ng araw, lalo naming
nakikilala ang isa’t-isa at mas naging malapit na rin kami. Sa bawat palitan ng
teks, ilang kilig at ngiti ang isinusukli ko lalo na noong pumayag na siyang
magpaligaw. Madalas din akong nag-iiwan ng tsokolate at biskwit sa kaniyang
lamesa. Of course, with matching smiling face. Wala pa siyang kasintahan at ganoon din ako.
Talaga nga namang pinagtagpo kami ng tadhana sa tamang panahon at pagkakataon.
Tatlong buwan na ang nakakalipas pero hindi ko pa rin napagtatagumpayan
ang matamis niyang “oo.” Isang araw, nakita ko siyang may kasamang lalaki.
Sobrang saya nila sa isa’t-isa at walang minuto na hindi sila nagtatawanan.
Hindi ko kilala kung sino ang kasama niya pero sa itsura at porma nito ay
nakaramdam ako ng selos at pagkatalo. Naisip ko na baka isa na rin siya sa mga
nanliligaw kay Steph. Kung sa bagay, wala namang masama kung magpaligaw siya sa
iba o kahit na sa sandamakmak na kalalakihan pa. Karapatan ito ng mga babae
nang sa gayon ay mapili nila ang mas karadapat-dapat na pag-aalayan nila ng
kanilang pagmamahal. Buong araw akong wala sa sarili noon. Hindi ko rin siya
nagawang padalhan ng mensahe. Sobra akong nasaktan kahit na alam kong wala pa akong
karapatang magselos dahil wala pa namang nagaganap na sagutan at wala pa rin
akong naririnig na “oo.” Nagpalipas muna ako ng sama ng loob bago siya harapin.
Nakipag-inuman ako sa mga kaibigan ko at nanghingi na rin ng payo. Gusto ko na
sanang ihinto ang panliligaw pero napakaduwag ko naman kung bigla na lamang
akong susuko at hindi ipaglalaban ang tunay kong nararamdaman.
Lumipas ang araw, muli ko siyang tineks.
“Oh… Buhay ka pa pala. Hehe. Joke lang. Musta?” Sagot
niya. Lakas-loob ko na ring itinanong kung sino ang kasama niya noong nakaraan.
Sinabi nito na isa nga ito sa mga nagbibigay ng motibo sa kaniya. Hindi ko
itinanong kung pinayagan niya itong manligaw dahil wala naman akong karapatan
na pagbawalan siya. Base sa mga nasaksihan ko noon, mukhang pumayag siya.
Bumawi na lang ako sa mga araw na hindi ko siya kinibo. Niyaya ko siyang
magsimba at manood ng sine.
Gulong-gulo na ang isip ko na anumang sandali ay maaagaw
na siya ng iba kaya naman hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa. Kinausap ko ang
mga empleyado na miyembro ng mga mang-aawit sa simbahan para sa surpresang
gagawin ko. Nagpapasalamat ako sa kanila dahil hindi nila ako tinanggihan kahit
na hindi nila ako lubos na kilala. Nagbigay din sila ng payo para mas mapaganda
at mas maging romantiko ang mga gagawin ko.
General Assembly. Batay sa programa na nabasa ko, isa si
Steph sa mga magsasalita sa unahan para magbigay ng mensahe. Halos lahat ng
empleyado ay nasa harapan na ng entablado. Nagsimula na ang pagdiriwang na
sinabayan naman ng mas dumadagundong kong puso dahil sa sobrang kaba. Umakyat
na si Steph sa entablado. Pagkatapos niyang magbigay ng mensahe ay agad siyang
bumababa na pinigilan naman ng mga kakuntsaba kong mga kaibigan. Hawak ng
nanginginig kong mga kamay ang mikropono
at mga bulaklak. Inawit ko ang “Sa ‘Yo” ng Sileng Sanctuary. Sa unang parte ay
sinadya kong walang saliw ng musika. Nagulat siya nang bigla niyang narinig ang
tinig ko. Habang nasisintunado ay isa-isa nang naglalapitan sa kaniya ang mga
mang-aawit na pinakiusapan ko. Bawat miyembro ay nag-aalay sa kaniya ng
bulaklak. Sa pangalawang parte ay sinaliwan na ng pyano ang kanta na sinabayan
pa ng iba’t-ibang klase ng himig. Sa korus ng kanta ay huminto muna ako sa
pag-awit. Nakakapangilabot at naluluha ako sa napakagandang nilang mga tinig.
Dahan-dahan akong lumakad paakyat sa entablado. Sa malapitan ko lang napansin
na umiiyak na pala siya. Napaluha na rin ako at mas kinabahan para sa mga
susunod pang mangyayari. Sa huling liriko ng kanta ay muli akong umawit kung
saan kinanta ko ang mga katagang “kung maging tayo, sa’yo lang ang puso ko.”
Ibinigay ko sa kaniya ang hawak kong mga bulaklak na
napatakan na ng aking mga luha.
“Stephanie Ramos. Sa lahat ng tao na nakakakita at
nakakarinig sa atin ngayon, buong puso kong ipinagsisigawan na ikaw ang
kauna-unahang babae na minahal ko nang ganito. Binago mo ang buhay ko. Tingnan
mo, hindi na ako nagyoyosi at dota ngayon! (Maririnig ang tawanan mula sa mga
manonood). Ikaw ang dahilan kung bakit ako nananatiling matatag, kung bakit ako
patuloy na nangangarap at kung bakit pinili kong umakyat sa entabladong ito
saksi ang mga bituin sa langit ngayon. Stephanie Ramos. Ako si Derrick Chua… Nakatapak
ng paa, nabihag at ngayon ay nagsasabi na mahal kita. Matagal ko nang gustong
sabihin sa’yo ang mga katagang ito. Stephanie Ramos, will you be my first and
hopefully the last girlfriend ever?”
Naghiyawan ang lahat ng mga manonood lalo na noong sinabi
kong mahal ko si Steph. Iyak siya ng iyak. Hindi alam kung ano at kung paano ba
dapat ang magiging reaksyon. Habang lumilipas ang segundo ay mas lumalakas ang
hiyawan ng mga tao. Isinisigaw nila ang sagot na gusto kong marinig at gusto
nilang bigkasin ni Steph. Nang itinapat ko sa kaniya ang mikropono ay mas
tumulo ang kaniyang luha. Hindi ko maintindihan kung naiinis, nahihiya,
nagagalit o kinikilig siya sa sobrang saya. Sobrang naginginig na ako nang mga
sandaling iyon. Dinig na dinig ka na rin ang mabilis na dagundong ng aking
dibdib na anumang sandali ay para bang mawawalan na ako ng malay.. Muling
inawit ng mga mang-aawit ang korus ng kanta. Muli ko sana siyang tatanungin
ngunit bigla niyang inagaw ang mikropono. Habang pinapahid ang luha ay
nagsalita siya.
“Yes.” Bigkas niya na sa sobrang lakas ng hiyawan ng mga
tao ay hindi ko narinig at naintindihan.
“Ha? Ano? Hindi ko narinig?”
“Ang sabi ko… YES! Oo. Tayo na!”
Pakiramdam ko ako na ang pinakamasuwerteng lalaki sa
balat ng lupa ng mga panahong iyon. Niyakap ko siya ng mahigpit at matagal.
Parehas kaming umiiyak sa sobrang tuwa. Nakahinga na rin ako ng maluwag. Nakampante
dahil sigurado ako na sa gabing iyon ay ako na ang nagmamay-ari ng puso niya at
kailanman ay hindi ko siya hahayaang maagaw ng iba. Mamahalin ko siya sa paraan
na alam ko. Pipilitin ko ring patunayan ang hindi pinaniniwalaan ng iba. Maaaring
walang”forever” pero kung pupunuin namin ng pagmamahal ang bawat araw at kung
ilalagay namin ang Diyos bilang sentro ng aming relasyon, naniniwala akong may
sisibol na “FOREVER.” Peksman!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento