“Ano ba ‘yan, umalis ka nga dito. Doon ka!
Ang baho mo,” wika ng mga kustomer kay Celia. Abala siya sa paglantak sa mga
tira-tirahang pagkain at nagbibingi-bingihan na lamang sa mga sinasabi ng mga
tao sa kaniyang paligid.
“Hoy! Celia, nandito ka na naman. Ilang beses
ko bang sinabi sa iyo na huwag na huwag ka ng babalik dito,” galit na wika ng
isang lola na nagmamay-ari ng kainan. Paulit-ulit niyang hinampas si Celia ng
walis at kinaladkad hanggang sa mapaalis ito.
Mula
ng mabigo sa pag-ibig na nasundan ng pagkamatay ng pamilya dahil sa sunog ay
nagpalabuy-laboy na si Celia. Ang
kanilang bahay ay naabo dahilan kung bakit wala na siyang natuluyan. Wala rin
ni isang kamag-anak ang gustong kumupkop sa kaniya. Madungis na maitim ang
itsura, sira-sira ang kasuotan na may dugo ng natuyong regla at may dala-dalang
isang sako na pinaglalagyan ng mga kagamitan at kung anu-ano pang mga bagay na
napupulot niya sa lansangan, ‘yan si Celia.
“Ah. Baho! Baho! Babaeng grasang mabaho!
Celiang baho!” sigawan ng mga bata sa kalye habang pinapaltok ng mga bato si
Celia.
“Tama na. Tama na. Aaah…” Patuloy lang si
Celia sa paglakad papalayo kahit tumutulo na ang dugo sa kaniyang mga pisngi.
Walang araw na hindi inaapi si Celia ng mga taong kahit hindi niya pinapansin
ay patuloy pa rin sa pagpapahirap sa kaniya. Madalas siyang maging biktima ng
kung anu-anong krimen dahil madalas na siya ang pinagbibintangan sa mga bagay
na hindi niya naman kayang gawin.
Isang
gabi habang naglalakad sa makipot na iskinita ay nakasalubong ni Celia ang mga
kalalakihan na halatang nakainom. Pinagdiskitahan nila si Celia. Pinalibutan at
pinaglaruan. Pilit nila itong isinama sa isang liblib na lugar para
pagsamantalahan.
“Huwag po. Mga hayop kayo…Tama na… Huwag,”
malakas na sigaw ni Celia habang umiiyak. Narinig ito ng isang lalaki na
naglalakad sa di kalayuan, si Ricardo. Nilabanan niya ang mga kalalakihan at
iniligtas si Celia na sa sobrang takot ay agad tumakbo papalayo. Sinubukan
siyang habulin ni Ricardo subalit bigla na lamang nawala na parang bula si
Celia.
“Nasaan na ‘yon? Tao ba talaga ‘yon?
Namamaligno na yata ako. Makauwi na nga lang. Hindi man lang nagpasalamat.
Buhay nga naman,” pagtataka ni Ricardo.
Sa
isang banda, napuno ng mga miron ang kalsada sa tapat ng palengke. Natagpuan
dito ang isang bata na nakahandusay kung saan inalisan ito ng mga lamang-loob.
Nag-iiyak ang ina ng bata na hindi malaman ang gagawin.
“Anak ko… Bakit… Sino’ng hayop ang gumawa
nito sa ‘yo,” naghihinagpis na wika ng ale habang napansin si Celia sa isang
gilid na naghahalungkat ng basurahan para makahanap ng pagkain.
“Siya… Siya ang gumawa nito sa anak ko.
Aswang ang babaeng grasa na ‘yan. Siya lang ang pwedeng gumawa nito,” hiyaw ng ale habang nakaturo kay Celia.
“Oo nga! Matagal na namin ‘yang pinaghihinalaang
aswang. Ngayon alam na natin na isa talaga siyang aswang.”
“Salot ang babaeng ‘yan sa ating bayan.”
“Mas mabuti siguro kung paaalisin na natin
‘yan sa ating bayan. Baka makapangbiktima pa ‘yan ng iba.”
“Hindi! Mas mabuti na mawala na siya ng tuluyan.
Patayin ang taong grasa.”
“Patayin,” sabay-sabay na sigaw ng mga miron.
Tumakbo
si Celia hanggang sa makarating ito sa ligtas na lugar. Nagtago siya sa lugar
na sa tingin niya ay ligtas. Pero maya-maya ay may liwanag na matatanaw mula sa
di kalayuan kasabay ng maiingay na sigawan ng mga tao. Nilibot nila ang buong
lugar. Bawat sulok ay hindi pinalampas maging sa itaas ng mga puno. Mabilis ang
paghahanap nila na tila ayaw magpalampas ng kahit isang segundo. Galit na galit
ang taong bayan kay Celia sa pag-aakalang isa itong aswang. Maya-maya ay isang
hikbi ang narinig. Nanginginig at takut na takot si Celia na pilit isinisiksik
ang sarili sa mga troso nang sa gayon ay walang makapansin sa kaniya.
“Ayun ang aswang. Nakita ko na ang aswang,
Nandito siya,” galit na hiyaw ng isang manong. Nagtakbuhan papalapit ang mga
tao hawak ang mga bitbit na sulu. Pinilit tumakas ni Celia ngunit napalibutan
na siya ng lahat. Kinaladkad siya papuntang plaza habang binabato ng mga
matitigas na bagay at bulok na mga gulay. Itinali siya isang krus. Binuntunan
ng mga tuyong kahoy ang kaniyang paligid. Sinabuyan nila ito ng gas maging si
Celia. Sinilaban ito at unti-unting kumalat ang apoy paikot habang si Celia ay
pilit na itinatayo ang papabagsak na katawan.
“Panginoon, ano po ba ang kasalanang nagawa
ko sa inyo? Naging masama po ba ako o
ang pamilya ko kaya ko nararanasan ang mga paghihirap at pang-aalipustang ito?
Pagud na pagod na po ako. Suko na po ako. Kung hanggang dito na lamang po ang
ibinigay ninyong buhay sa akin, matatanggap ko. Patawarin po ninyo ako kung may
nagawa man akong kasalan sa mga taong ito. Biktima lamang po ako,” umiiyak na
pagtatanong ni Celia sa Diyos habang nakatingin sa langit. Maya-maya ay
unti-unting pumatak ang ulan hanggang sa ito’y bumuhos. Namatay ang apoy sa
paligid. Nagtaka ang mga tao sa nangyari. Maya-maya ay isang malakas na hangin
ang humampas sa lahat. Lumakas ng lumakas ang ulan hanggang sa magdulot ito ng
pagbaha. Naalarma ang lahat at nagtakbuhan pauwi sa kanilang mga bahay. Pilit namang inialis ni Celia ang
dumurugong kamay sa nakataling lubid.
Umagos
ang napakalaking baha kasama ng mga naglalakihang troso. Daan-daang bahay ang
nasalanta at nasira. Marami rin ang namatay at ang iba ay palutang-lutang na
lamang kasabay ng higanteng mga agos.
“Tulong… Nay… Tay… Nasaan na po kayo…” May
tatlong magkakapatid ang humihingi ng tulong mula sa bahay na malapit ng maanod
ng rumaragasang baha. Mula sa bubong ay bumaba si Celia at pilit na lumangoy
papunta sa mga bata. Isa-isa niya itong iniligtas at dinala sa bubong na
kinatatayuan niya kanina. Pagkatapos ay kumuha siya ng lubid na inihagis niya
sa mga taong nasa gitna pa ng sakuna.
“Hawakan ninyo ang lubid ng mahigpit. Kumapit
kayo,” nangangatal na wika ni Celia habang hinihila ang iba pang biktima
papunta sa ligtas na lugar. Nagpabalik-balik siya at hindi tumigil hangga’t may
nakikita pang humihingi ng saklolo kahit ito pa ay ang mga nanakit sa kaniya.
Napadapa na lamang siya sa isang malaking troso na sumabit sa kabahayan dahil
sa matinding nerbiyos at pagod. Halos mawalan na siya ng malay hanggang sa
bumigay ang troso. Dahan-dahang inanod ng malakas na agos ang troso nang
biglang may kamay na humatak sa kaniya.
“Kumapit ka, wag kang matakot,” Namukhaan ni
Celia si Ricardo. Mahigpit itong kumapit hanggang sa maligtas. Napayakap siya
kay Ricardo at nawalan ng malay.
“Celia… Gumising ka, Celia,” wika ni Ricardo
habang nakatitig sa mukha ni Celia na ngayon ay wala ng grasa dahil sa ulan.
Doon niya nasilayan ang tunay na ganda ni Celia.
Nabalot
ng paghihinagpis at pagluluksa ang buong bayan. Bawat kanto ay may pamilyang
iniiyakan. Nilimas ng malalaking alon na may kasamang higanteng mga troso ang
buong kabahayan na halos mabura na sa mapa.
Pagkatapos ng kalunus-lunos na trahedya ay daan-daang tulong ang dumagsa
sa mga biktima maging kay Celia na dinagsa rin ng iba’t-ibang parangal.
“Celia, patawarin mo kami sa mga kasalanan
namin sa iyo.”
“Pasensiya na kung pinagbintangan ka namin ng
kung anu-ano.”
“Patawarin mo sana kami.”
“Oo nga. Celia, patawarin mo kami,”
sabay-sabay na wika ng mga tao habang umiiyak na nagmamakaawa kay Celia.
“Ate Celia, salamat po at niligtas niyo
kaming magkakapatid.”
“Mabuhay si Celia.”
“Mabuhay!,” mababakas sa kanila ang lubos na
pasasalamat dahil sa nagawang kabutihan ni Celia.
“Huwag na ninyong isipin iyon. Ang mahalaga
naligtas tayo sa trahedya,” naiiyak na wika ni Celia habang pinapakalma ni
Ricardo.
Makalipas
ang ilang buwan ay unti-unti nang nakabangon ang bayan. Nagsimula muli ang
lahat sa simple at payak na pamumuhay. Minabuti namang alagaan ni Ricardo si
Celia. Binihisan niya ito at trinato tulad ng isang normal na babae. Sa
kasalukuyan, ay masaya na silang nabubuhay kasama ng tatlo nilang anak. Mula sa
mga lupaing minana ni Ricardo ay nagsimula silang magtanim at magtayo ng
negosyo. Lumago ang kanilang kabuhayan hanggang sa ito na ang pangunahing
pinagkukunan ng mga prutas at gulay sa kanilang lugar maging sa mga karatig na
bayan. Kada buwan ay tumutulong sila sa kanilang mga kababayan. Nagbibigay ng
biyaya tulad ng mga pagkain, kagamitan at hanapbuhay. Naging kilala sila sa
kanilang lugar dahil sa kabaitan at pagiging mapagbigay. Nawala na rin ang
iba’t-ibang isyu na ibinato kay Celia noon at napalitan na ito ng respeto at
paghanga.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento