Sabado, Pebrero 28, 2015

Kailan Pwedeng Maging Tama ang Mali!

KONSENSIYA: Una, sa lahat, pahiram ng diploma mo! Mas maganda kung naka-frame para rak na rak kapag inihampas ko sa pagmumukha mo. Saan ka ba nagtapos? Sa unibersidad ng mga hitad major in “How To Make a Family ASAP?” Bali-baligtarin man ang sitwasyon, sa mata ng nakararami, mali ang maging kabit! 

AKO: Pero wala ka sa posisyon ko kaya hindi mo nararamdaman ang  sinasabi ng isip ko at kung ano ang isinisigaw ng puso ko. Aba! Minsan lang tayong magmahal kaya hinding-hindi ko ito palalagpasin! Grab the opportunity. Saka uso naman ngayon ang mang-agaw at maagawan. Ang tanong na lang ay kung saang clan o distrito ka isisilang! 

KONSENSIYA: Kung ako sa’yo, sasarilinin ko na lang ‘yan at huwag ka nang manghihingi ng payo. Dahil sigurado akong hindi pakikingan ng isip mo ang mga negatibong suhestyon na ibabato sa 'yo ng tunay na mundo. Mas paniniwalaan mo pa rin ang sarili mo. Pero kung handa ka namang makinig, apir tayo diyan!

Mali. ‘Yan ang tawag sa ginagawa mo. Masaya naman sila noong wala ka pa pero nang dumating ka nabalot ng kalungkutan at pangamba ang buhay ng isa. Sa tingin mo tama bang makapanakit o mantapak ng kapwa? Tama bang magnakaw ng minamahal? Isa kang ganid. Makasarili. Kahit na sabihin nating mas nakakaangat at mas may maipagmamalaki ka, wala ka pa ring karapatan na manulot ng taong mahal na ng iba. Naniniwala ka ba sa forever? Sige. Namnamin mo. Okay na mahalin mo siya, pero mangako kang forever ka ring maghihintay sa kaniya. Sa panahon na malaya at wala nang nagmamay-ari sa puso niya.

Kailan pwedeng maging tama ang lahat?

AKO: Simple lang. Nang hinayaan niya akong makapasok sa mundo niya hanggang sa dahan-dahan na niyang kinakalas ang buhol na nagdudugtong sa kanilang dalawa. Sa madaling salita, kapag dumating na ang punto na tanging  isa na lang ang lumalaban sa pagitan nilang dalawa. Pwede namang tapusin sa maganda at maayos ang lahat. Siyempre, kaakibat niyan ang tanong na “sino ang handang magparaya?” Dahil nagkaespasyo na ako sa puso niya, malamang na ako ang dapat lumaban dahil siguradong sa huli ay magpaparaya ang isa. Ngayon pa ba ako aatras gayong binigyan niya na ako ng pag-asa na mahalin siya at alam kong may laban ako.

Ngayong nandito na ako sa ganitong sitwasyon, gagawin ko na ang mga dapat at gusto kong gawin na hindi ko magawa noon dahil sa lihim naming pagtitinginan. Kung humahabol pa ang malapit nang maiwan, tatatagan ko lang. Hihilahin ko ang mahal ko patungo sa paraiso ko. Hahayaan kong lamunin siya ng pagmamahal hanggang sa hindi na siya makaalis at naisin niya nang manatili sa piling ko. 


KONSENSIYA: Bakit hindi mo subukang imulat 'yang mga mata mo? Sigurado ako na sa dami ng mga taong kakilala at nakakakilala sa 'yo, mayroon diyang nagbibigay ng motibo o lihim na umiibig sa 'yo. Sila na lang ang mahalin mo, hindi 'yong tao na pagmamay-ari na ng iba. Kung hindi mo kaya, para saan pa at natutuhan natin ang edukasyon. Ang ibig kong sabihin, bakit hindi mo subukang turuan ang puso mo na magmahal ng iba nang sa gayon ay wala kang naaagrabyadong tao. Malinis ang lahat. Tanging ikaw lang ang magdedesisyon kung gugustuhin mo nga o mananatili kang hudas! Pero kung noong estudyante ka pa lang ay taglay mo na ang mangodigo para makapasa lang, ewan ko kung makayanan mo ang ganitong pagsubok. 

AKO: Noon, ang tunay na pagmamahal, hinihintay. Ngayon, inaagaw na! Kung babagal-bagal ka, hinding-hindi ka magkakaroon. Isa pa, alam mo ba kung bakit hindi itinuturo sa paaralan kung paano ang magmahal? Mahirap pala. Walang sinuman ang maaaring makapagturo dahil ang bawat indibidwal ay may kani-kaniyang paraan kung paano ang umibig. Ikaw mismo ang makakadiskubre at ito ang natuklasan ko.

KONSENSIYA: Mabuti pa tapusin mo 'yan sa paraang ikaw ang magsasakripisyo kahit man lang ng panahon. Ganito! Huwag ka na munang magparamdam sa kaniya. Alamin mo kung mamimis ka ba niya o ni isang araw ay hindi ka mawawala sa isip niya. Huwag ka na munang manghimasok. Mas maganda kung hahayaan mo na magmula sa kanilang dalawa ang desisyon. Mas mainam kung makukuha mo siya hindi dahil sa santong paspasan kundi dahil hinayaan mong sa kanilang dalawa mismo nagmula ang desisyon. Hindi ba't mas maganda kung ang karibal mo ang kusang makikipaghiwalay o magiging dahilan nito kaysa sa naghiwalay sila nang dahil sa'yo. Kung sa bagay, nang dumating ka nasira na ang lahat  kaya ikaw pa rin ang magiging punong dahilan. Pero kahit papaano, sa ganoong paraan ay wala kang bigat na dadalhin. Payapa mo siyang makukuha at pwede na kayong ligal na magsama.

AKO: Ang pag-ibig ay isang battle field, kailangan mong lumaban. May matatalo. Mayroon ding mananalo. Hindi maaari na kailanman ay maging pantay ang pagtingin ng isang tao para sa dalawa. Mayroon at mayroon diyang mas lalamang. Hindi niya lang agad masambit dahil bukod sa naawa siya sa maiiwan, mas nagingibabaw ang kaniyang pag-iisip kaysa sa tunay na nilalaman ng kaniyang puso. Pero alin ba ang nagmamahal? Puso o isip?  Hahayaan ko na lang ba na diktahan ako ng utak ko kaysa pakinggan ang ninanais ng aking puso? Parang COC lang 'yan! Atak kung atak! Isa pa, mas masarap kumain nang may kaagaw. Kapag mag-isa ka lang, nakakaumay. Kaya habang may thrill pa, makikipaglaro lang ako. Pero sinisiguro ko na sa huli ay nasa akin pa rin ang huling halakhak.

KONSENSIYA: Sige. Nandoon na tayo sa punto na maaagaw o naagaw mo na siya. Pero binabalaan kita na sa huli ay huwag kang magsisisi. Kung nagawa niyang iwan ang isa para piliin ka, malamang maaari niya rin 'yong gawin sa 'yo pagdating ng panahon. Ikaw naman ang maaagawan at maiiwan. Tingnan na lang natin kung ano ang 'yong mararamdaman.

AKO: Pwede ba huwag mo na akong pakialamanan sa mga desisyon ko. Anong karapatan mong kwestyunin ang paraan ng pagmamahal ko? Palibhasa hindi mo naranasan ang paulit-ulit na madurog! Hindi naman ikaw ang magmamahal e. Ako!

KONSENSIYA: 'Yon! Lumabas din ang totoo. Nagmahal ka noon, ngunit ilang beses nabigo. Nagbigay ng pagmamahal pero hindi nasuklian. Nagparaya, nagpatalo at ilang beses natulog na durog ang puso. Ano nang balak mo ngayon? Ang dating nasaktan, ngayon ay mananakit na? Pagkagising mo, hindi mo ba sinubukang buuin ang puso mo para sa ibang tao?  May nagmamahal sa iyo. Tiwala lang.

AKO: Ang gusto ko lang naman ay magmahal at mahalin nang pabalik. Nasugatan ako. Nahiwa. Nadapa. Natusok. Sabi ko ayos lang. Dahil matatabunan nito ang sakit na nadarama ko. Pero nagkamali ako. Kahit siguro laslasin ko ang braso ko o suntukin ko ang puno ng mangga hanggang sa mabali ang mga daliri ko, hindi pala nito masasapawan ang sakit na mayroon sa puso ko. Tama sila. Ang sugat sa katawan, madaling gamutin. Bukas, pwede nang maghilom. Pero ang sugat sa puso, kahit kailan nandiyan 'yan. Pwede kang magpatawad pero hindi mo maaalis ang bakas ng mapait na kahapon. Paano ko ito hihilumin? Simple lang. Sa susunod na magmahal ako, sisiguraduhin kong makukuha ko at matatawag kong akin!

KONSENSIYA: Kung gusto mo nang magmamahal sa'yo, hindi sa ganyang sitwasyon o paraan. Huwag kang mawalan nang pag-asa. Ang tao ay ipinanganak  dahil sa pagsilang nang isa pang tao na balang araw ay makakatambal niya.

AKO: Walang mali sa ginagawa ko. Iba lang siguro ang paraan ko. Isa pa, may mga relasyong nagsisimula sa mali pero kung pangangatawanan at paninindigan ko ito, sa huli magiging tama ang ipinaglalaban ko.

KONSENSIYA: Hindi sa tumututol ako sa taong napupusuan mo. Una sa lahat, wala akong karapatan para pumili nang kung sino ang para sa iyo. Wala akong karapatan na hadlangan ang kasiyahan mo. Nag-aalala lang ako. Gaano mo ba siya kakilala? Kung pinapatulan ka niya, parehas lang kayong nangangaliwa. Bubuo kayo ng pamilya mula sa isang kasalanan. Layuan mo na siya bago pa kita kaawaan. Hindi ibig sabihin na binibigyan ka niya ng atensyon ay makukuha mo na siya nang buo. Paano kung sa huli, ikaw pa rin ang maiwan dahil bumalik siya doon sa unang nagmahal sa kaniya? Hindi ka isang pulubi kaya huwag kang manglimos ng pag-ibig.

AKO: Kung pakakawalan ko siya, paano na ako? Kailan ako ulit magmamahal? Paano kung muli ngang tumibok ang puso ko pero mabigo pa rin ako? Napapagod na ako. Naaawa na ako sa sarili ko. Ano ba ang dapat gawin ko?

KONSENSIYA: Kung nag-aaral ka pa, magpokus ka muna para maabot mo pa ang mga gusto mong marating. Ang pangarap na binuo mo bago mo pa siya makilala at ang mga pangarap na plinano mo para sa mga mahal mo sa buhay. Kung may trabaho ka, bunuin mo ang oras mo sa trabaho nang sa gayon ay makalimot ka kahit paunti-unti. Pag-igihan mo hanggang sa pagtagumpayan mo ang propesyon na pinasok mo. Ilibot mo rin 'yang mga mata mo. Lumingon ka sa pinanggalingan mo. Ang daming tao na ang nakakamis sa 'yo. Nandyan ang mga kaibigan mo. Makipagsayahan ka. Makihalubilo ka nang sa gayon ay hindi mo na ulit mahayaan ang sarili mo na malamon ng sistemang gumulo sa puso mo. Siyempre, huwag na huwag mong kakalimutang tumingala. Nandyan lang Siya palagi. Nakagabay at naghihintay lang ng panahon para matagpuan mo. Huwag kang matakot o mangamba. Siguradong magmamahal kang muli, hindi man ngayon ngunit sa tamang panahon at pagkakataon na ipagkakaloob sa 'yo ng Panginoon.



http://www.sba.ph/



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento