Martes, Pebrero 3, 2015

Catch Me I'm Fallin'

Hindi ko alam kung ano ang kamalasan na kumapit sa akin. Noong bata ako palagi akong suwerte lalo na kapag tumataya ako sa color game at nakikipag-bingo sa lamay ng lola ko.Kaya siguro ako minulto dahil nakuha ko pang magsugal habang naglalamay. Habang tumatanda parang bigla na lamang akong minalas. Siguro pinarusahan ako ng mga lulumbo dahil madalas kong paltukin ng bato ang bahay nila. Minsan naman nilalagyan ko ng teyp para hindi na sila makapasok sa lungga nila. Sabi ni Susan Roces sa isang komersyal “bawal magkasakit.” Sa sitwasyonkong ito, bawal talaga ang magkasakit dahil ito ang panahon ng pagsisipag at pagpapanggap na masipag. Sa dinami-rami ba naman ng panahon na pwede akong magkasakit bakit noong araw pa na iyon. Huwebes ang itinakdang araw para sa presentasyon ng aming thesis o iyong tinatawag nila na defense. Tanong ko lang, kapag defense ba kailangan maging defensive? Simula na ng bakasyon ang linggong iyon pero kinakailangan pa naming pumasok para sa thesis na siya namang ikinatuwa ko hindi dahil sa thesis kundi dahil sa baon.

            Unang taon pa lang ng kolehiyo, inisip ko na ng mabuti at kinilala kung kanino ako makikigrupo para kapag dumating na ang panahon ng thesis ay hindi ako magmumukhang kawawa. Kaya naman sapilitan ko silang kinaibigan kahit pinagtatabuyan nila ako.Kailangan kong maging makapal ang mukha para magtagumpay ako sa mga plano ko. Buwahahaha… Sa sitwasyong gipit, kailangang kumilos. Dahil wala na kaming pasok, nagpanggap ako na may pasok kami noong araw ng Miyerkules pero ang totoo bibili lang ako ng susuotin para sa gaganaping defense. Kailangan kong pumorma lalo na’t marami na ang nakakaalam na kahawig ko na si Jericho Rosales. Siguro jiniem ng Dad ko ang tungkol doon kasi trending ang isyu at umaabot hangga’t may lupa. Nilibot ko na ang buong department store, nagpunta ako sa rest room at nagpabalik-balik sa escalator pero wala rin akong napala. Dahil mukhang katumbas na ng isang linggong ulam ang presyo ng mga paninda. Para hindi masayang ang pagod ko, kumain na lang ako ng paboritong ispageti at ice cream doon sa paboritong kainan na may malaking bubuyog sa labas.

            Maghahapon na kaya minabuti ko ng umuwi pero siyempre kailangan ko munang siguraduhin na nasa bahay na ang mga magulang ko. Dapat mahalata nila na pagud na pagod ang mabait nilang anak. Mukhang nabaguhan yata ako sa escalator dahil kinagabihan nakaramdam ako ng pagkahilo na nauwi sa lagnat. Kinabukasan, hindi ako makabangon dahil masakit pa rin ang ulo ko kasabay ng mabigat na pakiramdam.Hindi na sana ako papasok kaso naisip ko na kung hindi ako papasok, papaano na ang mga kapwa ko estudyante na ako ang dahilan ng kanilang pagpasok? Magmumukha akong makasarili kaya naman bumangon na ako at pinilit maligo kahit hindi ako sanay. Tumalab naman ang gamot na ininom ko kaya naging maayos ang pakiramdam ko pagdating sa iskul.

            Handang-handa na ang lahat. Abala sa kakabasa o kakasaulo ng mga sasabihin nila sa report. Ang iba ay nagbihis na agad na animo’y may magaganap na fashion week. Suot na ang mga pampasko! Hindi muna ako nagbihis dahil ayaw kong mapawisan. Hindi rin ako nagbabasa dahil halos kakaunti naman ang aking linya. Saka naniniwala ako na ang tunay na reporter, sa itsura pa lang umuuno na.

“De Qui, kinakabahan ka?” Tanong ng isa kong kaklase.

“Ako? Kakabahan? Wala ‘yan sa bokabularyo ko!” Sagot ko with matching chest-out and chin-up.

“Grabe, kinakabahan na ako. Ikaw ba kinakabahan ka ba?” Tanong ng isa ko pang kaklase.

“How many times do I have to tell you? Hinding-hindi ako kakabahan! Sisiw lang ‘yang defense na ‘yan.” Sagot ko habang nakangisi.

            Maya-maya, pabalik-balik ako sa rest room para umihi. Hindi ako mapakali dahil mukhang bumalik yata ang lagnat ko. “Nawawala, bumabalik, heto na naman!” Muli akong nahihilo hanggang sa manlambot ako. Muli akong tumayo para pumunta sa rest room.Pinilit na lumakad ng maayos na parang modelo lang. Hindi ko na itinuloy ang paglakad at bumalik  kaagad ako sa kinauupuan ko. Bigla kasing nandilim ang aking paningin. Halos wala akong makita sa dinaraanan ko. Sa puntong iyon na matutumba ako, nagmabilis ako papunta sa upuan ko kung saan bigla na lamang akong naupo.

“Aba si De Qui, nantitrip na na naman.” Wika ng kaklase ko na nagulat dahil inupuan ko ang ang isa ko pang kaklase na katabi niya.

“Oo nga, sa hita ko pa naisipang umupo.” Pagtatakang kaklase kong si Ann habang nakita niya na namumutla na ako at natutumba. Umalis agad siya sa kinauupuan niya para paupuin ako.

“Klasmeyts si De Qui nahimatay.” Sigaw ni Ann sa iba ko pang mga kaklase ngunit walang naniniwala.

“Weh? Ano’ng gimik ‘yan?”

“Di nga?’

“Oo nga, nahimatay nga.” Pilit sumisigaw ang kaklase ko pero wala pa ring naniniwala at sa halip ay pinagtawanan lang nila ako dahil alam nila na kasing lakas at kasing katawan ko si Derek Ramsay.

            Napansin nila na namumutla na ako.Naniwala lang sila na nahimatay ako dahil namutla ang labi ko na araw-araw nilang napapansing kisabol. Agad silang naglapitan at nagkumpulan sa harap ko. Binigkas nila ang pangalan ko habang patuloy na nagtataka sa mga nangyayari. Sa puntong iyon na nahimatay ako ay sinabayan ko na rin ng karumal-dumal na pag-utot. Pagkakataon na! Ilang oras ko na rin kasing pinipigilan ang masamang hangin.Kakapigil ko parang sa bunganga ko na yata ito gustong lumabas. Nang nagsilapitan ang mga mapagmahal kong kaklase na sa wakas ay naniwala ng nahimatay ako ay hindi ko inaasahang malalanghap nila ang pamatay kong utot na bunga ng iba’t-ibang gulay at karne na tatlong araw ko ng ibinuro sa tiyan ko. Halos nabuwag ang mga kaklase ko na naglapitan sa akin.Mabilis silang nagsilayuan na parang may nakakahawa akong sakit! Lahat sila ay napuno ng katanungan. Nagkatinginan.

“Putik! May nagpasabog.”

“Grabe naman! Napakabumaho. Sino ba ‘yon?”

“Si De Qui na-suffocate sa utot. Hahaha…”

“Sino ba  talaga ang umutot, umamin na! Kauminaman na e.”

“Si De Qui rin naman yata ang umutot?!”

“Baka nga. Haha… Na-suffocate sa sariling amoy.”

            Nahalata yata nila na ako rin ang nagpasabog pero kahit papaano ay may nag-iisip pa rin kung sino ang totoong suspek. Sa pagkakataong iyon, nagamit ko ang abilidad ko sa pag-arte. Nagpanggap ako na wala pa ring malay hanggang sa mahimasmasan na ako. Hindi muna ako nagsalita kahit tanung sila ng tanong. Ang iba ay harapang nagtanong kung ako raw ba ang umutot. Siguro naman ligal ang pag-utot lalo na kapag may nahimatay. Maya-maya ay nilapitan na ako ng iba para tanungin kung nasa maayos na akong kalagayan. Halos lahat sila ay nag-alala kaya doon ko napagtanto na kahit sira-ulo ako ay mahalaga pa rin ako sa kanila.

“Galing mo pre, talagang kay Ann mo pa naisipang maupo.” Wika ng kaklase ko habang nakangisi at mukhang humahanga sa hindi ko sinasadyang diskarte.

“Hindi lang basta upo, sa hita pa. Malupit nga ito”

“Hahaha… Siyempre, minsan lang ‘yon mangyari kaya doon na ako sa the best!” Wika ko habang kumakain ng biskwit.


            Ang totoo, ibinili pa ako ni Ann ng inumin at biskwit. Bukod sa maganda at seksi na, maaalalahanin din pala siya. Sa isip-isip ko napapasabi ako ng “she saved my life.” Isa siyang anghel na hulog ng langit. Siya ang sumalo sa akin sa oras ng kahinaan. Pero kung tutuusin, hindi ko nakita na may tao sa upuang iyon. Noong naupo ako at naramdaman kong may tao nga ay hindi ko naman nakilala agad kung sino iyon. Kahit ako ay natatawa sa mga pangyayari. Sa halip kasi na tulungan nila ako ay napaiwas pa sila dahil sa utot. Sa halip na maawa sa kalagayan ko ay napuno ng halakhakan ang buong klasrum dahil sa twist ng pagkahimatay ko. Nakapagreport pa rin naman ako. Sa kasamaang palad, hindi naaprubahan ang proposal namin.Naisip ko tuloy na dapat nahimatay na lang ako sa harap nila. Baka sakaling maawa at ipasa kami. Siguro nakarma ako dahil sa mga pagkukunwari kong may pasok kami kahit ang totoo ay wala naman talaga.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento