Lunes, Marso 30, 2020

Nagmahal, Nasaktan, Nagsulat



May nagtanong, 

"Paano ka nakakagawa ng isang katha gayong hindi mo pa naman nararasanang magmahal? Saan ka humuhugot ng sakit? Saang balon mo kinukuha ang lalim ng bawat emosyon sa mga kathang isinusulat mo? "

Mali. Ilang beses na akong nagmahal. Ilang beses nang sumubok. Ilang beses na ring nabigo. Maaaring nakuha mo ang konsepto ng pagmamahal na para masabing nagmamahal o nagmahal ay nagkaroon na ng kasintahan, may natatawag na jowa, may kapalitan ng matatamis na texts na dahilan ng pagpupuyat sa bawat gabi at may nasasabihan ng "mahal kita."

Hindi lahat ng nagmamahal ay palaging may saya sa dulo ng kwento. Hindi lahat ng pagmamahal ay palaging may ngiti at tamis na isinusukli si kupido. Dahil minsan, naranasan ko ring magmahal. Ang magmahal nang hindi nasusuklian. Ang magmahal na hindi na lang naghintay ng kapalit. Ang pagmamahal na kailanman ay hindi maiwaksi at pinili na lamang ikubli sa puso at isipan.

Minsan, ang pagmamahal ay nangangahulugan ng pagpaparaya. Na kailangan mong magparaya at bumitaw nang ang isa ay maging malaya.

Minsan, ang pagmamahal ay nangangahulugan ng paglayo. Na hahayaan mong ang sarili ay unti-unting makalimot. Hanggang sa isang umaga, magigising ka na lang na maaalala mo pa rin ang mukha at pangalan niya pero hindi mo na maaalala ang pag-ibig na ibinigay, ang sakit na naidulot at ang pagbabakasali na may pag-asa pa.

Minsan, gugustuhin mo na lang na umiwas. Ilayo ang sarili sa kaniya. Dahil sa bawat araw na nakikita mo siyang masaya sa piling ng iba, araw-araw ka ring nakararamdam ng pagdurusa. Hindi mo namalayan na may iba na pala na nagpapangiti sa kaniya. Na kung noon ay nasa pagitan niyo lang dalawa ang mundo ng isa't-isa, ngayon, ang mundo mo ay naagaw na ng iba. Pero pipiliin mong magpakatatag. Pipiliin mong labanan ang sakit. Magpanggap na parang wala lang ang lahat. Na wala kang nakikita. Walang naririnig. Walang iniibig. Dahil minsan, ang kahulugan ng tapat na pag-ibig ay ang makita siyang lumiligaya sa piling ng iba.

Kaya minsan, nakakalimbag tayo ng isang katha na punung-puno ng emosyon. Dahil ang bawat salita ay katumbas ng bawat sakit na nararanasan. Ang bawat pagkaubos ng tinta ay nangangahulugan ng unti-unting pagkawala sa kadenang nagdudugtong sa pagitan namin. Ang pagkaubos ng tinta kasabay ng pagkaubos ng mga salita ay kahulugan ng unti-unting pagkalimot at paghilom nang sa gayon ay makapunta tayo sa susunod na blankong pahina na maayos, buo, may pag-asa at handa nang umibig muli.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento