Lunes, Marso 30, 2020

Best Tropa Ever


Bawat tao ay may kani-kaniyang nararanasang anxiety, depresyon o mental illness. Pero hindi lahat ng tao ay pwede mong kausapin. Hindi lahat ay pwede mong yayain sa isang lamesa para pagsabihan lahat ng nararamdaman mo. Hindi lahat ay pwede mong bigyan ng tiwala.

May mga tao na hindi interesado sa kung ano man ang pinagdadaanan mo. May iba na handang makinig para lang magkaroon ng bagong tsismis na isasalin hanggang sa pinakadulong bahay ng barangay niyo. May iba na pagtatawanan ka lang. Huhusgahan. Pagmamataasan. Hindi tayo handa sa ganitong klaseng tao. Kaya mamili tayo ng taong pagkakatiwalaan.

Hindi na bale na husgahan ka nila sa bawat pagpapalunod mo sa kalungkutan. Dahil wala naman silang alam sa sarili mong istorya. Hindi nila alam ang nilalaman ng isip mo. Hindi nila alam kung ano ang pinaglalaban ng puso mo. Wala sila noong panahon na nadapa ka. Wala sila noong panahon na sinusunog ka ng iba't-ibang emosyon. Kaya wala rin silang karapatan na husgahan ka. Ang alam lang nila ay malungkot ka. Kaya aabusuhin nila ang pagkakataong iyon para mas malunod ka.

Ang kailangan natin ay ang taong handang makinig. Isang tao na alam mong pinapahalagahan ka. Hindi kailangan na marami kang kaibigan. Ang kailangan natin ay iyong mga kaibigan na totoong gagabay at mag-aahon sa atin sa pagkadapa at pagkalunod. Hindi batayan ang tagal ng panahon ng pagkakaibigan. Dahil minsan, kung sino ang mga bago, sila pa ang tunay na nagmamahal sa iyo.

Masarap sa pakiramdam na makatagpo ng ganitong kaibigan. Sa mahigit pitong bilyong populasyon, mapalad ako na may isang kaibigan na ibinigay ang nasa itaas para umunawa sa akin.

Hindi ako perpekto. Lalong hindi palaging nasa tama. Pero ang totoong kaibigan ang magsasabi at magpapaalala sa iyo na minsan, nagiging mali na ang mga gawi natin. Minsan hindi na patas o tama ang inaasal ayon sa sitwasyon. Kaya minsan, pakiramdam ko, hindi na ako karapatdapat na maging kaibigan. Dahil minsan, pinipili kong maglihim, pinipiling maging mali, pinipili ang sitwasyon kung saan palaging nasa akin ang panig. Pero sa halip na husgahan, inunawa niya ako. Inintindi. Niyakap ng buo. Palagi niyang sinasabi na kahit na ano man ang mangyari, bali-baligtarin man ang mundo, magkahiwalay man, palaging nandiyan siya mula ngayon hanggang magpakailanman.

Mapalad ako na nakatagpo ako ng ganitong klaseng kaibigan. Isang kaibigan na kahit hindi ako magsalita, alam niya ang ibig sabihin ng bawat ikinikilos ko. Alam niya kapag may lungkot sa bawat kurap ng mga mata ko. Alam niya kung may mabigat akong dinadala. Walang pwedeng itago. Kabisado niya na ako. At sa lahat ng mga pinagdaanan kong iyon, hindi niya ako hinayaang malunod sa lungkot. Hindi niya ako iniwan. Ipinaramdam niya na palagi siyang nandiyan.

Sa kaniya pa lang, kahit na maraming pagkabigo na naranasan, masasabi ko na may isang swerte o biyaya na natanggap ako.

❤️

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento