Miyerkules, Disyembre 14, 2016

My First Ever Vans



Sa tuwing pumupunta ako sa mall, palagi akong nagmamasid sa inyo. Ginagalugad ang bawat kulay at disenyo. Habang tinatanaw mula sa malayo, nangangarap ako na sana balang araw ay pagbukludin tayo ng pagkakataon. Hanggang sa isang beses, may sitsit mula sa malayo ang aking narinig. Animo'y tinatawag ako. Sinundan ko ang tunog hanggang sa dinala ako ng mga paa ko sa 'yo. Nabighani ako sa taglay mong kaastigan nang masilayan kita.  Simple but rock, wika nga. Nahiya pa ako na hawakan ka dahil baka lapitan ako ng bantay mo. Pero hindi ko na napigilan. Natagpuan ko na lang ang sarili ko na hawak kita sa aking kamay. Sobrang saya ko kasi naramdaman ko na bagay na bagay talaga tayo. Nilapitan ako ng bantay mo. Tinanong niya kung type kita. Mabilis akong sumagot ng oo habang nakangiti. Pero nang nakita ko ang halaga mo, nalungkot ako. Kahit yata gaano kita kamahal ay matatagalan pa bago kita maabot. Habang nakatungo, dahan-dahan kitang ibinalik sa kung saan kita natagpuan. Habang nakatingin sa 'yo maging sa mga kasamahan mo, ipinangako ko na magsusumikap ako at mag-iipon para dumating ang panahon na hindi na lang kita basta dadaan-daanan at tatanawin mula sa malayo. Nawa'y dumating ang panahon na wala ng maging hadlang para magkasama tayo. Panahon kung saan wala ng ikaw at ako, kundi mayroon ng tayo.


Heto na naman ako, madadagdagan na naman ang edad ko. Wala na ngang jowa, wala pang ikaw sa buhay ko. Kinagabihan ng ikalabinglima ng Abril, nakatanggap ako ng regalo mula sa mga mahal kong kaibigan. Akala ko talaga ay keyk ang laman ng kahon na ibinalot pa nila na may kasamang ribon kaya dahan-dahan ako sa pagbubukas. Pero habang hinuhubaran ko ang regalo ay tumambad sa akin ang kahon kung saan nakasulat ang tatak na Vans. Nagulat ako kaya naman inalog ko para makasigurado. Doon ka napagtanto na totoo nga! Hindi ako nananaginip. Hindi ka isang keyk kundi isang pares ng sapatos! Nang binuksan ko na ang kahon, mas nagulat ako sa nakita ko. Halos mangiyak ako sa saya at walang salita ang nais kumawala sa aking bibig. Noon, tinatanaw lang kita mula sa malayo, ngayon, pinagtagpo na tayo ng tadhana sa pinakaispesyal pa na araw ko.

Mula noon, sobrang saya ko sa bawat araw na dumaraan. Ang gaan-gaan sa pakiramdam. Mas naging astig ako tingnan. Pakiramdam ko mas gwumapo ako sa bawat tindig at lakad na kasama kita. Sinamahan mo ako sa bawat hakbang ng buhay ko. Inalalayan mo ako sa bawat layo ng nararating ko. Bilang kapalit, inalagaan kita ng husto. Sinuklian ko ang pag-aaruga at pagmamahal na ibinigay mo. Sa tuwing natatapakan ka ng iba, agad kitang kinakamusta. Dahan-dahan kong inaalis ang mga bakas ng dumi na lumapat sa iyo. Sa halip na magalit ay nagpapasensya na lamang tayo. Kapag medyo madungis ka na, agad naman kitang pinaliliguan. Ayaw kasi kitang magmukhang hindi malinis sa harap ng sinuman lalo na sa mga kaibigan ko nagbigay sa iyo sa akin. Kaya ganoon na lamang kung paano kita alagaan.

Sa paglipas ng araw, unti-unti kang nauuspod hanggang sa nabutas na ang ibang parte mo. Dinanas mo ang iba't-ibang pagsubok sa tuwing nakikipagsapalaran tayo sa mga kalsada. Sa loob ng isang taon at walong buwan, patuloy mo akong pinapasaya at inaalagaan. Sa tuwing naiisip ko na dapat ka ng magpahinga, ibinubulong mo na kaya mo pa. Kaya naman hanggang ngayon, patuloy mong pinatutunayan sa akin kung gaano ka katibay at hindi ganoon kadaling sumuko kahit ako na mismo ang nauunang sumusuko. Patawarin mo ako kung minsan ay naiisip ko na palitan ka na lang. Hindi ko kasi maaatim na makita kang matuluyan lalo na sa gitna ng ating pakikipagsapalaran. Sa lahat ng tulad mo na dumating sa buhay ko, ikaw ang pinakamahal ko. Sa kadahilanang ikaw ay biyaya ng mga kaibigan ko. Nag-ambag-ambag sila para lang mabili ka dahil gusto nilang makita akong mas masaya noong araw ng kaarawan ko. Pagpasensiyahan mo na rin kung may mga pagkakataong nagkulang ako. Alam ko na dumarating ang minsan na kahit nakikita na kitang madungis ay hindi kita magawang paliguan. Patawarin mo ako kung minsan ay nailulubog kita sa putikan para lang masiguro na ayos ako. Patawarin mo ako kung pilit akong naglalakbay sa tuwing bumabaha. Nalulunod ka sa maruming tubig, nagiginaw  kung saan inaabot ng ilang araw bago kita tuluyang magamit muli. Alam ko na nahihirapan ka pero sabi mo sa akin ay okay lang. Sa tuwing may mga matatalim sa kalsada na nadaraanan natin ay sinasalo mo ang sakit. Okay lang din sa iyo ang pabagu-bagong klima. Hindi ka nagreklamo sa tindi ng sikat ng araw. Wala akong narinig na iyak kasabay ng malakas na ulan. Pinatunayan mo sa akin kung gaano kita maaasahan. 

Ngayon tinanong kita kung kaya mo pa, agad ka namang ngumiti sabay tango. Kung 'yan ang gusto, mas magiging masaya ako sa patuloy nating paglalakbay. Ngunit maaari mo bang ipangako sa akin na kapag hindi mo na kaya, kapag pagod ka na, maaari ba na ipaalam mo para maihanda ko ang sarili ko? Minsan kasi alam ko na parang nanghihina ka na pero sa personalidad mo, alam kong hindi ka agad sumusuko. Sa huli, ako pa rin ang inaalala mo.

Anuman ang mangyari, kapag dumating ang punto na kailangan mo ng magpahinga, ipinapangako ko na kailanman ay hindi kita malilimutan. Lilingon at lilingunin kita. Tatanawin kong utang na loob ang lahat ng mabubuting ginawa mo para sa akin. Babaunin ko ang lahat ng alaala na pinagsaluhan natin. Palagi pa rin kitang isasaisip sa mga bagong hakbang ko sa buhay. Hindi ko alam kung paano kita mapapasalamatan ngunit ito lang ang maibibigay ko sa iyo. 

Pagtitiwala at pagmamahal.




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento