Miyerkules, Setyembre 21, 2011

Rita Maldita

Maaliwalas ang sikat ng araw kasabay ng marahang ihip ng hangin, abalang-abala ang lahat sa gawaing bahay maliban kay Rita na magdamag ng naglalaro ng mga laruan lalo na ng kaniyang paboritong manika.

“Ate laro tayo,” alok ng kapatid niyang si Maria sabay kuha sa mga laruan ni Rita.

“Ano ba! Huwag mo ngang hawakan ang mga laruan ko, hindi ba’t meron kang sarili mga laruan, umalis ka na nga dito,” pasigaw na sagot ni Rita kay Maria na nangingilid na ang luha. Lumapit si Rita at kasabay ng pagkuha sa mga laruan ay ang pagtulak sa kapatid.

“Ate hinihiram ko lang naman eh,” wika ni Maria sabay pahid ng sipon sa damit. Simula ng isinilang si Maria ay lubos na galit at inggit na ang naramdaman ni Rita dahil sa pag-aakalang aagawin nito ang atensyon at pagmamahal ng kanilang mga magulang. Naging maramot siya at palaging ipinaparamdam kay Maria na mas matanda siya kaya naman mas may karapatan siya sa lahat ng bagay.

“Hindi mo ba narinig ang sinabi ko? Ang sabi ko lumabas ka na rito sa kuwarto dahil ayaw kitang kalaro,” naiiinis na wika ni Rita.

“Ate gusto ko lang naman na maglaro tayong dalawa eh,” wika ni Maria na nagsisimula ng matakot sa gagawin ni Rita.

“Alis! Gusto mo pa bang kaladkarin? Halika ka nga rito,” galit na wika ni Rita, hinawakan nya si Maria sa braso at dinala palabas ng kuwarto. Nagpumiglas si Maria at patuloy pa ring nakikiusap ngunit lalo lamang nagalit si Rita kaya naman naitulak niya si Maria hanggang sa di inaasahang mahulog ito sa hagdan.

“Maria...!” sigaw ni Rita na halos namutla sa kaba dahil sa nasaksihan. Sa halip na tulungan si Maria at humingi ng tulong ay agad-agad itong pumasok sa kuwarto sabay sara ng pinto. Sa pagsara niya ng pinto ay unti-unting nagdilim ang paligid niya, napansin niyang gumagalaw ang mga laruan na nagpasigaw sa kaniya, lumaki at nabuhay ang paborito niyang manika na nagbago ng anyo at naging isang mangkukulam.

“Aaaaaaaaaaaaaaaaahh! Ano’ng nangyari sa manika ko? Sino ka? Bakit kayo gumagalaw, Mama, Papa, tulungan ninyo ako,” pagmamakaawa ni Rita sabay bukas sa pinto ngunit nang pagbukas niya dito ay napunta na siya sa isang mundong madilim, nakakatakot at walang ibang tao kundi siya at ang manika niyang naging mangkukulam.

“Hihihihi, hihihihi, Rita, Rita Rita! Nagugutom na ako at ikaw ang ihahanda kong hapunan ngayong gabi, hihihihi,” wika ng mangkukulam.

“Hindi, hindi mo ako makukuha, hindi ka magtatagumpay,” sigaw ni Rita habang humihikbi at dali-daling tumakbo papalayo sa mangkukulam. Nakalayo na siya at inakala niyang ligtas na siya ngunit nang ibaling niya ang tingin sa harapan ay muli niyang nakita ang mangkukulam na naging dahilan ng paghanap niya ng ibang patutunguhan. Takbo siya ng takbo ngunit hindi siya makaalis dahil pabalik-balik lamang siya sa lugar na iyon at palagi niyang naririnig ang halinghing ng mangkukulam.

“Kakainin kita, ibababad sa kumukulong kawa at wala akong ititira ni isang hibla ng buhok mo hihihihi,” pang-iinis ng mangkukulam habang patuloy at pagod na tumatakbo si Rita. Sa pagtakbo nito ay di inaasahang malaking halimaw ang lumitaw sa harap niya na nilamon siya ng walang pakundangan.

Pagod ang katawan, mainit ang pakiramdam kasabay ng tumutulong mga pawis, masakit ang mga kalamnan at halos di makahinga sa usok na bumabalot kay Rita. Isinabit siya ng patiwarik ng mangkukulam sa itaas ng malaki, nagliliyab at kumukulong kawa kung saan siya iluluto ng mangkukulam. Dahan-dahan niyang iminulat ang mga mata at tuluyang bumalik ang kaniyang malay dahil sa maingay na halinghing ng mangkukulam.

“Ano ito? Ibaba mo ko rito. Parang awa mo na ibaba mo ako rito, huwag mo kong iluto,” pakiusap ni Rita kasabay ng pagtulo ng luha na pumatak sa kumukulong tubig.

“Ang dapat sa iyo ay pinaparusahan dahil masama kang kapatid, maramot at puno ng poot,” wika ng mangkukulam habang patuloy na inihahalo ang kawa.

“Parang awa mo na ibaba mo na ako rito. Kung gusto mo magbabago na ako, magpapakabait na ako at di ko na aawayin ang kapatid ko,” pakiusap ni Rita na halatang nahihirapan sa sitwasyon. Habang patuloy na nakikiusap at umiiyak ay natigilan siya nang makita sa kawa ang mga masasamang ginawa niya sa kapatid. Ang hindi pagpapahiram ng laruan, ang pang-aagaw ng hindi kaniya, pagiging makasarili, madamot at ang madalas niyang pagkagalit kay Maria.

“Ganyan ba talaga ako kasama? Hindi ako iyan, hindi ako iyan,” pagtanggi ni Rita sa sarili.

“Huwag ka ng tumanggi dahil ikaw ay masama kaya nararapat ka ng parusahan hihihihi,” sagot ng mangkukulam.

“Hindi ako iyan,” bulong ni Rita sa sarili habang maya-maya ay nakita niya ang kaniyang mga magulang at si Maria sa kawa. Nasaksihan niya ang nakaraan kung saan nalaman niya na ampon lamang siya.

“Hindi, hindi ako ampon, anak ako nila Mama at Papa, hindi ako ampon,” nangingiyak na wika niya nang biglang may pumasok sa isip niya.

“Kaya ba mabait sa akin si Maria, kaya ba palagi niya akong sinasamahan, kaya ba ayaw niya kong makitang nalulungkot dahil alam niya na ampon lamang ako?” tanong niya sa sarili habang patuloy na nag-iisip. Naunawaan na niya kung bakit ganoon na lamang ang malasakit ng kapatid niya at nakaramdam siya ng pagsisisi para sa mga nagawa niya. Nasabi niya sa sarili na hindi dapat siya naging masama at dapat naging mapagbigay at mapagmahal siyang ate kay Maria. Iyak siya ng iyak dahil sa pagsisisi habang patuloy pa ring hinahalo ng mangkukulam ang kawa.

“Hihihihi, iluluto na kita Rita,” wika ng mangkukulam habang dahan-dahang ibinababa ang tali para tuluyang iluto si Rita. Kaunti na lamang ay malapit na siyang malublob at habang patuloy na humahalinhing ang mangkukulam ay pagdarasal na lamang ang nagawa niya.

“Panginoon, patawarin po ninyo ako sa mga kasalanang nagawa ko, sa pagiging masama ko sa kapatid ko at patawarin ninyo ako kung naging makasarili at madamot ako,” panalangin niya habang patuloy pa rin siyang hinihila pababa ng mangkukulam. Nakapikit si Rita habang paulit-ulit na nagdarasal at bago siya tuluyang malublob sa kumukulong tubig sa kawa ay bigla na lamang may isang liwanag ang kaniyang nasilayan mula sa kalangitan kung saan may isang babae na nakasakay sa lumilipad na puting bisiro.

“Itigil mo iyan,” sigaw ng babaeng nakamaskra habang nakasakay sa puting bisiro. Dali-daling iniligtas nito si Rita at inihiga muna sa isang tabi para tuusin ang mangkukulam.

“Sino kang pakialamera ka? Umalis ka dito,” wika ng mangkukulam kung saan ginawa niyang matulis na ispada ang panghalo ng kawa. Naglaban silang dalawa, nagkasakitan, nagkasugatan at muli ay nag-ispadahan. Napatalsik at natumba ang babae kung saan natanggal ang maskra nito. Gulat na gulat si Rita dahil ang babaeng nakamaskra na nagligtas sa kaniya ay ang kapatid niya. Nanghihina ito at halos hindi na makagalaw hanggang sa tuluyang mawalan ng malay at nang nagkaroon ng pagkakataon ay sinunggaban siya ng mangkukulam para gawing palaka.

“Maging palaka ka...” bigkas ng mangkukulam nang pakawalan ang sumpa na dali-dali namang hinarang ni Rita.

“Aaaaaah.....kokak, kokak,” sigaw ni Rita nang salubungin ang sumpa kung saan siya ay naging palaka.

“Rita, anak, gumising ka na,” nakahiga si Rita, pawis na pawis at nagising dahil sa paulit-ulit na pagyugyog ng kaniyang mga magulang at ni Maria.

“Ma, Pa, Maria buhay ka, maaraming salamat at buhay ka,” pasasalamat ni Rita nang makitang buhay ang kapatid na napansin niyang may sugat sa noo at mga braso habang ang manikang paborito niya ay nakita niya sa tabi.

“Ate ayos lang ako huwag ka nang mag-alala,” sagot ni Maria. Tumulo ang mga luha ni Rita at niyakap ang kapatid. Humingi ito ng tawad para sa mga kasalanang nagawa niya at nangako na magiging mabait na ate na sa kaniya.

“Anak, may ipagtatapat kami sa iyo,” wika ng ina niya.

“Anak patay na ang tunay mong mga magulang. Matalik namin silang mga kaibigan at kami na ang nag-alaga sa iyo dahil namatay sila sa sunog noong ipinanganak ka,” wika ng kaniyang ama. Naluha muli si Rita at tinanggap na lamang ang katotohanan.

“Huwag na po nating isipin iyan ang mahalaga po ngayon kasama ko kayo, may nagmamahal sa akin at may tinatawag akong Mama, Papa at may kapatid na handang gumabay sa akin,” wika ni Rita habang pinapahid ang luha.

Kinabukasan, habang nasa salas si Maria ay nilapitan siya ni Rita.

“Maria, halika laro tayo,” alok niya sa kapatid habang hawak-hawak ang maraming laruan.

“Ate pahihiramin mo na ako ng mga laruan mo? Gusto mo ng makipaglaro sa akin,” sagot ni Maria na tuwang-tuwa sa alok ni Rita. Masayang naglaro ang dalawa, naghiraman ng mga laruan at natutunan na ang pagiging mapagbigay at mabait sa kapatid na umiintindi at patuloy na nagmamahal sa kaniya sa kabila ng lahat.

Ito ay ang kuwentong pambata na aking lahok sa Saranggola blog awards 3.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento