Biyernes, Setyembre 30, 2011

Nang Dahil Sa Dota

"Ang mga pangalan ng mga tauhan at mga pangyayaring nakapaloob dito ay hindi totoo at pawang likhang isip lamang. Ano man ang pagkakahawig sa tunay na buhay, buhay man o patay ay nagkataon lamang."

“Klasmeyts, walang pasok bukas. Wala si Mam!” Bandang ala una na ng umaga nang mabasa ni Andrew ang mensahe sa kaniyang cellphone. Napakamot siya ng ulo dahil siguradong wala na naman siyang baon. Bago tuluyang matulog ay nag-isip ito ng dahilan para makapasok. Agad niyang itinext ang mga kaibigan nang may halong ngiti at pagkasabik sa kaniyang mga labi.

“Mga tol, dota na lang tayo bukas wala namang pasok eh. Sa shop na lang tayo magkita-kita.” Mensahe ni Andrew sa mga kaibigan na ganoon din ang ideya. Madalas siyang pumasok kahit wala namang pasok dahil sa pagkahumaling niya sa makabagong laro ka kung tawagin ay dota.

“Sige tol, text-text na lang dala ka na rin ng perang pangpusta. Siguro mga tatlong daang piso.”

“Sige ba,siguradong mananalo naman tayo diyan.”

Nag-iisang anak lamang si Andrew nila Juan na may sakit na lumalalang hika at Nena na tanging pagsasaka ang ikinabubuhay. Simple at payak ang kanilang pamumuhay, nagkakapera ng malaki sa tuwing nag-aani ng mga itinanim na palay ngunit madalas maghikahos lalo na kapag sinasalanta ng bagyo ang kanilang mga palayan. Kahit mahirap ay ginusto nilang pag-aralin si Andrew sa kolehiyo nang sa gayon ay makaahon sila sa hirap. Palagi nilang sinasabi na ang edukasyon lamang ang maipapamana nila sa anak at ayaw nilang matulad si Andrew sa kanila na hindi pinalad na makatuntong sa kolehiyo dahil sa hirap ng buhay.

“Kring...kring...kring...” Nagising si Andrew sa malakas na tunog ng kaniyang cellphone. Dali-dali siyang gumising para mag-almusal at maligo.

“Nay, may babayaran nga po palang kaming proyekto para sa sabjek namin. Tatlong daang piso po raw sabi ng kaklase ko.” Sambit ni Andrew sa kaniyang ina na kasalukuyang tinutulungan ang asawa sa pagpapausok gamit ang bagay na panggamot para sa hika.

“Ganoon ba anak, maaari bang sa susunod na linggo ka na lamang magbayad. Sakto lamang ang pera para pambili ng gamot ng tatay mo.” Malungkot na wika ni Nena kung saan mababakas sa mukha nito ang pag-aalala para sa mga bayarin ni Andrew sa eskuwelahan.

“Hindi po puwede nay, hanggang ngayon na lamang daw po iyon.”

“Sige anak pakiabot mo nga sa  akin ang walet ko na nasa taas ng aparador.” Nakangiting kinuha ni Andrew ang walet kung saan nakita niya ang isang alkansiya sa tabi nito.

“Anak, mag-aaral kang mabuti ha. Hindi biro ang sakripisyo namin para lang mapagtapos ka.” Wika ni Juan na bahagyang paputul-putol ang pagsasalita dahil sa pausok.

“Opo tay, ako pa kayang-kaya ko yan.”

“Anak narito ang pera na hinihingi mo, mag-iingat ka ha.”

“Salamat po nay, sige po aalis na ako.”


Masayang umalis si Andrew mula sa kanilang bahay na hanggang ngayon ay nananatiling kubo dahil sa kakulangang pinansyal. Nasa gitna ng malawak na lupain ang kanilang bahay, malayo sa mga iba pang kabahayan gayon din sa kalsada.

“Pare kamusta? Laro na tayo.”

“May pangpusta ka ba?”

“Oo naman ako pa.”

Halos inabot ng tatlong oras ang paglalaro ni Andrew kasama ang kaniyang mga kaibigan. Araw-araw ay nakakaubos siya ng halos animnapung piso. Malayo ang paaralan mula sa kanilang bahay kaya naman kinakailangan pa ang sumakay sa dyip. Sa tuwing natatalo siya sa pustahan tulad ngayon ay wala itong magawa kundi ang maglakad pauwi dahil sa pagkaubos ng kaniyang baon. Tumambay muna si Andrew bago umuwi nang sa gayon ay hindi magtaka ang kaniyang mga magulang.

Nagsimula na siyang maglakad pauwi sa kabila ng katirikan ng araw. Kumakalam na ang kaniyang sikmura kasabay ng natutuyong lalaluman. Dali-dali niyang nilakad ang napakahabang kalsada kasabay ng mga maiitim na usok na pilit niyang nalalanghap.


“Teka, di ba si Andrew iyon?” Pagtataka ni Angelo nang makita ang kaklase na halos nahihilo na sa sobrang init at gutom. Nilapitan nito si Andrew at itinanong kung saan nanggaling.

“Tol saan ka galing? Di ba wala raw pasok?”

“Ah diyan lang, may pinuntahan lang ako.” Pagtanggi ni Andrew na inililihis ang tingin sa kaklase na kaunti na lamang ay babagsak na.

“Mukhang ang layo na ng nilalakad mo, kain ka muna.”

“Hindi tol ayos lang ako, salamat na lang.”

“Sa itsura mong iyan ayos ka pa? Mukhang namumutla ka na. Tara.” Pagpupumilit ni Angelo kung saan hinila niya na si Andrew dahil alam niyang masama na ang pakiramdam nito.

“Maraming salamat sa pagkain ha, sige aalis na ako may gagawin pa kasi ako.” Pasasalamat ni Andrew at muli ay sinimulan niya na ang paglalakad.

Nakarating na si Andrew sa bahay kung saan nadatnan niya ang pakikiusap ng ina sa mga di kilalang kalalakihan na kinailangan nang tanggalin ang kuntador ng kuryente dahil sa ilang buwan na silang hindi nakakabayad. Hindi ito pinansin ni Andrew at sa halip ay dumiretso sa higaan para makapagpahinga dahil na rin sa mga nananakit niyang kalamnan. Sa sobrang pagod nito ay agad itong nakatulog na napansin ng kaniyang ama.

“Anak, kumain ka muna bago matulog.” Alok ni Juan sa anak na mahimbing na ang pagkakahiga.

“Mahal, hindi ko na sila napakiusapan. Kailangan na raw talagang tanggalin ang kuntador dahil iyon ang utos sa kanila.” Malungkot na wika ni Nena na pilit pinipigilan ang namumuong luha sa mga mata. Napansin niyang nakatulog agad si Andrew kahit hindi pa nagdidilim. Lumapit siya sa higaan at kinumutan ang anak.

“Nakakaawa naman ang anak natin. Mukhang pagud na pagod siya galing sa eskwelahan. Siguro ay sinimulan na nilang gawain iyong binayaran nilang proyekto.”

“Maski ako awang-awa na rin, halos namamayat na nga ang batang iyan dahil sa kapupuyat sa kakaaral at kabibiyahe.”

"Mabuti na lamang at hindi iyan natutulad sa mga anak ni kumare na nahuhumaling doon sa makabagong laro sa kompyuter na do...dota yata kung tawagin."

"Mabait naman kasi ang batang iyan. Siguradong iaahon niya tayo sa kahirapan."


Gabi nang magising si Andrew. Pagkamulat ng kaniyang mata ay agad itong dumiretso sa kusina para sa hapunan.

“Ano bang buhay ito wala na ngang ilaw tuyo pa ang ulam.” Reklamo niya sa harap ng mga magulang.

“Pasensya ka na anak iyan lamang ang nakayanan natin. Hayaan mo sa susunod na ani ibibili kita ng paborito mong adobo.” Pangako ng kaniyang ama na habang sinasalinan ng tubig sa baso ang asawa at anak.

“Kailan pa po iyon? Ang tagal-tagal pa noon. Kainis naman ang buhay na ito.”

“Puwede ba anak magdahan-dahan ka naman sa mga sinasabi mo.” Sumbat ni Nena sa anak na halatang nagsisimula ng magalit.

“Ano pa nga bang magagawa ko? Malamang ang maghintay na naman. Saka nga pala may babayaran ho ulit kaming proyekto bukas.” Pagsisinungaling ni Andrew sa kaniyang mga magulang gayong wala naman talaga silang babayaran at gagamitin niya lang ang pera para makipagpustahan muli at makabawi sa kaniyang pagkatalo.

“Anak, hindi na tayo nakakabayad sa ilaw. Baka naman puwedeng pakiusapan mo muna ang guro mo. Naputulan na nga tayo ng kuryente.”

“Pakiusap? Ano ba nay nakakahiya. Pagtatawanan lamang ako ng mga kaklase ko.”

“Anak, wala na talaga kong pera. Nangutang pa ako kay kumare ng ipapamasahe mo para bukas.”

“Oo nga, intindihin mo naman iyong kalagayan natin sa buhay.” Wika ni Juan na kauubos lamang ng gamot. Nangagamba siya na baka umatake na naman ang hika niya gayong wala pa namang kuryente at hindi siya makakapagpausok kaya naman bahagya na lamang siyang nakikisabat sa pagtatalo ng asawa at anak.

“Lintik na buhay na ito. Simula bata palagi na lamang akong nag-iintindi. Sana hindi na lang ako ipinanganak para wala kayong  poproblemahin. Bakit ba kasi sa mahirap na pamilya ako napunta? Sa dinami-rami ng mayayaman sa mundo, bakit sa inyo pa? Paaral ng paaral tapos magrereklamo.” Pasigaw sa sumbat ni Andrew sa kaniyang mga magulang. Napatayo si Nena at sa sobrang pagkabigla ay nasampal nito ang anak sa kaliwang pisngi. Tumayo si Andrew hawak-hawak ang bote ng suka na akmang ihahampas sa kaniyang ina ngunit sa sigaw ng kaniyang ama ay napigilan niya ang sarili at minabuti na lamang na pumasok muli sa kuwarto.

Halos alas tres na ng madaling araw at nananatiling gising pa rin si Andrew dahil na rin sa walang tigil na alulong ng aso. Bumangon siya sa kinahihigaan at kinuha ang piruk-pirok sa lamesa kung saan napansin niya ang inihaing pagkain ng kaniyang ina para sa kaniya. Marahan itong lumakad patungo sa aparador. Maingat niyang kinuha ang alkansiya  at kinuha ang lahat ng laman nito.


Nagsimula nang sumilay ang gintong araw kasabay ng pagtilaok ng mga manok. Araw ng Biyernes at nagsisimula na muling magluto si Nena para sa aalmusalin ng kaniyang anak. Tinawag niya ang anak para sa agahan subalit walang sumasagot. Inakala niyang galit pa rin ang anak sa kaniya ngunit nang pinuntahan niya ito sa kuwarto ay wala na si Andrew. Maaga itong umalis para pumasok at ang hapunan kagabi sa lamesa ang kaniyang inumagahan.

“Letse talaga itong buhay na ito. Talo na naman. Isang laban pa mga tol.” Pasigaw na wika ni Andrew sa kaniyang mga kalaban na tuwang-tuwa sa kanilang pagkapanalo.

“Weak ka talaga Andrew, sa dinami-rami ng palay ninyo bakit weak ka na lang palagi, kumain ka kasi ng marami. Tara na ngang umuwi, natatamad na akong pumasok sa susunod na klase.” Pang-aasar ni Marlon kay Andrew. Hapon na nang natapos ang laro ng mga magkakabarkada. May natira pang pera si Andrew kaya naman may maipapamasahe pa siya sa dyip.

“Pamasehe lang pakiabot na.” Wika ng dispatser bago maningil.

“Pamasahe mo ne?”

“Wala po akong pera eh.”

“Wala ah?” Medyo naawa ang dispatser kaya naman hinayaan na lamang ang estudyanteng nakaupo sa tabi ni Andrew na nakaramdam din ng pagkaawa. Pumasok sa isip ni Andrew ang panghihinayang sa mga salaping naipusta niya nang makita niyang walang pamasaheng naiabot ang katabi. Napuno na ang dyip at kasabay ng mabilis na pag-andar nito ay ang kung ano mang bigat sa kaniyang nararamdaman. Nakaramdam siya ng pagsisisi sa nagawang pagsisinungaling sa mga magulang gayon din sa pagsagot niya sa mga magulang kagabi.


“Mahal, nahihirapan akong makahinga. Pakikuha iyong gamot.” Dali-daling kinuha ni Nena ang gamot sa aparador ngunit napansin niyang wala na itong laman kaya naman naisipan niyang gamitin na lamang ang pera sa alkansiya na nakalaan para sana sa tuition ni Andrew. Nagulat si Nena sa kaniyang nasaksihan. Wala ng laman ang alkansiya na sa sobrang nginig ay nabitawan niya at nabasag kasabay nito ay patuloy naman na inaatake ng hika ang kaniyang asawa. Hindi sila makapagpausok dahil naputulan sila ng kuryente.

“Tutut...tutut...” Isang cellphone ang tumunog na nakalagay sa tabi ng aparador na nakalimutan ni Andrew dahil sa pagmamadali. Madaling kinuha ni Nena ang cellphone, hindi niya muna binasa ang text at sa halip ay itinext ang mga malalayong kapitbahay para humingi ng tulong. Lalo siyang nanlumo nang malamang wala na palang load ang cellphone. Tumunog muli ang cellphone at binasa niya na ang text na mula sa mga kaibigan ni Andrew.

“Weak ka pala Andrew eh. Salamat sa ipinusta mo may pangdeyt na kami ng syota ko.”

“Andrew dota ulit tayo sa Lunes. Patalo ka ulit. Hahahaha.” Halos mapuno ng galit ang puso ni Nena dahil nalaman niyang ang anak mismo ang kumuha ng pera sa alkansiya. Ibinaba niya ang cellphone at tinulungan na lamang buhatin ang asawa papunta sa paradahan ng sasakyan nang sa gayon ay madala ito sa ospital. Buong lakas na binuhat ni Nena ang asawa na hirap na hirap na hanggang sa mapatid ito at bumagsak sa putikang lupa.

“Mahal lumaban ka malapit na tayo.”

“Hindi ko na kaya mahal. Hirap na hirap na ako, ayaw ko ng maging pabigat. Huwag mong pababayaan ang anak natin.” Mensahe ni Juan sa asawa habang naghahabol ng hininga. Wala ng nagawa si Nena kundi ang umiyak at yakapin ang asawa.


Samantala, nasa biyahe pa rin si Andrew. Bago pa man tuluyang bumagsak ang mga mata nito dahil sa pagkaantok ay napatingin siya sa salamin sa unahan ng dyip. Biglang nawala ang antok niya nang makita ang ama sa salamin. Tumingin siya sa likuran para tingnan ang ama ngunit wala ito doon. Takang-taka siya dahil sigurado siyang nakita niya ang imahe ng kaniyang ama. Agad naman siyang kinabahan at nang tumigil na ang sinasakyan ay dali-dali itong tumakbo pauwi. Mula sa kalsada ay natatanaw niya na ang bahay  maging ang mga di kilalang lalaki na nagtatayo ng tent.

“Ano pong mayroon sa amin?” Tanong ni Andrew sa isang babae na nakasalubong niya. Hindi naman umimik ang babae at sa halip ay niyakap na lamang siya. Habang lumalapit ay mas napapansin niya na maraming tao sa loob at labas ng kanilang bahay.

“Kuya, ano po ang...” Naputol ang pagtatanong ni Andrew nang mapansin niya sa isang tabi ang nakasabit na itim na tela. Tiningnan niya itong mabuti at halos manghina siya sa nasaksihan dahil napansin niya ang puting laso sa itaas na bahagi ng tela kung saan nakasulat ang pangalan ng kaniyang ama. Nanginginig siya nang pumasok sa loob ng bahay na tanging mga kandila lamang ang nagsisilbing liwanag. Bumuhos ang luha niya nang masaksihan mismo sa harap niya ang puting kabaong kung saan nakahiga ang kaniyang ama.

“Tay...tay, patawarin po ninyo ako.” Hagulgol ni Andrew.

“Umalis ka dito. Hayop ka! Nang dahil sa iyo namatay ang ama mo.” Galit na wika ni Nena habang siya’y pinapakalma ng mga kapitbahay. Nagpumiglas siya at pinagsasampal ang anak.

“Ano ang sinasabi mong mga proyekto? Niloko mo kami ng ama mo. Pinag-aaral ka naming mabuti at asang-asa kami na sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay sinusulit mo ang pagkakataon para lang makapag-aral iyon pala nakikipaglaro ka lang sa mga kaklase mo ng hayop na computer games na iyan!”

“Nay patawarin po ninyo ako. Hindi ko po sinasadya.”

“Ano’ng hindi sinasadya! Nagawa mong nakawin ang pera sa alkansiya na ipambibili ko sana ng gamot ng ama mo kanina tapos sasabihin mo sa aking hindi sinasadya?” Muli ay sinampal ni Nena ang anak kasabay ng paulit-ulit na pagtatanong nito kung nagkulang ba sila sa pagpapalaki sa anak.

“Hijo, mabuti pa ay lumabas ka muna para kumalma ang nanay mo.” Wika ng kumpare ni Juan. Lumabas si Andrew at walang siyang nagawa kung hindi ang humagulhol at humingi ng tawad sa ama na yumao na.

Ito ay ang Kategoryang Blog (freestyle) na aking lahok sa Saranggola blog awards 3.













Walang komento:

Mag-post ng isang Komento