“Ayun...pinaglaba ako ni Itay! Makapag-aral na nga lang. E kung ako kaya ang maglaba tapos ipag-aral nya na lang ako. Sino’ng aatend sa eksam?”
-una kong teks sa mga kaklase ko habang patuloy na nagbubuklat ng notbuk kasabay ng panonood ng “Guns N Roses.”
“Uy mga tol! Pagpray nyo po ako na sana bukas makataas ako sa kwiz, yung tipong dalawa lang ang mali. Ang pogi ko kasi ngayon kaya di ako makapag-aral! God bless po.”
-pangalawa kong teks habang kinikilig sa “Minsan Lang Kitang Iibigin” dahil sa pagpopropows ni Alexander kay Javier.
“Maaari ba tayong huwag magkopyahan at magpakopya bukas? Kahit isang araw lang! Nakakatuwa siguro ang mga ekspresyon ng mukha kung mangyayari iyon. Wala lang...para kasing...”
-pangatlo kong teks sa kanila na alam kong marami ang tututol tulad ng pagtanggi ni Krista kay Alexander.
Pakiramdam ko kasi pumupurol na ang utak ko dahil simula noong tumuntong ako sa ikatlong taon ng kolehiyo, mukang napadalas ang pangongopya at pagpapakopya ko. Lilingon sa kaliwa, sa kanan, sa harap at kapag wala pa rin sa likod na hanggang sa unti-unti ng dadaloy ang sistema ng “cheating arrangement in series and parallel combination.” Siguro nawalan lang ako ng ganang mag-aral at umintindi ng napakaraming ekwasyon na palagi na lamang nagpapasakit ng ulo ko. Ewan ko ba, pero sa bawat propesor na pumapasok sa pinto at nagsusulat ng iba’t-ibang ekwasyon, pakiramdam ko nahihirapan akong huminga na animo’y nasasakal na. Sinabi ko sa kanila ang ideya tungkol sa di pangongopya hindi dahil ginanahan ako mag-aral pagkatapos ng mahabang bakasyon kundi para malaman ko sa sarili ko kung kaya ko ba ulit na asahan ang sarili kong kkayahan at kung may pumapasok ba talaga sa isip kong kakarampot lamang. Nawala kasi ang tiwala ko sa sarili na para bang may mga tinig na bumubulong at sinasabing ang bobo-bobo ko.
Kinabukasan, masaya akong pumasok para malaman ang sagot hindi sa eksam kundi sa tanong na “kaya ko pa ba?” Dumating na ang propesor namin sa unang klase na sya ring guro namin sa sabjek kung saan kami may eksam. Nakakahilo ang araw ng Biyernes. Sa dami ng mga estudyanteng nag-aaral at sa unti ng mga pasilidad para kaming nakikipagpatintero, naghahanap ng mga bakanteng kwarto at kung makatyamba doon kami magkaklase. Mainit at maliit ang kwarto na pagkaklasehan namin sa oras ng eksam, dahil dito marami ang nagpanggap na hindi sila magiging komportable doon na magiging dahilan ng di maayos na pag-iisip kahit ang totoo’y umaasa lang sila at pati na rin ako sa maswerteng makakatabi. Nakisang-ayon naman ang propesor namin kaya ang inaasahang eksam ay kanselado. Maraming natuwa, maraming nanghinayang at sa dinami-rami ng mga kamag-aral ko mukang ako lang ang nainis kaya naman kinaiinisan ko ang mga kaklase kong naging dahilan ng pagkaudlot ng eksam na iyon.
Ngayon alam ko na, maliwanag na ang lahat at para akong sinampal ng katotohanan na mahirap talagang simulan ang isang pagbabago. Ano nga bang magagawa ko kung mismong ang tadhana na ang nagdesisyon at humadlang sa isang araw na hiniling ko kung saan walang kopyahan at pagpapakopya? Mali pala ang umasa at ang sakit-sakit na. Hindi dapat ako umasa at nagpasailalim sa sarili kong paniniwala na taliwas naman para sa iba.
Kung mayroon mang masayang naganap noong araw na iyon, siguro iyong mga momento na sabay kaming naglakad at umakyat sa hagdan ng hinahangaan kong kaklase. Binati nya ako ng “hi” at di naman ako nakasagot sa halip ay napangiti na lamang. Ang hirap kasi kapag iyong napupusuan mo ay may itsura na sinuma’y madaling maaakit. Pakiramdam ko kasi ang liit-liit ko kapag tumatabi ako sa kanya, yung tipong kailangang perpekto ang kilos ko para magustuhan nya at kailangan maging anghel ako sa paningin nya kahit mukha akong...alam mo na...Haaay...Saan kaya ako dadalhin ng katorpehan ko?
“Ayun...dead end na, teks-teks na lang ulit next year. Paalam!”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento