Huwebes, Mayo 19, 2011

Pro RH Bill


Naniniwala ako sa tadhana kaya naman nakasanayan ko ng sabihin na lahat tayo ay itinakdang isilang at mamatay sa iba’t-ibang paraan. Lahat tayo ay isinilang ng hindi perpekto kaya naman para sa akin ay may karapatan tayong magkamali o makagawa ng anumang kasalanan. Kung para sa iba ang pagpapatupad ng Reproductive Health Bill ay isang kasalanan, mabuti pang maging makasalanan na lang ako para lang mapabuti ang kapakanan ng nakararami. Marami sa atin ang nakakagawa ng kasalanan, maliit man ito o malaki ay nagkakaroon ito ng maganda at masamang epekto sa bawat indibidwal. Nabubuhay tayo sa iisang mundo at ang lahat ng nilalang na nakapaloob dito ay masasabing parasitiko kung saan umaasa o dumepende tayo sa bawat nilalang. Kung ano tayo ngayon ay dahil iyon sa desisyon o ginawa ng kapwa natin, kilala man natin sila o hindi.
Kung para sa kanila hindi man sagot sa kahirapan ng bawat mamamayang Pilipino ang batas na ito, sigurado naman akong mapipigilan at maiiwasan nito ang patuloy na pagdanas natin ng kahirapan. Sa uri ng ekonomiya natin kung saan ang mayaman ay  lalong yumayaman at ang mahihirap ay lalong naghihirap dapat nga ba na sang-ayunan na o tutulan ang batas na ito? Kung isa kang mayaman na nabibili ang lahat ng kagustuhan at di pinoproblema ang pera, pwede kang magpalaki ng pamilya nang sa gayon ay mas umunlad at mas dumami ang hahawak sa malalaki ninyong negosyo o ari-arian ngunit kung isa kang simpleng mamamayan na paminsan-minsan ay nakakaranas pa rin ng paghihikahos, tama pa nga ba na magkaroon pa ng panibagong anak na makakasama mong maghirap? Kung ngayon ay nasasaktan at nalulungkot ka na dahil hindi mo sila mabigyan ng maginhawang buhay mas nakalulungkot at mas masakit kung madadagdagan pa ang mga anak mong magtitiis at makakaranas ng kahirapan.
            Ang RH Bill ay mas kailangan ng mga mamamayang nakatira sa malalayong probinsya at mga bulubunduking lugar kung saan hindi pa gaanong ramdam ang sibilisasyon. Sa mga lugar na iyon, simple at payak lamang ang pamumuhay at kakaunti pa lamang ang mga pinagkakaabalahan. Dahil dito mas nagkakaroon sila ng maraming panahon para sa pagtatalik na nagiging dahilan ng patuloy na pag-aanak o pagdami ng mga myembro ng pamilya. Karamihan sa kanila ay walang trabaho at kung meron man ay kulang na kulang pa rin ang sinasahod. Kung isa kong magulang na nakakaranas ng kahirapan, nakakalungkot kung maipapamana ko pa ito sa aking mga anak. Hindi ko maaatim na mararanasan nila ang hirap ng buhay dahil lang sa kawalan ko ng maayos na desisyon sa pagpaplano ng pamilya. Sa patuloy na kawalan ng disiplina na nagiging dahilan ng patuloy na paglobo ng populasyon ilan pa bang mga sanggol ang mamumulat sa kahirapan, ilan pa ang mga batang kahit may angking talino at masasabing pag-asa ng bayan ang di makapag-aaral, mga batang sa murang edad ay nagbabanat na ng buto sa halip na nagpapakalubhasa sa eskwelahan, mga batang patuloy na umaasa at nangangarap kahit sa kabila nito ay ang walang kasiguraduhang kinabukasan.
Mahirap pigilin ang tukso at subukan mo mang pigilin mas lalo kang mag-iinit ngunit kung gagamit sila ng proteksyon, iinom ng mga gamot, magkakaroon ng tamang pagpaplano ng pamilya at sapat na kaalaman maaaring mawala ang kanilang mga pangamba. Para sa akin ang RH Bill ay isa lamang gabay, matupad man ito o hindi nasa sa atin pa rin ang desisyon kung susundin ba natin ito o isasantabi na lang. Bakit tayo matatakot na ipatupad ang batas na ito gayong ang lahat naman ay galing sa sarili nating desiyon? Sino ba ang nagdesisyon na magtalik ang magkasintahan kahit di pa sila kasal, hindi ba’t sila? Hindi man nila ginustong magkaroon ng pamilya sa murang edad, dapat nilang panagutan ang desisyong ginusto nila. Pagpapalaglag? Kadalasan iyan ang solusyon pero ang bagay na iyan ay iligal at kahit maipatupad man ang batas ay mananatili pa rin itong ipinagbabawal. Sinong dapat sisihin kung nagkaroon sila ng nakakahawang sakit dahil sa maruming pagtatalik, hindi ba’t sila sapagkat ginusto nila iyon? Kung gumamit sana sila ng protekyon o iba pang paraan edi sana walang desisyon na pagsisisihan.
Lahat tayo ay may kanya-kanyang pag-iisip na nagbubunga ng iba’t-ibang desisyon, hinuha, pananaw, reaksyon at mga komento.  Anuman man ang lumabas na desisyon dapat natin itong igalang. Kung may mali sa paraan ng aking pagkakasulat maaari nyo kong punahin nang sa gayon ay matutunan ko ang wastong paraan ng pagsulat at kung may mga tumututol naman sa mga salitang binanggit ko maaari nyo kong batikusin nang sa gayon ay malaman ko ang hinaing ng ibang mga tao gayundin ang pagkakamali ko.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento