Biyernes, Disyembre 3, 2010

Past Ko, Pass Ko, Pasko Na Namang Muli

            Tayong mga Pinoy ang nagdaraos ng pinakamahabang selebrasyon ng kapaskuhan, pa’no ba naman pagpasok pa lang ng –ber month agad na pumapasok sa isip natin na Pasko na gayong matagal pa naman. Paano kung ang lahat ng buwan ay may –ber at ang January ay naging Januaryber, ibig sabihin buong taong Pasko? Kung sa bagay lahat naman tayo nangangarap na kung pwede lang araw-araw na lang ang Pasko nang sa gayon ay lagi tayong masaya habang wala na tayong pagkaing maihanda. Pero habang tumatagal, napapansin ko na di na ako nakakaramdam ng kakaibang saya siguro dahil yun sa palaki ng palaking bilang ng edad ko. Doon ko naintindihan ang lagi nilang sinasambit na ang Pasko ay para lang sa mga bata pero baby face naman ako kaya pwede pa rin akong sumali. Mahirap kasing maging matanda, bukod sa madaming alalahanin at suliranin nababawasan na ang tsansang mangaroling, magbukas ng mga regalo kahit di ka masisiyahan sa laman at mamasko sa mga ninong at ninang na nagmimistulang mga kriminal na may pinagtataguang mga pulis na kokotong sa kanila, dahilan kung bakit ang Pasko ay parang ordinaryong araw na lang.          
            Ika-15 ng Disyembre, kung isa kang bata na gustung-gusto magkapera tuwing gabi tandaan mo yang petsang yan kung saan pwede mo ng magamit ang boses mo na akala mo’y pagkiganda o sa madaling salita pwede ka ng mangaroling. Ewan ko kung yan talaga yung simula pero tanda ko pa noong ikalimang araw pa lang ng Disyembre ay naisipan na naming mangaroling para makabili ng nauusong text at jolen(ooops...huyu....jopolopols). Syempre bago ka mangaroling kailangan mo munang batiin ang mga kaaway mo nang sa gayon ay may makasama ka lalo na sa paggawa ng mga instrumentong tatak Pinoy.  Ilaki ang mga mata, maging mapanuri at dahan-dahang ilibot ang paningin sa kalsada para makatagpo ng mga tansang noo’y sinisipa-sipa mo lang pero para mas madalian ka pumunta ka na lang sa tindahan at magpanggap na bibili sabay dampot sa mga tansang nakakalat sa sahig. Hindi naman siguro yun ipagdadamot ng mga tindera maliban na lang kung magpanukala ng batas na pwede na yung mabenta sa junk shop. Ibanat ang mga daliri, hawakan ang martilyong kinakalawang na sa katagalan at sabay pitpitin ang mga tansan hanggang sa lumapad ang mga ito. Butasan ang gitna at dahan-dahang ipasok sa matigas ngunit madaling mabalikong kawad at wapak may instant tamburin ka na. Kung mahilig ka sa musika tulad ko at kung nakukulangan ka pa sa instrumentong pinagpawisan mo pwede ka ring mamulot ng lata ng Nido para gawing tambol at lagayan ng salaping malilikom, yun ay kung gusto mo lang. Dahil nakumpleto na ang mga instrumento maaari na kayong magsimulang mangaroling kahit wala pang praktis, kahit naman may praktis parang wala rin.
            Natatandaan ko pa noong minsang nagtalo kami ng mga kagrupo ko tungkol sa kung ano nga ba ang tunay na liriko ng kanta, “sa may bahay ang aming bati” o “sa ‘ming bahay ang aming bati?” Ilang taon na kaming nangangaroling noon pero matanda na kami ng mamulat kami sa katotohanan at malaman ang tunay na liriko. Nakakatuwa kapag may mga nagbibigay ng malaking halaga, malaki na sa amin ang sampung piso at sa sobrang tuwa  ay bigla kaming masasaniban para balikan ang bahay na iyon gabi-gabi hanggang sa dumating ang araw ng Pasko. Minsan naman nakakainis, palagi na lang patawad...patawad...at isa pang patawad habang nakatali na sa labas ng bahay ang mga asong kaya lang yata inalagaan ay para pangtaboy sa mga nangangaroling. Isang kataga naman ang kinatatakutan naming marinig subalit katanggap-tanggap, ito ay ang “Iglesia po kami” kung saan pati ang ilang mga kuripot na iba ang relihiyon ay bigla na lamang makikianib sa Iglesia lalo na kapag nararamdaman na ang presensya ng mga grupong nangangaroling lalo na yung mga grupo ng musiko, haligi ng simbahan at iba pa kung saan nag-aabot sila ng sobre, nakakahiya tuloy magbigay ng dalawang piso dahil halatang-halata ang kakuriputan.
            Pagdating naman sa iskul, uso ang sapilitang pagpasa ng parol na gawa sa papel de hapon na minsan ko ng ipinangkulay sa buhok. Hindi na rin ako nasasabik sa exchange gifts, kadalasan kasi ay photo album, photo frame, angels at panyo ang laman ng mga regalo. Nakakainis kapag pagkain naman ang natanggap mo dahil nakakawala ng pagiging sentimental pero mas nakakainis yung kaklase ko nung grade 3 kung saan kasali ang presyo ng pambalat sa regalo.
            Sa wakas simbang gabi na at siguradong katalan na naman ang mga tumbong dahil sa kasabikang gumising ng madaling araw para makapagsimba. Ang totoo hindi talaga yung misa ang habol ko noon kundi ang pagkain ng puto bumbong na may kasamang tsaa na di ko talaga magustuhan ang lasa. Sa madaling salita, naging myembro rin ako ng tinatawag nilang “simbang puto” pero dahil narinig ko na maaaring matupad ang kahilingan kapag nakumpleto ang siyam na gabi ay sapilitan akong tumiwalag sa grupong iyon para mas maging seryoso ang aking pananampalataya, Amen. Tumiwalag nga ko sa simbang puto nakianib naman ako sa mga taong nagsisimba lang para sa katuparan ng kahilingan pero kahit papano nakikinig naman ako ng misa habang pinipigil ang paghinga dahil sa katabi kong may nakakatusing na pabango gayong di naman sya naligo, may muta pa nga sya sa mata tingnan nyu pa.
            O ayan, bisperas na ng Pasko at kailangan na talagang magsimba dahil sabi nila yun ang pinakamahalaga sa siyam na gabi at para na rin masilayan ko ang super crush ko na umaagaw lagi ng aking pansin kaya naman nakakalimutan kong makinig sa mga sermon ng pari. Dapat maaga rin ang pagpunta sa simbahan nang sa gayon ay may maupuan ka, sa dami ng tao na tuwing Pasko lang nagsisimba malamang mapupuno ang simbahan. Kung pwede nga lang sana na magpareserb ng upuan o kaya pangalanan ko na lang para walang makaagaw. Habang nagmimisa, hindi ko talaga maintindihan ang sarili ko bukod sa pinipigil ko ang pagbungisngis dahil sa tono ng pari na parang kumakanta ng pabasa ay patuloy ang nagugutom kong utak sa pag-isip kung ano nga ba ang una kong lalantakan sa mga pagkaing inihanda ng nanay ko. Kailangan ding umuwi agad sa bahay, baka kasi maubusan pa ko lalo na nung hotdog na tinusok-tusok sa repolyo, syempre may istik o tutpik yun.
            Paaaaaaaassssssssssssskooooooooooooo naaaaaaaaaaaaa..... Tulad ng inaasahan nawala na ang kasabikan at parang ordinaryong araw na lang dahil hindi na makapamasko sa mga bahay-bahay na bigla kong kinikilala sa tuwing sumasapit ang kapaskuhan. Kung may masaya mang nagaganap sa araw na iyon, siguro yun ay ang paggala sa mall habang nakikipagsiksikan sa mga mamimili at pakikipagfudtrip sa mga tunay kong  mga kaibigan na sanay na sa pagiging kuripot ko.
            Siguro ayos na rin yung mga pagbabagong naganap, hindi lang naman yun ang dahilan kung bakit tayo may ipinagdiriwang na Pasko. Bukod sa pag-alala sa Maykapal, ang tunay na diwa ng Pasko ay ang tulad lagi ng naririnig natin na pagmamahalan at pagbibigayan. Masarap sa pakiramdam kapag nakakatulong tayo sa mga kapwa nating nagigipit lalo na sa araw ng Pasko. Ang mga ngiti’t pasasalamat na isinusukli nila ay lubos pa sa anumang halaga na hinahangad natin, maaaring mawala ang salapi pero ang pagmamahal at kasiyahan ay tumatagos sa ating mga dibdib na madadala natin habang tayo’y nabubuhay.
            Mula sa akin, nais kitang batiin ng maligayang Pasko at manigong bagong taon. Nawa’y maging masaya at makunpleto ang bawat pamiyang Pilipino at mabawasan na ang makukulit na nagpapaputok ng super lolo tuwing bagong taon.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento