Biyernes, Nobyembre 19, 2010

Modernong Pulubi

Sa pag-inog ng mundo, maraming bagay ang maaaring magbago kahit sa loob lamang ng ilang segundo. Moderno na ang ating panahon at ramdam na ramdam na ang sopistikasyon na talaga namang nakakapagpaginhawa sa buhay ng bawat indibidwal. Nagbago ang ating kapaligiran, ang mga bagay pati na rin ang mga taong pumapaligid sa atin. Ngunit sa pagbabagong ito nakakalungkot isipin na marami sa atin ang di ito nararamdaman at tila patuloy na nililimot ng modernong panahon.
Noon, naaawa ako sa bawat taong namamalimos sa mga kalsada o lansangan, sa mga paradahan ng mga sasakyan at sa iba’t-ibang lugar na maaaring maging lugar ng palimusan. Nalulungkot ako para sa kanila, biktima lang sila ng napakagulo at di maintindihang lipunan at mamamayan. Iniwan ng mga magulang, itinakwil, ipinamigay at inalisan ng karapatan na mamuhay ng may kompleto at masayang pamilya. Marami sa kanila ang di na nakapag-aral, nag-asawa sa murang mga edad at bumuo ng pamilya sa lansangan, marami ang nagbebenta na lamang ng katawan o lamang loob para magkaroon ng perang pangkain o pangbisyo at marami na rin ang nakakagawa ng krimen para lang maibsan ang kalupitang dulot ng lipunan.
Kung ang itsura ay madaling baguhin gayun din ang ugali ng bawat tao. Hindi ko alam kung maaawa pa ba ako sa mga pulubing namamalimos o maiinis lang dahil sa kanilang mga pagbabago. Kasabay ng mainit na panahon ay ang unti-unting pagdating ng mga pasahero sa dyip na sinasakyan ko. Nababalot ng pawis ang aking katawan habang patuloy na naghihintay sa pag-ihip ng hangin. Nakakagutom kaya naman napapatingin na lang ako sa mga kapwa ko estudyante na humihigop ng coke kasabay ng pagnguya ng roller coaster at clover. Maya-maya isang bata ang dumating para mamalimos, medyo kirat ang isang mata, nakaputing damit, at may hawak na kanin na nakalagay sa plastik. Binigyan ko sya ng natirang pisong barya sa bulsa ko subalit hiniling nya na dagdagan ko para makabili sya ng ulam. Naawa ako’t nahabag kaya naman pinagbigyan ko sya sa simpleng kahilingan, ang mahalaga ay ang makatulong sa mga taong nagigipit. Ngunit kinabukasan ay nandyan na naman yung batang namamalimos, nagtaka ako kung bakit pinaalis na sya ng konduktor pero ang di ko alam ay araw-araw pala syang namamalimos doon kaya naman nasasawa na ang mga pasahero sa ginagawa nya. Ang sabi nila dapat maghanap na lang sya ng pagkakakitaan kaysa umasa sa pamamalimos. Simula noon, hindi ko na ulit sya binigyan ng barya dahil baka masanay pa sya at sa huli ay habul-habulin ako.
Bukod sa kanya, may dalawang magkapatid na nanghihingi rin ng pera sa mga pasahero pero iba ang istilo nila at madaling makisama sa mga tao. Minsan, para lang makabili ng isang istik ng sigarilyo ay nagpapakitang gilas sila sa pamamagitan ng pagrarap. Ilang beses ng nakukulong ang magkapatid na iyon at ilang beses na ring nakalaya hindi dahil sa pamamalimos o paninigarilyo kundi dahil sa lantarang pagraragbi kung saan nakapaloob ang kaliwang kamay sa damit na may hawak na plastic labo na may lamang ragbi na kulay berde na dahil sa katagalan. Pero minsan humanga na rin ako sa kanila dahil sa isang pagbabago, ang pagtatrabaho kung saan nagtitinda sila ng mga kendi, mani, beans at iba pang nakabalot sa plastic ng ice candy. Pero kahit nagugutom at nais ko ng bumili ay nagdadalawang isip pa rin ako dahil habang hawak nila ang mga tinda sa kanang kamay ay ragbi naman ang hawak sa kabila.
Isa sa mga kinainisan kong namamalimos ay yung matandang babae, may kulay pink na bag, kulay asul at pula ang damit, kulay brown ang pajama, medyo kirat din at may hawak na karatula kung saan may nakasulat na “Jesus, iilain na si Jesus.” Nainis ako hindi dahil di ko naintindihan ang mensahe nung matanda kundi dahil sa ibaba ng mensahe ay may nakasulat na “P5.00, P10.00, P15.00, P20.00, P50.00.” Tumayo ang matanda sa harap naming mga pasahero ngunit hindi sya nagsasalita. Nakatayo lamang sya hawak ang karatulang may mensahe at naghihntay na lamang na magkusa ang mga tao na magbigay ng donasyon. Binigyan sya ng katabi kong pasahero ng piso ngunit nagalit ang matanda at humingi pa ng dagdag. Sinabi nya na dapat limang piso rin ang ibigay ng katabi ko dahil yun ang halagang ibinigay ng isang pasahero at ayon nga sa karatula nya ay lowest P5.00. Dahil di na nagbigay ang katabi ko dahil na rin sa pagkainis ay tuluyang nagalit ang matanda kaya doon naman sya sa mga estudyanteng nakaupo sa canteen sunod na tumayo para muling ipakita ang karatula. Abala sa pagkukwentuhan ang mga estudyante na walang balak na magbigay ng donasyon kaya naman mas inilapit ng matanda ang karatula habang nagkakamot na ng ulo. Wala syang napala sa mga estudyante kaya naman dumungaw sya sa bintana ng dyip at doon sa ibang mga pasahero namalimos. Hindi rin sya pinansin at paglipas ng mga minuto ay muli syang nainis kaya naman tinuktok nya na ang bintana para mapilit na magbigay ang mga pasahero ngunit hindi pa rin sya pinansin. Piso ang napala ng masungit at demanding na matanda kaya naman tuluyan nya ng nilisan ang paradahan ng dyip kung saan lumabas ang mga hinaing ng pasahero tungkol sa pagrereklamo nya sa mga halagang ibinibigay ng mga tao.
Tama ba na mamili pa sila ng halagang ibinibigay ng mga tao? Tama ba na gastusin nila ang perang nalimos sa bisyo? Tama ba na magbigay ako kahit piso? Kung sa bagay, nadadala lamang sila ng pabagu-bagong panahon at kapaligiran. Sa sistema ng gobyerno natin kung saan ang mayayaman ay lalong yumayaman at ang mahihirap ay lalong humihirap, siguradong mas malala at malupit ang nararanasan nilang paghihirap kaysa sa atin. Ilang mamamalimos pa ba ang isisilang sa mundo? Napakasaklap isipin na sa kabila ng buhay na ibinigay sa kanila ay ang pagdanas ng karumal-dumal na paghihirap at pasakit pero sino ba naman tayo para magreklamo, ang mahalaga ay nasilayan natin ang mundong ipinagkaloob ng Diyos at naniniwala ako na kung ano man ang sapitin ng bawat nilalang ay may dahilan. Maaaring hindi natin gusto ngunit kailangan nating tanggapin dahil ang bawat nilalang ay mga parasitiko na umaasa sa kapwa nilalang para mabuhay, para sa mga pangangailangan at para magampanan ang nakasulat na misyon na dapat nating isakatuparan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento