Miyerkules, Abril 13, 2022

Handa na Akong Haraping Muli ang Mundo Nang Mag-isa

Dumating na siguro ako sa punto na natatakot na akong kumilala ng mga panibagong tao na posibleng maging mga kaibigan sa susunod. Natatakot na akong buksan ang pinto o papasukin sila sa mundo ko. Natatakot akong magkaroon ulit ng sobrang attachment dahil nandoon ang takot na baka sa huli, panghinayangan ko lang ulit kung gaano naging kalapit sa isa't-isa at kung gaano ako nag-invest sa pakikipagkaibigan. Minsan kasi, pakiramdam kong least priority ako. Minsan, pakiramdam ko na lugi ako sa pakikipagkaibigan. Mali ang ganoong pag-iisip at alam kong ako ang mali dahil ako rin ang sumobra. Masyado akong na-overwhelm sa pakikipagkaibigan. Masyado akong naging uhaw sa atensyon at pagmamahal. Naging sobra-sobra na umabot sa punto na palagi ko na lang nararamdamang naaawa na ako sa sarili dahil palagi na lang akong nanlilimos ng atensyon at pagmamahal sa mga kaibigan. Minsan naisip ko, naiisip din kaya nila ako? Pinahahalagahan din kaya nila ako katulad ng pagpapahalaga ko sa kanila? Hindi naman ako humihingi ng kapalit dahil kusa kong binuksan ang sarili ko sa mga kaibigan. Kusa akong nagbigay ng pagmamahal. Pero nakakalungkot lang din kapag hindi ko nararamdaman iyong pagpapahalaga. Sanay akong mag-isa pero nakakalungkot kapag nasanay ka sa samahan na parang wala nang katapusan at biglang isang araw, pinaramdam sa iyo ng universe na mag-isa ka na lang. 


Isang taon na nang pinili kong isara ang mundo ko. Pinili kong lumayo. Pinili kong muling maging mapag-isa dahil kailangan ko. Kailangan kong maibalik ang tiwala at pagmamahal sa sarili na hindi ko namalayang naibigay ko lahat sa mga kaibigan. Naubos ako. Napagod. Nalunod sa kalungkutan. Nilamon ng anxieties na hanggang ngayon ay hindi pa rin tuluyang nawawala. Nakakapagod ang sobrang pag-iisip sa buong araw. Nakakapagod ang hirap sa pagtulog dahil kung kailan gabi, kung kailan dapat ipahinga na ang diwa ay doon pa papasok ang lahat ng mga pangyayari sa nakaraan. Mga pangyayari na nagdulot sa akin ng kalungkutan at mga anxieties. Paulit-ulit. Gabi-gabi. Nakakapagod. Nakakasawa. Mga pangyayaring nakasakit sa akin at iyong mga bagay na nagawa ko na maaaring nakasakit din sa iba. Hindi ko alam kung kailan titigil. Hindi ko alam kung kailan ako mapapagod sa kakaisip. Hindi ko alam kung kailan ako magiging maayos. Ilang buwan, ilang taon. Hindi ko alam.


Iyon ang dahilan kung bakit ako natakot na makisalamuhang muli o kumunekta sa mundo ng nakaraan. Natatakot akong humakbang dahil natatakot ako na baka may mangyari na maaaring maging dahilan para matrigger ulit ang mga anxieties ko. Natatakot akong makisalamuha o makipagkita sa mga tao sa nakaraan dahil natatakot akong may mga pangyayari o mga salitang mabanggit na hindi gustong marinig ng mga tainga ko. Natatakot akong makaranas ulit ng disappointment o pagkabigo. 


Natatakot akong makipag-usap sa chat o sa text dahil alam ng sarili ko na ikalulungkot ko kung hindi ako mabigyan ng pansin o atensyon. Nakakalungkot lang na ang dami kong kwento pero wala nang interes makinig iyong mga taong palaging nandyan na kinasanayan kong nakikinig sa akin. 


Natatakot akong mag-imbita kahit may mga lugar o kainan na gusto kong puntahan nang may kasama dahil natatakot ako o ikalulungkot ko kung hindi pwede iyong mga tao na gusto kong makasama. Nangangamba ako na kung sakali mang sumang-ayon sa una ay biglang bawiin sa huli. Mas nangangamba ako kung sa mismong araw ay hindi sumulpot ang mga kaibigan na gusto kong makita o makasama. Kaya pipiliin ko na lang na mag-isa dahil sigurado akong mas magiging maayos ako. Natatakot akong muling lamunin ng kalungkutan at malunod sa mga anxieties na mayroon ako. Natatakot ako na tuluyan kong maiwala ang sarili at dumating sa punto na hindi ko na alam kung saan ako tutungo o kung may mga tao pa sa paligid na magpaparamdam ng pagpapahalaga na hinahanap ko. Kinailangan kong bumitaw dahil kung mananatili akong nakakapit, patuloy akong malulunod.


Paumanhin sa mga kaibigan kung pinili ko munang lumayo para piliin ang sarili ko. Kapag naging maayos na ako, pangako, babalik ako. Babalik ako sa kung paano niyo ako nakilala. Babalik ako kapag nanumbalik na ang mga ngiting matagal nang napawi sa aking mga labi. Babalik ako kapag nanumbalik na ang dating saya sa mga mata kong matagal nang binalot ng kalungkutan. Babalik ako. At sana sa pagbalik ko, nandoon pa rin kayo.

#

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento