Miyerkules, Hunyo 24, 2020

A U T O P H O B I A (The FEAR of Being ALONE)



Palagi kong sinasabi sa mga kaibigan ko na bago sila umalis, mangibang bansa, magresign o ano pa man, abisuhan nila ako, isa o dalawang buwan bago sila tuluyang lumisan nang sa gayon ay maihanda ko ang sarili ko. Natatakot akong maiwan. Natata
kot akong mag-isa. Natatakot akong makaramdam muli ng lungkot lalo na kung dulot ito ng pag-iisa. Kahit ilang beses ko yatang ihanda ang sarili ko, hindi ko pa rin magawang hindi maging malungkot. Kahit na paulit-ulit kong isaisip na bukod sa mundo naming magkakaibigan ay may iba pa silang mundong ginagalawan, hindi pa rin magawang magpalaya ng isip ko. Hindi ko alam kung nagiging makasarili ako pero minsan nagawa kong makiusap sa isang tao na huwag muna siyang umalis dahil hindi pa handa ang sarili ko. Naintindihan naman niya. Pero hindi ko naman hinadlangan ang mga desisyon niya. Naintindihan ko rin. Hindi ko pwedeng pigilan ang  pagdiskubre niya pa ng sarili sa ibang bagay sa panibagong mundo. Palagi akong masaya sa pakikipagsapalaran nila. Ako ang unang natutuwa sa bawat tagumpay na natatamasa nila. Masaya ako kahit hindi ko magawang maging masaya sa sarili ko. Tama naman siya. Lahat naman tayo ay may panahon na darating para magkahiwa-hiwalay. Maswerte na lang kung may mga kaibigan tayo na makakasama at laging makakausap hanggang sa pagtanda. Kailangan ko pang masanay na maiwanan. Kailangan ko pang muli na masaktan. Kailangan dahil kailangan kong ihanda ang sarili para mas maging matapang. Pero higit sa lahat, bago ang iba, kailangan ko munang balikan ang dating ako na ngayon ay hindi ko na kilala. Napunta ang atensyon ko sa bawat taong kinailangang lumisan. Hindi ko napansin na unti-unti ko na palang naiwanan ang sarili ko. Wala na ang dating ako.

Hindi ko namalayan na nilunod na ako ng kalungkutan. Binalot ng takot sa muling pag-iisa. Hindi ko alam kung bakit ako ganito. Masasabi bang dumaranas ako ng separation anxiety? Siguro pero mababaw na kaso. Pero una akong naranasang malungkot noong panahon bago kami grumadweyt sa hayskul. Naging tahimik ako. Naging malungkot dahil inaalala ang lahat ng samahan. Muli kong naranasan sa una at pangatlong trabaho. Paulit-ulit. Napakahirap. 

Sa totoo lang, umaabot ng tatlong buwan bago ako makarekober sa bawat kaibigang kailangan nang lumisan para makipagsapalaran sa panibagong mundo. Kinaya ko noon, kaya alam kong kakayanin ko ulit. Pero hindi biro ang unang tatlong buwan. Sobra akong nalugmok. Sobrang nawalan ng gana. Araw at gabi ay punung-puno ang aking isipan. Walang espasyo para sa muling pagngiti. Nahihirapang matulog. Paulit-ulit na binabalikan ang mga nakaraan. Hindi namamalayang tumutulo na ang luha. Gusto mo ng kausap pero wala na ang mga taong nandyan para makinig sa iyo. 

Minsan naglalakad ako ng naglalakad kahit gaano pa ito kalayo. Kailangan kong maglakad dahil nailalabas ko ang lahat ng nasa isip ko. Paulit-ulit kong tinatanong ang sarili. Paulit-ulit na nagtatanong kung ano na ang mga mangyayari sa susunod. Maglalakad lang ako ng maglalakad habang inilalabas ang lahat ng lungkot at mga gumugulo sa isipan. Nakasanayan ko na ito. Masasanay din ako. Masasanay ding mag-isa. 

Minsan naisip ko at nasabi sa pinakamalapit na kaibigan na sana hindi na ako magkaroon ng susunod pa na kaibigan. Sapat na siya. Hindi dahil sa ayaw ko nang makipag-ibigan kundi dahil napapagod na ako sa kung paano ako nilalamon ng lungkot sa tuwing may aalis. Nakakapagod maging malapit, maglaan ng oras, magbigay ng tiwala at respeto, higit sa lahat, nakakapagod na maiwanan ng isang kaibigan na itinuring ko nang kapatid o kapamilya. Isang kaibigan na palaging nakakausap. Kaibigan na mas nakakaintindi at nag-aalala sa kalagayan mo. Mali ang ideyang ito na ayaw ko nang makipagkaibigan. Sa personalidad ko, paniguradong mas marami pa akong magiging mga kaibigan. Pero darating ulit ang punto kung saan kailangan nang lumisan. 

Ang paglisan ay hindi nangangahulugan ng paglimot. Bagama't hindi nagkakakitaan, nanatili pa rin sa puso ng bawat isa na minsan, may isang kaibigan na naging mahalaga at nagkaroon ng malaking epekto sa buhay ng bawat isa. May kaibigan na aktibo sa simula, pero kapag nagtagal, nakakilala ng mga bagong kaibigan, naging abala sa trabaho lalo na at malayo ang tirahan ng bawat isa, nagsisimula nang makalimot. Iyon ang ikinakatakot ko. Ang malimutan ako ng isa sa mga pinakamatalik kong kaibigan na kung pwede nga lang sana ay maging magkasama sa pagtanda o magkalapit na lang sana ang bawat tahanan. 

Kaya palagi kong kinukulit ang mga kaibigan ko. Text dito, chat diyan, like, react, comment o tawag sa telepono. Palaging ako ang nagsisimulang magpadala ng mensahe. Palaging ako ang nagpaparamdam. Ako ang nagpapaalala na nandito pa ako, iyong kaibigan mo. Dahil nga natatakot akong malimutan. Natatakot akong mapalitan. Natatakot na maging isa ako sa mga kaibigang nagdaan lang. Minsan nga naaawa na ako sa sarili ko. Chat dito, text diyan. Walang reply, seenzone madalas. Pero nagpapatuloy pa rin akong magparamdam. Baka kasi busy lang. Natatakot kasi ako na kapag awang-awa na ako sa sarili ko, piliin ko nang sumuko at bumitaw. Ibig sabihin, ititigil ko na ang lahat ng pagpaparamdam. Walang komunikasyon. Hanggang sa tuluyan akong makalimot. Ang paglimot na iyon ang pinakayaw kong magawa sa pinakamalapit na kaibigan. 

Ganito talaga ako magbigay ng pagmamahal sa mga kaibigan. Masyado akong nagiging malapit kaya nga siguro masyado rin akong nasasaktan. Hanggang sa hindi ko na namamalayan na nakalimutan ko na ang sarili ko. Nakalimutan kong intindihin at kamustahin ang sarili dahil palaging napupunta sa iba ang atensyon ko. 

Kailangan kong bumalik. Kailangan kong puluting muli isa-isa ang bawat piraso ng pagkataong naisantabi ko sa bawat kahapong napuno ng kalungkutan. Kailangan kong mabuo dahil wala namang ibang bubuo nito para sa akin.  Bubuuin ko ang sarili ko at muling magmamahal. Tuturuang muli ang sarili na magpahalaga at magmahal ng tama. Dahil ang pagmamahal sa sarili ang pinakaunang dapat matutunan. Nang sa gayon ay mas matuto at  maging handa ako kapag dumating na ang taong magbibigay ng pagmamahal sa akin. 

Malungkot sa ngayon pero muling babangon. 


PS. 

Pakiusap, huwag mo akong kalilimutan. 










Walang komento:

Mag-post ng isang Komento