Lunes, Marso 30, 2020

Pagmamahal sa Wikang Filipino



Mula sa kinatatayuan ko, mata sa mata, ibinulong ko sa hangin ang mga salitang nais kong iwika kay Gat Jose Rizal na bagama't tatanggalin ang wikang Filipino, ipinangako ko sa kaniya na mawawala ang asignatura ngunit hindi mawawala ang pagmamahal sa sariling wika bilang isang Pilipino na lumaki sa kinagisnang pananalita. Ikinuwento ko sa kaniya kung gaano ako naligayahan sa pagbabasa ng librong Noli Me Tangere at El Filibusterismo na nakasulat sa Tagalog. Ipinaabot din ang pagnanais na ituturo sa mga magiging anak at apo ang tamang pagsulat at pananalita nang hindi mahawa sa mga nausong jejemon na may hashtag dhaisy szhehte ihkaw lhangz zhaphat nha o ang mga mahilig magtayp sa malalaki at malilit na letra kAtUlAd nA LaMaNg NiTo.

Anong klaseng bansa ang walang pagmamahal  o pagtanglik sa sariling wika? Pilipino tayo pero ni hindi nating magawang maging tama sa pagsasalita. Mas magaling pa tayong mag-ingles o korean. Bakit sa halip na unahin ang pagtuturo ng banyagang lenggwahe, hindi muna nating mabutihing magturo ng iba't-ibang diyalekto sa Pilipinas? Napakasarap sa pakiramdam na kung mapadpad ka sa anumang sulok ng bansa ay hindi mahihirapan na makipag-usap. Napakayaman natin sa lenggwahe pero ayaw nating magpakasasa. Sa halip, mas ninanais at ninanamnam ng karamihan ang pag-aral ng ibang mga banyagang lenggwahe. 

Sila ang dayuhan, sila ang nagtayo ng mga negosyo sa ating bansa tapos tayo pa rin ang mag-aadjust pagdating sa wika? Bakit hindi nila pag-aralan ang wikang Filipino sa kani-kanilang mga bansa nang sa gayon ay makasabay, mas maging maganda, mahusay at epektibo ang komunikasyon.

Hindi sapat na dahilan na naituro na ito noong elementarya at hayskul. Hindi usapin dito ang gastos sa mga asignaturang ito. Ang usapin ay ang pagmamahal natin sa sariling wika bilang Pilipino. Ang pagtangkilik at pagpapanatili nito hanggang sa mga susunod sa henerasyon.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento