Lunes, Marso 30, 2020

Blog to Express

Mula nang naging aktibo ako sa social media, sa tuwing may mga bagong kaibigan na madaragdag, palagi nilang tinatanong kung bakit ang dami ko laging pinopost. Lahat ng kalokohan na paniguradong marami akong napapasaya sa bawat post. Lahat ng pagkabigo at tagumpay. Reklamo, hanash at kung anu-ano pa.

Malaki kasi ang naitulong ng social media para mailabas ang lahat ng bigat at sakit na dinadala ng dibdib ko. Ito ang nagsilbing medium para mapagaan at mapalaya ang isip at puso ko na nakatulong ng malaki.

Hindi mahalaga kung may makapansin o wala. Ang mahalaga ay nailabas ko at nabawasan ang mga problemang bumabagabag sa akin. Kung hindi ko siguro ginagawa ito, malamang ay nalunod na ako sa kalungkutan. Nauwi sa depresyon. Naging marupok at pipiliin na lang na sukuan ang lahat. 

Pero minsan, sa bawat post, hindi natin namamalayan na nagsisilbi rin tayong inspirasyon sa iba. Sa bawat post, bigla na lang tayong nagugulat na may mga tao na kahit hindi natin kilala sa tunay na mundo ay nagpapadala ng mga mensahe na naglalaman ng mga payo, pag-aalala at mga mensahe na naglalayon para mas maging matatag at matibay tayo na hindi hadlang ang kahit na ilan pang problema para hindi tayo magpatuloy sa buhay.

Kaya sulat lang ako ng sulat. Post lang ng post. Kung ito ang paraan ko para magpasaya, para malampasan ang problema, para mapagaan ang dibdib at maging panatag pag-iisip, patuloy akong magsusulat. Hindi lang para sa ibang tao kundi para matulungan din ang sarili ko.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento