Lunes, Disyembre 24, 2018

Bakit Hindi Ako Umiinom?



Bakit hindi ka umiinom?

Sa totoo lang, miss na miss na miss ko nang makipagwalwalan. Gustung-gusto ko nang matikmang muli kung ano na nga ba ang lasa ng red horse, emperador, lambanog, gin bulag at iba pa. Namimiss ko na ang pakiramdam nang malasing. Ang sunud-sunod na pagtagay. Ang palihim na pagtapon ng iinuming alak kapag hindi na kaya. Ang pagtanggi sa bawat shot kapag nasusuka na. Ang pakiramdam na magwala dahil sa pagiging manhid ng katawan, puso at isipan dulot ng alak. Ang mag-inom sa palibot ng isang lamesa kasama ng mga kaibigan. Ang makatulog sa upuan o bahay ng tropa. Ang abutin ng umaga kung saan magigising na lang sa semento, damuhan o kapag pinalad, sa sofa o malambot nilang kutson. Huwag na lang pansinin kung may suka sa ibang bahagi ng higaan o kung nasukahan na ang kainuman. Nakakamiss magwala sa bidyoke na kahit hindi maganda ang tinig ay naghuhumiyaw pa rin sa pagkanta dahil masarap kumanta lalo na at nakainom. Gusto kong makipagkuwentuhang muli sa mahabang gabi habang nanginginig sa lamig sa ilalim ng mga bituin. Ang sarap lang balikan ng mga hindi na matapus-tapos na kuwentuhan. Pagbabahagi ng napakaraming kuwento. Pag-amin sa mga tunay na damdamin o pagtatapat ng pagmamahal sa mga napupusuan. Hindi man mawala ang problema, sa tamang timpla ng alak, nararanasan nating maging manhid hanggang sa makawala sa bigat at sakit na nararamdaman. Hindi naman talaga tayo nakakalimot, pero kapag nalapatan ng alak, pakiramdam natin kakayanan natin ang mga problemang kinahaharap. Lumalakas ang loob. Nabubuhayan ng pag-asa. Hanggang sa maya-maya, bigla na lang hahagulgol. May pupunta sa isang tabi, habang tahimik na ilalabas ang lahat ng galit at sakit na nararamdaman. Tutulo ang luha. Pero muling babalik sa inuman para magpatuloy sa buhay.

Bakit hindi ka umiinom?

Sa tuwing tinatanong ako, nahihirapan talaga akong magpaliwanag. May mga bagay na dapat sarilinin ko lang. Hindi ko kailangang ipaliwanag ang sarili ko sa kanila. Pero masakit. Oo, nasasaktan ako sa tuwing kinakailangan kong tumanggi. Ilang inuman na yata ang natanggihan ko. Pipilitin nila ako kahit makaisang shot lang pero paulit-ulit lang akong tatanggi. Nahihiya ako sa bawat pagtanggi. Ang totoo, hindi ko naman talaga bisyo ang pag-inom. Hindi rin ako naninigarilyo. Pero naramdaman ko noon na kailangan kong makipag-inuman para sumaya, para makasabay, para makihalubilo at higit sa lahat, bilang pakikisama. Mababa ang alcohol tolerance ng katawan ko. Ilang shot pa lang, nalalasing na ako. Kaya para tumagal, minsan nagdadaya ako. Kunyari kakashot ko lang. Minsan nga, palihim kong itinatapon. Pero kapag matindi ang labanan, nakikipagsabayan talaga ako hanggang sa malasing. Umaayaw ako kapag hindi ko na kaya. Umaayaw kapag nararamdamang nasusuka na. Pero aminado ako na sa bawat pagkulit nila kapag ayaw ko na, napapatagay pa rin ako. Nagigising sa isang umagang papunta sa banyo para sumuka. Babalik sa kama nang hilung-hilo. Susuka ulit hanggang sa pagapang nang babalik sa higaan. Madalas noon, gabi-gabi kaming nagwawalwalan. Walang pakialam kung may pasok kinabukasan dahil kaya namang pumasok bago mag-alas otso ng umaga kahit na nakatulog ng alas singko ng umaga.

Bakit hindi ka nag-iinom?

Simula noong itinalaga ko na hindi na ako mag-iinom, napakaraming session ang napalampas ko. Hindi naman kasi pwedeng sumama ako tapos mamumulutan lang. Kaunting respeto naman sa mga kainuman. Nahihiya rin ako na nasa tabi nila ako pero ni minsan hindi ko magawang tumikim ng alak. Sa halip, tubig, juice o iced tea ang laman ng baso na hawak ko. Susuklian ko lang sila ng ngiti. Sasabihin na sagot ko na ang kuwento sa buong gabi. Tatanggi pero sa loob ko, nakakaramdam ako ng hiya. Dahil pakiramdam ko, nababastos ko sila. Napapahiya ko sila. Kaya para makaiwas sa paulit-ulit sa senaryo, minabuti ko na tanggihan na lang ang lahat ng imbitasyon lalo na kung mag-iinom lang naman. Depende rin sa mga kasamahan. Sanay na ang mga kaibigan ko kaya yayayain pa rin nila ako kahit hindi na ako umiinom. Pero kapag may mga bagong mukha, mga bagong imbitasyon, instant tanggi ako. Nakakapagod naman kasing gumawa ng dahilan. Nakakapagod ipagtanggol ang sarili. Nakakapagod magpaliwanag habang naiisip ko kung bakit kailangan kong magpaliwanag?

Bakit hindi ka umiinom?

Iyan palagi ang tanong nila. Tumigil ako sa pag-inom noong Pebrero 2016. Ang panahon kung saan lumabas ang resulta ng annual physical exam ng kumpanyang pinagtatrabahuhan ko. Disyembre 2015 pa naganap ang exam pero masyadong nahuli sa paglabas ng resulta. Noong panahon na iyon, napuno ako ng katanungan sa resulta ng medical exam ko. Pinagtawanan ko pa. Pinagtawanan pa namin dahil ikinuwento ko sa kanila. Hanggang sa naisipan kong magsaliksik sa sakit na meron daw ako. May tama na ang liver ko. Agad akong nagpaulit ng test na sinundan pa ng pangatlo. Pareparehas ang resulta sa kabila ng puspusan kong pagdarasal na sana mali lang ang resulta ng ape. Pero hindi. Totoo na ito. Ang katawan kong bihirang dapuan ng sakit, biglang sumuko. Walang senyales, hindi rin makikita sa panlabas na anyo at lalong walang panghihina. Normal lang ang lahat pero may sakit na pala ako. Halos madurog ang puso't isipan ko noon. Paulit-ulit kong tinatanong ang nasa itaas kung bakit ako pa. Sobrang sakit. Nanlambot ako. Nawalan ng pag-asa lalo na't baka makaapekto ito sa akin bilang empleyado. Ang daming naglaro sa isip ko. Baka wala ng tumanggap sa akin. Baka mawalan ng saysay ang limang taong pag-aaral ko sa kolehiyo. Baka hindi ko na maabot o makamit ang mga pangarap na binuo ko noon sa isip ko. OA? Oo. Dahil sobrang mahina o marupok ako pagdating sa pagharap sa mga karamdaman. Pakiramdam ko talaga noon, pinagsakluban ako ng langit at lupa. Takot akong magkwento. Ilang na ilang habang pinagpapawisan simula noong unang mga pagtanggi ko sa inuman. Disyembre naganap ang ape. Pebrero lumabas ang resulta. Sa pagitan ng buwan at mga araw, napakaraming walwalan pa ang nagawa ko. Halus araw-araw pa nga. Wala akong kamalay-malay na may sakit na pala ako. Sakit sa atay kung saan may mga virus sa mga dugo ko. Nakakapanlambot. Bihira talaga akong magkasakit. Siguro sa loob ng isang taon, isang beses lang akong nilalagnat. Minsan nga hindi pa. Ganun ako kalakas noon. Pero dinapuan pa rin ako ng sakit.

Bakit hindi ka umiinom?

Ang sabi ng doktor, mahina ang immune system ko kaya madali rin akong nadapuan ng sakit. Pinagbawalan ako sa pagkain ng matataba o mga pagkaing mamantika. Bawal na ring uminom ng mga softdrinks lalo na ng alak. Oo, ng ALAK. Nakakalungkot pero kailangan kong sundin. Maliban na lang sa pagkain ng mga mamantika at minsan sa isang taon, tumitikim din ng softdrinks kahit isang baso lang. Matapos kong malaman na may sakit ako, dalawang beses ko lang nagawa o napilitang uminom mula noong 2016 hanggang sa ngayon. Una, ang unang inuman kasama ang mga katrabaho ko. Ang tagal bago nila ako mapilit hanggang sa pinagbigyan ko. Kalahating baso ng red horse lang naman. Pangalawa, nang napasama ako sa bar. Dahil kaarawan ni tropa, panay ang alok niya na painumin ako. Tumatanggi ako pero para matapos na at wala ng paliwanag pa, sige, nakipag-inuman ako. Pero ang sabi ko, Tanduay Ice lang para mababa ang alcohol content. Tapos ayun, nakaanim o walong bote yata ang napainom sa akin. Pero sa totoo lang, nagustuhan ko. Para akong bata na miss na miss na ang ganoong gawain. 'Yong iinom ka lang, magsasaya hanggang sa masarap na matutulog. Sinubukan ko na ipaalam sa mga malalapit kong kaibigan ang kondisyon ko nang sa gayon ay malaman ko kung pandidirian o tatanggapin pa rin nila ako. Tinanggap naman nila ako. Simula noon, unti-unti ko nang natanggap ang sakit ko, ang sarili ko. Hanggang sa dumating ang punto na wala na akong ilang o sakit na nararamdaman kapag naaalalang may sakit ako. Hindi na ako naiilang o nahihiya sa bawat pagtanggi ko sa inuman. Natutunan kong yakapin ang sarili ko. Nanindigan na hindi na ako muli iinom ng alak. 

Bakit hindi ka na umiinom?

Kasi kailangan ko. Kailangan kong tumanggi sa bawat tagay at sa bawat paanyaya. Kailangan kong alagaan ang sarili ko. Kailangan kong mapanatiling malakas ang katawan ko. Kailangan ko dahil kailangan kong tumanda nang may malkas na pangangatawan. Kailangan kong magpatuloy sa buhay 
nang normal. Kailangang hindi ako mamatay ng maaga. Kaya kailangan kong iwasan ang alak. Pero hindi ibig sabihin noon na iniiwasan ko kayo. Kailangan ko lang pangalagaan ang sarili ko. Miss na miss ko na kayong makainuman sa iisang lamesa. Pero kailangan kong isipin din ang sarili ko. Natutuwa ako na sa kabila nang hindi ko na pag-inom, nandyan pa rin ang mga kaibigan ko. Na kahit hindi na ako tumatagay, niyayaya pa rin nila ako. Maraming salamat sa lahat nang hindi nagbago ang patingin sa akin. Ako pa rin naman ito, may sakit na nga lang. Hahaha. Ngiti lang. Maraming dahilan para maging masaya. Ngingitian ko lang iyang mga problema na iyan.

Bakit hindi ka na umiinom?

Siguro naman sa susunod ay hindi mo na ako tatanungin pa. Mahalin mo na lang ako bro. Tutal masarap akong magmahal. I love you.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento