Martes, Mayo 12, 2015

Tula Para sa Inang Guro

Minsan napapaisip ako kung sino ba talaga ang anak mo?
Ang chalk, blackboard, lesson plan o ang mga bata ba na hindi mo naman kaanu-ano?
Nasabi ko tuloy sa sarili "ang swerte ng mga batang ito"
Sapagkat natuturuan ng isang dakilang inang malapit sa puso ko.

Sa bawat estudyanteng iyong tinuturuan pinangarap kong isa ako sa kanila,
Nang sa gayon ay makasama kita kahit man lang sa loob ng eskwela,
Nais kong matuto sa bawat bigkas ng boses mo,
Nais kong sumulat gabay ang mga pangaral mo.

Nang ako'y namulat unti-unti kong nauwaan,
Ang pagtuturo mo pala'y para sa aming kinabukasan,
Maghapong nakatayo at napapaos kakapangaral,
Maubusan man ng tinta ang panulat ay patuloy pa ring lumalaban.

Sa bawat paglapat ng chalk sa blackboard ginabayan mo kami sa pagguhit ng aming pangarap,
Sa bawat pagkakamali ipinakita mo sa amin ang tuwid na landas,
Sa bawat pagkapaos ng boses inihihimig mo ang musika ng pagmamahal
Sa lahat ng ating pinagdaanan kailan ma'y di ka nagkulang.


Hindi ko alam kung paano ka masusuklian,
Kahit siguro gintong medalya ay hindi sasapat para sa iyong kadakilaan,
Hindi ko madalas masambit kung gaano kita kamahal,
Pero ramdam mo naman iyon kahit na sa pinakamaliit at simpleng paraan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento