Sabado, Marso 1, 2014

The Existence of An Endangered Specie

Oh mga freshmen, gulat kayo no?

Isang taon na rin pala ang nakakalipas nang nauso ang aking exotic na pagmumukha na bumulaga at bumago sa mukha ng pageant. Sino ba naman ang mag-aakala na ang dugyuting tulad ko ay mapapasali sa isang pageant o kompetisyon na para sa mga magaganda at gwapong nilalang. Pero sabi nga sa sumpa, “kung sino man ang nagiging class president ng ECE-V ay siya ring nagiging pambato sa pageant.” Kaya wala na akong nagawa. Biktima lang ako. Paano nga ba ako napili? Ganito kasi iyon!

Noong nasa third at fourth year ako, palagi kong iniisip kung ano nga ba ang pakiramdam ng mga sumasali sa pageant. Kaya habang nanonood iniisip ko na ako ang rumarampa, nagsusuot ng magagarang damit, kumakanta at sumasayaw sa talent portion, sumasagot sa Q&A at inisip ko rin na ako ang mga nakakakuha ng awards.

Pagdating ng fifth year hindi ko na ginustong mapasali sa mga ganoong patimpalak. Binalak ko kasi na pagtuunan na lamang ng pansin ang aking pag-aaral para sa pre-board exam bilang paghahanda na rin sa board exam. Dahil panibago ang taon, nagkakaroon kami ng mga bagong mga officer sa klase. Bago pa man maganap ang botohan ay may mga pinost na sila sa Facebook kung sinu-sino ang mga karapat-dapat sa mga naghihintay na posisyon. Good news! Wala ang pangalan ko sa kahit na anong posisyon! Tingin ko hindi ko rin naman kakayanin ang maging isa sa mga officer dahil napakarami ng nilalaan kong oras sa pag-aaral. Balak kong magpakatalino sa huling taon ng kolehiyo kaya bawal ang kahit na anong makakaagaw ng oras ko para tumalino.

Isang araw, naganap na ang botohan. Naibigay na ang lahat ng mga pangalan na napili para sa posisyong presidente. Sa labas ako nakaupo dahil hindi kami kasyang lahat sa isang maliit na silid-aralan. Samantala, kinausap naman ako ng aking kaklase. Tinanong niya kung magboboard exam ako. Umoo ako. Sinabi niya rin na may malaking discount sa mga review center kapag presidente kaya pinilit niya ako na tumakbo sa posisyong iyon. Wala yatang may gustong bumoto sa akin dahil noong naging bise-presidente ako ay halos wala naman akong nagawa para sa klase dahil tanging ang president, treasurer at secretary lang naman talaga ang palaging may obligasyon sa maraming bagay. Sinigaw ng kaklase ko ang pangalan ko kaya isinulat agad sa blackboard. Pinilit niya rin ang mga tropa niya na ako na lang ang iboto para maiba naman. Sa kabutihang palad, nagtagumpay siya! Halos lampas kalahati yata ang napagtripang iboto ako na parang katuwaan lang. Hindi ko alam kung paano maging isang magaling na presidente dahil sa pagkakaalala ko noong nasa hayskul ako ay isa akong napakawalang kuwentang presidente ng klase kaya naman kinabahan ako noong nanalo ako. Halos karamihan sa kanila hindi rin naniwala. Inisip na baka wala akong magagawa o magiging katulad lang ako ng iba na papetiks-petiks at sa simula lang mararamdaman. Pero noong naabsorb ko na ang lahat ay sinimulan ko na ang pagkilos. Sa tingin ko ay nagulat sila. Hindi nila inaasahan na magiging masipag, maasikaso at magaling akong presidente ng klase. Wala ako masyadong narinig na panlalait sa halip ay puro papuri hanggang sa matapos ang taon. Pagkagradweyt ko ay nagamit ko nga ang pagkapresidente ng klase sa review center na pinasukan ko. Sa halip na P9000 hanggang P11000 ay P3000 na lamang ang binayaran ko.

Masyadong magulo at mabangis ang mga kaklase ko lalo na kapag nagkakaroon ng miting sa klase. Ilang beses kaming nagbotohan para sa pagpili ng magiging escort at muse pero sa ilang beses na iyon ay wala pa ring napili. Naisip ko na baka mapilitan ang iba o kaya ay nahihiya kapag naisulat ang pangalan sa blackboard. Dahil kailangan na talaga ng representatibo ay paulit-ulit ko silang kinulit. Walang problema sa pagpili ng muse kaya sa escort na lang ako nagfocus dahil kakaunti lang naman talaga ang may lakas ng loob na humarap sa maraming tao ngunit ang problema ay nasa fifth year na kami. Ibig sabihin marami na ang naging konsorte at muse simula pa lang noong unang taon kaya naman naging pahirapan na para makuha ang simpleng “oo” nila. Araw-araw o tuwing may pasok ay tinatanong ko sila isa-isa kung sino ang gustong maging escort. Palagi ko rin silang tinetext sa tuwing may load ako at higit sa lahat ay  pinadalahan ko rin sila ng mensahe sa Facebook isa-isa. Dahil bigo pa rin akong mauto sila, isa na lang ang naisip kong paraan. Minabuti ko na kausapin sila ng masinsinan, lalaki sa lalaki, kapag wala masyadong nakakarinig o nakakakita nang sa gayon ay hindi sila mahiyang sumagot. May mga halos sumang-ayon na. Iyong tipong kaunting kembot na lang ay papayag na. Iyong iba naman ay nagpaalam muna sa magulang pero sa kasamaang palad ay hindi pinayagan. Habang ang iba ay gusto sana pero di ko inaasahan na sa kabila ng kagwapuhan nila ay may mga tinatago pala silang insecurities sa katawan. Naisip ko tuloy na kung sila ay naiilang sa mga simpleng insecurities paano pa ako na isang hamak na pangit?

Huling linggo na para sa ibinigay na palugit sa pagpili. Sa mga naganap na miting naging biruan na kapag walang napili ay dapat saluhin ng presidente tulad na lamang ng nangyari noong nakalipas na taon. Noong narinig ko iyon parang napaisip ako hanggang sa inisip ko na nga ang ganoong posibilidad ngunit kung mangyari man ay wala akong sapat na pera para matustusan ang lahat ng kailangan at gastusin. Sa kasamaang palad, ako na nga ang sumalo sa posisyon ng pagkakonsorte. Napapayag na rin ako dahil nagkataong sumakto na manalo ako sa dalawang contest ng PSICOM sa pagsulat. Ang premyong nakuha ko ang ginamit ko para sa lahat ng mga susuutin.

Sa simula pa lang alam ko na dehado na. Hindi naman kasi ako ganoon kagwapo. Ako iyong tipo na hindi lilingunin ng mga kababaihan kapag nakasalubong. Karamihan sa mga nagpapantasya sa akin kung hindi mga bata ay mga lola. Hindi ako sigurado kung naaakit ang mga bata sa akin. Palagi kasi nila akong tinitigan lalo na kapag nakatapat sa dyip. Pwede rin namang napagkakamalan nila akong unggoy sa zoo kaya namamangha sila. Alam ko na hindi ako mapapansin ng mga manood kaya naman in-enjoy ko na lang ang pagkakataon at sinulit ang bawat rampa. Pinag-isipan ko talaga kung anu-anong mga gimik ang gagawin sa entablado para kung hindi man sila maakit sa akin ay tatatak pa rin ako sa kanilang mga isip. Ang gusto ko lang ay maipakita kung sino ako hindi bilang isang kandidato kundi bilang ako. Napapansin ko kasi na karamihan sa mga sumasali ay nagiging iba kapag nasa entablado na. Hindi nakikita ng mga manood kung sino talaga sila at tapos na ang pageant pero kakaunti lang ang may naiwang marka sa mga manonood. Kaya ako nagpakatotoo. Pinakita ko ang ugali ko sa pang-araw-araw at tinanggal ang hiya. Gusto ko na matapos man ang pageant o lumipas man ang maraming taon ay isa pa rin ako sa mga maaalala nila kapag napag-uusapan ito. Kung sa bagay matagal ko na ring pangarap na maging modelo kaya naman ang mga pose kong pang-Bench model ay hindi ko ikinahiyang ipakita sa kanila. Sa sobrang lupit ay hindi ko inasahan na magugustuhan nila. Sa umaapaw kong confidence ganoon din kaapaw ang mga narinig kong palakpakan, tili at mga sigaw. Siguro nagulat sila. Iyon yata ang kauna-unahang pagkakataon na may isang malakas ang loob na gumawa ng mga kakaibang trip sa harap ng maraming tao na hindi kayang gawin ng iba. Ang daming humanga at ang daming sumakit ang tiyan sa kakatawa. Sa tingin ko nagsilbi rin akong isang inspirasyon para sa mga kapwa ko pangit dahil ni minsan hindi naisip ng iba na pwede pala. Pwede palang sumali kahit hindi kagwapuhan, kahit hindi kaseryoso at kahit hindi ganoon kalakas ang apil. Doon ko pinatunayan na ang pageant ay hindi lamang base sa itsura kundi kung ano ka sa kabuuan. Ang mahalaga ay ang magsilbi kang inspirasyon, masaya ka sa ginagawa mo at maipakita mo na hindi ka umuurong sa kahit na anong pagsubok sa buhay.

Sa lahat ng mga awards, isa lang ang natanggap ko. Ang sagot ko sa Q&A ang nagpanalo sa akin sa award na Mr. Wit at Mr. ECESS 2012. Akalain nyo nga naman na ako pa ang nanalo o nakasungkit ng titulo kahit isang award lang ang nakuha ko! Hallelujah beybe! Isang araw bago ang pageant ay tumambay ako sa opis kung saan doon ginagawa ang mga sash at kung anu-ano pang mga awards. Niloloko pa nila ako na sukatin ko na raw ang award dahil ako na raw ang panalo. Samantala, napansin ko na kulang ang mga troping nabili. Wala ang tropi para sa Mr. Wit kaya naman dali-dali silang pumunta sa divisoria para maayos at makumpleto. Hindi ko inasahan na iyong kulang na iyon ay ang award na mapupunta sa akin. Buti na lamang pala at napansin ko kung hindi ay mauunsyami ko pang mahawakan ang tropi. Kung hindi ko nasagot ng maayos ang tanong ay siguradong talo ako pero ayos pa rin kahit na mangyari iyon. Napag-alaman ko rin na sobrang liit lang ng nilamang ko sa puntos. Halos .01-.09 lang siguro. Nanalo rin ang partner ko! Sa huling taon sa kolehiyo, iyon ang pinaka-magical at unforgettable moment para sa batch namin. Halos lahat natulala sabay talon at kani-kaniyang rambulan na paakyat ng stage. Sa sobrang tuwa nila ay binuhat nila ako na parang ako ang mvp sa basketbol. Sa kasamaang palad ay bigla na lamang nila akong ibinaba o siguro hinagis yata nila ako dahil nabigatan na at saktong tumama ang tropi sa sahig kaya ito’y naputol. Bad luck siguro.


Mr. and Ms. ECESS 2012

Pictorial:


Luma lahat ng sinuot ko dahil kulang sa budget. Dapat nakalongsleeve lang ako pero mukhang nakulangan sila sa porma ko kaya naman pinasuot sa akin ang suot na vest ng kaklase ko.

Theme wear: Warrior


“Warrior” ang theme at manpower ang nabunot namin. Nagtitipid ako kaya Spartan na lang ang naisip ko. Pumunta lang ako sa junk shop para makakuha ng pwedeng materyales at saka ako nagpaper-mache! Sa madaling salita ako lang mismo ang gumawa ng costume dahil wala akong pambayad ng handler. Pinatahi ko na lang ang tela. Iyong bakal na sibat ay nakita ko lang sa gilid ng bakuran namin. Ilang araw at ilang subok ko ring pinaghirapang gawin ang costume kaya hanggang ngayon ay nakatago at iniingatan ko.

Sportswear: Wushu


Kung saan-saang shop na ako pumunta pero napakahirap pala talagang maghanap ng mga susuutin. Kaya sa pagod pinili ko na agad iyan kahit na alam kong hindi ganoon kalakas ang apil kung ikukumpara sa iba. Mahilig din ako sa mga damit na kulay chocolate brown kaya pwede na.

Casual Wear:


Wala akong pambili ng isusuot sa casual wear noon kaya naman noong nalaman kong ako na nga ang escort ay hindi ko muna ito sinuot sa iskul para naman magmukhang bago kapag inirampa ko na.


This is what you’ve called “DeQuiPose.” Itong mga pose na ito ang nagpasikat sa akin at naging dahilan kung bakit ako nakilala at minahal ng mga manonood. Normal kasi sa isang pageant na maging pormal ang mga kilos at wala pang gumagawa ng mga bagay kung saan pwede silang magmukhang baduy. Sa madaling salita, mukhang ako yata ang kauna-unahang makapal ang mukha ang hindi natakot na magmukhang jologs, katawa-tawa at hindi nahiya kung maging pangit man ang itsura ko sa entablado.

Talent Portion:


Sabi ko sa mga kaklase ko, kakanta ako ng "Like a Rose." Tapos yun! Pinagalitan lang nila ako! Pinigilan nila ang pangarap kong magwala! “Grow Old With You” ang kinanta ko. Ang hindi ko lang maintindihan, maganda ang boses ko kapag nasa bahay pero kapag pala nasa harap na ng maraming tao ay umuurong din at nagsisintunado. Di ko rin natutunan na sabayan ang isang tugtog o minus one. Sabi nga nila, nasa tono pero wala naman sa tiyempo. Pagkatapos ng kanta ay sumayaw naman ako ng hapit!


Ako talaga ang hindi nakalongsleeve? Sabi nila e kaya sinunod ko na lang para naman daw maiba kasi noong napasama ako sa dance contest noong General Assembly ay puro kami nakalongsleeve at medyo hawig o katulad ng mga steps doon ang ginawa rin naming sayaw sa talent dahil sa kakulangan sa oras.

Formal Wear:


Sabi nila kapangitan daw ako este iyong formal wear ko. Ewan ko ba pero noong nakita ko ‘yan sa shop nagustuhan ko agad o siguro mahilig lang ako sa checkered at saka naastigan lang ako sa design dahil parang KPOP pero di ako mahilig sa KPOP. Sa lahat ng nandoon, ‘yan lang talaga ang pinakasumakto sa maliit kong katawan. Karamihan sobrang hahaba kaya bawal ng magpaka-choosy gayong maliit lang naman ang budget ko. Ang pantalon ko naman ay sobrang luma at halatang hindi bagay sa pang-itaas. The show must go on na lang. Napasubo na e.

Q&A


"As one of the candidates, what do you think is your asset or personality that will stand-out to be the the next Mr. ECESS 2012?"


(Nagtilian at nagsigawan ang mga manood)


"Hinay-hinay lang mga girls!  
That English question deserves an English answer.  
Joke lang!  
Asset o personality trait… 
Pagiging palaban! 
Dahil kahit na anong hamon o pagsubok ang dumating sa amin hindi kami nagpapatalo. Bugbugin man kami ng matitinding equations, pilayan man kami ng markang tres o singko hindi kami sumusuko. Sa halip, mas nagsusumikap at nag-aaral kaming mabuti nang sa gayon kami'y maging mas mahusay na estudyante, maging magandang ehemplo at higit sa lahat, maging kapaki-pakinabang na future Electronics engineers."

Nabigla sila sa dire-diretso kong pagsagot. Natyambahan ko kasi na ang nabunot kong tanong ay iyong pinakapinaghandaan ko kaya sobrang hindi na ako huminga sa pagsasalita. Napatayo rin ang titser ko kasabay ng malakas na hiyawan at tili ng mga manonood.

Awarding:





Akala ko niloloko lang ako ng klasmeyt ko na ipagpapagawa niya raw ako ng tarpaulin. Hindi ko alam na tototohanin niya pala. Maraming salamat.



Pagkatapos ng pageant ang dami kong natanggap na papuri at madami rin ang nagsabing napahanga ko sila.



Hindi gumagalaw ang imahe pero sa tuwing pinagmamasdan ko ito ay nanariwa ang alaala noong ako ay nanalo at maging ang pakiramdam na naramdaman namin ay bumabalik.


Mr. and Ms. PUP 2013


Sa sobrang tuwa ng tatay ko dahil sa maraming biyaya na natanggap ko ay siya na ang nagkusang nagpapirma ng lahat ng hawak kong Piso Campaign kung saan na-sold-out! Noong nakilala ko ang mga makakalaban parang wala ng bago. Tulad ng inaasahan ako na naman ang pinaka-endangered at pinaka-exotic. Nang nalaman ko naman ang buo nilang pagkatao, namangha ako. Bihira lang akong makatagpo ng mga tao na may magagandang katangian sa kabuuan. Ni isang kapintasan ay wala akong masabi. Masarap silang kasama at hindi ako nahirapan na makipagpalagayan ng loob. Naging magkakaibigan agad kami kahit sa sandaling panahon pa lang kaming nagkakakila-kilala.

Alam kong sinuwerte ako sa Mr. ECESS pero di ko na inasahan na mananalo ako sa Mr. PUP. Tulad ng sinabi ko, bad luck ang pagkaputol ng tropi. Mas level-up at mas intense na rin ang kompetisyon. Noong nakilala ko sila, alam ko na agad kung sino ang mananalo at kung sinu-sino ang mga makakakuha ng ganito o ganyang award. Kahit ako, bilang isang kandidato ay hiniling din na makuha nila iyong mga awards na nararapat para sa kanila. Hindi ko na inasahan na makakakuha ako ng award noon pero hiniling ko na kahit isang award lang ay masungkit ko. Tulad ng inaasahan ko ay nabigo nga ako at wala ni isang naiuwing award pero ayos lang dahil iyon na ang insahan ko sa simula pa lang. Madami rin ang umasa na masasagot ko ulit ng maayos at maganda ang tanong sa Q&A pero nabigo ko rin sila. Ang tanong na nabunot ko ay napaghandaan ko noong ECESS Week pa kaya kinalimutan ko na dahil inisip ko na iba na ang mga maaaring itanong.

“Kung mayroon ka na lamang isang araw, paano mo ito gagamitin?”

Ito ang pinakaayaw kong tanong. Simple kaya simple at walang dating lang din ang naisip kong sagot.

“Kung mayroon na lang akong isang araw… gagamitin ko ito… para makasama ang aking pamilya…(Nagpalakpakan at nagtilian. Hindi ko na sana dudugtungan dahil naisip ko nagustuhan na nila ang sagot pero masyado yatang maikli kaya sinundan ko nang kung anong unang pumasok sa isip ko.) Pagsasama-samahin… Pagbuklud-buklodin… at sama-samang magdarasal sa Diyos… nang sa gayon ang maikling panahon ay maging katumbas ng mahabang panahon…” 

Siguro kung naitanong iyan dati baka ganyan din ang sagot ko. Hindi ko talaga gusto kapag ang sagot ay may kinalaman sa pamilya kung saan nagiging plastik ang sagot ko kaya alam kong di nila iyon nagustuhan. Hindi kasi ako makapamilya. Sa katunayan, hindi nila alam na sumali ako noon sa Mr. ECESS. May nagpaalam lang noong nanalo na ako.

Sabi nga ng iba baka will ni God na hindi ako manalo. Bago pa maganap ang pageant iyon na ang nasa isip ko. Sobrang suwerte ko kasi noong taong 2012 kaya parang sobra-sobra na kung mananalo pa ako roon. Noong 2012, napasama ang tatlo kong blog sa librong “SOPAS” at “Cool Iskul” ng PSICOM. Nanalo ako sa Pinoy Exchange ng concert ticket ng Lifehouse na ginanap sa Araneta Coliseum kung saan si Mark ang isinama ko para na rin may matulugan dahil wala ng biyahe sa amin panigurado. Nanalo rin ako ng isa pang promo sa kanila. Naging presidente ako ng klase at naging Mr. ECESS 2012.


Pictorial:

Ginanap ito sa Puerto Azul sa Ternate, Cavite. Dahil sa panunulisit ng tatay ko nakabili ako ng susuutin para sa pictorial. Longsleeve sa Divisoria na ikinagulat kong pwede palang tawaran ang mga tinda roon. Pantalon at sapatos sa mga tiangge saTagaytay.

Sportswear:



Muay Thai talaga ang nabunot ko pero nagpalit lang kami ng partner ko dahil mas trip niya iyon kaysa sa baseball. Sa lahat ng attire ito ang pinakanagustuhan ko. Nakasuot din ako rito ng contact lens na hindi ko inasahan. First time ko noon kaya halos maluha-luha ako sa simula. Lakas makaartista!

Theme Wear: Exotic Asia


Thailand ang bansa na nabunot namin para sa theme wear kung saan pinag-aralan ko kung paano bumati gamit ang kanilang lenggwahe.

Swimwear:


Exotic na exotic lang oh! Pwede na akong commercial model ng katol o kaya ng alkampor! Dalawang buwan lang ang pagitan ng dalawang pageant kaya naman pagkatapos ng una ay halos nakaapat hanggang anim na beses yata akong pagpunta sa gym para palakihin ang dapat lumaki. Tumigas naman ang mga masel ko at kahit papaano ay nagkaroon ng hubog pero hindi pa rin sapat dahil sa kapayatan ng katawan ko. Dinaan ko na lang sa pose ang lahat!

Production Number:


Dahil Exotic Asia ang napiling theme, KPOP ang aming naging mga kasuotan.

Talent Portion:



“It Will Rain” naman ang kinanta ko. Tulad ng dati, mas maganda ang boses ko sa backstage kaysa noong nasa entablado na ako. Sa pagkakataong ito, nasa tyempo ako pero wala naman daw ako sa tono. Ang daming nadismaya sa kinanta ko. Sobrang sintunado! Tapos sinayaw ko ang “Evolution of Dance” ni Vhong Navarro kaya nakabawi. Pagkatapos ng sayaw natapakan ko ang mikropono na nilapag ko sa sahig pagkatapos kong kumanta. Para di mapahiya nagpose na lang ako ng pinauso kong "DeQuiPose" kung saan nabulabog ang buong gym sa sobrang lakas ng tilian at hiyawan. Pagbaba ko ay pinuri nila ako na ang galing ko raw. Siguro dahil nagawa ko pa ring masaya iyong pagkadulas ko.

Formal Wear:


Medyo nainis ako sa mga handlers ko noon. Ang mahal ng bayad tapos mga luma ang ipinasuot sa akin. Nagulat ako dahil wala silang dalang pantalon para sa formal wear kaya naman iyong suot na pantalon ng handler ang ipinasuot sa akin kahit doon sa production number. Hindi rin ako nagandahan sa style ng amerikana kung saan sira pa ang butones kaya naman niremedyuhan na lang. Wala rin silang dalang neck tie kaya nagpapasalamat ako sa kaklase dahil hindi ko inasahang may dala siya noon. Nagdala ako ng sapatos pero pangit daw. Pangit din ang mga dala nilang sapatos kaya naman pinahiram ako ng handler ng partner ko kaso hindi kasya. Kaya sinuot ko na lang kung ano man iyong dala nila. Hindi rin naman siguro makikita kasi mataas ang stage. Ang totoo mali ang nakontak kong handler. Mali pala ang pagkakaintindi noong kinausap ko para makontak iyong tao na tinutukoy ko. Habang papalapit ang pageant naisip ko na magpalit na lang ng handler dahil nakontak ako ng handler na tinutukoy ko sa simula pa lang. Sobrang sigurado na ako sa gagawin kong desisyon kaya naman pinaalam ko na sa kanila na magpapalit na ako ng handler kahit na nakabayad na ako ng down payment. Hindi ko rin kasi sila madalas makontak. Sa huli, napag-isip-isip ko na siguro dapat magtiwala na lang ako sa kanila. Nakakahiya naman siguro na kinontak ko sila tapos bigla kong aayawan. Pero ayos lang, nandiyan na e. Naging mabait naman sila sa akin at mabubuti naman silang mga tao. Nagkataon lang talaga na inakala kong sila na nga iyong handler na gusto kong kontakin. What a twist! Pero mali rin siguro ako dahil hindi ako pumunta sa kanila para sa dress rehearsal. Hindi ko kasi alam kung paano pumunta doon kaya nagkita na lang kami sa isang lugar para sa pag-abot ng down payment. Hindi tuloy nalaman kung kakasya ba sa akin ang mga isusuot at kung sasang-ayunan ko ba. Medyo malungkot kasi minsan lang maganap ang pageant at pwedeng hindi na maulit tapos hindi pa naging maayos ang lahat.

Sa katunayan mas masarap sa pakiramdamam at mas masaya ako noong unang pageant. Siguro first time kaya normal siguro na ganoon ang nararamdaman. Sa sumunod na pageant sobra akong nakaramdam ng stress at pagod hindi dahil sa kaba kundi dahil sa mga problema sa pinansyal at sa handler. Kahit sa mga praktis palagi rin akong napapagalitan dahil parang nawalan na rin ako ng gana at parang lutang lagi ang isip ko.

Hindi na dapat namin itutuloy ng partner ko ang pagsali dahil sobrang namroblema kami sa pinansyal. Nasa ikalimang taon na kasi kami kung saan napakarami naming pinagkakagastusan tulad na lang ng thesis at pagpunta sa Baguio. Kung sasali pa kasi kami sa pageant parang lulubog na kaming dalawa dahil wala na kaming mapapagkunan ng salapi. Sinabi namin sa mga kaklase namin na baka hindi na kami tumuloy pero siyempre hindi sila pumayag. Nasimulan na namin kaya dapat lang na tapusin. Kaya lubos akong nagpapasalamat sa lahat ng bumubuo sa organisasyon namin para sa tulong na pinansyal na naging dahilan para ituloy ang laban. Salamat po.



Pagkatapos ng awarding dumiretso na agad ako sa kuwarto kung saan nandoon lahat ng gamit ko nang sa gayon ay maayos at malikom ko na. Maya-maya ay may narinig akong mga boses na tumatawag sa pangalan ko. Umakyat pala ang mga kaklase ko para magpapiktyur, kamustahin at pagaanin ang loob ko. Nagbitaw sila ng mga salita na talaga namang napakasarap pakinggan at nakakataba ng puso. Hindi ko talaga inasahan na pupuntahan pa nila ako gayong halos alas nuwebe na ng gabi natapos ang pageant at baka wala na silang masakyan. Doon ko napatunayan na anuman ang mangyari ay walang iwanan. Pinatunayan nila na mahalaga at sinusuportahan nila kami sa simula hanggang sa huli. Palagi silang nandiyan sa oras na may mangailangan ng tulong at ng makakausap na kaibigan.

Sa mga sumunod na araw pagkatapos ng pageant ay nagulat ako sa mga natanggap kong mensahe. Ang daming bumati at nagpaabot ng “congratulations.” Noong una ay hindi ko agad naintindihan dahil hindi naman ako ang nanalo kaya walang dahilan para ikongrats nila ako. Pero sabi nila ay napahanga ko raw sila at kahit na natalo ako ay naging maganda at magaling naman daw ang lahat ng ginawa at ipinakita ko kaya hindi sila nagpapigil sa pagbati.



Makalipas ang isang taon, bumalik ako para sa farewell walk.


The Comeback



Dear Yolanda, wag ka munang dadaan sa Maragondon. Hayaan mo muna akong magpose.” Huling pose ko sa iskul! Medyo mas pumuti at tumaba na ako hindi tulad noon na nagmumukha akong maliit kapag katabi ang ibang mga kandidato sa pageant.


Mga tunay na kaibigan na sadyang umabsent sa trabaho para sumuporta at mapanood ang huling rampa ko bilang Mr. ECESS! Hindi na dapat talaga ako pupunta dahil gradweyt na kaming lahat at inisip ko na wala ng kaklase ko ang makakapunta para manood pero mali pala ako. Sa kabila ng malakas na bagyong Yolanda ay pumunta pa rin sila at sumuporta. Maraming salamat sa inyo mga pre!



Farewell Speech

Nagpapasalamat ako sa Diyos para sa lahat ng oportunidad at biyaya na ibinigay niya sa akin. Nagpapasalamat ako ng lubos sa Kaniya para na rin sa lakas ng loob at para sa mga solusyon sa lahat ng naging problema lalo na sa pinansyal. Nagpapasalamat ako sa mga magulang ko dahil inanak nila ako. Dahil sa kanila may kinatutuwaan kayo ngayon.

Pasasalamat para sa mga sumusunod:

  • Kay Abis, Mr. ECESS 2010 para sa pagpapahiram ng sinuot kong amerikana na sinuot niya rin noong nag-farewell walk siya. Nakatipid tuloy ako.
  • Kay Jernest at Gil for teaching me how to dougie mula ECESS Week hanggang Mr. and Ms. PUP 2013 as well as Maryel, Imie at Judy. Maraming salamat ulit kay Gil dahil siya ang dahilan kung bakit ako naging presidente at kusa rin siyang nag-alok ng tulong para sa talent portion sa pageant. The best ka pre!
  • Kay sexy Nying, Kit at Grabol para sa napakalupit at makabasag pinggang pagtili pati na rin sa tropang Addiktz na naghawak ng tarpaulin at flashcards na ako pa ang gumawa. Ako kasi ang presidente kaya pakiramdam ko ako rin ang dapat gumawa ng mga props na hahawakan nila.
  • Kay Lesilyn para sa walang sawang pagsingil sa Piso Campaign.
  • Kay Scarleth para sa pagpapagawa ng tarpaulin na dume-Derek Ramsay.
  • Kay Mark para sa malaking tiwala at suporta na ibinigay niya noon. Miss you bro!
  • Kay Karla G. na nanood ng ECESS pageant.
  • Kay KJ na nakasabay ko sa dyip at tinulungan ako sa pagbaba ng mga gamit at kay Monton at Jernest na siyang nagpatuloy sa pagdala ng mga gamit hanggang sa gym. Salamat ulit kay Jernest dahil nautusan ko siyang bumili ng meryenda noong nakaramdam ako ng gutom.
  • Kay Faye na partner ko na napakatagal ko ring nakapalitan ng kung anu-anong suhestyon at payo. Salamat sa tulong at suporta.
  • Kay Obee at Sir De Guia bilang instant photographer. Dahil sa napakaganda nilang camera ang dami kong remembrance na mga litrato.
  • Kay Renz para sa pagpapahiram ng neck tie na dinala niya talaga para sa pagbabakasakali na kakailanganin ko. Salamat din sa pagpapatulog sa bahay niyo at sa masarap na pagkain.
  • Kay Nying, Abis, Nikko, Kenneth, Gil, Renz, Arnold, Itoc para sa pagsama sa aking pagpasa ng korona kahit na may bagyo.
  • Kay Joseph na nag-asikaso sa makokolektang pera na tulong para sa aming candidates at sa pagpapatulog niya sa akin ng libre sa kanilang dorm pati na rin sa pagpapahiram ng vest.
  • Kay MJ na make-up artist na nirekomenda ni Fe. Salamat sa pagpayag kahit mura lang bayad. Halos ang daming foundation na naubos matakpan lang ang dapat takpan.
  • Kay Kuya Rhage na nagturo sa aking sumayaw ng husto at punong abala sa pageant.
  • Kay John Edrick na tumawag sa akin habang ako ay nasa stage sabay senyas na "okay lang."
  • Kay Dhanes para sa make-up.
  • Sa lahat ng mga handlers.
  • Sa mga paborito kong titser na sina Mam Nuera at Mam Ambulo.
  • Sa mga candidates na nakasama ko na naging mga kaibigan ko na rin. Mr.&Ms ECESS: Faye, Roi, Brigette, Eli, Carissa, Jeff, Jillian, Angelito, Ghieline. Mr.&Ms.PUP: Nhie, Elmar, Noimie, Flick, Daizyree, Erjay, Danielle, Francis, Faye, Peter, Alychie, Julius, Maricris.
  • Sa lahat ng ECESSians, Professors at PUPians na natuwa, nagulat at nakisabay sa mga kakaibang trip ko sa buhay.
          
Joining a pageant is not only about the physical appearance but also on how you are capable of making new friends, how you share your personality and how you can be a role model for the people to be inspired to. Manalo man o matalo, iyong katunayan na isa ako sa mga napili at pinagkatiwalaan ng mga kaklase ko na sumali sa paligsahang ito ay napakalaki ng karangalan para sa akin. Kung tutuusin kakaunti lang ang nabibigyan ng pagkakataon at kakaunti lang din ang nagugustuhan nilang lumahok kaya naman hinding-hindi ko ito malilimutan hanggang sa aking pagtanda. Maraming salamat sa lahat ng tumili, pumalakpak, naumay, napasipa ang paa at sa lahat ng nakisakay sa mga kabasagan at trip ko. Maraming salamat sa ECE-V para sa walang sawang pagsuporta. Iyong pinakita ninyong pagmamahal at iyong katunayan na hindi ninyo ako iniwan ay ang pinakamasayang naranasan ko. Pinatunayan ninyong nandito lang tayo para saluhin ang bawat isa. SARAP! 


Muli, maraming salamat.

Hanggang sa muling pagkikita at pagrampa.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento