Linggo, Enero 5, 2014

Papasok na ko!

“Kring…kring…kring…” tunog ng alarm mula sa selpon ko na bukod sa walang send to many ay bigla na lamang nawala ang aykon ng network noong ito’y bumagsak. Sa tamang lohika, ibinagsak ko ulit ito sa pagbabakasakaling bumalik pero di ako nagtagumpay.  Mula sa limang oras na pagkakatulog, bumangon na ako sa higaan para hindi na ulit mahuli sa klase. Tulad ng nakasanayan, ako lagi ang nahuhuling maligo kahit ako ang may malayong pinapasukang eskwelahan. Bago pumasok may pitong bagay lamang ang hindi ko dapat kalimutan:

-ang calculator ko na may istiker ni Avril Lavigne sa likod. Sobra kong hinahangaan si Avril at sobra kong natuwa noong nalaman kong kapangalan ko pala ang asawa nya at noong nalaman ko saka naman sila biglang naghiwalay, naisip ko tuloy ako ang may kagagawan. Apat na taon ko na ring gamit ang calculator at medyo nasisira na, sana lang dinggin ng maraming santo ang hiling ko na mapanalunan ang calculator sa gaganaping rapol sa aming organisasyon sa eskwelahan.

-ang payong ko na kahit papaano tumagal na rin ng ilang taon. Sa susunod itatago ko na ito sa bag kahit medyo basa pa, naiinis kasi ako kapag itinatakas ito ng kapatid ko na walang ginawa kundi ang manguha ng gamit. Naiwala nya ang payong nya at yung akin naman ang pinag-iinteresan. Halos nakipag-ilagan pa tuloy ako sa ulan para lang makapasok pero bago iyon nanood muna ako ng Sponge Bob habang hinihintay na humina ang ulan.

-ang panyo ko na minana ko pa sa nakatatanda kong kapatid at yung isa naiwan lang ng kaklase ko sa bahay at dahil di na nya binalikan akin na lang. Ang hirap kapag walang panyo, sa init ng panahon hindi pwedeng hindi maglalapot ang pagmumukha ko. Di ako makabili ng sarili kong panyo, bukod sa namamahalan ako ang papangit pa ng mga tindang nakikita ko.

-ang usb na kailangan ko talagang dalahin para makagdownload ako ng porn videos este para pala kapag may biglang pinagawa na research ang propesor ko na sa wakas ay natandaan na rin ang pangalan ko.

-ang selpon ko na kahit walang nagteteks kailangan pa ring dalahin. Madalas akong magteks pero ewan ko ba kung bakit ayaw nila akong iteks. Virus ba ko na kapag nireplayan maaari silang mahawa? Kaya naman kadalasan ginagawa ko na lang itong salamin pagkatapos magpolbo sabay tanong sa katabi na “maitim ba?”

-ang mura kong polbo sa halagang onse pesos. Sa itsura kong ito mukhang rekwayrd talaga ang magpolbo. “Pangit na nga di pa magpopolbo.”

-at syempre ang pinakamahalaga sa lahat ay ang baon! Kung wala nito papaano ako makakapasok at mamamasahe? Pero nakakatuwa dahil kada taon nadadagdagan ng sampung piso ang baon ko at kahit na ganoon madalas umiisip pa rin ako ng anumang bagay na kunwari ay babayaran namin, kurakot? Yan ay isang bahagi lamang ng pagiging estudyante.

“Nakanampuch,” salitang bigla kong nabitawan ng paalis na ang dyip noong dumating ako sa paradahan, ayaw ko na namang sumabit dahil bukod sa nakakangalay talaga magugulo pa ang kulot kong buhok na matagal kong sinuklay. Madalas may nagtatanong sa akin kung nagsusuklay pa raw ako, mukha raw kasing di nagugulo at kahit makipagsapalaran pa ako sa malaking ipu-ipo mukhang di gagalaw kahit isang hibla. Habang nakaupo sa loob ng dyip at nagbibilang na naman ng mga pasaherong dumadating, milyun-milyon na naman ang mga ideya at katangahan na pumapasok sa isip ko. Minsan nga naisip ko na wag na lang mag-isip pero kahit anong gawin ko at dahil sa tagal mapuno ng dyip hindi ko rin mapigilan. Paano nga ba ang mag-isip ng wala?

“Walo pa at aalis na yan,” wika ng dispatser kahit ang totoo alam namin na anim lang talaga dapat ang kulang. Malamang siksikan na naman at bukod doon marami pa ang magsisisakayan mula sa mga lugar na madadaanan. Di na ko nagtataka sa kung anumang senaryo ang maganap dahil malamang kahit may nakalagay na bawal ang sumabit di maiiwasang mapuno na naman ang sabitan pati na rin ang loob maging sa gitna ay may mga nakahandusay at nakaluhod habang nakahawak sa tuhod ng iba. Kakaiba talaga ang mga pwedeng maganap sa loob ng dyip, magkakatinginan na lamang ang mga pasahero, lingon sa kaliwa, lingon sa kanan, may nagteteks, may iba na may muta pa sa mata at may nakikinig ng mga kanta mula sa gadyet nila na kahit may earphone ng gamit dinig pa rin sa buong dyip ang tugtog. Kung gusto nilang magpahili bakit hindi na lang nila sabihin ng diretso hindi yung pati ako naririndi sa musikang tipo nila. “Kainis nga e, ang aga kong pumunta dito tapos ang tagal pa palang mapuno ng dyip,” teks ng katabi ko sa kaliwa. “Woot woot…ayun…naiinip na talaga ko mahal ko, teks ka pag nandyan ka na ha,” teks ng katabi ko mula sa kanan. Madalas kapag wala na talaga kong maisip nagbabasa na lamang ako ng teks ng iba kaya naman kahit di ko sila kilala madalas may nalalaman akong sikreto nila. Sa wakas, umandar na rin ang dyip na di ko inasahang nasa loob pala ang tambutso. Apaw na naman na mukhang lumulungad na sa dami ng pasahero nang biglang may sasakay ulit. “Kuya puno na po yata,” galit na wika ng ale kahit alam nyang puno na talaga noong bago pa sya sumakay. Dahil sa angking talino ng drayber doon nya pinaupo ang ale sa tabi nya.

Himala at nasa oras ang pagdating ng propesor namin na nakasanayan na naming makitang huli. Reporter kami ngayon at kailangan pa ring magreport kahit wala naman talagang nakikinig. “Ang mahogany ay natatagpuan sa likod ng kapitbahay namin, katabi ng puno ng mahogany ay ang puno ng santol na bilog ang bunga, berde pag hilaw, dilaw pag hinog at kayumanggi pag bulok. Kung ano man ang kinalaman noon sa mahogany ay hindi ko rin alam kaya naman pumunta na tayo sa susunod na paksa,” report ko na tulad ng nakasanayan hinaluan ko na naman ng katangahan. Pagkatapos ng report balik na naman ako sa pagkakaupo at muli na namang iikot ang mata ko para pansinin ang mga bagay di ko mapigilang pansinin.

Marami na naman ang nagtsitsismisan, may nag-aaral, nag-aaral-aralan, natutulog, nagseselpon, may mukhang di na humihinga sa likod at ang iba naman ay nasa labas. Paulit-ulit lang ang mga senaryong nagaganap sa araw-araw. Isa na dyan ang iba’t-ibang sulat na nagpapahayag ng damdamin sa mga pader at sa mga nasisira ng mga upuan, sa sobrang dami ng bandalismo mukhang kahit ayaw ko ay nasasaulo ko na ito . Ang mga babae kahit ang mga lalake ay animo’y may dudukuting mahalagang bagay  sa bag pero polbo lang pala, pahid sa noo, pahid sa pisngi, pahid sa leeg at labu-labo na. May iba namang tahimik sa likod na animo’y nagdadasal ng taimtim pero nanonood lang pala ng porn gamit ang selpon na talaga namang pinuno ang karga bago pumasok hindi dahil sa pagteteks kundi dahil sa panonood. Kaya kapag may pagtitipon na nagaganap alam na ng lahat ang ibig sabihin habang ang ibang kababaihan ay naiinis na. Sa tingin ko wala silang crush sa loob  ng silid-aralan dahil kung mayroon man ay magpapanggap sila na di nililibugan para dagdag pogi points tulad ko na kahit sa loob-loob ko ay gustong-gusto ko ng makinood. Yung isa ko namang kaklase masyadong mapagpapaniwala na dapat subsob lagi sa pag-aral kaya naman yung mukha nya isinubsob nya sa notbuk, naisip ko tuloy kung ano nga bang ginawa nya sa matalinhagang salita ng dapat magsunog ng kilay. Yung isa naman naglalabas ng kakaibang tunog na parang nagtatawag ng masasamang ispirito pero ang tungag tulog na pala. May isang grupo ng kababaihan na masaya na namang nagtsitsismisan habang nakatingin sa akin. Sa tingin ko iniisip na naman nila kung bakit ako may tsokolate sa mata, dugo na naipon dahil tinusok ng kapatid kong hudas noong mga bata pa kami. Bakit kaya ganoon, ang daming seryosong mukha ang tumitingin sa akin at kapag tiningnan ko naman sila iiwas at mapapatawa. Nakakatawa ba talaga ang mukha ko kaya naman pag malungkot sila mukha ko ang pinagtitripan nila? Sa likod ako nakaupo kaya naman kitang-kita ko ang lahat pati na rin ang katotohanan na kahit may load ang crush ko ay hindi nya ko magawang iteks kahit palagi ko naman syang tineteks. Kapag ganito ang mga sitwasyon, mabuti pang umub-ob at magpanggap na natutulog na lamang.

“Guys,wala  na pong klase sa susunod na sabjek wala kasi si Sir,” sigaw ng pangulo namin mula sa unahan na parang mapuputol na ang ugat sa leeg masabi lang ng malakas ang anunsyong ikakatuwa ng lahat maliban sa akin. Hindi na ko natutuwa sa tuwing nawawalan ng klase dahil sa sobrang dami ng nagaganap na kanselasyon wala na kong natututunan. Isa pa, malamang uwian na at  parang nakapanghihinayang ang pagpasok dahil isang beses lang naganap ang klase. Syempre, bago umuwi at ilantad ang aking pagmumukha sa madla kailangan ko munang magpolbo nang sa gayon ay makasabay sa uso.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento